"Tita Ganda, pagod ako."
Napalingon si Cielo kay Stacy nang sinabi nito iyon sa kanya at binitawan ang pagkakahawak sa kanyang kamay. Miyerkules noon ng hapon at naisipan niyang tumambay sa Steamin' Mugs kasama si Stacy. Naiinip kasi siya at wala naman siyang ibang alam na gawin. Isa pa, halos lahat na yata ng larong alam niya ay nalaro na nila ni Stacy. Ang kalat nga rin ng buong bahay dahil sa mga dala nitong laruan. Madalas kapag lumalabas sila ay bumibili pa sila ng mga panibago.
"Karga." sabi pa nito sa kanya.
Pinagbigyan naman niya ito at inayos na lang niya ang pagkakasukbit sa dala niyang laptop bag. Kahit naka-leave siya ay may ilang trabaho pa rin siyang ginagawa kapag nagkakaroon siya ng pagkakataon. Ayaw naman kasi niyang matambakan ng trabaho pagkabalik niya pagkatapos ng kanyang isang linggong bakasyon.
"Ang bigat mo naman, Stacy. Pambihira, marami ka sigurong kinakain sa inyo, 'no?" reklamo niya nang buhatin niya ito.
"Wala po."
"Anong wala? Bibigat ka ba nang ganito kung wala?"
"Milk lang. Milk." sagot nito sabay halik sa tenga niya at tumawa lang siya nang makiliti siya sa ginawa nito. Pinanggigilan naman niya ang leeg nito.
"Bakit ang asim mo?" tanong niya kay Stacy.
"Ampangit, Tita! Hindi kita bati! Ampangit mo!" Ang pisngi naman niya ang pinagdiskitahan nito. Panay ang pisil ng munti nitong mga kamay sa mga iyon.
"Aba, manang-mana talaga si Stacy sayo, Prinsesa, pareho kayong may matabil na dila." Nilingon pa niya si Byron nang marinig ang boses nito at magkasalubong pa ang kanyang kilay. Lumapit naman ito atsaka kinuha sa kanya si Stacy. Pagkatapos noon ay inakbayan pa siya atsaka siya inakay.
"Paamoy nga kung mabaho ka." ani Byron sa kanya at inilapit ng husto ang ilong nito sa kanyang leeg ngunit mabilis siyang nakaalis sa pagkakaakbay nito sa kanya kaya siya nakaiwas. Tumawa lang ito ng malakas at para bang tuwang-tuwa sa naging reaksyon niya.
"Gag—" akmang magmumura na siya ng bigla nitong tinakpan ang kanyang bibig.
"Don't say bad words. May inosente rito." anito sabay nguso sa pamangkin niyang pinaglalaruan ang collar ng suot ng polo ni Byron. Nakonsensya naman kaagad siya atsaka napagtripang kagatin ang kamay nitong ipinantakip sa bibig niya. Tumawa lang ito pagkatapos. Kukunin na niya sana ang pamangkin sa braso nito nang tumalikod ito at nagsimulang maglakad.
"Saan ba ang punta ninyong dalawa?" tanong nito sa kanya.
"Kina Sab." maikling sagot niya. Tumango lamang ang binata at ang napagtripan nitong kulitin ay ang pamangkin niya.
"Stacy, alam mo ba ang tawag sa kabayo na nasa stick?" tanong ni Byron sa inosenteng bata.
"Barbeque po."
"Mali. Carousel ang sagot. Nakakita ka na ba 'non?" Napailing na siya sa ka-cornihan nito. Humagikgik lang ang pamangkin niya na animo'y naiintindihan ang kabalbalang pinagsasabi ng binata.
"Byron, kung anu-anong pinagsasabi mo sa bata." suway niya rito.
"Last na lang, ano ang tawag sa mabait na badjao, Stacy?"
"Ewan ko po."
"Goodjao ang tawag sa kanila."
Kung pwede lang talaga niyang sakalin si Byron sa kalsada, ginawa na niya. Baka kung ano pa ang mapulot na kabalbalan ng pamangkin niya sa mga sinasabi ni Byron. Pero kahit ayaw man niyang aminin ay natatawa naman siya sa mga hirit ng binata.
Nakarating na sila ng Steamin' House at ibinaba na nito ang kargang si Stacy sa isang bakanteng upuan.
"Thanks." aniya sabay baba sa kanyang bitbit na bag. Hindi naman kaagad ito umalis, tiningnan lang siya nito atsaka lumapit upang bumulong.
"Hindi ka pangit. Huwag mong pakikinggan si Stacy." Hindi niya alam kung dahil ba sinabihan siya nito na hindi siya pangit o dahil naramdaman niya ang init ng hininga nito kaya biglang bumilis ang pintig ng puso niya. Alin man sa dalawa ay bahala na. Hindi na lang niya masyadong papansinin iyon.
Inaayos ni Byron ang ilang hibla ng buhok niya na kumawala mula sa pagkakatali. Nadatnan silang ganoon ang eksena ni Sabrina kaya tinukso sila nito.
"Uyyy, ano yan, ha? Hindi man lang kayo nahiya sa inosenteng bata." nakangising wika ni Sabrina nang makalapit ito sa kanila.
Pinalo naman niya ang kamay ni Byron at tumawa lang ang binata. Lumapit naman si Sabrina kay Stacy, hindi naman iyon ang unang beses na pumunta siya roon kasama ang kanyang pamangkin kaya yumakap si Stacy dito at nagpakarga.
"Tita Taba, gutom ako."
"Bastos 'tong batang ito, ah." ani Sab sabay tingin sa kanya. "Sasabunutan ko 'to, Cielo." Natawa na lang sila ni Byron sa inasal ni Sabrina. Kahit kailan talaga pumapatol ito kahit sa bata.
"Hindi nagsisinungaling ang mga bata, Taba." sabad ni Drew na bagong dating lang. Nilapitan din nito ang bata at hinalikan sa pisngi. "Ako na lang ang bibili ng pagkain mo, Stacy. Tutal naman hindi ka nagsasabi ng lie." Lumipat naman sa bisig ni Drew ang pasaway niyang pamangkin.
"Bakit ka na naman nandito, Andres Pangit?" asar na tanong ni Sab sa best friend nito.
"Hello. Sir." pang-aasar naman niya kay Drew. Ayaw na ayaw nitong tinatawag na 'Sir' sa tuwing nagkikita sila sa labas.
"Sir your face. Wala naman tayo sa opisina." Iyon naman palagi ang sagot nito sa kanya.
"Mauna na ako sa inyo." paalam ni Byron sa kanila. "Lumabas lang talaga ako ng clinic nung nakita ko sina Cielo." Isang pediatrician si Byron at mayroon itong maliit na clinic na malapit lang sa Steamin' House kaya hindi na nakakapagtakang nakita sila nito.
Nang makalabas ito ay umupo na siya at in-on ang kanyang laptop. Habang tumitipa sa laptop ay panay din ang tingin niya sa pamangkin niyang katabi ni Sabrina at Drew habang kumakain. Tama nga yata ang desisyon niyang magpunta roon dahil nakapagtrabaho siya ng maayos habang nalilibang naman ang kanyang makulit na pamangkin. Matapos lang ang halos kalahating-oras ay inihatid na ni Drew si Stacy sa lugar niya.
"Hindi ka ba na-stress, Drew?" nakangiting tanong niya rito.
"Hindi naman. May pagkamatabil lang talaga ang dila ng alaga mo." nakangiting sagot naman ni Drew sa kanya.
"May pinagmanahan kasi." sabad naman ni Sabrina sabay abot ng paperbag kay Drew. Nagpaalam naman ang huli na aalis na. Napagpasyahan lang daw nitong lumabas upang kumain ng meryenda roon. Iniwan na rin sila ni Sabrina pagkatapos dahil may gagawin pa raw itong inventory.
Makalipas lang ang ilang sandali ay napansin niya ang pananahimik ni Stacy. Naisip niyang inaantok na marahil ito kaya naisipan na niyang umuwi. Nang makauwi ay itinuloy niya ang ginagawang trabaho sa sala habang mahimbing na natutulog ang kanyang pamangkin sa kanyang silid. Hindi niya isinara ang pinto upang makita niya pa rin ito. Pagkatapos silipin ito at i-check ang likuran nito ay tumuloy siya sa kusina upang magtimpla ng kape.
Nabitawan niya ang hawak na tasa nang bigla na lang siyang nakarinig ng malakas na iyak. Dahil nakayapak at nagmamadali siyang lapitan si Stacy ay hindi niya napansin ang nakakalat na bubog. Naramdaman niya ang sakit sa kanyang kaliwang talampakan at nang tingnan niya iyon ay nakita niya ang pagdurugo nito pero hindi na niya iyon pinagaksayahan pa ng oras upang suriing mabuti. At kahit kumikirot iyon ay hindi na niya iyon pinansin pa.
Dali-dali siyang lumapit kay Stacy at nakita niyang nagsuka ito sa kanyang kama at patuloy na umiiyak. Kaagad niyang binuhat ito at kinuha ang towel na una niyang nakita atsaka siya dumiretso sa banyo para basain ang hawak na bimpo.
"Anong masakit sa iyo, Stacy?" natatarantang tanong niya habang pinupunasan ito. Inalis na rin niya ang nasukahan nitong damit at panay pa rin ang iyak nito.
"Sakit ako tiyan, Tita." Sa sinabi nitong iyon ay naalala niyang kumain ito kasama sina Sabrina at Drew kanina. Kaagad niyang kinuha ang cellphone sa bulsa ng suot niyang shorts upang tawagan si Sabrina.
"Sab? Anong kinain ninyo ni Stacy kanina?" kaagad tanong niya ng sumagot ito.
"Almond Apple Pie atsaka juice, 'yon lang." Almond? Shit! Gusto na niyang sakalin ang sarili dahil nakalimutan niyang may allergy pala ang pamangkin sa tree nuts. Nabosesan naman kaagad ni Sabrina ang pagkataranta niya. "Okay ka lang? May problema ba?" tanong nito sa kabilang linya.
"I'll call you later, Sab." Hindi na niya hinintay na sumagot ito dahil pinindot na niya kaagad ang End button nang magsimula na namang magsuka si Stacy. Gusto na niyang maiyak pero pilit kinalma ang kanyang sarili. Tumigil na sa pagsusuka si Stacy at nilinis muna niya ito bago kargahin papuntang sala.
Halatang nanghihina na ito dahil nakasandal lang ito sa balikat niya. Pilit niyang pinapagana ang utak niya na hindi makapag-isip ng maayos ng mga sandaling iyon dahil sa pangyayaring iyon. Mabilis pa sa alas-kwatrong kinuha niyang muli ang kanyang cellphone para tawagan ang nag-iisang taong pumasok sa isip niya na makakatulong sa kanya. Gusto na niyang sigawan kanyang ang tinatawagan sa kabilang linya matapos ang ilang beses na pagtawag niya ngunit hindi pa rin ito sumasagot. Naiiyak na talaga siya— sa asar. Susuko na sana siya ngunit sumagot na ang taong tanging makakatulong sa kanya.
"Byron! I need your help!"
NAGLALARO si Byron ng online game sa computer niya habang hinihintay ang alas-singko bago isara ang kanyang munting clinic. Madalas ay ganoong oras talaga siya nagsasara lalo na kung wala naman siyang late na schedule. Tulad na lamang ng araw na iyon. May narinig siyang marahang katok, sumagot siya pero hindi nilulubayan ng tingin ang monitor.
"Pasok."
Lumingon siya ng saglit upang tingnan kung sino iyon at lumitaw doon ang kanyang pinsan na si Lorie, ito ang nagsisilbing sekretarya-slash-tagalinis niya sa clinic. Hindi naman talaga niya kailangan iyon, ngunit kailangan daw ng pinsan niya ng ekstrang mapagkakakitaan. Kaya pumayag na rin siya bilang tulong dito dahil nag-aaral pa ito ng kolehiyo. Ibinalik na niya kaagad ang tingin sa monitor upang ipagpatuloy ang paglalaro. Magmumura na sana siya nang makitang muntik na siyang matalo ng kalaban sa saglit na pagkawala ng atensyon niya sa laro. You can't defeat me 'cause I'm good, pagmamayabang niya sa sarili.
"Kuya Doc, alas-singko na. Wala na rin naman tayong iba pang naka-schedule ngayon." anito sa kanya. Ingat na ingat pa ito sa pagsasalita dahil kung sino man ang ibang makakakita sa kanya ay iisipin ng mga ito na may importante siyang ginagawa at hindi siya pwedeng istorbuhin.
"Oo sige, magligpit ka na para makauwi na tayo." Tumalima naman ito at siya ay sa monitor pa rin nakapako ang mga mata. Patuloy pa rin ang paglalaro niya at narinig niya ang pag-ring ng cellphone niya. Hindi niya pinansin iyon. Not now, mananalo na ako, aniya sa sarili. Tumigil naman sa pag-ring ang cellphone niya at akala niya ay hindi na muling mangungulit pa sa kanya ang sinumang tumatawag. Inisip niyang isa lang sa mga kaibigan niya ang tumatawag kaya hindi niya iyon pinapansin. Nag-ring muli ito at hindi pa rin niya sinagot. Wala siyang balak sukuan ang nilalaro kung kailan malapit na siyang manalo. Nag-ring ang kanyang cellphone sa pangatlong pagkakataon. Kung sino ka man, wala kang mapapala sa akin ngayon. Sorry ka na lang. Walang makakapagpabago ng—
Napahinto siya sa kanyang paglilitanya nang mahagip ng tingin ang pangalan ng kanyang caller. Mabilis niyang dinampot ang cellphone at sinagot ang tawag tsaka inipit sa pagitan ng tenga at balikat niya ang kanyang cellphone. Itinuloy pa rin niya ang paglalaro.
"Mahal kong Prins—" Naputol ang pagpapa-cute niya kay Cielo nang sumigaw ito sa kabilang linya.
"Byron! I need your help!"
Pagkarinig sa sinabi nitong iyon ay mabilis pa siya kay Usain Bolt sa ginawang pagtakbo palabas ng clinic niya pagkatapos damputin kanyang wallet. Damn that game! Wala na siyang pakialam. Nakita niya ang pagtataka sa mukha ni Lorie nang lumabas siya sa office niya pero hindi na siya nag-abalang magpaalam pa rito.
"Anong nangyari?" tanong niya rito habang naglalakad papunta sa direksyon kung saan naka-park ang kanyang kotse.
"Si Stacy. Oh god. Help me, hindi ko na alam ang gagawin ko!" Puno ng pagkataranta ang boses ni Cielo. Hindi niya inaakala na mayroong hindi magandang pangyayari sa kauna-unahang beses na tatawagan siya ng dalaga. Ito rin ang unang beses na humingi ito ng tulong sa kanya.
"Hintayin mo ako, papunta na ako. Calm down, Cielo, everything will be fine." aniya rito bago ibaba ang tawag. Wala siyang ibang choice kundi ang sumakay ng tricycle. Hindi naman kasi niya kailangang dalhin ang kanyang kotse sapagkat malapit lang naman ang clinic niya sa bahay nila. Gustuhin man niyang magsisi ay hindi na niya ginawa sapagkat wala namang maitutulong iyon. Patakbo siyang pumunta sa paradahan ng tricycle at mabilis siyang lumulan doon.
Pagkabayad na pagkabayad niya ay nagmamadali siyang bumaba sa tricycle at tumakbo papasok sa bahay ni Cielo. Kaagad na bumungad sa kanya ang mga mata nitong puno ng pag-aalala. Karga-karga ng dalaga ang natutulog na si Stacy. Kaagad niya itong nilapitan at niyakap. Hindi na rin ito umiwas sa ginawa niyang iyon, hindi tulad ng dati. Mukhang wala ng lakas si Cielo para makipag-away pa sa kanya o kahit tarayan man lang siya.
"Anong nangyari?" tanong niya sabay kuha kay Stacy sa mga malalambot nitong bisig. Inayos niya ang gulo-gulo nitong buhok, hinawakan ang kamay at inalalayan itong umupo sa sofa. Tinabihan niya ito pagkatapos.
"Nagsuka siya ng dalawang beses. Kumain siya ng Almond Apple Pie kanina. May allergy sa tree nuts si Stacy. Nakalimutan kong sabihin kay Sabrina dahil busy ako sa ginagawa ko kanina. I'm so stupid." paliwanag nito sa kanya. Nahilamos nito ang palad sa maganda nitong mukha. Hinagod lang niya ang likuran ng dalaga at hiniling niya na sana ay nakatulong iyon upang huminahon na ito.
Pagkatapos magpaliwanag ni Cielo ay kinuha niya ang kanyang cellphone sa bulsa upang tawagan si Lorie. Malamang ay nandoon pa rin ito sa clinic. Sinabi niya ang mga gamot na kailangan niya at nakiusap dito na kung maari ay ihatid nito iyon sa bahay ni Cielo. Wala pang kalahating oras ay dumating na si Lorie at ibinigay sa kanya ang mga gamot na hiningi niya. Nagpaalam naman ito na uuwi na pagkatapos. Pumasok siya sa kwarto kung saan niya inihiga ang natutulog na bata. Nakaupo naman sa kama si Cielo katabi ni Stacy.
Alalang-alala pa rin ang dalaga nang mga sandaling iyon. Kumuha na lang siya ng ballpen at sticky notes sa table na katabi ng kama. Isinusulat niya ang oras ng pag-inom ng gamot ni Stacy habang nagpapaliwanag din kay Cielo. Matapos niyang isulat ang lahat ay nagpasya siyang iligpit ang kalat sa silid ni Cielo. Hinawakan naman siya nito sa braso upang pigilan.
"Huwag na kaya ko na 'yan. Salamat sa tulong mo, Byron." ngumiti si Cielo sa kanya pero napansin niyang walang buhay ang ngiti nitong iyon. Ngumiti rin siya at pagkatapos ay binitawan na nito ang kanyang braso. Tumayo ito at nagsimulang maglakad pero nakakadalawang hakbang pa lamang ito ay naupo itong muli sa kama. Naalarma naman siya at kaagad na dinaluhan ang dalaga. Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat at tumingkayad sa harapan nito.
"Nanghihina ka ba? Anong nararamdaman mo?" nag-aalalang tanong niya sa dalaga. Tumingin ito sa kanya at umiling.
"Hindi naman. Okay lang ako." anito sabay tayo ngunit napaupong muli sa kama. Napakunot-noo siya at pinagmasdang mabuti si Cielo. Napansin niyang may dugo ang ilang bahagi ng sahig ng kwarto at sinuri niyang muli ang buong katawan ni Cielo. Napansin niya ang kaliwang paa nito at muntik na siyang magmura nang makitang may malalim na sugat nito.
"Anong nangyari rito?" tanong niya at napataas ang kanyang boses habang nakatingin pa rin sa sugat ng talampakan nito.
"Nabitawan ko kasi 'yung tasa kanina dahil narinig kong umiyak ni Stacy. Sorry, nawala ako sa sarili ko kanina." Hindi na siya sumagot pa sa sinabi nitong iyon. Binuhat na lang niya si Cielo at walang imik na ibinaba sa sofa sa may sala.
"May first aid kit ka ba rito?"
"Ako na."
"For once, hiniling mo ang tulong ko kaya lulubusin ko na. Nasaan na?" Itinuro nito sa kanya kung saan nakalagay ang first aid kit nito. Pagkakuha roon ay umupo siya sa sahig at hinawakan muli ang kaliwang paa ni Cielo. Hindi na niya inalam pa ang naging reaksyon nito sa ginawa niya dahil kaagad niyang pinagtuunan ng pansin ang sugat ng dalaga.
"Bakit ang kulit mo, Byron?"
"Bakit ang tigas ng ulo mo, Cielo?"