Pagktapos mag-usap ni Gia at ng babaeng nagngangalang Marites ay si Edward naman ang hinarap ng dalaga. Wala siyang ideya kung bakit naroon ang binata. Ngayon lang ulit ito nagpakita sa kanya simula nang huli silang nagkita nang puntahan siya nito sa kanilang bahay.
"Anong ginagawa mo rito, Edward?" tanong niya rito subalit nasa ibang direksyon ang kanyang tingin. Namumugto kasi ang mga mata niya sa kakaiyak kanina.
"Anong nangyari sa 'yo?" May kalakip na pag-aalala sa boses nito.
"Wala 'to," pagde-deny niya. "Ano ba kasing ginagawa mo rito?"
"Gia, ayokong abalahin ka pero kailangan." Noon lang siya tumingin sa ang dalaga sa lalaki dahil sa sinabi nito. "Mom is in the hospital right now. She's not in good condition because she's fighting for breast cancer. She wanted to see you." Nakikiusap ang mga mata nito.
"Okay. Hintayin mo ako rito. Magpaalam lang ako." Tumango ito. Nilapitan niya si Bea. "Kailangan kong samahan si Edward. If something came up, tawagan niyo agad ako."
"Saan kayo pupunta? Alam ba 'to ni Nathan?"
"Nathan has nothing to do with this. I have to go. Goodbye."
Gustong pigilan ni Bea si Gia pero wala itong nagawa dahil nagmamadaling umalis ang dalaga kasama si Edward.
***
Humingi ng tawad ang ina ni Edward kay Gia. Pinagsisisihan nito ang ginawang pangingialam sa relasyon nila noon. Sa limang taong naging magkasintahan sila ng lalaki ay walang ibang hiniling ang ginang sa anak nito kundi ang maghiwalay sila.
Minsang tinanong niya ang binata kung saan patungo ang kanilang relasyon pero wala itong matinong sagot na maibigay sa kanya. Nakadepende kasi ang sariling desisyon ni Edward sa ina nito kaya nagpasya siyang makipaghiwalay rito tutal wala itong sariling paninindigan.
Hindi inaasahan ng mga magulang nito na guguho ang mundo ng lalaki nang hiwalayan niya ito. Pinabayaan nito ang sarili. Natanggal ito sa trabaho dahil pumapasok itong lasing. Ang tanging karamay ni Edward sa panahon na 'yon ay si Anna.
"Sana mapatawad mo ako hija."
Hinawakan niya ang kamay ng ginang at marahan 'yong pinisil. "Kalimutan niyo na ang nangyari. Matagal na kitang pinatawad simula nang matanggap ko na hindi kami para sa isa't isa ni Edward." Tumulo ang luha ng ginang at pinunasan niya 'yon.
"Salamat. Napakabuti mo talaga." Mapait na ngiti ang sumilay sa labi nito. "Sana mapatawad din ako ni Anna. Pinahirapan ko siya nang husto. Palagi ko rin siyang kinokompara sa 'yo."
Marahil 'yon ang isa sa mga dahilan kung bakit nagbago ang pakikitungo sa kanya ni Anna.
"Huwag po kayong mag-alala. Mabait po si Anna at natitiyak kong mapapatawad ka niya."
"Sana nga, sana hindi pa huli ang lahat. Gusto ko pa silang makasama nang matagal lalo na ang apo ko."
"Tita, may awa po ang Diyos. 'Di ka Niya pababayaan."
***
Paglabas ni Gia mula sa hospital room ay saktong papasok si Edward kasama si Anna. Nagulat ang huli nang makita siya.
"Anna." Sinalubong niya ng mainit na yakap ang kaibigan. Hindi niya ito kayang tiisin. Hindi naman siya niloko ng dalawa at break na sila ni Edward nang may nangyari sa mga ito.
"Gia." Gumanti rin ito ng yakap sa kanya. "Gia, I'm sorry. I'm so sorry." Humagulhol ito ng iyak sa balikat niya.
"Ssh… I know what happened. You don't have to say sorry."
"No." Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya sabay punas ng luha. Sinenyasan nito si Edward na pumasok sa kuwarto. Tumalima ang lalaki upang bigyan sila ng privacy. "May kasalanan ako sa nangyari."
"Bakit? Paano?" naguguluhang tanong niya.
"We need to talk somewhere else."
"All right."
Nagulantang siya sa natuklasan. Inamin sa kanya ni Anna na matagal na itong may gusto kay Edward kaya nang maghiwalay sila ng lalaki ay hindi nito sinabi kung nasaan siya sa tuwing hinahanap siya ng dating kasintahan. Gumawa ng paraan si Anna na maputol ang lahat ng ugnayan nila para makuha nito ng buo ang atensyon ni Edward.
Pinagsisihan ni Anna ang ginawa dahil imbes na maging masaya ito ay naging miserable ang buhay nito. Nawalan ito ng kaibigan. Itinakwil ito ng sariling pamilya. Hindi nagustuhan ng biyanan at higit sa lahat ay hindi minahal ni Edward.
Kahit nalaman niya ang lahat ng 'yon ay hindi niya magawang magalit sa kaibigan. Siguro dahil talagang naka-move on na siya kay Edward at wala sa bokabularyo niyang magtanim ng galit sa kapwa.
Habang nagmamaneho siya pauwi sa kanila ay 'di niya maiwasang isipin na napaka-emosyonal niya ngayong araw. Naghalo-halo lahat ng nararamdaman niya. Pakiwari niya'y naubos lahat ng enerhiya niya sa buong maghapon kaya pag-park niya ng kotse ay agad siyang bumaba dahil gusto na niyang magpahinga.
"Saan ka galing?"
Napakislot siya nang marinig ang boses ni Nathan pagbaba niya mula sa kotse. Malamang na naka-park ang sasakyan nito sa sa bahay Bea kaya hindi niya napansin na naroon ang binata. "Diyan lang sa tabi-tabi," matabang niyang sagot.
"Gianelli tinatanong kita nang maayos." Sa pagkakataong 'yon ay may galit sa boses nito. "Dinaanan kita sa opisina niyo pero 'di ka sumasagot. Gabing-gabi ka nang umuwi tapos ang isasagot mo lang sa 'kin ay galing ka sa tabi-tabi. Ano ba, Gianelli?" Iyon ang unang pagkakataong na pinagtaasan nito ng boses ang dalaga.
"Bakit, kailangan ko bang i-report sa 'yo lahat ng ginagawa ko buong araw?" galit niyang tanong dito. "Kailangan mo bang malaman kung sino ang kasama ko, saan ako pumunta, at anong ginawa ko?"
Galit siya, galit na galit. Hindi lang sa binata kundi sa sarili niya dahil hinayaan niyang humantong sa ganoon ang sitwasyon nila. Sana noong una pa lang inalam niya kung anong mayroon sila para hindi siya nasasaktan nang husto.
Gumuhit ang pait sa mga mata nito ngunit dagli rin iyong naglaho. "Oo nga naman. Sino ba ako sa buhay mo para alamin ang bawat kilos mo? Hindi naman tayo."
Nanuot sa buong pagkatao niya ang lamig sa boses nito. Kahit ang mga mata ng binata ay nagyeyelo.
Parang punyal na tumarak sa puso niya ang huling tatlong salitang namutawi sa labi nito. Hindi na niya kailangang itanong dito kung anog mayroon sila dahil sinampal siya nito ng katotohan.
"Tama ka, hindi tayo kaya wala kang karapatang mag-usisa sa 'kin," matagumpay niyang wika na hindi pumipiyok ang kanyang boses. "Kaya simula ngayon, pinuputol ko na kung anoman ang namagitan sa 'tin," matatag niyang pahayag kahit sa loob-loob niya'y gusto niyang umiyak.
"Bakit may iba na ba?" Blangko ang ekspresyon ng mukha nito. "O baka nagkakaganyan ka dahil kay Edward?"
"Anong sinabi mo?" Hindi niya inaasahan ang sinabi nito. Baka nabanggit ni Bea na magkasama silang umalis ni Edward sa opisina. "Huwag mong idamay si Edward sa usapan natin."
"Hindi ba dapat?" punong-puno ng akusasyon ang tinig nito. "Alam kong magkasama kayo ni Edward. Nagkabalikan na ba kayo kaya nagsawa ka na sa 'kin?"
Isang malakas na sampal ang natamo nito mula sa kanya. Sapo nito ang kabilang pisngi na natamaan ng sampal niya. "How dare you to say that to me. Huwag mo akong baligtarin, Nathan. Ikaw," dinuro niya ang dibdib ng binata. "Ikaw ang nagsawa sa 'kin," wika niya sa pagitan ng paghikbi.
"Puwede mo namang sabihing ayaw mo na, na nagsawa ka na sa ginagawa natin. Hindi naman kita susumbatan. Hindi ako maghahabol dahil alam kong walang tayo. Hindi kita pipiliting manatili sa tabi ko. Hahayaan kita kung saan ka sasaya."
"Gia…"
Hindi maklaro ni Gia ang mukha ng binata dahil hilam sa luha ang kanyang mga mata. Makikita sana ng dalaga na lumambot ang ekspresyon ng mukha ni Nathan.
"Alam mo bang napa-paranoid ako nitong mga nakaraang araw at linggo dahil nararamdaman kong unti-unti kang nagbabago. Gusto kitang tanungin kung bakit pero 'di ko ginawa dahil alam kong walang tayo. Nakuntento ako sa sarili kong paliwanag na busy ka kaya wala kang oras para sa 'kin. Wala naman kasi akong karapatang mag-demand ng oras sa 'yo."
"I'm sorry. Hindi ko alam na ganyan ang nararamdaman mo. Magpapliwanag ako." Hinawakan nito ang kamay ng dalaga pero tinabig iyon ng babae. "Gia, please, let me explain."
"Wala kang dapat na ipaliwanag. Malinaw na sa 'kin ang lahat."
"Gia, makinig ka muna sa 'kin," pagsusumamo nito pero naging bingi ang dalaga. "Please."
"Nathan, please, just stay away from me. Ayoko nang makita ka ulit." Nasasaktan man siya ay 'yon ang tama at dapat niyang gawin.