Dumating na ang araw na kinakatakutan ni Gianellie, ang pagsawaan siya ni Nathan. Mahigit isang buwan ang matuling lumipas mula nang kaarawan niya at simula noon ay unti-unting nagbago ang pakikitungo sa kanya ng binata. Madalang siya nitong ihatid at sunduin sa opisina. Bihira silang lumbas tuwing weekends at kung may lakad man sila ay madalas na nauudlot dahil palagi itong busy, mas busy pa sa kanya. Nagte-text o tumatawag lang ito kapag may sasabihin o may kailangan sa kanya.
Tinatamad siyang maagtrabaho dahil sa kaiisip sa binata. Hindi kasi siya makapag-concentrate sa ginagawa dahil okupado ang isip niya ng ibang bagay.
"Gia, mabuti't dumating ka. Tatawagan sana kita." Problemadong-problemado ang mukha ni Bea nang salubingin ang kaibigan. "Stress na stress na kaming lahat dito. One of our policyholders died recently. Ngayon, sumugod dito ang kinakasama ng policyholder. Gusto niyang siya ang mag-claim ng benefits kaso 'di naman siya ang legal wife at wala siya sa lists ng beneficiaries.
"Anong ginawa n'yo?" walang ganang tanong niya.
"Ipinaliwanag namin kung bakit 'di siya puwedeng mag-claim ng benefits kaso ayaw maniwala. Nagwawala sa loob ng opisina at naghahanap ng manager. Lahat ng unit managers na nandito ay nakausap na niya."
"Nandito pa siya?"
"Oo, nagi-eskandalo pa rin. Kakapapasok lang ng security guards pagdating mo." Natigilan sandali si Bea. "Speaking of her, may naka-escort ng guards sa kanya."
Napatingin siya sa direksyon kung saan nakatutok ang mga mata ni Bea. Tantiya niya ay nasa mid-forties ang edad ng babae inalalayan palabas ng dalawang security guard. Sinalubong niya ang mga ito.
"Manong, pakawalan niyo ho siya," utos niya sa mga guwardiya. "Ako na ang bahalang kumausap sa kanya."
"Sigurado ka po, Miss Gia?" Tumango ang dalaga bilang tugon. "Dito lang ho kami malapit sa inyo para kung sakaling magwala ulit siya'y nandito kami."
Huwag itong magkakamaling mag-amok dahil ibibigay niya ang gusto nito lalo na't ganitong mainit din ang kanyang ulo.
"Sige po, salamat." Binalingan niya ang ginang. "Magandang umaga po, Ma'am. Ano pong maitutulong ko sa inyo?"
"Sino ka ba?" mataray nitong tanong. "Anong posisyon mo sa kompanya? Kung unit manager ka lang, ayokong magsayang ng oras sa 'yo dahil wala kang maitutulong sa 'kin. Gusto kong makausap ay 'yong may pinakamataas na posisyon sa branch na 'to."
Ngali-ngali niya itong irapan pero pinigilan niya ang sarili. "I'm Gianelli Pineda. I'm the sales manager here," magalang niyang sagot kahit gusto niya itong sigawan. "I'm afraid that our branch manager can't make it today because he's sick," pagsisinuwaling niya pero ang totoo ay 'di niya alam kung nasaan si Louie.
"Puwede ka na."
"Ma'am, sa loob ng opisina po tayo mag-usap."
"Ayoko, dito na tayo mag-usap sa lobby," mariing tutol nito.
"Okay." Pinaupo niya ang ginang sa couch sa waiting area. Mabuti dahil sumunod ito sa kanya dahil kung hindi ay sisigawan niya ito. "Ma'am, ano pong maipaglilingkod ko?"
"Namatay ang asawa ko pero ni sinco ay wala akong natanggap. Pumunta ako rito para humingi ng tulong pero ang sabi nila'y wala silang magagawa. Hindi nila ako matutulungan. Ikaw, matutulungan mo ba ako?" tanong nito na para bang nakasalalay sa dalaga ang kinabukasan nito.
"Ma'am, tutulungan ho kita sa abot ng aking makakaya." Iyon ang nasabi niya dahil ayaw niya itong ma-disappoint kahit hopeless ang kaso nito.
"Sana nga matulungan mo ako."
Hindi niya alam kung paanong mag-uumpisang alamin ang problema nito dahil alam na niya. "Gusto ko po sanang malaman kung kasal kayo ni mister." Diyos ko! Sana tama ang naging bungad niya.
Sukat sa sinabi niya ay bigla itong tumayo. "Ano bang problema ninyo kung pinakasalan ako o hindi?" galit na tanong nito. "Lahat kayo 'yan ang tanong sa 'kin. Bakit, por que hindi ako ang tunay na asawa ay wala akong karapatan sa kanya at kung anong mayroon siya? Halos labing-limang taon kaming nagsama. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay ako ang kanyang minahal. Tinalikuran niya ang sarili niyang pamilya para sa 'kin. Bakit issue kung hindi ako ang legal wife?"
"Ma'am, sa pagkakaalam ko'y naipaliwanag na ho sa inyo ang dahilan kung bakit 'di kayo puwedeng mag-claim ng benefits. Pasensya na po, sumusunod lang kami sa patakaran."
"Lintik na patakaran 'yan!" Nag-umpisa na itong magwala. "Lahat kayo walang kuwenta. Ako 'yong nawalan. Bakit hindi niyo ako maintindihan?"
Nasagap ng peripheral vision niya na palapit ang dalawang guwardiya pero sumenyas siya na huwag lumapit sa kanila. Napipikon na siya sa kaharap at maikli ang pisi ng kanyang pasensiya kaya papatulan niya ito.
"Mawalang galang na ho, pero huwag kang umasta na ikaw lang ang may problema, na ikaw lang ang nawalan." Hindi na siya nakapagpigil kaya sinigawan niya ito. Nagulat ito sa ginawa niya maging ang ilang taong nasa lobby, lalo na si Bea na nakaawang ang bibig. "Hindi pa ba sapat ang labing-limang taong magkasama kayo? Isipin niyo ho 'yong pamilyang tinalikuran ng asawa mo para lang makasama ka. Asawa't ama ang kinuha mo sa kanila. Pati ba naman kakarampot na halaga para sa kanila ay kukunin mo pa?"
Nag-init ang ulo niya kaya pinatulan niya ito. Kahit i-reklamo pa siya nito'y wala siyang pakialam. Sasabihin niya kung anong gusto niyang sabihin.
"Tama ka." Hindi inaasahan ni Gii ang naging reaksyon nito. Ang akala ng dalga ay magagalit ito. "Ang selfish ko. Hanggang sa huli'y sarili ko pa rin ang iniisip ko." Humagulhol ang babae sabay salampak sa sahig. Ang galit na lumukob sa ginang ay napalitan ng lungkot.
Ang init ng ulo niya sa babae ay napalitan ng habag. Dinamayan niya ito sa sahig. Hinaplos niya ang likod ng ginang upang pakalmahin ito. Binigyan niya ito ng tissue mula sa kanyang bag.
"Patawarin niyo ako sa ginawa kong panggugulo rito." Unti-unti na itong kumalma. "Naiintindihan ko naman ang lahat. Gusto ko lang talagang may ibang taong magpamukha sa 'kin ng katotohanan. Salamat dahil ginawa mo 'yon hija."
Napaawang ang kanyang bibig. This was something she didn't expect. Ibang klase itong mag-trip. Kung sabagay, minsan talaga gusto nating marinig ang katotohanan sa iba kahit na masakit.
"Ma'am, alam niyo po na masuwerte ka pa rin. Kahit hindi man ikaw ang legal na asawa ay ikaw ang minahal at piniling makasama." Pinuno niya ng hangin ang dibdib bago nagpatuloy. "Ako kasi, hindi ko alam kung saan ko ilulugar ang sarili ko sa buhay ng taong mahal ko. Gusto ko man siyang angkinin ng buong-buo ay 'di ko magawa dahil wala akong karapatan."
Naramdaman niya ang pag-init ng sulok ng kanyang mga mata. Sinubukan niyang pigilan ang pag-agos ng luha subalit 'di niya nagawa. Ang ginang naman ang nagpatahan sa kanya. Lahat ng 'yon ay nasaksihan ni Bea at ni Edward na kanina pa dumating doon.