Chereads / My Daily Dose Of You / Chapter 5 - CHAPTER 05

Chapter 5 - CHAPTER 05

"Sugat lang 'yan. Kaya kong linisin 'yan." Pilit binabawi ni Cielo ang paa nito kaya naman mas lalo pang hinigpitan ni Byron ang pagkakahawak niya roon.

"Doktor ako, Prinsesa."

"You're a pedia."

"I'm still a doctor." Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito.

"You won't let me win this argument, right?"

"Good guess." sagot niya habang patuloy na inaasikaso ang sugat nito. Matapos malagyan ng gasa ang sugat nito ay iniligpit na rin niya ang kanyang ginamit. Pumunta siya sa kusina pagkatapos at nakita niya ang basag na tasa sa sahig at ang dugo na nanggaling sa sugat ni Cielo.

Gusto na niyang murahin ang sarili niya nang maalala ang kanyang paglalaro ng lintik na computer game samantalang may nangyayari na palang hindi maganda kay Cielo. Kinuha niya ang dust pan at sinimulang linisin ang nagkalat na bubog sa kusina at nakita niyang nakatayo si Cielo habang nakahawak sa hamba ng pintuan.

"Anong ginagawa mo? Kaya ko na nga 'yan. Bakit ang kulit-kulit mo?" masungit na tanong nito.

"Umupo ka na baka dumugo na naman ang sugat mo. Ako ng bahala rito." Tatanggi pa sana ito ngunit inunahan na niya ang dalaga. "Kapag hindi ka nakinig sa akin, hahalikan kita." Ngumiti pa siya kay Cielo kahit naaasar na siya sa katigasan ng ulo nito at naasar na siya sa sarili niya. Kung sa ibang pagkakataon siguro ay magagawa pa niyang biruin ito ng walang tigil ngunit hindi ngayon. Wala itong imik na umalis at ipinagpatuloy na niya ang kanyang ginagawa.

Pagkatapos linisin ang kusina ay dumiretso siya sa kwarto upang kunin ang nasukahang bedsheet ni Stacy at inilagay niya iyon sa laundy area ng bahay. Kumuha na rin siya ng basahan para maglampaso upang punasan ang mga patak ng dugo mula sa sugat ni Cielo. Nakita niya ang pagsunod ng tingin ni Cielo sa kanyang bawat galaw. Tahimik lang siyang pinagmamasdan nito. Matapos ang lahat ng ginagawa niya ay tinabihan niya si Cielo sa sofa.

"Salamat, Byron. Napagod ka ba kita ng sobra? Sorry." ani Cielo sa kanya. Nakasandal siya sa sofa at ngumiti siya nang binalingan niya ang dalaga.

"Masaya akong sa akin ka humingi ng tulong. Wala 'yon." Hinawakan niya ang kamay nito sabay pisil.

"Bakit kailangan nakahawak ka pa?"

"Kailangan ko kasi ng lakas." Ngumiti siya ng mas malapad. "I have a better idea, kiss mo na lang pala ako." aniya atsaka ngumuso na para bang hinihintay talaga ang paghalik nito sa kanya. Well, hinihintay naman talaga niya kahit malabo pa iyon. Malabo pa sa tubig ng Ilog Pasig.

"Inuuto mo na ako, Byron." anito sabay iwas ng tingin. Binawi na rin nito ang kamay na hawak niya. Napangiti siya. Napadako naman ang tingin niya sa wall clock at napansin niya na malapit na palang mag alas-otso ng gabi.

"Anong gusto mong kainin? Oras na pala. Kailangan na nating maghapunan."

"Ikaw ano bang gusto mo? Ako na ang magluluto." akmang tatayo ito mula sa pagkakaupo pero pinigilan niya ito.

"As much as I want to taste your food, Cielo, mas mabuti pang magpa-deliver na lang tayo. Ayoko pa ring gumagalaw-galaw ka dahil baka dumugo na naman ang sugat mo." Hindi na ito umimik at hinayaan na lamang siyang magpa-deliver ng pagkain nila. Bago siya umalis ay iniligpit na rin niya ang pinagkainan nila ni Cielo at ipinagluto na rin niya ng lugaw si Stacy. Nagpaalam na rin siya rito nang mapansing lumalalim na ang gabi. Inihatid pa rin siya nito hanggang gate kahit na anong tanggi niya, hinayaan na lang niya ito ngunit inalalayan pa rin niya ang dalaga.

"Uuwi na ako. Ipinagsulat na kita ng memo para sa mga gamot ni Stacy. 'Yang sugat mo, kapag sumakit tawagan mo ako, ha? Atsaka—"

"Tama na, Doc. Ang dami mo namang sinasabi." nakangiting sabi nito sa kanya. Napangiti na lang din siya. Ito ang unang beses na hindi siya halos kainin ng buhay ni Cielo at ngayon lang din ito ngumiti sa kanya ng ilang beses na labis naman niyang ikinatutuwa. Hindi niya alam kung bakit kahit anong gawin niyang pagpapakwela rito noon ay walang epekto. Daig pa nito ang mannequin sapagkat wala talaga siyang makitang reaksyon mula rito.

"Nag-aalala lang ako."

"I know. Thanks a lot." Ngumiti na naman sa kanya si Cielo at hindi niya napigilan na yakapin ito. Alam niyang nabigla ito sa ginawa niya dahil nanatili lang itong nakatayo na para bang nanigas sa kinatatayuan. Pero ang mas nakapagpasaya sa kanya ay ang hindi man lang nito pagpalag kaya lalo niyang hinigpitan ang kanyang pagkakayakap sa dalaga. Tumikhim ito ng makabawi sa gulat.

"Bakit kanina ka pa yakap ng yakap?" Naging masungit na naman ang tono nito at sinubukan din siyang itulak. Sa halip na kumalas ay hinigpitan niyang muli ang pagkakayakap rito.

"Pagbigyan mo na ako. Ngayon lang ako naka-tsansing ng ganito sayo, eh."

"Ah. So, tsansing pala ito?"

"Hindi pala. Binabawi ko na." Siya na mismo ang kumalas sa pagkakayakap niya rito. Tinitigan niya ito ng diretso sa mata at hinawakan sa magkabilang balikat. "Pinaparamdam ko lang ang pagmamahal ko sayo." Nakita niya ang pagkabigla ni Cielo bago nito tinanggal ang mga kamay niyang nakapatong sa balikat nito. Hinihintay niya kung may sasabihin ito tungkol sa kanyang sinabi ngunit tila naghihintay lang siya sa wala. Hindi niya alam kung naniniwala ba si Cielo sa sinabi niya o hindi. Kaya bago pa siya maisipang ipadampot sa tanod ay inunahan na niya ito. "Charot."

Sinasabi ko na nga ba, ani Cielo sa kanyang sarili nang sinabi iyon ni Byron. Muntik na siyang kapusan ng hininga matapos niyang marinig ang sinabi ng binata na pinaparamdam daw nito ang pagmamahal nito sa kanya. At wala pang isang minuto ay binawi na nito iyon kaya naman gusto niyang batukan ang kanyang sarili nang muntik na siyang maniwala sa kabaliwang sinabi ni Byron.

"Umuwi ka na oras na." aniya sabay tulak sa binata palabas ng gate. Nai-lock na niyo ang gate at tinalikuran na ito. Hindi na niya maatim na tingnan ng diretso ang mga mata nito nang mga sandaling iyon sapagkat ayaw niyang makita ng binata ang kanyang pagkadismaya. And yes, as much as she hates to admit it she feels disappointed. It hurts that Byron only sees her as a joke. As a laughingstock. Alam niyang hindi pa rin umaalis si Byron ngunit patuloylang siya sa paika-ikang paglalakad papasok ng bahay. Nagsalita siya ngunit hindi niya ito nilingon.

"Umuwi ka na, Byron. Tigilan mo na ang kakatitig mo, salamat ulit sa tulong."

"Wala man lang ba akong goodnight kiss?" Malapad itong nakangiti nang binalingan niya ito kahit na magkasalubong pa ang kanyang mga kilay.

"Goodnight sapak, gusto mo?"

"'Yung mas sweet naman sana, meron ba?"

"Okay sige. Babatuhin na lang kita ng halaman na nakapaso." sagot niya sa binata at handa na sana niyang lapitan ang paso na malapit sa kanya.

"Goodnight, Prinsesa." wika nito bago pa niya magawa ang kanyang balak. Mabilis na tumakbo si Byron palayo at tatawa-tawa pa ang praning na lalaki. Kinawayan pa siya nito at siya naman ay napabuntong-hininga na lang sa kakulitan nito bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay.

Napasandal siya sa pintuan matapos niyang isara iyon. Alam niya ang dapat niyang gawin, iyon ay ang tumakbo ng malayong-malayo kay Byron bago pa siya tuluyang matangay sa mga pinagsasabi nito sa kanya. Pero hindi niya magawa dahil kahit hindi niya gustong aminin ay masaya naman siya kapag nasa malapit lang ang binata.

Isa lang ang hindi sigurado, iyon ay kung hanggang kailan niya makakayang hindi pansinin ang munting tinig sa kanyang puso. Malabo ang sitwasyon nila pero ang munting bulong na naririnig niya, malinaw na malinaw. At alam niyang hindi iyon dapat dahil hindi iyon tama. Hindi siya pwedeng sumugod na lang basta. Mabuti na lang at ang una niyang natutuhan sa kanyang ama ay disiplina. Iyon ang kailangan niya sa ngayon, ang disiplinahin ang kanyang sarili bago siya mawala sa tamang pag-iisip.

TAPOS na ang isang linggong pahinga ni Cielo. Pahinga ba 'yon? aniya sa sarili sabay kuha sa bag niya na nasa sofa. Inilibot niya ang paningin sa maliit niyang bahay at hindi niya maiwasang hindi malungkot nang makita na malinis na ulit iyon. Bumalik na naman sa normal ang bahay niya. Tahimik na naman ang paligid at wala na ang nagkalat na laruan ng pamangkin niyang si Stacy. Kahapon ng hapon ito sinundo ng hipag niya, nalaman din nito ang nangyari noong nakaraang araw ngunit wala naman itong sinabi pa. Nag-alala pa nga ito sa kanya nang makita nito ang paa niya na may sugat. Sinigurado naman niyang ayos lang siya bago pa nito muling buksan ang paksa na sumama na lang siya sa bahay ng mga ito.

Isinuot na niya ang kanyang flat na sapatos at medyo nanibago pa siya. May kalaliman kasi ang sugat niya at hindi pa iyon ganap na hilom kaya minabuti niyang huwag munang magsuot ng heels. Pagkatapos ay lumabas na siya ng bahay at ikinandado na ang pintuan. Paglabas niya sa gate ay nakita niyang naroon si Byron na nakangiti sa kanya at nakapamulsa. Nang makita siya nito ay kaagad siya nitong nilapitan.

"Good morning, Prinsesa. Ang ganda mo pa rin kahit bagong gising ka." Lumapit pa itong lalo sa kanya at parang may napansin sa kanya. "Parang lumiit ka yata?" Pabagsak niyang isinara ang gate at tiningnan ito ng masama. Itinaas naman ng binata ang dalawang kamay nito bilang pagsuko.

"Hindi yata maganda ang gising mo ngayon, ah." Umakbay ito sa kanya. "Pero lumiit ka nga." Siniko niya ito at napasubsob lang ito sa balikat niya habang tumatawa pa.

"Siraulo ka rin talaga, eh, 'no?" aniya habang masama pa rin ang tingin dito.

"Wow, umagang-umaga may X-Rated."

Napalingon siya sa nagsalita. Nakita niya si Dionne at Ryan na magkahawak-kamay. Ngumiti ang dalawa pero ang mga mata ni Dionne ay halatang may halong panunukso. Gumanti na lang siya ng ngiti.

"Nasaan na 'yung mga sapatos mong mataas ang takong?" ani Byron at itinuro pa nito ang suot niyang flats. Napansin marahil nito ang mga iyon nang napayuko ito dahil sa pagkakasiko niya rito. Pagkatapos ay ang magkasintahan naman ang binalingan nito.

"Gawain din ninyo ito, 'no. Feeling ninyo inosente kayo?" ganti ni Byron sa sinabing iyon ni Dionne. Sumimangot naman si Dionne habang natawa naman si Ryan, na kaagad din nitong binawi nang bumitaw si Dionne sa pagkakahawak nito.

"Honey, hayaan na lang nating manligaw si Byron. Halika na, bumili na lang tayo ng almusal, hmm?" yaya ni Ryan sabay hawak ulit sa kamay ng girlfriend nito.

"Sige na nga." sang-ayon naman ng dalaga atsaka bumaling sa kanya. "Cielo, 'wag kang masyadong lalapit sa lalaking 'yan. Mapapariwara ka lang." anito sa kanya at humagikgik pa. Nang lingunin naman siya ni Ryan ay binigyan siya nito ng ngiting humihiling ng paumanhin at tumango naman siya bago ngumiti. Dumilim bigla ang kanyang paningin nang tinakpan pala ni Byron ang kanyang mga mata.

"Huwag mong masyadong ngitian si Ryan, may girlfriend na 'yon." bulong nito sa kanya.

Nagsitayuan ang kanyang balahibo nang dumampi ang mainit nitong hininga sa kanyang balat. Tinapik niya ang mga kamay nitong nakatakip pa rin sa sa mga mata niya.

"Anong problema mo? Ngiti lang 'yon, 'no." Napansin niyang nanunulis ang nguso nito at hindi pinansin ang kanyang sinabi. Nauna na itong naglakad sa kanya. Napailing na lang siya. Minsan talaga may pagkaisip bata ang lalaking 'to, sa loob-loob niya at sinimulan na ring maglakad. Napahinto siya nang muli itong tumingin sa kanya.

"Bakit mo ako sinusundan?" tanong nito atsaka pa namaywang.

"Excuse me? Hindi kita sinusundan, 'no? Dito talaga ako dumadaan." saglit itong napaisip bago muling lumapit sa kanya at umakbay, na naman.

"Oo nga pala, ihahatid pala kita sa sakayan. Nakalimutan ko."

"Ano?"

"Nagselos kasi ako kaya nakalimutan ko."

"Kaibigan mo si Ryan. Nakalimutan mo na rin ba?"

"Kakalimutan ko na siya. Itatakwil ko—"

"Tigil-tigilan mo ako sa mga kabaliwan mo, Byron." Kumalas na siya sa pagkaka-akbay nito. "At hindi mo naman ako kailangan ihatid. Bye." Hindi na niya hinintay ang isasagot nito. Naglakad na siya at naramdaman naman niya ang pagsunod nito sa likuran niya at sumabay ito sa paglalakad niya.

"Susunduin kita mamaya, Cielo." Hindi iyon tanong. Hindi rin ito nanghihingi ng pahintulot. Isa iyong pahayag.

Hindi niya ito tiningnan at patuloy lang ang ginawang paglalakad. "You don't have to." Pinara na niya ang paparating na tricycle at kaagad na sumakay. Ngunit bago umalis ang tricycle ay niyukuan siya nito atsaka ngumiti.

"Huwag kang masyadong ngingiti sa ibang mga lalaki, ha? Baka magkasakit ako sa puso, eh."

"Pauso ka na naman, Byron."

"Ang aga mo namang nanliligaw, hijo." narinig niyang saad ng tricycle driver.

"Kailangan po para magbunga rin ng mas maaga." sagot nito.

"Tara na po." aniya sa driver pagkatapos ay nilingon niya rin si Byron at kumaway lang ito sa kanya.

"Ingatan po ninyo ang Prinsesa ko, ha? Pakakasalan ko pa iyan." Pahabol pa na habilin ni Byron sa tricycle driver. Napailing na lang siya, kahit sino talaga nadadamay sa pagkapasaway nito. Hindi na niya ito pinatulan at baka humaba na naman ang pag-uusapan. Mabuti na lang at umandar na ang sakay niyang tricycle at nang magbabayad siya ay hindi na iyon kinuha ng driver. Noon niya naalala na may kung anong iniabot sa driver si Byron kanina mula sa bulsa ng suot nitong pantalon.

"Nagbayad na ang boypren mo." nakangiting sabi nito sa kanya.

"Hindi ko po boyfriend ang praning na lalaking iyon." tanggi niya at tinawanan lang siya ng driver bago ito umalis. "Bakit hindi nila makita na pinagti-tripan lang ako ng kulugong 'yon?" asar na bulong niya sa sarili.