"Finally, we meet you," nakangiting wika ng ina ng binata. "Bukambibig ka ni Nathan kaya sabik na sabik kaming makilala ka."
Nahihiyang ngiti ang tinugon niya sa ginang. Hindi niya kasi alam kung anong sasabihin at kung paano magre-react dahil hindi niya inaasahan na ikinukuwento pala siya ng lalaki.
"Apo, tama ang paglalarawan sa 'yo ni Nathaniel, ang ganda mo nga at natitiyak kong mabait kang bata," ani ng abuela nito. "Magaling kumilatis ng babaeng mamahalin ang apo ko."
"Aba! Saan pa ba magmamana si Nathan kundi sa 'kin." Proud na proud na sabi ng ama nito. "Magaling kaming pumili ng mamahalin." Sabay kindat sa asawa nito. Napangiti naman ang ginang sa kabiyak.
Sana nga mahal ako ni Nathan.
"Ate Gia, may nakababata kang kapatid na babae?" tanong ng bunsong kapatid ni Nathan na si Jake. Tumango siya bilang tugon. "Mag-kasing ganda ba kayo?"
"Jake, tigilan mo nga ang si Gia."
"Masyado ka namang overprotective, Kuya. Gusto ko lang malaman kung may kapatid na maganda si ate. 'Di ko naman siya inaagaw sa 'yo."
"Wala akong sinasabing inaagaw mo," depensa ni Nathan. "Basta tigilan mo na ang katatanong kay Gia tungkol sa kapatid niya. At huwag na huwag mong tatangkaing pag-trip-an si Janella dahil ako ang makakalaban mo," babala nito.
Nagpatuloy ang magkaptid sa pagbabangayan. First time niyang nakitang ganoon si Nathan. At natutuwa siyang pagmasdan ang binata habang nakikipagtalo ito sa kapatid dahil nakita niya ang ibang side nito. Ang cute nitong tingnan.
"Kumalma ka nga, Nathan." Pumagitna na siya sa dalawa dahil walang may gustong magpatalo. "Gusto lang naman makilala ni Jake si Janella. Wala naman akong nakikitang masama sa intension niya."
"Kinakampihan mo siya?" Nagsalubong ang kilay nito. "Gia, hindi mo alam kung anong kalibre ni Jake pagdating sa mga babae."
"Wala akong kinakampihan sa inyong dalawa," pagpapaunawa niya. "Sabihin na nating ganoon nga si Jake, eh, pareho naman silang nasa tamang edad kaya alam na nila kung anong tama at mali."
"Kinakampihan mo nga siya," pagdidiin nito.
Napabuga siya ng hangin. "So, inaaway mo ako ngayon?"
"Excuse me, i-exit muna ako. Ayokong madamay sa away ninyo."
Narinig niyang sabi ni Jake bago ito naglahong parang bula.
"Hindi," kalmado nitong tugon. "Bakit naman kita aawayin?" Nilapitan siya ng binata at masuyong hinalikan ang tuktok ng kanyang ulo. "Walang dahilan para gawin ko 'yon."
"Aw! Ang sweet naman. Sana ganyan ka rin, mahal," reklamo ng ate ni Nathan sa asawa nito.
"Ganyan ang tunay na lalaki," natatawang komento ng padre de pamilya ng tahanan. Nagtawanan tuloy silang lahat.
"Kung nabubuhay pa si Manuel ay ganoon din ang sasabihin no'n." May kislap sa mga matang pahayag ng lola ni Nathan. "Tiyak kong masaya siya habang pinapanood tayo."
Natahimik ang lahat sa sinabi ng matanda. Waring ginugunita ng mag-anak ang alaala ng yumaong si Manuel.
"Bago pa tayo magka-iyakang lahat ay kumain muna tayo," basag sa katahimikan ng ina ni Nathan.
Nagmistulang cue ang sinabi ng ginang. Mula sa kung saan ay sumulpot si Jake na may dalang cake. At sabay-sabay na nagsi-awitan ng birthday song ang mag-anak.
Nahihiwagahang tumingin siya kay Nathan. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi nito nang magtama ang kanilang paningin.
"Happy birthday ulit," usal nito.
She wanted to cry. Napakasuwerte niyang nilalang dahil sobra-sobra ang effort na ginawa ni Nathan. Pagbalik nila sa Maynila ay sasabihin niya sa binata ang tunay na nararamdaman. Siguro naman hindi lang more than friends ang papel niya sa buhay nito.
***
Matapos nilang pagsaluhan ang hinandang pagkain ng pamilya ni Nathan ay nagtungo silang dalawa sa kuwarto ng binata. Hindi gaanong kalakihan ang kuwarto nito subalit malinis at organize ang mga gamit. May iba't ibang trophies at medals na naka-display sa built-in glass cabinet.
"You're an achiever."
"Hindi naman. Siguro suwerte lang dahil biniyayaan ako ni Lord ng talent at husay." Walang halong kayabangan sa boses nito. Lalo tuloy siyang humahanga sa binata.
"Ang humble naman ng darling ko." Pinisil niya ang magkabilang pisngi ng binata.
"Tama ba 'yong narinig ko?" Hinapit nito sa baywang ang dalaga dahilan upang magkadikit ang kanilang katawan. Bahagyang napaigtad si Gia nang maramdaman ang pagkalalaki nito. "Na tinawag mo akong darling?" pilyong ngiti ang naka-ukit sa labi nito.
Nag-iwas siya ng tingin. "Wala akong sinabing darling," pagkaila niya. Marahil nagtataka ang binata dahil ni minsan ay 'di niya ito tinawag na darling. Wala eh, 'di niya mapigilan. Mahal na talaga niya at gusto niya itong maging darling habang buhay. "Nagkamali ka lang ng pagkakarinig."
"Talaga?" Ayaw nitong maniwala. "Sabihin mo nga ulit," pang-uuto nito sa dalaga sabay halik sa noo niya, sa mata, sa magkabilang pisngi, sa ilong, at sa gilid ng labi bago ito tumigil. "Sige na," may halong lambing ang boses nito.
"Naku, kilala kita, Nathaniel!" Marahan niyang tinulak palayo sa kanya ang binata. Nagsisimula na kasing lumikot ang mga kamay nito. "Tumigil ka. Huwag dito."
"Wala naman akong ginagawa," patay malisyang wika nito.
Inirapan niya ito. "Ewan ko sa 'yo." Binaling niya sa ibang direksyon ang tingin. Natuon ang pansin niya sa pictures ni Nathan simula baby ito hanggang sa kasalukuyan. Nakasabit ang pictures nito sa dingding. "Ang cute mo riyan." Tinuro niya ang picture na mukha itong babae dahil lagpas taynga ang haba ng buhok nito at may bangs gaya kay Dora. Nakangiti ang bata sa picture, labas ang mga ngipin pero nawawala ang isang pangil. Hindi niya mapigilang ngumiti. "Nakakagigil ang itsura mo."
"Niloloko mo ba ako?"
"Hindi. Ang cute mo kasi sa picture. Nakakatuwa."
"Ngayon?" Tanong nito sabay pa-cute sa kanya.
"Mmm… Pag-iisipan ko muna," biro niya rito. Nalukot ang mukha ng binata. "Hindi ka na cute tulad ng dati."
"Ganoon?" Naningkit ang mga mata nito. "Pagkatapos mong pakinabangan ang katawan ko hindi pala ako cute sa paningin mo."
"Grabe ka! Para namang talo ka sa 'kin," reklamo niya habang tumatawa. Alam niya kasing nagbibiro lang ito. "Huwag mo na kasing ipilit."
"Hindi pala ako cute, ha. Sige, patutunayan ko sa 'yo kung paano hindi maging cute," nanghahamon ang tinig nito. Na-excite siya kaya lang, naalala niyang nasa bahay siya ng mga magulang nito.
Unti-unting humakbang palapit sa kanya ang binata. Siya naman ay unti-unting humakbang paatras. Nahuhulaan na niya kung anong gustong patunayan sa kanya ni Nathan kaya lumayo siya rito kahit gusto pa niya ang bagay na 'yon.
"Huwag mong ituloy ang binabalak mo." Pigil niya rito subalit nagpatuloy ito sa paglapit sa kanya. "Huwag ngayon. Huwag dito." Nagpatuloy rin siya sa pag-atras hanggang sa mapasandal siya sa bedside table.
May nasagi siyang gamit at bumagsak 'yon sa sahig. Mabilis niyang pinulot ang picture frame na nahulog. Mabuti na lang at hindi 'yon nabasag dahil may carpet ang sahig.
Nakuha ang atensyon niya ng babaeng kasama ni Nathan sa larawan. Parehong nakasuot ng chef's uniform ang dalawa. Halatang masaya ang dalawang tao sa litrato na naka-akbay sa isa't isa. Parang may kumurot sa puso niya habang pinagmamasdan iyon.