Chereads / Walang Tayo by Carmie Lopez / Chapter 9 - Chapter Nine

Chapter 9 - Chapter Nine

"Gusto kong kalbuhin ang kaibigan mo at ang dati mong nobyo," nanggigigil na wika ni Bea. Mas affected ito sa nangyari kaysa sa kanya. "Mabuti't dumating ang pinsan ko. Siya ang knight in shining armour mo," kinikilig na wika nito.

"Ate, ang haba ng hair mo," komento ni Janella. Sumali ito sa usapan at nakita nitong hinatid ni Nathan ang kapatid. "Kakakilala n'yo pa lang pero iba ang concern at care na ipinakita niya. Bonus pa 'yong kiss kanina."

"It was a friendly kiss. Walang halong malisya," pagatatama niya. "At isa pa sa noo niya ako hinalikan."

"Friendly kiss?" Sa tono ng boses ni Bea ay wala itong balak na maniwala sa kaibigan. "Kaya pala nagkuwento si Nicole at sinabing, "Mommy, k-in-iss ni Tito Nathan si Ninang Gia sa cheeks," panggagaya nito sa anak. "Tell me, ilang beses na kayong nag-kiss ni Nathan?"

Good thing because Nicole was not around. Maririnig sana nito ang nonsense na sinasabi ng mommy nito.

"This conversation is hopeless." Napipikon na tumayo siya mula sa kinauupuan. "Sinabi ko na 'yong totoo at kung ayaw niyong maniwala wala na akong magagawa." Nagmartsa siya palayo sa kaibigan at kapatid.

***

Naramdaman ni Gia ang pagkalam ng kanyang sikmura. Napatingin siya sa orasang pambisig. Quarter to twelve. Muli niyang ibinalik ang tingin sa monitor. Hihintayin niyang mag-alas dose bago siya magtanghalian. Ngunit ilang segundo ang lumipas nang muling magreklamo ang kanyang tiyan.

"Pambihirang tiyan 'to, 'di makapaghintay sumapit ang alas dose," reklamo niya sa sarili habang nililibot ang paningin sa opisina. "Mike, napansin mo ba si Bea?"

"Pumunta sa restroom."

"Okay, thanks." Nakakailang hakbang pa lang siya nang lingunin niya si Mike. "Magla-lunch na kami. Gusto mo sumabay?"

"Miss Gia, salamat, pero paalis na ako. May client akong imi-meet malapit dito kaya roon na ako kakain sa meeting place naming."

"Wow, ang sipag naman. Pagbutihan mo ang ginagawa mo. Sige na, go na," pagtataboy niya kay Mike. "Alam kong good news ang dala mo pagbalik dito."

"Thanks, Miss Gia."

Nagpaalam na si Mike at siya naman ay tinungo ang restroom ngunit 'di niya naabutan si Bea. Dumiretso siya sa lobby. Nakita niyang naroon ang kaibigan at may kausap itong lalaki. 

Ano kayang ginagawa ni Nathan dito?"

Kusang tinahak ng kanyang mga paa ang kinaroroonan ng magpinsan. Tatlong araw buhat nang huli silang nagkita ni Nathan. Lalo itong gumuwapo sa kanyang paningin.

"Gia."

Una siyang nakita ng binata bago siya nakita ni Bea. Nanghihingi ng paliwanag ang klase ng tingin na ipinukol sa kanya ng kaibigan na ikinibit-balikat niya.

"Hi Nathan!" Sinalubong niya ito ng matamis na ngiti. At gaya ng dati, sinalubong siya nito ng halik sa pisngi. Ganoon ba talaga ito bumati o sa kanya lang?

Napatingin siya kay Bea. Nakaawang ang bibig nito. Nasisiguro niyang puputaktihin siya nito ng tanong mamaya.

"Nag-lunch ka na?"

Umiling siya. "Ngayon pa lang kami kakain ni Bea. Ikaw, nagtanghalian na ba?" Umiling ang binata. "Kung ganoon sumabay ka na sa'min," aya niya rito.

"Sure. Tamang-tama may dala akong pagkain galing sa SAJ's," excited na wika nito.

"Talaga?" Hindi maikaila ang tuwa sa kanyang boses. Nagustuhan niya ang pagkain sa SAJ's kaya hinahanap-hanap niya 'yon. "May balak pa naman akong bumalik doon kapag 'di na ako busy. Hindi ko na pala kailangang magkaroon ng extra time para matikman ulit ang pagkain nila. Salamat."

Sa kabilang dako'y nakataas ang isang kilay ni Bea habang pinapanuod sila. Nahihiwagahan ito kung ano ba talaga ang status ng dalawa.

"You're welcome." Malapad ang ngiti ng binata dahil natuwa ito sa reaksyon ng dalaga. "May pinuntahan ako malapit sa SAJ's. Naisip kita kanina nang madaanan ko ang SAJ's kaya binili kita ng pagkain."

Oh, my gosh! Bumilis yata ng triple ang tibok ng kanyang puso dahil sa sinabi nito.

"Deny nang deny na hindi sila pero ibang klaseng sweetness naman ang ipinapakita," hindi mapigilang komento ni Bea. "Umamin nga kayong dalawa sa 'kin."

"Ano bang aaminin namin? Kinuwento ko sa 'yo ang lahat ng nangyari. Walang namamagitan sa'ming dalawa," paliwanag niya saka binalingan si Nathan. "Pagpasensyahan mo na ang pinsan mo. Nagugutom lang 'to kaya kung ano-ano ang sinasabi. Mabuti pa't kumain na tayo."

Hinila niya si Bea patungo sa pantry nang tangka itong magsasalita. Sumunod naman sa kanila si Nathan. Nahihiya siya sa pinagsasabi ni Bea dahil baka isipin ng binata ng kung ano-ano ang kanyang kinukuwento kaya ganoon mag-isip ang pinsan nito.

***

Hinatid ni Gia sa parking lot si Nathan pagkatapos nilang pagsaluhan ang pagkaing dala ng binata.

"I'm sorry sa inasal ni Bea." Nahihiya siya dahil walang preno ang bibig ng kaibigan niya sa pang-uusisa sa pinsan nito habang kumakain sila. "Mas nape-pressure siya na wala akong boyfriend hanggang ngayo kaya kahit sinong magustuhan niya ay nirereto sa 'kin. Pasensya na kung ikaw naman ang napagbalingan niya ngayon."

"It's nothing to me. Ako dapat ang humingi ng pasensya dahil sa inasal ng pinsan ko. Kapag kasi gusto niyang paniwalaan o mangyari ang isang bagay ay 'yon ang iisipin niya."

"I agree."

"Okay lang ba sa 'yo na nagkikita at nag-uusap tayo?" nag-alangang tanong nito. "Baka napipilitan kang pakisamahan ako dahil kay Beatrice." Lumungkot ang anyo ng mukha nito.

"Ano ka ba? Hindi kita kakausapin kung ayoko." Bumalik ang ngiti sa labi nito. Honestly, nakakaramdam siya ng kakaibang saya tuwing nasisilayan niya ang ngiti nito. "By the way, salamat ulit sa food."

"Sinong may sabing libre 'yon?"

"So, may bayad pala?"

"Mayroon. Ikaw ang bahala kung gusto mong bayaran ng instalment o buo," seryosong wika nito.

Umarko ang kabilang kilay niya sa sinabi nito. "Seryoso ka?" Last time kasi naningil din ito pero hindi naman pera ang hiningi nitong kabayaran sa tulong na ibinigay nito. Ito pa nga ang nagbayad sa pagkain nila. "Cash or time?" naniniguradong tanong niya. Puwede naman sigurong gawing instalment ang oras.

"Cash."

Nakaramdam siya ng disappointment. Akala niya oras ulit ang hihingiin nito. Willing pa naman siyang samahan ito kahit saan.

"Okay. Magkano?" Hindi niya pinahalata ang pagkadismaya.

Gia, assuming ka kasi. Hindi naman araw-araw ay pasko. Malay mo 'di ka bet kasama ni Nathan, kastigo ng kanyang isip.

"Sineryoso mo naman ang sinabi ko. Sa tingin mo ba sisingilin kita?" may himig pagtatampo sa boses nito.

"Kasi—"

"I don't need an explanation. Kailangang samahan mo ako sa Saturday para mabawasan ang sama ng loob ko."

"Masama agad ang loob mo?"

"Oo."

Natuwa siya sa narinig. "Paano 'yan baka madagdagan ang sama ng loob mo sa 'kin dahil hindi ako puwede sa Saturday." Pagti-trip-an niya ang binata. "Hindi rin ako free sa Sunday." Gusto niyang malaman kung maiinis ba ito sa kanya o hindi.

Nalukot ang mukha nito. "Why?"

"May ka-date ako."

Matagal ito bago nakapagsalita. "Sige, next time mo na lang ako samahan, pero dapat clear lahat ng schedule mo ng weekends for one month. Nagkakaroon kasi ng interes ang sama ng loob ko kaya habang tumatagal lalong lumalala."

Natawa siya. "Iba ka! Ikaw na ang panalo." Hindi niya akalaing ganoon ito mag-isip. "Ika-cancel ko na ang kunwari kong date."

"Kunwari?"

Tumango siya. "Nagbibiro lang ako kanina."

Ang lukot na mukha ng binata ay naplantsa na. Guwapo na ulit itong tingnan. Kung sabagay, 'di naman nabawasan ang kaguwapuhan nito kahit sumimangot ito buong magdamag.

"Gumaganti ka ba?"

"Hindi," natatawa niyang tanggi.

"Ayoko ng umalis," pabulong na wika ni Nathan ngunit hindi iyon malinaw na narinig ni Gia. Ang salitang umalis lang ang nahagip ng pandinig ng dalaga.

"May sinasabi ka?"

"Kailangan ko nang umalis."

"Ahh…"

"Goodbye, Gia."

"Bye."

Nathan kissed her cheeks before he go. It made her blushed. She was left dumbfounded.