Abala si Nathan sa kusina. Si Nicole naman ay kinukulit ang tito nito habang nagluluto. Mabuti't mahaba ang pasensya ng binata at magiliw nitong sinasagot ang bawat tanong ng bata. Nanunuod naman ng pelikula si Gia at Janella sa living room.
"Ate, hindi mo ba talaga jowa si Kuya Nathan?" nagdududang tanong ni Janella na sinagot ni Gia ng iling at masamang tingin. "Manliligaw?"
"Alam mo Janella, nahawaan ka na ni Bea. Manuod ka na lang ng pelikula."
Nagsalita pa si Janella ngunit hindi niya narinig dahil tumunog ang telepono na malapit sa tabi niya. Sinagot niya ang tawag. Hindi niya inaasahan ang sinabi ng kausap sa kabilang linya na si Mang Isko, guwardiya sa subdivision.
May dumating daw na lalaki. Nagpupumilit na makapasok sa subdivision dahil hinahanap siya. Hindi pinayagang makapasok ni Mang Isko ang lalaki dahil wala sa guest list niya ang pangalan nito.
"Mang Isko, papasukin niyo ho. Kilala ko siya."
"Sigurado ho kayo?" nag-aalalang tanong ng guwardiya. "Baka manggulo 'to."
"Huwag ho kayong mag-alala dahil may kasama akong lalaki sa bahay. Salamat po sa concern."
Ibinaba niya ang telepono nang magpaalam si Mang Isko. Sakto namang tapos na silang mag-usap ng guwardiya nang lumapit sa kanya si Nicole.
"Ninang, sabi po ni tito pumunta ka sa kusina. Tikman mo raw po ang luto niya."
Hindi pa siya nakasagot nang hilain siya patayo ni Nicole. Excited ang bata na matikman niya ang luto ni Nathan na para bang ito ang nagluto.
"Dalian mo, Ninang."
"Heto na po, maglalakad na." Bago siya tuluyang naglakad ay nagbilin siya sa kapatid. "Janella, kapag may dumating papasukin mo."
"Okay."
Malayo pa sila mula sa kusina ngunit naaamoy niya ang niluluto ng binata. "Ang bango naman ng niluluto mo, nakakagutom," komento niya nang makarating doon.
"Tikman mo."
Sinubukan niyang kunin ang kutsarang hawak ng binata na may lamang konting sabaw subalit hindi nito ibinigay sa kanya. Gusto nitong subuan siya. Naiilang man ay ginawa niya ang gusto nito.
"Wow, ang sarap!" Hindi makapaniwalang sabi niya nang matikman ang luto nito. Naghalo ang asim at linamnam ng sinampalukang manok. "Paano ka natutong magluto?"
"Palagi kong tinitingnan sina lola at mama sa tuwing nagluluto sila," sagot nito. "Try this." May pinatikman ulit itong ibang putahe, ang pinakbet.
"Ikaw na," natutuwang wika niya. "Mas masarap ka pang magluto kaysa sa 'kin. Puwede mong tapatan ang SAJ's," puri niya rito. "Bakit bar ang negosyo mo? Puwedeng-puwede ka namang mag-restaurant."
"Harmony is not originally mine. Nag-migrate sa USA ang dating may-ari ng bar kaya naghanap sila ng buyer. Nagkataon naman na kilala sila ng kaibigan ko at nagkataon din na naghahanap ako ng puwedeng gawing negosyo."
"Oh! I had no idea. Wala kasing nabanggit si Bea."
"She doesn't know."
"Really?"
"Matagal kasi kaming hindi nagkita kaya marami siyang hindi alam sa mga nangyari sa 'kin. Ganoon din ako sa kanya." Binaling ni Nathan ang atensyon sa niluluto. Ayaw nitong pag-usapan ang tungkol sa nakaraan. "Ilang minuto na lang maluluto na 'tong ulam."
"Don't worry, 'di pa nagwawala ang mga alaga ko sa tiyan." Natawa ito sa kanyang sinabi. "By the way, may kakausapin ako. Sandali lang naman." Hindi niya maintindihan kung bakit siya nagpapaalam sa binata.
"Sino?"
"Ate, nandito si Kuya Edward," sigaw ni Janella mula sa living room.
"Your ex-boyfriend?"
Marahan siyang tumango. "I don't know what he's doing here. Tinawagan ako ng guard kanina at sinabing may naghahanap sa 'kin," paliwanag niya kahit 'di naman dapat. "Aalamin ko lang kung anong sadya niya."
"Gia."
Sabay silang napatingin ni Nathan kay Edward. Kasabay nang paglingon nila ay ang paghapit ni Nathan sa kanyang baywang na nagdulot ng kakaibang sensasyon. Hindi niya alam kung naramdaman din ba 'yon ng binata.
"Bro, can I talk to Gia? Kahit sandali lang."
Napatingin siya kay Nathan. Hindi niya mabasa kung anong nasa isip nito. "Saglit lang."
"If you're not ready to face him then don't"
"It's okay." Hinaplos niya ang mukha nito. "Don't worry about me. I'll be fine."
"Call me if you need me."
"I will."
Nilapitan niya si Edward at sabay silang nagtungo sa garden.
"What are you doing here?" Walang bahid na galit ang tanong niya kay Edward ngunit aaminin niyang hindi siya natutuwa sa presensya nito. "Alam ba ng asawa mo na nandito ka?"
"Hindi niya kailangang malaman. Nandito ako para magpalaiwanag."
"Bakit?" Nag-init ang ulo niya sa sinabi nito. "After six years saka ka magpapaliwanag sa panlolokong ginawa ninyo ni Anna?"
"Gia, maniwala ka man o hindi, hindi kita niloko. Pakinggan mo sana ako bago mo 'ko husgahan," nagmamakaawang wika nito.
"Sige, pagbibigyan kita. Siguraduhin mo lang na 'di na 'to mauulit. Ayokong nanggugulo ka rito lalo na't 'di alam ni Anna."
"Pangako."
***
Ikinuwento ni Edward kay Gia ang nangyari.
Nang mag-break sila ng binata ay lumayo siya. Ang tanging nakaaalam kung nasaan siya ay si Anna. Nguit sa tuwing tinatanong ito ni Edward ay puro "hindi ko alam" ang sagot ng kaibigan niya. Isang araw may nangyari kay Edward at Anna dahil sa kalasingan ng una.
Hindi nagustuhan ng pamiya ni Edward si Anna kahit may kaya ang dalaga. Si Anna naman ay itinakwil ng mga magulang dahil sa kahihiyang ibinigay nito sa pamilya. Naawa si Edward kay Anna kaya kahit 'di nito mahal ang dalaga ay pinanagutan ito ng binata dahil sa bata. Ngunit 'di pa nababasbasan ang pagsasama ng dalawa.
Lumayo ang dalawa sa kani-kanilang pamilya dahil 'di tanggap ng parehong partido ang nangyari sa dalawa. Nagtagpo ang landas nila noong nakaraang linggo dahil nasa Maynila ang mag-anak. Na-hospital kasi ang ina ni Edward.
"Narinig ko na ang dapat kong marinig. Puwede ka nang umalis."
"Gia, patawarin mo sana ako. Alam kong malaki ang naging kasalanan ko sa 'yo dahil hindi kita ipinaglaban. Sana nagkaroon agad ako ng lakas ng loob na gawin 'yon. Sana hanggang ngayo'y tayo pa rin," humahagulhol na pahayag ni Edward. "Mahal pa rin kita, Gia."
"Naririnig mo ba ang sinasabi mo? May sarili ka ng pamilya, Edward. Sila ang pagtuunan mo ng atensyon at pagmamahal." Bakit kasi nagpakita pa ito sa kanya kung kailan okay na siya? Kung sabagay, wala rin namang magbabago sa desisyon niya kung sakaling maaga niya 'yong nalaman. "Matagal na tayong tapos kaya sana mag-move on ka na."
"Hindi mo na ba ako mahal?"
Umiling siya. "May pamilya na ako."
"Hindi totoo 'yan." Nagulat man ang dalaga sa sinabi ng kaharap pero 'di ito nagpahalata. "Hindi ko inaasahan na magkikita tayo sa mall pero ang labis na hindi ko inasahan at hindi ko matanggap ay nang malaman kong nag-asawa ka na. Nagtanong-tanong ako sa mga kakilala natin at inalam ko ang lahat ng tungkol sa 'yo."
"Ano ngayon kung hindi totoo na mag-asawa kami ni Nathan? Ang mahalaga'y masaya at nagmamahalan kaming dalawa," pagsisinuwaling niya.
Gumuhit ang pait sa mga mata ni Edward. "Bakit ang unfair? Anim na taon akong naging miserable sa piling ni Anna. Hindi kasi kita makalimutan," puno ng hinanakit ang ting nito. "Bakit ako nagawa mong kalimutan?"
"Huwag mong isisi sa 'kin kung bakit ka miserable dahil choice mo 'yan." Gusto sana niyang magbitiw ng masasakit na salita ngunit pinili niyang manahimik. Ayaw niyang dagdagan ang sakit na nararamdaman nito. "Matagal na tayong wala kaya kalimutan mo na ako. Isipin mo si Anna at ang anak ninyo."
"Hindi ko mahal si Anna."
"Matututunan mo rin siyang mahalin. Bigyan mo siya ng pagkakataon na makapasok diyan sa puso mo."
Marahil kaya nagkakaganoon si Anna dahil hindi nito maramdaman ang pagmamahal ni Edward. Gusto niyang unawain ang kaibigan sa pakikitungo nito sa kanya kahit wala naman siyang kasalanan. Siguro magiging maayos din ang relasyon nila sa tamang panahon.
"Bumalik ka na sa pamilya mo. Tiyak na naghihintay sila sa 'yo."