Pababa na si Cielo ng hagdan at kasalukuyang nakikipag-usap sa dalawa niyang kasama na sina Amy at Ella nang marinig niya ang pag-ring ng kanyang cellphone. Nang makita kung sino ang caller niya ay nagtaka siya gayunpaman ay sinagot niya iyon at itinuloy ang pagbaba.
"Prinsesa, nasaan ka na? Nasa office ka pa ba?"
"Actually, palabas na ako ng office. Bakit?"
"Tamang-tama, kadarating ko lang. Sa labas na lang kita hihintayin. Bye." Then, he hung up. Nagtataka talaga siya dahil noon ay basta na lang ito sumusulpot. Ngayon naman ay may nalalaman pa itong patawag-tawag sa kanya para sabihin na susunduin siya nito. Tinukso naman siya nina Amy at Ella ngunit hindi niya pinatulan ang dalawa. Ilang araw na rin kasi siyang sinusundo ng lalaki kahit na ilang ulit na rin siyang sinabi rito na hindi naman nito kailangang gawin iyon. Siya na lang ang sumuko dahil kahit paulit-ulit na niyang sinuway ito ay tila wala naman itong naririnig.
"Bakit nandito ka na naman?" tanong kaagad niya nang makita si Byron na nakasandal sa hood ng kotse nito. "Alam mo ba na may team dinner kami ngayon?" Tuwing buwan iyon at pauso iyon ni Drew. Masaya naman iyon kaya wala silang naging reklamo pa.
"Oo naman." sagot nito. "In fact, si Drew pa nga ang nagsabi sa akin. Isabay na rin natin ang mga kasama mo." Sinulyapan ng binata ang dalawa niyang kasama. "Okay lang ba 'yon sa inyo, girls?"
"Ayos na ayos, Sir!" sabay pang sagot ng dalawa.
Napailing na lang siya. Wala na siyang iba pang nagawa nang sumakay na ang mga ito matapos buksan ni Byron ang pintuan ng backseat. Sunod na binuksan naman nito ang passenger's seat ng kotse nito at tahimik na lang siyang lumulan doon. Nahihiya siyang makipagbangayan sa binata lalo pa't nandoon ang mga kasama niya. Natigilan siya nang ito na mismo ang naglagay ng seat belt niya. Parang may mga dagang nagrambulan sa kanyang didbdib dahil sa ginawa nitong iyon.
"Ang tamis naman. Nakakainggit!"
"Gusto ko na rin maghanap ng boyfriend!"
Tumingin siya sa likuran at nakita niyang ngiting-ngiti sina Amy at Ella. Sinenyasan niya ang dalawa at tumahimik naman ang mga ito. Lumulan na rin sa sasakyan si Byron at tumingin sa rearview mirror upang silipin ang dalawa.
"Bilang mga members ng fans club namin ni Cielo, ipagdarasal kong makahanap na rin kayo ng boyfriend ninyo." nakangiting sabi nito sa dalawa. Nag-high five naman ang mga ito na tila tuwang-tuwa.
"Pasensya na kung hindi kita naihahatid sa trabaho mo, Cielo. Hanggang sa pagsakay mo lang ng tricycle ang kaya ng oras ko, Prinsesa." anito sa kanya ngunit hindi ito sa kanya nakatingin kundi sa dinaraanan nila. At ang mga 'fans' nila ay hindi maitago ang 'kilig' sa sinabing iyon ni Byron.
Kung siya lang ang masusunod ay mas nanaisin niyang wala ng iba pang makarinig sa pinagsasabi nito o makakita sa mga pinagagawa nito. Madalas mabigyan ng ibang kahulugan ng ibang tao ang mga naririnig at nakikita ng mga ito sa pagitan nilang dalawa ni Byron. Sa tuwing tumatanggi naman siya ay hindi nagsasalita si Byron. Hinahayaan lang siya nitong magpaliwanag ng magpaliwanag hanggang sa mapagod na lang siya. Hindi naman niya magawang kausapin si Byron dahil alam niyang hindi naman seseryosohin nito ang mga sasabihin niya.
"Wala ka naman responsibilidad sa akin kaya okay lang 'yon. Actually, hindi mo rin naman kailangan na ihatid at sunduin ako." pinanatili niyang pormal ang kanyang boses.
"Pero gusto ko." Tumingin ito sa kanya ng mabilis at ngumiti. Siya naman ay pinili na lang tumingin sa labas. Nag-komento na naman ng dalawang nakaupo sa backseat.
"Ang bait mo naman, Sir."
"Ang thoughtful pa po ninyo."
"Narinig mo 'yon? Mabait daw ako." Alam niyang siya ang tinanong nito pero hindi na lang siya sumagot. Nagpatuloy pa rin sa pagsasalita ang binata pero hindi na siya ang kinausap nito. "Alam ba ninyo na hindi ko ginagamit ang sasakyan ko kapag papasok ako ng trabaho?"
"Talaga, Sir? Bakit naman po?" tanong ni Ella sa binata.
"Malapit lang kasi ang clinic ko sa bahay. Around seven or ten minutes by foot."
"Sir naman, eh." ani Amy at tumawa lang ang tatlo sa pagpapakwela ni Byron.
"Para rin hindi ako makadagdag sa polusyon." dugtong pa nito.
"Ang humble mo talaga kahit kailan." hindi niya napigilang magkomento.
"Nandiyan ka pala, Cielo? Akala ko kinuha ka na ng kalawakan."
Sana nga kunin na lang siya ng kalawakan para malayo na siya kay Byron. Napapagod na siyang kausapin at kontrolin ang sarili niya. Pagod na siyang makipag-patintero sa nararamdaman niya. Sawa na siya sa paglapit ng binata kahit na anong paglayo ang gawin niya. Kahit anong klaseng panonopla, pagtataray, pagsusungit at pag-ignora ay hindi epektibo sa binata. Hanggang kailan siya tatakbo para maingatan ang puso niya? Sa bawat araw na nagdaraan ay humihina na ang depensa niya. Hanggang kailan niya kakayanin ang pagmamatigas kung sa bawat haplos at ngiti sa kanya ni Byron ay nanlalambot na siya? Pumikit na lang siya para huminto sa pakikipag-usap sa sarili niya.
"BAKIT nandito ka? Hindi ka naman sa Fortress nagtatrabaho, ah."
Iyon ang bungad sa kanila ni Drew nang makitang kasama nila si Byron. Sa isang restobar sila nakarating matapos lang ang halos kalahating-oras.
"Gusto mo ba akong magtrabaho sa inyo?" ganti ni Byron sa kaibigan.
"Hindi baka wala kang ibang gawin kundi manligaw ng mga katrabaho mo kung sakali."
"Grabe ka naman sa akin. Atsaka bakit kung ano-ano ang pinagsasabi mo? Baka mamaya maniwala pa si Cielo sa'yo."
"Hindi ka naman pinapansin ni Cielo."
"Ouch. Ang sakit mo namang magsalita."
"'Lol."
Iniwan na nila ang dalawang magkaibigan at umupo siya sa pagitan nina Amy at Ella para hindi siya magawang tabihan ni Byron. Iiwas muna siya rito dahil riot pa rin ang pakiramdam niya. Hinawakan niya ng mahigpit ang braso ng dalawa nang akmang tatayo ang mga ito.
"Please naman, mga bakla. Ako na ang bahala sa lunch ninyo bukas, huwag lang kayong umalis sa tabi ko." mahinang pakiusap niya sa dalawa.
"Miss Cielo, ayos ka lang ba?" tanong ni Amy.
"'Wag na kayong magtanong. Basta 'wag kayong aalis dahil tatambakan ko kayo ng trabaho bukas." Alam niyang hindi iyon tama at masasabing blackmail iyon pero wala na siyang iba pang mapagpipilian. Hindi na nagtanong pa ang dalawa at tahimik na lang na pumili ng pagkain mula sa menu.
Laking pasasalamat naman niya nang umupo si Byron sa tabi ni Drew. May kalayuan ang binata sa kanya na dahilan kung bakit naging mas komportable siya kahit ramdam niya ang maya't mayang pagsulyap nito sa kanyang direksyon. Siya naman ay todo dedma lang at pilit na umakto ng normal. Matapos kumain ng hapunan ay nagkatuwaan ang ilan nilang mga kasama na kumanta sa videoke. Nakalimutan na niya ang presensya ni Byron sapagkat nawili naman siya sa pagkanta at pagsayaw ng mga kasamahan niya. At kung inaakala niyang matatapos ang kasiyahang iyon nang hindi sila tinutukso ay nagkakamali siya dahil pinangunahan iyon ni Drew.
"'Yung import naman natin ang pakantahin ninyo." panimula nito.
"Sige, Sir." Kaagad na binigyan ng mic si Byron ng isa sa mga kasamahan nila. Malugod naman iyong tinanggap ng binata at ito pa mismo ang naghanap ng awitin na nais nitong kantahin.
"Ipaparinig ko sa inyo ang aking tinatagong golden voice." ani Byron habang hawak ang mikropono.
"Itago mo na lang 'yan." pang-aasar ni Drew ngunit tila wala itong narinig.
"Kaya maswerte kayo. Minsan lang mangyari 'to."
"Booooooo! Mahangin ka talaga kahit kailan!" Hindi na nagawa pang sumagot ni Byron sapagkat nagsimula na ang kanta.
Kung ako ang may-ari ng mundo
Ibibigay lahat ng gusto mo
Araw-araw pasisikatin ang araw
Buwan-buwan pabibilugin ko ang buwan
Para sa'yo, para sa'yo
"Patay na patay talaga sa'yo ang kaibigan ko, Cielo." nakangiting saad ni Drew ngunit kay Byron ito nakatingin.
"Pati ba naman kayo, Sir, naniniwala sa biro ni Byron?" Noon naman tumingin sa kanya si Drew at bakas sa mukha nito ang pagkagulat.
"Hindi mo yata kilala si Byron?"
"That's the problem, Sir. I knew him very well."
"So, hindi ka naniniwala sa kanya?" Hindi pa rin mabura ang pagkagulat sa mukha nito na para bang napaka-imposible ng mga pinagsasagot niya. Umiling siya.
"Hindi po."
"Bakit?"
"Dahil wala naman po siyang sinasabi sa akin." Kumunot lang ang noo nito pero hindi na ito nagsalita.
Susungkitin mga bituin, para lang makahiling
Na sana'y maging akin
Puso mo at damdamin
Kung pwede lang, kung kaya lang
Kung akin ang mundo
Ang lahat ng ito'y iaalay ko sa'yo…
"Cielo, kailan mo sasagutin si Sir Byron?"
"Oo nga, hinarana ka na niya."
"Iiyak na 'yan! Iiyak na 'yan!"
Napuno ng kantiyawan at tawanan ang buong paligid. Nang tapunan naman niya ng tingin ang binata ay nakita niyang nagkamot lang ito ng batok at huminto na sa pagkanta. Hindi naman niya malaman kung ano ang tamang gawin. Tumayo na lang siya at binitbit ang kanyang bag.
"I have to go to the restroom." paalam niya ay mabilis na humakbang palayo roon. Mabilis siyang nakarating sa banyo at kaagad na isinara ang pinto. Napasandal siya roon at napatingin sa salamin na nasa kanyang harapan.
Bakit kasi kung anu-ano pa ang pinagsasabi nito sa kanya noong nakaraang araw? Iyon ang isa pang dahilan kung bakit halos mabaliw na siya. Bakit ba kasi naisipan nitong sabihin na may gusto raw siya rito? That she's just holding back?
At anong nangyari? Bakit parang gusto na niyang maniwala sa sinasabi ng iba? Bakit parang kapani-paniwala ang lahat ng naririnig niya? Was it because Byron was a good actor or was it because his feelings for her were genuine? It's either of the two, right? Kakausapin na lang niya si Byron upang kumpirmahin kung alin sa dalawa ang sagot nito. Pero hindi muna sa ngayon. Sa susunod na lang kapag normal na ang tibok ng puso niya.
Ang plano niyang kausapin ang binata ay mukhang hindi na niya magagawang ipagpaliban sapagkat pagkabukas niya ng pinto ay nakita niyang naghihintay sa kanya sa labas si Byron habang nakapamulsa pa. Sa hula niya ay sinundan talaga siya nito roon. Nahilamos na lang niya ang kanyang dalawang kamay sa kanyang mukha.
"What is it, Byron? What do you want?" tanong niya nang manatili lang itong nakatitig sa kanya. Humugot ito ng malalim na hininga bago sumagot.
"Nothing. Just checking on you."
"At bakit mo naman gagawin 'yon?"
"Nagmamadali ka kasing lumabas kanina. So, I thought there's something wrong."
"Bakit?"
"Huh?" Napapikit siya ng mariin at nang salubungin niya ang mga mata ng binata ay punong-puno ang mga iyon ng pagtataka. Tila hindi nito maintindihan ang kanyang tanong.
"Bakit mo 'to ginagawa?"
"I don't understand."
" You don't?" Lumapit siya sa binata at napaatras naman ito hanggang sa mapasandal ito sa malamig na pader. Lakas-loob siyang tumingala at tiningnan ang mga mata nito. "Sabi nila gusto mo raw ako. Totoo ba 'yon?" Hindi ito sumagot at patuloy lang ang pagtitig nito sa kanya. Maybe he was caught off guard. Or did she come on too strong? Paano kung pagtawanan na naman siya nito? And she had enough. She's running out of patience.
"Stop doing and saying things you don't mean. Para hindi bigyan ng kahulugan ng ibang tao. I'm not your playmate, Byron. Humanap ka na lang ng ibang mapaglilibangan." Bahagyang nagsalubong ang mga kilay nito at iyon ang unang pagkakataong nakita niya iyon. Nakaramdam siya ng kaunting pangamba pero hindi niya iyon ipinahalata sa binata.
"Hindi ka isang libangan lang sa akin, Cielo."
"What am I then?"
"Ikaw ang babaeng nililigawan ko."
Para siyang nabingi sa sinabi nitong iyon. Ang nagwawala niyang puso marahil ang dahilan. Sobrang lakas ng kabog niyon kaya naman minabuti niyang ulitin ang kanyang tanong sa binata.
"Anong sinabi mo?"
"Ang sabi ko, nililigawan kita, Cielo."
Lumayo na siya sa binata at gamit ang dalawang kamay ay tinakpan niya ang kanyang magkabilang tainga at marahan pa siyang umiling. Tumalikod na siya at nagsimulang maglakad palayo rito. She has to breathe. She needs fresh air. She must stay away from him.
"Cielo." Nahagip ni Byron ang kanyang braso at inikot siya paharap dito. Hinawakan nito ang magkabila niyang balikat at siya naman ang isinandal nito sa pader. May ilang tao ang dinaanan sila ngunit hindi nila pinansin ang mga iyon. "Hindi ka ba naniniwala sa akin?"
She wanted to. God, how she wanted to believe him. But this is not the Byron she's used to. Natatakot siya na baka sa isang iglap lang ay muli na naman nitong bawiin ang nauna na nitong sinabi. At siya? Siya lang naman ay magiging katawa-tawa.
"You keep on playing games with me, Byron. Napapagod na ako akong paalalahanin ang sarili ko na nagbibiro ka lang. Nagsasawa na rin akong isipin kung alin sa mga sinabi at pinakita mo ang totoong nararamdaman mo." Unti-unti niyang naramdaman na gumaan ang mga kamay nito sa kanyang mga balikat. Yumuko siya at huminga ng malalim.
"Lahat ng pinakita ko sayo ay ang totoong ako."
"Oh, yeah? Alam ko, kaya nga hindi ko magawang maniwala sayo. You're the most playful person I've ever met, I believe nasabi ko na sayo 'to noon. Nagawa mo nga akong pagtripan sa unang pagkikita natin, 'di ba?"
"Dahil lang doon?"
"No." Muli siyang tumingin sa binata. Napakalambot ng ekspresyon ng mukha nito at hindi maipagkakaila na nagdamdam ito dahil sa hindi niya paniniwala sa mga sinabi na nito. "Wala ka naman kasing sinasabi. Sa tuwing inaasar nila tayo, hindi ka umiimik. Hinahayaan mo lang na hulaan ko ang ibig sabihin ng mga kilos mo."
"Actions speaks louder than words, Cielo."
"That's what you think but not for me. I need assurance. Kaya pasensya ka na kung hindi ko magawang maniwala sa mga naririnig ko sayo ngayon."
"You mean, sa loob ng dalawang taon akala mo nagbibiro lang ako? Na trip lang kita?" Ito naman ang lumayo sa kanya at muling namulsa. "Bullshit, Cielo. Ganyan pala kababa ang tingin mo sa akin?"
Hurt was written all over his handsome face and she wanted to make the pain go away. Nami-miss na niya ang ngiti ni Byron. His smile that can make her knees weak. Hinila nito ang pulsuhan niya at nanlaki ang kanyang mga mata sa ginawa nito. He cupped her face and she saw how he looked at her. Was it love she saw on his eyes? She's not so sure, she stopped thinking the moment his lips met hers. The kiss was quick yet deep. And before she could recover, he dropped another bomb.
"Alam mo bang mahal kita?" wika ni Byron matapos nitong pakawalan ang kanyang labi.
She was struck by lightning, the second time. Who said lightning never strikes twice? Pero hindi siya pwedeng magpadala kaya naman mas pinili niyang huwag pakinggan ang sinabi nitong iyon.
"Sa lahat ng biro mo, 'yan na yata ang pinaka hindi nakakatawa." aniya rito.
Dumilim ang mukha ng binata at walang-lingon siyang iniwan nito roon. Sinundan niya ito ng tingin at gusto na niyang hubarin ang suot na sapatos para ibato sa binata. Teka nga, bakit ito pa ang galit at bakit parang siya pa ang may kasalanan? Ha! Ngayon na yata talaga magsisimula ang giyera sa pagitan nilang dalawa.