Chereads / Walang Tayo by Carmie Lopez / Chapter 21 - Chapter Twenty-One

Chapter 21 - Chapter Twenty-One

Tinawagan ni Nathan si Andrea. Hindi niya ito masusundo dahil may importante siyang gagawin. Pinauna niya ito sa SAJ's dahil kailangan niyang sundan si Gia. Nakita niya ang dalaga sa parking lot ng dating condominium na kanyang tinitirahan kaya sinundan niya ito kahit may importante siyang gagawin ngayong araw dahil mas importante ito sa kanya. Mabuti na lang dahil sa SAJ's ito pumunta.

"Gia."

Dahan-dahang lumingon ang dalaga. Nagulat ito nang makita siya subalit walang ningning ang mga mata nito. Malungkot ang mukha ng dalaga taliwas noong una niya itong dinala sa SAJ's.

"Nathan," pumiyok ang boses nito. Nangingilid ang luha sa sulok ng mga nito.

Parang tinusok ng libo-libong karayom ang kanyang puso habang pinagmamasdan ang dalaga. Gusto niya itong ikulong sa kanyang bisig.

"Wait, siya 'yong lalaking pinag-uusapan natin kanina?" Nagpalipat-lipat ang tingin ni Samantha sa kanilang dalawa ni Gia. Marahang tango ang tugon ni Gia sa tanong nito. "Well, mukhang nagkamali ka nang akala." Napakamot ito sa ulo bago bumaling sa kanya. "Nathan, umayos ka. Kapag lumabas ang magandang babae na 'to sa SAJ's na umiiyak dahil sa 'yo, kalimutan mong mag-business partner tayo," banta nito bago nagmartsa palayo sa kanila.

Ilang minuto na ang nakalipas nang iwan sila ni Samantha pero walang gustong may magsalita sa kanilang dalawa. Nanatili silang nakatayo habang pinagmamasdan ang isa't isa, nagpapakiramdaman. Subalit hindi siya nakatiis. Nilapitan niya ang dalaga at mahigpit itong niyakap.

"I miss you," madamdamin niyang pahayag kahit hindi ito gumanti ng yakap sa kanya. "Miss na miss kita. Halos mabaliw ako sa kaiisip sa 'yo."

Marahas siyang itinulak ni Gia. Nagbabaga ang tinging ipinukol nito sa kanya nang magtama ang kanilang mga mata. Hindi niya alam kung bakit nagkakaganoon ang dalaga.

***

"Ang kapal naman ng mukha mong sabihin sa 'kin 'yan," nanggigigil niyang wika. "Hanggang kailan mo ba ako sasaktan? Ha? Nathan, tama na! Alam ko naman, eh, huwag mo akong gawing tanga."

"I don't understand you." Rumihistro ang sakit sa guwapong mukha ng binata. "Gia, wala akong ibang gustong gawin kundi ang pasayahin ka. Bakit hindi mo maramdaman 'yon?" puno ng hinanakit ang tinig nito.

"Liar! Sa tingin mo ba maniniwala ako sa 'yo? Nagkukumahog akong puntahan ka dahil sabi ni Bea hindi ka sumasagot sa mga tawag niya. Nag-alala ako dahil baka kung ano nang nangyari sa 'yo 'yon pala malalaman ko na may kinakasama ka na."

"Hindi ko alam ang sinasabi mo."

"Huwag ka nang magkaila. Naabutan ko si Andrea sa condo mo." Tutal nagkaharap na sila sasabihin niya sa binata lahat nang gusto niyang sabihin. "Ang sabi mo sa 'kin kaibigan mo lang siya, hindi naman pala. Sinuwaling ka!"

"Nagseselos ka ba?" Ang hinanakit sa tinig nito kanina ay napalitan ng tuwa na lalong ikinainis ng dalaga.

"Hindi lang ako basta-bastang nagseselos Nathan. Nasasaktan ako." She started to cry. "Huwag mo akong pagtawanan dahil galit na galit ako sa 'yo, lalo na sa sarili ko. Wala akong karapatang maramdaman lahat ng ito pero 'di ko mapigilan dahil mahal kita." 

Sa wakas, nasabi na rin niya. Para siyang nabunutan ng malaking tinik sa dibdib. Bahala na kung magmukha siyang tanga at kaawa-awa sa harapan nito basta nagpakatotoo siya.

Nilapitan siya ng binata at mahigpit siyang niyakap. Nagpupumiglas siya pero malakas ito kaya nakulong siya sa matipunong bisig nito. Nang maramdaman niya ang init ng yakap ng binata'y napagtanto niyang miss na miss niya ito.

"May karapatan kang magselos, magalit, at mag-demand ng oras sa 'kin huwag lang kitang makitang nasasaktan dahil dobleng sakit ang nararamdaman ko. Masaktan na ako huwag lang ikaw. Ganoon kita kamahal, Gia. Sana maramdaman mo 'yon." Pumiyok ang besos nito habang nagsasalita.

Natigilan siya. Tumigil sa pagpatak ang kanyang luha. Umiiyak ba ito? "Nathan." Tinangka niyang iangat ang ulo upang makita ang mukha nito subalit pinigilan siya ng binata.

"Ilang beses ko nang gustong sabihin sa 'yo na mahal kita pero naduduwag ako. Natatakot ako na baka i-reject mo ang pagmamahal ko sa 'yo. Imbes na magtapat ako, ipinakita at pinaramdam ko kung gaano kita kamahal kaso walang epekto sa 'yo."

"Naisip ko tuloy na baka mahal mo pa rin si Edward kaya 'di mo ako magawang papasukin sa puso mo. Lalo na nang malaman ko na nagkita ulit kayo. Nasaktan ako, nagselos, at nagalit dahil akala ko mawawala ka sa 'kin. Tapos bigla kong napagtanto noong gabing nag-away tayo na hindi ka pala akin."

Naramdaman niya ang pagpatak ng luha ni Natahan sa kanyang ulo. Muli niyang inangat ang ulo upang makita ito at sa pagkakataong 'yon ay 'di siya pinigilan ng binata. Tinuyo niya ang luhang naglandas sa guwapong mukha nito.

"I'm stupid but you're more stupid." Kinulong niya sa magkabilang palad ang mukha nito. "Walang pag-aalinlangang ibinigay ko sa 'yo ang lahat tapos pagdududahan mo akong nakipagbalikan kay Edward." Binanggit niya kay Nathan kung bakit sila nagkita ni Edward. "At walang ibang laman ang isip ko kundi ikaw simula nang una kitang makita," pagtatapat niya rito.

"Talaga?" Kumikinang ang mga mata nito habang nagsasalita. "Pareho pala tayo. Simula nang unang beses na makita kita walang araw na hindi ko kinulit si Bea tungkol sa 'yo kaya siguro ayaw niyang maniwala na walang namamagitan sa 'tin."

"Bakit 'di mo sinabi sa 'kin? Wala ring nabanggit si Bea."

"Sinabi kong huwag sabihin sa 'yo. Paano kasi sabi mo sa kanya may natitipuhan ka nang iba kaya ayaw mong makipag-date sa 'kin. Tapos sa tuwing nagpapahiwatig ako na gusto kita dinededma mo lang ako."

"May type na type nga ako noon," natatawa niyang pag-amin. Nalukot ang mukha ng binata. Binigyan niya ito ng isang mabilis na halik sa labi. "Ikaw. Na-love at first sight yata ako sa 'yo."

Nagliwanag ang mukha nito at masuyo siyang hinalikan sa labi. Buong puso niyang tinugon ang halik nito. Wala siyang pakialam kung maraming taong nakatingin sa kanila.

"I love you, Gia," madamdaming wika ni Nathan nang maghiwalay ang kanilang mga labi. "I will love you every day for the rest of my life."

"I love you too."

Muli nilang pinagsaluhan ang mainit na halik nang biglang may tumawag kay Nathan. Sabay silang napalingon sa babae.

"Nathaniel, ibang business pala ang inuna mo," naksimangot na turan ng babae pero bigla rin itong ngumiti. "Akala ko tatandang binata ka dahil ang picky mo. Thank you, Lord, dahil may Gia na dumating sa buhay ng kaibigan ko."

"Mabuti na lang at nabawi niya ang puso ni Gia," sabi ng babaeng kausap ng dalaga kanina na nagngangalang Samantha at kasama nito ang poging asawa na si Jeffrey. "Dahil kung hindi, hindi matutuloy ang business natin."

Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mga ito. Naguguluhan siya dahil magkakakilala ang mga ito. Mukhang naiintindihan ni Nathan ang gusto niyang itanong kaya pagkatapos nitong ipakilala sa kanya ang bawat isa ay nagpaliwanag ito.

"Si Andrea ay kaibigan ko. Nakilala ko siya noong nag-enroll ako sa culinary school. Kababalik niya lang mula sa States. Nag-usap kami na magtayo ng business at makipag-collaborate kay Sam at Jeff."

"Kaya ba naging busy ka nitong mga nagdaang araw?"

Tumango ito. "Kung binasa mo lahat ng text ko sa 'yo malalaman mo lahat kaso talagang binale-wala mo ako nitong mga nagdaang araw," may himig pagtatampo sa boses.

"Sorry." Nakonsensya tuloy siya. "Akala ko busy ka kay Andrea. Pati yung picture na magkasama kayo pinagselosan ko pa."

"Walang kang dapat na ipagselos." Diretso itong tumingin sa kanyang mga mata. "Ikaw ang unang babaeng ipinakilala kong nobya sa pamilya ko at ikaw rin ang huli."

Ang sarap namang pakinggan.

"Iyong picture na nakita mo, nag-iisa kong litrato 'yon na nakasuot ng chef's uniform kaya naka-display 'yon."

"Gia, totoong mahal ka ni Nathan. First time ko siyang nakitang wala sa sarili. Umiyak pa 'yan sa harap naming tatlo noong minsang nag-meeting kami," sabi ni Andrea.

"Ginawa mo 'yon?"

"Oo," walang gatol na sagot nito. Tinawanan ito ng dalaga. "Mayroon bang nakatatawa ba sa ginawa ko?"

"Wala."

"Bakit natatawa ka?"

"Dahil ginawa ko rin 'yon." Hindi makapaniwalang nagtinginan sa kanya ang mga ito lalo na si Nathan. "Mas nakahihiya nga 'yong ginawa ko kasi sa ibang tao pa ako humagulhol. Take note, sa lobby ng office ako sumalampak at umiyak." Nagtawanan silang lahat.

"We're both crazy." Naramdaman niya ang masuyong pagyakap ni Nathan mula sa kanyang likuran.

"I know," nakangiti niyang sang-ayon.

"Nakababaliw naman talaga ang pag-ibig," segunda ni Samantha na masuyong tiningnan ang asawa.