Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Walang Tayo by Carmie Lopez

🇵🇭carmielopezmckay
--
chs / week
--
NOT RATINGS
43.7k
Views
Synopsis
“Huwag mo akong pagtawanan dahil galit na galit ako sa ‘yo, lalo na sa sarili ko. Wala akong karapatang maramdaman lahat ng ito, pero ‘di ko mapigilan dahil mahal kita.” Sumasakit ang ulo ni Gianelli dahil sa kaibigan niyang si Bea. Wala kasi itong ginawa kundi ang ireto siya sa kung sino-sino. Nape-pressure ito dahil malapit na raw mag-gooodbye ang edad niya sa kalendaryo. Mas takot ang kaibigan niya na tumunda siyang mag-isa. Well, wala naman siyang pake… noong una, pero nagbago ang lahat nang makilala niya ang pinsan ni Bea. Sweet, maalaga, gentleman, nasa binata na yata ang lahat ng hinahanap niya sa isang lalaki kaya ipinagdasal niya sa kanyang kaarawan na sana ito ang ibigay ni Lord sa kanya. Ang problema, mukhang wala siyang mapapala sa binata. Malabong relasyon lang ang mayroon sila kaya bago pa siya tuluyang mahibang dito ay nagpasya siyang layuan ito. UNEDITED SPG
VIEW MORE

Chapter 1 - Chapter One

"Momshie K, hahabol tayo. I know that your team can do it and you can do it. You still have a week para makahabol sa quota. If you need anything or if you encounter any problem, please don't hesitate to approach me. Okay?"

    "Salamat, Gia."

    Sales Manager si Gianelli sa isang top insurance company. Hindi siya nagpapatawag ng ma'am sa mga empleyado lalo na kung mas matanda sa kanya.

    "You're welcome," nakangiti niyang tugon. Binalingan niya si Mike, isa sa mga financial advisor na under sa team ni Momshie Karen. "Mike, please call all the other unit managers and financial advisors."

    "Okay, Miss Gia."

    Lumabas mula sa conference room si Mike. Makalipas ang ilang minuto ay nakabalik na ito kasama ang mga ipinatawag niya. Nagpatawag siya ng meeting sa bawat team na hawak niya at pagkatapos nilang mag-meeting ay saka niya pinagsasama-sama ang bawat grupo.

    Naniniwala kasi siya na iisa ang goal ng bawat team subalit iba't ibang challenges ang pinagdadaanan ng mga ito kaya ganoong strategy ang kanyang ginawa.

    "I think everyone is here. Nagpa-deliver ako ng food kaya wala munang aalis after ng meeting."

    "Iba ka talaga, Gia. You're the best boss ever," komento ni Bea, isa sa mga unit manager. "Sana araw-araw may meeting para makakain kami ng masarap na pagkain at higit sa lahat, 'yong libre."

    "Ikaw talaga Beatrice, ang hilig mo sa libre samantalang kumikita ka naman," reklamo niya.

    Maliban kasi sa pagtatrabaho nito sa insurance company ay mayroon na itong sariling pharmacy. Sa pharmacy sila unang nagkakilala ni Bea kung saan ito nagtatrabaho noon. Kasalukuyan siyang financial advisor nang una silang magkakilala.

    Bumili siya ng gamot at nagkakuwentuhan sila. Simula noon, sa tuwing may kailangan siyang bilhin na gamot ay doon na siya bumibili hanggang sa naging magkaibigan sila. Kalaunan ay inalok niya itong magtrabaho sa insurance company.

    "Nagpapayaman kasi ako."

    "Ang sabihin mo, kuripot ka lang talaga." Tinawanan lang nito ang kanyang sinabi. "Anyways, any minute ay darating na ang food so let's start the meeting."

***

Nagliligpit ng gamit si Gianelli nang biglang sumulpot si Bea. Bitbit nito ang bag at mukhang ready nang umalis. Wala siyang dalang sasakyan kaya makikisabay siya sa kaibigan tutal sa iisang subdivision lang naman sila nakatira.

    "Let's go." Mahihimigan sa boses nito ang excitement. Halatang gustong-gusto na nitong umalis.

    "Heto na." Mabilis na sinundan niya ang kaibigan palabas ng opisina. "Bakit mukhang nagmamadali ka?"

    Binale-wala nito ang kanyang tanong. Pagdating nila sa parking lot ay agad itong sumakay sa kotse kaya sinundan na lang niya ito.

    "Ang weird mo, Bea," puna niya rito paglulan niya sa sasakyan. "Ano bang nangyayari sa 'yo?"

    "I'm so excited!" masigla nitong tugon habang nagmamaneho. "May pupuntahan tayo."

    Nagsalubong ang kanyang kilay. Masamang tingin ang ipinukol niya sa kaibigan. "Beatrice, may binabalak ka na naman ba?" Wala silang usapan na may pupuntahan sila maliban na lang kung may naiisip na naman itong kalokohan.

    Kinindatan siya ng kaibigan bilang tugon sa tanong niya at nauunawaan na niya kung anong ibig sabihin nito.

    "Bea, parang awa mo na!" Sapo niya ang noo. Tila biglang sumakit ang kanyang ulo dahil sa sinabi ng kaibigan. "Ilang beses na kitang pinagbigyan sa blind date, blind date na 'yan. Pati iba nating katrabaho ay nahahawa na sa 'yo kaya ginaya ka na."

    Hindi niya matandaan kung ilang lalaki na ang nireto sa kanya ni Bea at ng iba nilang katrabaho. Ni isa sa mga naka-date niya ay walang pumasa sa kanyang panlasa. Hindi naman siya pihikan, kaso wala talaga siyang magustuhan.

    Paano ba naman, kung hindi boring kausap ay sobra namang daldal ng mga lalaki na 'yon. Mayroon ding sobrang yabang magsalita at 'di man lang siya binigyan ng pagkakataon na magkuwento dahil ito palagi ang bida. Mayroon ding malupit dumiskarte, kakakilala pa lang gusto na agad maka-home run. Hello? Hindi sex buddy ang hanap niya.

    "Gianelli, anong petsa na? Twenty-nine ka na girl! Malapit nang mag-goodbye sa kalendaryo ang edad mo pero single ka pa rin," lintanya nito. "Kalimutan mo na kasi 'yong ex mo."

    "Hoy, Beatrice, walang kinalaman si Edward dito." Iniraapan niya ito. "Matagal na akong naka-move on. Wala lang talaga akong magustuhan sa mga ipinakilala mo. Wala akong spark na maramdaman," paliwanag niya. "Ano naman ngayon kung twenty-nine na ako? Magkasing-edad lang tayo at parehong single."

    "Magkaiba tayo. Ako, may baby na, may mag-aalaga sa 'kin kapag tumanda ako. Paano ka?"

    "I'll be fine. Ikaw, puwede kang magmahal ulit unless hindi ka pa nakaka-move on."

    "Ako, hindi naka-move on? No way! Matagal ko nang nilibing sa limot ang lalaking 'yon." May halong gigil sa boses nito. Halatang galit pa ito sa dating nobyo. "Teka, bakit napunta sa 'kin ang usapan? Ang pakikipag-date mo ang topic natin."

    Napabuga siya ng hangin. Akala niya ay nawaglit na sa isipan nito ang pinag-uusapan nila kanina. "Bea,tantanan mo ako sa reto-reto na 'yan. Wala akong nakilalang interesting sa mga nireto mo. Darating din ang para sa 'kin kung may darating. Kung wala naman, eh, 'di wala. Huwag nating ipilit.

    "Gia, huwag kang nega," saway sa nito. "Ipinapangako ko na huli na 'to. Kapag 'di nag-click o walang spark, hindi na ulit kita pipiliting makipagkilala sa iba."

    "Gaano mo ba kakilala ang lalaki na 'yan? Baka naman kakilala 'yan ng kakilala mo o kaya naman kliyente mo o kamag-anak ng kliyente mo?"

    "Pinsan ko. Matanda siya sa 'yo ng isang taon."

    Napatitig siya sa kaibigan. Wala itong ipinakilala sa kanyang kamag-anak. Ang alam niya kasi ay wala itong komunikasyon kahit isa sa mga kamag-anak nito simula nang maglayas ito.

    "I saw him last month, sa mall. Nakalimutan kong banggitin sa 'yo dahil pareho tayong busy at madalas 'di tayo nagkikita dahil palagi kang nasa seminar," paliwanag nito kahit 'di nagtanong ang dalaga.

    "Okay."

    Nagliwanag ang mukha nito. "Pumapayag ka na?"

    "No!" mabilis niyang tanggi. "Ang ibig kong sabihin, naiintindihan ko ang paliwanag mo."

    Lumungkot ang mukha nito. "Please, pumayag ka na. Promise, mabait ang pinsan ko, guwapo, matalino, responsable, at higit sa lahat ay hindi babaero."

    Pinaikot niya ang mga mata. "Siyempre kamag-anak mo 'yon kaya puro magagandang katangian ang sasabihin mo. Isa pa, ang tagal ninyong walang komunikasyon kaya paano ka nakasisiguro na hindi siya nagbago?"

    "Basta alam ko."

    At nagsimula na itong magkwento tungkol sa pinsan nito.