"Uuwi ka na?"
Tumingala si Cielo upang tingnan kung sino ang nagtanong sa kanya. She was greeted by Byron's sweet smile. Inirapan lang niya ito, iyon ang kanyang madalas na reaksyon sa tuwing lalapitan siya ng binata. Tumayo na siya at isinukbit ang kanyang bag sa balikat. Naglakad na siya palayo rito at ni hindi man lang sinagot ang tanong nito. Lumapit siya sa counter area para magpaalam kina Hershey at Sabrina, ang may-ari ng Steamin' House kung saan siya kumain at mga kaibigan din niya. At para na rin hilahin palabas ang nakikipagtsismisan na si Brittany, na siyang nagyaya sa kanyang kumain doon ng hapunan.
Nakilala niya ito nang mangupahan siya sa barangay na iyon at naging matalik din na kaibigan. Sadyang maliit lang talaga ang mundo dahil hindi niya inakalang ito pala ang bunsong kapatid ni Byron. Ang lalaking wala ng ibang ginawa kundi ang pagtripan siya.
"Mauna na kami," paalam niya kina Hershey at Sabrina, tinanguan lang siya ng mga ito. Hinarap niya si Brittany. "Halika na. Ikaw ang nagyayang umuwi pero nakikipagtsismisan ka pa riyan." Ngumiti lang ito at may ininguso sa kanyang likuran. Alam niyang ang kuya nito iyon.
"May kasabay ka na. Hindi na ako sasabay," sabi pa nito sa kanya.
Napailing na lang siya. "Fine. Kung ayaw mong umuwi, mauuna na ako." Pagkatapos sabihin iyon ay tumalikod na siya bago pa siya tuksuhin ng mga taong nandoon. Pero sanay na siya at wala siyang pakialam.
Tuluy-tuloy lang siya sa paglalakad hanggang sa makalabas sa Steamin' House. Napahinto lang siya nang may pumigil sa braso niya. Nilingon niya ang may-ari ng kamay na pumigil sa kanya kahit na may hinala na siya kung sino ito. Ah, ito ang problema ko, aniya sa sarili matapos makita ang nakangiting si Byron.
"Do you mind?" aniya atsaka ito tinaasan ng kilay. Si Byron naman ay parang walang narinig at hindi nabura ang ngiti sa labi kahit na sinungitan niya ito. Autistic talaga. Napapalatak na lang siya.
"Come on, Cielo. Ihahatid lang naman kita. Anong masama roon?"
"Sa paghatid wala pero ikaw masama."
"Takot ka lang yatang makasama ako at baka hindi mo na mapigilan ang nararamdaman mo, eh."
"Oo baka hindi ko na mapigilan at mapatay na kita. Baka nga si Francis pa ang magtapon sa akin sa bilangguan kung sakali." Ang Francis na tinutukoy niya ay ang kaibigan ni Byron na isa namang abogado.
"Ikaw talaga, masyado kang sweet magsalita."
"Go to hell, Mr. Salvation."
"Hindi ko alam ang papunta roon."
"I'll give you a map."
"Galing ka na roon?"
"Yes. Get lost."
Nahiya pa siya nang mapansin na nasa di-kalayuan si Ryan na isa rin sa mga kaibigan ni Byron at may kasama itong isang dalaga. Binawi niya ang kanyang braso na hawak nito at mabilis siyang lumayo kay Byron.
Wala siyang choice kundi ang dumaan sa harapan nina Ryan at ng kasama nito kahit nahihiya pa siya sa nasaksihan ng mga ito sapagkat doon naman talaga ang daan papunta sa bahay niya. Narinig pa niyang kinausap pa ni Byron ang dalawa ngunit tuluy-tuloy lang siya sa paglalakad. At mas mabuti na iyon upang mabilis siyang makalayo rito.
Wala siyang balak patulan ang kabalbalan ni Byron. Unang kita pa lamang niya sa binata ay hindi na niya ito nagustuhan. Hindi nito sineseryoso ang lahat ng bagay na siya namang kabaligtaran niya. Ang kanyang ama ay isang sundalo at iyon marahil ang dahilan kung bakit ganoon na lang siya kaseryoso sa lahat ng bagay. Hindi sila maaring maglaro o magbiro kapag nasa paligid ito. She and her three older brothers have to take everything seriously. Iyon ang turo sa kanila ng kanilang padre de pamilya.
Mukhang walang balak si Byron na tantanan siya sapagkat naramdaman na naman niya ang pagsunod nito sa kanya. "Mabigat yata 'yang bag mo, Prinsesa, baka mabalian ka ng buto," anito sa kanya sabay hawak sa bag niya nang maabutan siya nito.
Napabuntong-hininga na lang siya at huminto sa paglalakad upang binalingan ito. Hinampas niya ito gamit ang kanyang bag.
"Aray!" anito sabay himas sa nasaktang braso. Gusto niyang mangiti nang makita ang hitsura nito ngunit pinigilan niya. Natural na masaktan ito dahil nasa loob ng kanyang bag ang kanyang laptop.
"I told you to stop calling me that." Hindi niya alam kung anong pumasok sa isipan ni Byron at iyon ang napili nitong itawag sa kanya. Hindi siya sanay sapagkat kahit nag-iisa siyang anak na babae ay hindi naman siya itinuring na prinsesa sa kanila. Lalaki rin ang tingin sa kanya ng mga kuya niya. "At ikaw ang babalian ko ng buto kapag hindi mo pa ako nilubayan," pananakot pa niya rito. Well, it's not exactly a threat, it's a warning. Kaya naman kasi talaga niyang gawin iyon. Thanks to the martial arts training she had with her father.
"Baka kapag nilubayan kita, ma-miss mo ako bigla—" Tumigil ito sa pagsasalita nang akmang hahampasin na naman niya ito gamit ang kanyang bag ngunit napigilan siya nito sapagkat hinablot nito iyon sa kanya. "Ako pala ang makakamiss sa'yo. Mami-miss kita kaya hindi kita pwedeng lubayan." Ngumiti pa ito sabay kindat at isinukbit ang kanyang bag sa malapad nitong balikat. "Grabe naman itong bigat ng bag mo, Cielo. Ano bang laman nito, bato?" Tiningnan niya ito ng matalim at binalak niyang kunin ulit ang bag ngunit nabigla siya nang basta na lamang siya akbayan nito.
"B-bakit nakaakbay ka pa?" paangil niyang tanong dito sabay tapik sa braso nitong nakaakbay sa kanya. Pilit niyang tinatakpan ang pagkailang na nararamdaman sa pamamagitan ng pagtataray sa binata. "Hindi ko naman sinabing bitbitin mo ang bag ko kaya wala kang karapatang magreklamo." Pilit siyang kumakawala sa pagkakaakbay nito pero wala talaga yata itong balak na bitawan siya. Nagpatuloy ito sa paglalakad kaya napilitan na rin siyang maglakad.
"Hindi naman ako nagrereklamo, nag-aalala lang ako baka mapilayan ka sa bigat ng bag mo," pabulong na sabi nito.
Nanayo ang balahibo niya sa leeg nang maramdaman ang mainit na hininga nito. Sumirko-sirko ang puso niya dahil doon. Hindi naman iyon ang unang beses na nakaramdam siya ng ganoon sa tuwing lumalapit sa kanya si Byron. Pero pilit lang niyang dinededma ang bwisit na nararamdaman niya. Hindi niya maaaring i-entertain iyon at baka kung saan pa iyon humantong . Baka magsisi pa siya bandang huli. Siniko niya ito at kaagad naman siyang nakawala sa braso nitong nakapatong sa balikat niya. Nakita niya itong nakangiwi habang hinihimas ang nasaktang tagiliran.
"Masyado kang defensive, Cielo. Alam kong na-touch ka sa sinabi ko sayo pero huwag mo naman masyadong ipahalata at baka isipin ng mga nakakakita sa atin na patay na patay ka sa akin."
"Ang kapal talaga ng mukha mo! Baka mapatay na talaga kita kapag hindi ka pa tumigil sa kakakulit mo sa akin." Tumawa lang itong malakas na para bang tuwang-tuwa pa sa usapan nilang iyon. "Ewan ko sa'yo!" Iyon na lang ang nasabi niya at mas lalo pang binilisan ang kanyang paglalakad. Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang buong mukha at alam niyang tutuksuhin lang siya ni Byron kapag nahalata nito iyon.
"Hindi ba masakit ang paa mo, Prinsesa? Buong araw mong suot ang mga sapatos mo na iyan." Nakasunod lang ito sa likuran niya at napakunot-noo siya sa sinabi nito sabay tingin sa suot niyang heels. Naapektuhan siya sa narinig niyang concern sa boses nito. Ipinilig niya ang kanyang ulo para suwayin ang sarili. Concern? Ang lalakeng 'yan? Sayo? Oh come on, Cielo.
"It's part of my job." Pinanatili niyang kalmado ang kanyang boses nang sabihin niya iyon. Hindi pa rin niya ito nilingon. Isa siyang copywriter sa isang ad agency at natural lang ang magsuot siya ng heels dahil kasama iyon sa dress code ng kompanya nila.
"Pero hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko."
"No."
"Ang ikli naman ng sagot mo."
"Kasing-ikli ng pasensya ko sayo, Byron."
Tumawa lang ito at hindi na muling kumibo hanggang sa makarating sila sa bahay niya. Akmang kukunin na niya ang kanyang bag na nakasukbit sa balikat nito nang hawakan nitong bigla ang kanyang kamay. Tumaas na naman ang kilay niya sa ginawa nitong iyon.
"Ano na namang pauso 'to?" walang-ganang tanong niya. "Pagod na ako. Gusto ko ng magpahinga kaya utang-na-loob, bitiwan mo na ang kamay ko." Pilit niyang binabawi ang kamay niya mula sa pagkakahawak nito. Ang totoo ay natatakot siya na baka maramdaman nito ang panginginig ng kamay niya. Baka kung ano pa ang isipin nito at pagtripan na naman siya ng binata.
Ngumiti lang si Byron at hindi pa rin binibitawan ang kamay niya. "Thanks for letting me bring you home."
Pagkatapos ay ibinigay na nito ang kanyang bag. Hindi na siya nagtataka sa pabago-bagong emosyon na pinapakita sa kanya ni Byron. Sa tagal ng pagkakakilala niya rito ay nasanay na siya sa dalawang dalawang pagkatao na ipinapakita nito sa kanya. Ang makulit na side nito na para bang bata at ang seryosong maaalahanin na binata na— well, siya lang yata ang nakakaalam. So, feeling mo special ka na niyan? kontra ng isip niya.
"Hindi mo naman ako titigilan kahit pagbawalan kita, 'di ba?"
"You're right. Hindi nga kita titigilan kahit na pagbawalan mo pa ako," sagot nito. Tinalikuran na niya ito at binuksan ang gate. Hindi na siya sumagot dahil baka humaba na naman ang usapan nilang iyon. Nakapasok na siya at hinawakan nito ang gate bago niya iyon tuluyang maisara.
"Wala ba akong goodnight kiss?" nakangising tanong nito bago ngumuso na tila hinihintay ang paghalik niya rito. Napailing na lang siya.
"Go home, Byron."
"Hindi talaga kita mabigla kahit minsan, ano?" Pumalatak ito at ito na mismo ang nagsara ng gate. Nag-flying kiss pa ang mokong sa kanya bago umalis. Naiiling na lang siya sa pinaggagawa nito.
Pagpasok niya sa bahay nabingi siya sapagkat tahimik na tahimik doon. Magdadalawang-taon na rin siyang naninirahan na mag-isa. Kinailangan niyang mangupahan sapagkat masyadong malayo ang kanyang uuwian kung araw-araw siyang uuwi sa bahay nila. Maganda naman ang trabaho niya at masaya siya roon kaya naman kahit kumontra noong una ang kanyang mga magulang nang sabihin niyang mangungupahan siya ay wala ng nagawa pa ang mga ito.
Nagretiro na ang kanyang ama sa serbisyo apat na taon na ang nakararaan at nagpasya ang mga magulang niya na umuwi sa probinsya ng kanyang ama. Ang dalawa sa tatlo naman niyang nakatatandang kapatid ay mayroon ng sariling pamilya at ang isa naman ay kasalukuyang nasa Singapore at doon nagtatrabaho. Balak na rin nitong magpakasal sa taong iyon.
Noong una ay nalulungkot siya sapagkat nasanay siya na palaging kasabay kumain sa hapag ang kanyang buong pamilya maliban na lang kapag nakadestino sa ibang lugar ang kanilang ama. Nang tumagal naman ay nagawa na niyang i-enjoy ang pagiging independent niya at ang makawala sa mata ng mga kuya niya na napaka-competitive ay talaga namang ikinasiya niya. Naging natural na sa kanilang magkakapatid ang magkompetisyon sa lahat ng bagay at dahil babae siya ay minamaliit siya ng mga ito. Nagawa naman niyang makipagsabayan sa mga ito lalo na kapag academics na ang pinag-uusapan. Nag-training din sila ng man to man combat ngunit alam niyang wala siyang ibabatbat sa mga ito kung sakali.
Kaya hindi siya sanay sa ginagawa ni Byron. Pinaparamdam nito sa kanyang babae siya at hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang maging reaksyon. It feels good, though. No one ever dared to talk or show affection to her before. Natatanging si Byron lang. Tandang-tanda pa niya kung paano sila unang nagkita ng binata...
Halos isumpa na ni Cielo ang kanyang suot na sapatos na may mataas na takong. Iyon ang unang araw niya sa trabaho at kung hindi niya bibilisan ang paglalakad ay baka mahuli na siya. And worst, baka masesante pa siya. Peste kasing baterya ng alarm clock niya, ngayong araw pa nito naisipang sumuko. Mabuti na lang at pumasok ang kanyang ina sa kanyang silid upang gisingin siya.
Masakit na ang mga paa niya at sigurado siyang may paltos na ang mga iyon pero saka na lang niya iyon papansinin. Sa ngayon, ang kailangan niyang gawin ay pumunta sa opisina ng Creative Director ng Fortress Communications, Inc. upang mag-report para sa kanyang unang araw doon. May kalayuan iyon sa bahay nila at kailangan niyang magbiyahe ng isa't kalahating oras. Nakita lang niya sa Internet ang ad na nagsasabing kasalukuyang naghahanap ng mga bagong empleyado ang kompanya na iyon at nagpasa siya ng resume at swerte namang natanggap siya.
Makalipas ang ilang minuto ay nasa tapat na siya ng opisina ng amo niya. Bago siya kumatok ay inayos muna niya ang kanyang buhok at damit. Pagkatapos ng dalawang katok ay may nagsalita sa loob.
"Come in," anang isang baritonong tinig.
Huminga siya ng malalim at binuksan ng dahan-dahan ang pintuan. Nakaupo sa swivel chair ang isang lalaki ngunit hindi ito sa kanya nakatingin. Abala ito sa ginagawa at ang buong atensyon nito ay nasa laptop nito.
"G-good morning, Sir." Pinagpapawisan na siya ng malamig. Paano kung ipatapon siya nito sa labas ng building na iyon at sabihan siya ng huwag na siyang bumalik bukas? Huwag naman po sana, piping dasal niya. Naulingan niyang nagmura ang lalaki at hindi pa rin siya nito tinatapunan ng tingin. Natakot siya ngunit pinili niyang kunin muli ang atensyon nito.
"Sir?" Noon lang siya tiningnan nito at kaagad nitong isinara ang laptop. Nakita niyang natigilan ito at kumurap pagkakita sa kanya. Tumikhim pa ito bago umayos ng upo. Napansin niyang magandang lalaki pala ang kanyang boss na si Andrew Santillan. Iyon ang unang pagkakataon na nakita niya ito sapagkat hindi ito nakarating noong nagkaroon ng orientation para sa mga bagong empleyado.
Her boss reminded her of the late Rico Yan. Especially when he smiled at her and saw his perfect set of teeth. He has a set of deep yet playful eyes. Mas moreno nga lang ito kumpara sa naturang actor. Sa tantiya niya ay malaking tao rin ito dahil kahit na kasalukuyan itong nakaupo ay hindi maipagkakaila iyon.
"ID?" anito sa kanya. Siya naman ang napatanga sa pagkakataong iyon. Nang hindi siya kumilos ay muli itong nagsalita. "May ID ka ba?"
"Ah." Hindi siya kaagad nakapag-react dahil nahumaling siyang titigan ang gwapo nitong mukha. Umayos ka, Cielo. Boss mo 'yan, paalala niya sa sarili. Binuksan niya ang kanyang bag at ipinakita sa binata ang kanyang company ID na inabot lang kanina sa kanya ng HR personnel.
Tumayo ito at hindi nga siya nagkamali, matangkad ito at nakasuot lang ng simpleng T-shirt na may disenyo na Iron Man. Jeans at sneakers naman ang ipinares nito sa suot nitong iyon. Hindi niya iyon inaasahan sapagkat hindi man malaki ang kompanyang pagmamay-ari ng pamilya nito ay kilala naman iyon.
Hindi ito lumapit sa kanya bagkus ay umikot lang ito at umupo sa mesa nitong gawa sa kahoy. Gamit ang daliri nito ay sinenyasan siya nitong lumapit at tumalima naman siya. Tinitigan nito ang hawak nitong ID niya at walang imik na ibinalik iyon sa kanya. Isinuot naman niya iyon sa kanyang leeg.
"'Cielo' pala ang pangalan mo," mayamaya'y wika nito.
"Pwede naman po akong magpakilala sa inyo, Sir. Bakit kailangan pa ninyong hingin ang ID ko?" Hindi niya napigilan ang magtanong sapagkat nagtataka talaga siya. Mukha ba akong kahina-hinalang tao? tanong ni Cielo sa kanyang sarili. At mabuti na lang ay napigilan niya ang sarili na magsalubong ang kilay. Baka masamain pa iyon ng kanyang boss kung sakali.
"Wala lang," sagot nito. Napakunot-noo siya sa pagkakataon na iyon. Bakit parang may tama yata sa utak ang amo niya? Bigla na lang bumukas ang pinto sa kanyang likuran at ang narinig niyang sinabi ng bagong dating ay ang nakapag-painit ng ulo niya.
"Byron, nandiyan ka na pala. Pasensya ka na, pare. May dinaanan lang ako saglit."