Chereads / Walang Tayo by Carmie Lopez / Chapter 20 - Chapter Twenty

Chapter 20 - Chapter Twenty

Hindi na mabilang ni Gia kung ilang text messages na ang natanggap niya mula kay Nathan, pero wala siyang binasa kahit isa. Kahit ang mga tawag nito ay hindi niya sinasagot. Paninindigan niyang ayaw na niya sa binata maliban na lang kung aalukin siya nito ng relasyon na may kasamang commitment.

Sunod-sunod na katok ang pumukaw sa malalim niyang iniisip. "Pasok." Pagbukas ng pinto ay tumambad ang mukha ni Bea. "Ang aga mo namang dumalaw. Nasaan si Nicole?"

"Gia, dideratsahin kita. Alam kong wala akong karapatang manghimasok sa inyo ni Nathan pero nag-aalala ako sa kanya." Bumuntong-hininga ito bago nagpatuloy. "Lasing si Natahan tuwing tumatawag sa 'kin para kumustahin ka. Hindi siya tumawag kagabi kaya nag-alala ako. Pauli-ulit ko siyang tinawagan kagabi pati kaninang umaga, pero walang sumasagot. Nagri-ring lang ang cell phone niya."

Ilang araw na ang nagdaan simula noong huli silang nag-usap ni Nathan. Simula noon ay araw-araw itong nagpapakita sa kanya pero hindi niya ito pinapansin hanggang sa magsawa ito sa ginagawa. 

"Anong gusto mong gawin ko?" matamlay niyang tanong.

"Gia, ganyan ba katigas ang puso mo? Hindi ka ba nag-aalala kay Nathan?" Halata sa boses ni Bea na naiinis ito sa kaibigan. "Hindi ko alam kung anong nangyari sa inyo. Wala akong kinakampihan sa inyong dalawa pero sana naman huwag mo siyang tiisin. Nakikita kong unti-uni siyang nadudurog dahil sa 'yo."

"Sa tingin mo ba wala akong pakialam sa kanya? Bea, hindi mo lang alam kung anong pinagdaraanan ko ngayon dahil sa pagmamahal ko sa pinsan mo. Tinaya ko lahat kahit alam kong wala akong pinanghahawakan, pero sa huli'y talo pa rin ako." 

"What do you mean?" naguguluhang tanong nito.

"Hindi ko boyfriend si Nathan gaya nang inaakala ninyong lahat." Napatda ito sa narinig. "Hindi ko alam kung anong label namin. Fling, sex buddy, o partners in bed. Walang kami, Bea. Ngayon, sabihin mo sa 'kin kung mali bang tiisin ko siya?"

"I'm sorry." Hindi alam ni Bea kung anong sasabihin sa kaibigan na magpapakalma rito. "I didn't know anything." Nilapitan nito si Gia saka niyakap.

"I love Nathan but I also love myself. Kung hindi ko ititigil ang kahibangan ko ngayon, baka tuluyan na akong mawala sa sarili ko."

***

She was stupid. Hindi niya mapanindigan ang sinabi kay Beatrice. Nandito siya ngayon sa tapat ng pinto ng condo unit ni Nathan. Nag-aalala siya sa binata dahil baka kung ano nang nangyari dito.

Pinuno niya ng hangin ang dibdib bago siya nag-doorbell. Kahit kinakabahan ay nilakasan niya pa rin ang loob tutal nandoon na siya kaya wala nang atrasan. Ilang segundo lang ang lumipas nang bumukas pinto. Tumambad sa kanya ang isang magandang babae na una na niyang nakita sa isang larawan.

"Hi!" nakangiting bati nito kay Gia. "I'm Andrea." Nilahad nito ang kanang kamay. Hindi niya alam kung bakit niya tinanggap ang kamay nito imbes na umalis siya roon.

"I'm Gia."

"Nice meeting you, Gia." Nakangiti pa rin ang babaeng kaharap niya. "Sorry, bagong lipat lang ako rito kaya kinikilala ko lahat nang pumupunta rito. Ano nga pa lang sadya mo?"

Bagong lipat. Ibig sabihin binabahay na ito ni Nathan. Damn it! Halos paliparin niya ang kotse kanina para lang makarating doon dahil sa sobrang pag-aalala niya tapos babae pala nito ang maaabutan niya.

"Oh! Ganoon ba?" Tumabi ito sa pintuan upang bigyan siya ng daan papasok sa loob. "Pumasok ka muna sa loob. Maya-maya darating na si Nate."

Nate pala ang tawag ni Andrea sa binata. Nag-iinit ang ulo niya at gusto niyang magwala pero wala naman siyang mapapala kung gagawin niya 'yon. Hindi naman noon mababago ang katotohanan na iba ang mahal ni Nathan.

"Hindi na. Babalik na lang ako sa ibang araw."

"Ha? Malapit nang dumating si Nate.

"It's okay. Hindi naman importante ang pinunta ko rito." Hindi niya hinintay na makapagsalita ang babae. Mabilis niya itong tinalikuran at naglakad palayo rito.

Nakatulala siya sa Wall of Thoughts. Blanko kasi ang isip niya sa mga oras na 'yon. Pagkagaling niya sa condo ni Nathan ay dumiretso siya sa SAJ's Resaturant. Hindi niya alam kung bakit siya roon dinala ng kanyang mga paa.

"Mukhang ang lalim ng problema mo." 

Napalingon siya sa pinanggalingan ng boses. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa pictures na nakasabit sa dingding at sa babaeng kaharap niya. 

"Huhulaan ko, may nanakit sa 'yo?"

Marahan siyang tumango. "Actually, kasalanan ko naman kung bakit ako nasasaktan ngayon. Ang tanga ko kasi."

"Well, ganoon naman talaga siguro kapag nagmahal. Minsan na rin akong nagpakatanga at umasa sa wala. Nandoon na ako sa point na tinalikuran ko ang pagmamahal ko kay Jeffrey, pero makapangyarihan talaga ang pag-ibig. Mabuti na lang dahil hindi ko siya natiis kaya heto ako ngayon, masaya sa piling niya," nakangiting pahayag nito.

"Good thing dahil mahal niyo ang isa't isa." Mapait siyang ngumiti. "Iba kasi ang sitwasyon namin. Kahit ipaglaban ko siya hindi naman kami pareho ng nararamdaman kaya bale-wala rin."

"Paano mo natitiyak na hindi ka niya mahal?" naniniguradong tanong nito. "Baka naman nag-assume ka lang."

Ipapaliwanag niya sana kung bakit niya 'yon nasabi nang biglang may tumawag sa pangalan niya.