Tahimik na kumakain ng meryenda si Cielo sa Steamin' House ngunit ang pananahimik ng kanyang paligid ay hindi rin nagtagal. Mayroon isang customer na pumasok at dumiretso ito sa counter area. Si Byron iyon at laking pasasalamat niya sapagkat hindi yata siya napansin nito sa kanyang pwesto. Mukhang tama lang na pumuwesto siya sa pinakadulong bahagi ng Steamin' House.
Hindi na muna niya itinuloy ang ginagawang pagbabasa ng libro dahil pinili niyang pakinggan ang pakikipag-usap ng binata sa isa pang customer na nakapila roon.
"Magandang hapon po, Doc." bati ng isang babae na may-edad na. Mayroon itong kasama na dalawang bata- isang lalaki at isang babae. Sa hula niya ay anim na taong-gulang na ang mga ito.
"Magandang hapon din po." magiliw na sabi naman ng binata. "How are you, twins?" baling naman nito sa mga bata. Yumuko pa si Byron at marahang hinawakan ang ulo ng dalawang bata na ngiting-ngiti naman dito.
"Doc Pogi, good boy na ako. Hindi ko na po sinira ang laruan ni Jam-jam!" pabibong sabi ng bata.
Nag-high five si Byron at ang munting paslit. "Very good!"
"Ako din po hindi na bad. Hindi ko na po kinakagat si Jim." nagmamalaking wika naman ng batang babae. Napailing na lang siya. Hindi na siya magtataka kung bakit napakaisip bata ni Byron. Dala marahil iyon ng propesyon nito. Hindi naman niya maipagkakailang nakakapanlambot ng puso ay nakikita niyang pagkagiliw nito sa mga bata. Ibang-iba ang paraan ng pakikipag-usap nito sa mga paslit. Kung ito ay napakamalumanay, ang kanyang ama naman ay puno ng awtorisasyon ang boses. Sa kanyang palagay ay napakaswerte ng mga magiging anak ng binata kung sakali. She thinks he will be a great father someday.
"Tama 'yan, kids. Huwag na kayong mag-away para hindi na ma-stress ang Lola ninyo." wika pa ni Byron.
"Ano po 'yung stress?" tanong ng batang babae na halatang interesado na malaman kung ano ang ibig sabihin niyon.
"Ah." Kumamot muna ng ulo ang binata at gusto niyang matawa nang makita niya itong tumingin sa kisame na animo'y doon nito makikita ang sagot. Nawawalan din pala ng sasabihin ang madaldal na doktor. "Pang-matanda lang 'yon kaya hindi mo pa alam. Tsaka na lang natin pag-usapan kapag matanda ka na." masuyong ginulo ng binata ang buhok nito.
"Naku, Doc. Pagpasensyahan na po ninyo ang mga apo ko." anang lola ng mga bata.
"Wala po 'yon. Natural lang po sa mga bata ang magtanong ng kung anu-ano."
"Doc Pogi, may girlfriend na po ako, si Chelsea 'yung kaklase ko." pagmamayabang naman ng batang lalaki.
"Talaga? Aba, ayos. Manang-mana ka talaga sa akin."
"May girlfriend na rin po kayo?"
Nang marinig niya ang tanong ng bata ay noon siya yumuko at binalikan ang binabasang libro. Marami na siyang oras na naaksaya sa pakikinig sa usapan ng mga ito. Ayaw man niyang aminin ay hinihintay naman niya ang magiging sagot ng binata. Para kang tanga, Cielo. Eh, ano naman ngayon sayo kung anong magiging sagot ng kulugong 'yan? aniya sa sarili. Mabuti na nga rin siguro iyong aminin ng binata na mayroon na itong kasintahan para tigilan na siya nito. Promise, 'di ka masasaktan?
Hindi niya namalayan na nabagsak niya ang hawak niyang libro sa mesa at gumawa iyon ng ingay. It was a wrong move, dahil sa kanya na nakatingin ang lahat ng taong nandoon. Damn it, Cielo! Ngumiti na lang siya upang humingi ng paumanhin at hindi niya tiningnan ang kinaroroonan ni Byron. Muli niyang ibinalik ang atensyon sa kanyang ginagawa.
"Ako pa? Siyempre, meron na." narinig niyang sagot ng binata. Nanatili siyang nakayuko at kunwari ay abala sa kanyang ginagawa.
"Talaga po? Maganda po ba siya?"
"Oo naman. Tara, ipapakilala ko kayo."
Hindi niya maintindihan ngunit nahulaan niya ang binabalak na gawin ng binata. Alam niyang lalapitan siya nito at gusto na niyang batukan ang sarili niya. Kung hindi lang siya tatanga-tanga ay hindi naman nito mapapansin na naroon siya. Ginamit niya ang libro upang takpan ang kanyang mukha. Bumilis ang kabog ng kanyang dibdib at maya-maya lamang ay mayroon ng dalawang pares ng munting paa sa kanyang harapan at may umupo naman sa kanyang tabi. Kinuha ni Byron ang hawak niyang libro at hinawakan ang kanyang baba.
"Siya ang girlfriend ko." buong pagmamalaking wika ng binata.
"Hello po." sabay na wika ng kambal.
"Hi." Uminom siya ng juice sapagkat nanunuyo ang kanyang lalamunan. Ang damuhong lalaki, talagang sumusobra na ito. Pati ang mga bata ay nakuha nitong pag-tripan. Mamaya na lang niya ito kokomprontahin.
"Doc Pogi, kiss mo siya. Ako kasi kinikiss ko si Chelsea."
Muntik na niyang maibuga ang kanyang iniinom nang marinig ang sinabi ng batang lalaki. Saan natututunan ng mga bata ang mga ganoong pangyayari? Masyado na yatang wild ang mga bata ngayon. Natatakot na tuloy siya sa mga susunod pang henerasyon.
"'Yon lang ba? Okay." Ngayon naman ay sapo na ni Byron ang dalawa niyang pisngi at nanlaki ang kanyang mata dahil unti-unti nitong inilapit ang sariling mukha sa mukha niya. Mabuti na lang at mas mabilis siya dahil nahagip niya ang libro at iyon ang dumampi sa labi ng binata. Pilit siyang kumawala pagkatapos mula sa pagkakahawak nito sa kanyang mukha.
"You, son of—" Mabuti na lamang at nakapagpreno siya nang mapansin na dalawang pares ng inosenteng mga mata ang nakamasid pa rin sa kanilang dalawa ng bata. Ang kambal na muna ang pinagtuunan niya ng pansin. "Ah, kids, mukhang hinhintay na kayo ng lola ninyo." aniya sa mga ito sabay turo sa lola ng mga ito na kasalukuyan ng umo-order.
"Nag-aaway po ba kayo ni Doc Pogi?"
"Ayaw po ninyo sa kanya?"
Magkasunod na tanong ng dalawa at hindi pinansin ang sinabi niya. Hindi niya alam kung paano niya lulusutan ang eksenang iyon. Tahimik lang na nakikinig ang binata habang ginigisa siya ng dalawang kutong lupa. Pasimple niyang siniko si Byron ngunit wala naman itong ginawa o sinabi.
"H-hindi kami nag-aaway." Naging mas maingat siya sa pagsasalita at pagsagot dahil napansin niyang napaka-observant ng kambal.
"Galit po ba kayo kay Doc Pogi?" pag-uulit na tanong ng isa sa mga ito.
"H-huh?" Mabilis niyang sinulyapan si Byron na nagkibit-balikat lang. "H-hindi..?" Nagmumukha na talaga siyang tanga sa harapan ng mga bata at hindi niya maintindihan kung bakit napaka-big deal para sa kanya ang mga simpleng tanong ng mga ito. Sabagay, hindi naman siya nadadalian sa mga tanong ng mga ito.
"Gusto po ninyo siya?"
Ang tanong ng batang babae ang talagang nakawindang sa kanya. "B-bakit…?" Tumikhim siya at mabilis na sumagot. "Hindi."
"Ayy." Nalungkot ang mukha ng dalawa at parang gusto niyang bawiin ang kanyang sagot. "Hindi po pala ninyo gusto si Doc Pogi."
"Hindi naman sa hindi ko siya gusto kaya lang—"
"Kung ganoon po, gusto po ninyo siya?"
Back to where they started. Naiiyak na siya sa inis kay Byron. Bakit ba kasi dinala pa ng binata ang dalawang paslit sa kanya? Ayan tuloy, siya ang kinukulit ng mga ito. Nananahimik lang ako rito kanina. Bwisit!, himutok niya.
"Kayo po, Doc Pogi? Love po ninyo siya?" Nakahinga siya ng maluwag nang mabaling ang atensyon ng dalawa sa binata.
Ngumiti si Byron bago sumagot. "Oo naman. Love ko siya." Pagkatapos niyon ay siya naman ang tiningnan nito. "Love kita." anito at nalaglag ang kanyang panga.
NAGMAMADALING umalis si Cielo matapos iyon. Her heart beat won't turn back into normal soon. Kailangan niyang makalayo muna kay Byron. Delikado na siya. Nauna niyang naramdaman iyon nang yakapin siya nito noong nagdaang araw na kinailangan niya ang tulong nito dahil kay Stacy. Wala siyang ibang masandalan ng mga oras na nanghihina siya at halos hindi na niya malaman ang kanyang gagawin kundi ito lang. Pero sa tuwing iniisip niya na baka seryoso naman talaga ito sa kanya ay may gagawin o sasabihin si Byron na makakapagpabago ng isip niya.
Nang sabihin nito ng harap-harapan na mahal daw siya nito ay naramdaman niya ang unti-unting pagguho ng pader na nakapalibot sa kanyang puso. Kaya bago pa mahuli ang lahat. Kailangan niyang magtago upang muling ayusin ang bumigay na bahagi ng kanyang pader.
"Masyado ka yatang pikon ngayon, Cielo? Mga bata lang naman sila." wika ni Byron na nakasunod na sa kanya. Mas binilisan pa niya ang paglalakad at hindi man lang tinapunan ng tingin ang binata sa kanyang likuran.
"Absolutely right. Mga bata sila kaya hindi ka dapat nagsinungaling sa kanila."
"I didn't lie to them." That made her stop walking and looked at him.
"You didn't? Wow." Napasuklay na lang siya sa kanyang maikling buhok. "Just wow, Byron."
"Baka ikaw ang nagsinungaling sa kanila?"
Napanganga siya sa sinabi ng binata at napakurap ng ilang beses dahil hindi siya makapaniwala sa narinig. "What did you say?" Lumapit sa kanya si Byron at hinaplos nito ang kanyang pisngi. Dahan-dahan itong ngumiti at nakagat na lang niya ang ibabang labi upang pigilan ang pagsinghap.
"You know what, Cielo? Falling in love is so easy. So, fall freely into me. Hindi naman ako magrereklamo." Gamit naman ang isang braso nito ay hinapit nito ang kanyang baywang at hinila siya palapit sa katawan nito. "Pero alam mo ba kung alin ang mas mahirap? 'Yung aminin kung ano ang nararamdaman mo."
She felt defeated into his arms. Pero hindi siya maaaring magpatalo. Hindi siya kailanman magpapatalo. That's not what her father and brothers taught her. Tinapakan niya ang paa ng lalaki at mabilis siyang nakawala sa mga bisig nito.
"Aray!"
"You wish!"
Hindi malaman ni Byron ang gagawin nito sa nasaktang paa pero hindi pa rin ito tumahimik. "Masyado ka talagang defensive, Cielo. May gusto ka talaga sa akin, 'no?"
"Oo, may gusto ako sayo." Siya naman ang lumapit sa lalaki at lumayo ito nang handa na siyang tapakan sa pangalawang pagkakataon ang paa nito. "May gusto akong gawin sayo. Gusto na kitang itapon sa ibang planeta para tantanan mo na ako." aniya rito sabay talikod at muling naglakad.
"Prinsesa!"
"Get lost!
UMAGA na naman. At si Byron na naman ang naabutan ni Cielo sa labas ng bakuran niya. Kagabi pa niya tinanggap na talaga nga yatang wala na siyang takas sa binatang ito. Haharapin at tatanggapin na lang niya ang lahat ng kapraningan nito. Nakapagpasya na siya, ang pasya niya? Bahala na. Pinanatili niyang blangko ang kanyang ekspresyon hanggang sa makalapit ito ng tuluyan sa kanya.
"Okay ka lang ba? Bakit ang tahimik mo?" tanong nito sa kanya. Kinuha nito ang bitbit niyang laptop bag at kukunin rin sana nito ang kanyang handbag ngunit inilayo niya iyon dito.
"Ako na. Hindi naman ito mabigat." Pwede bang lumayo-layo ka muna sa akin? Malapit na akong masiraan ng bait dahil sa'yo.
"Sabi mo, eh." Naglakad na sila ngunit nanatili siya sa likuran nito. Malaya niyang pinagmasdan ang likuran ng naglalakad na binata. Anong gagawin niya kung totoo nga ang sinabi nito na may gusto nga siya sa binata? Maamin niya kaya iyon sa sarili niya? Pagkatapos, anong mangyayari? Lumingon sa kanya si Byron at huminto ito sa paglalakad. Kaya naman natigil siya sa pag-iisip.
"Sigurado kang okay ka lang?"
"Oo naman."
"Parang may nagbago sa'yo."
"Ano na naman?"
"Well for one, hindi mo ako inaaway. Hindi naman sa ayoko kaya lang hindi ako sanay na tahimik ka. May sakit ka ba?"
"Ang dami mong sinabi, puyat lang ako." Nilapitan siya nito at hinawakan ang kamay niya. Hindi naman siya tumutol at nagtaka pa siya nang maramdaman na tila hinahanap-hanap niya ang init ng palad nito sa tuwing hindi siya nito hinahawakan. Nasapian na nga yata siya ng masamang espiritu.
"Hindi mo rin binabawi ang kamay mo na hawak ko samantalang dati halos baliin mo na ang buto ko para lang makawala ka." pukaw ni Byron sa pananahimik niya.
"Pagod ako kaya wala akong lakas na makipag-away sa'yo. Bitawan mo na lang ang kamay ko kung puro ka naman reklamo." Pagkasabi niyon ay sinubukan niyang bawiin ang kanyang kamay na hawak nito ngunit hinigpitan naman ng binata ang pagkakahawak nito sa kanya.
"Hindi ako nagrereklamo." He gently squeezed her hand before they started to walk.
"Ewan. Ang weird mo."
Nagpatuloy lang sila sa paglalakad ng magkahawak kamay at tahimik. Hindi na rin kasi ito nagsalita pa at hinayaan naman niya. Nang makarating sila sa pilahan ng tricyle ay may bigla siyang naalala.
"Byron, may nakalimutan ka yata." nagtatakang tiningnan naman siya nito.
"Ano 'yon?" clueless na tanong nito.
"Wala." Kaagad siyang nag-iwas ng tingin dahil tinablan siya ng hiya. Naalala lang niya na hindi siya binati ng 'Good morning' ni Byron na nakasanayan na niya. Nakakatakot talagang makasanayan ang ibang mga bagay, hahanap-hanapin mo 'pag nagkataon. Naloko na, talo na yata siya sa pakikipaglaban niya kay Kupido.
"Ano nga?" pangungulit sa kanya ni Byron sabay hawak sa baba niya para ibalik ang tingin niya rito.
"A-ahh…" Tumikhim muna siya para makapagisip ng ibang sasabihin. "Ako pala ang may nakalimutan, salamat sa pagbayad mo tricycle na sinakyan ko noong nakaraang araw." There, perfect lie. Nakahinga naman siya ng maluwag nang wala naman yata itong napansin na kakaiba sa kanya.
"Ah 'yon ba? Wala 'yon. Mayaman naman ako kahit ibili pa kita ng tricycle ngayon gagawin ko, basta sabihin mo lang. Anything for you, Prinsesa." anito sabay kindat sa kanya.
Sumimangot siya at pinalo ang kamay nitong hawak pa rin ang baba niya. Binitawan naman nito ang baba niya habang tumatawa. Napansin niyang pinagtitinginan tuloy sila ng mga tao sa paligid nila na naghihintay din ng masasakyan.
"Ano naman ang gagawin ko sa tricycle?"
"Iprito mo. Basta kung ano nga ang makakapagpasaya sayo, go ako."
"Baliw." Pinalo naman niya ang braso nito at tumawa na naman ang adik na lalaki. "Nakakahiya, pinagtitinginan na nila tayo." Binulungan niya ito.
"Hayaan mo sila. Inggit lang sila sa, ahm… Ano bang matatawag natin dito? Lovelife? Sige 'yon na lang. Inggit lang sila sa lovelife natin." Tumawa lang ito nang makita ang pagsalubong ng mga kilay niya sa sinabi nitong iyon. Pinara na nito ang tricycle na dumaan sa harapan nila, sumakay na siya at hinintay niya ang pag-abot nito sa laptop bag niya. Yumuko ito at ngumiti.
"Medyo late na ang pagbati ko pero babatiin pa rin kita. Good morning, Cielo." Nakatanga pa rin siya kahit nakaalis na ito at umandar na ang tricycle. Napatakip na lang siya ng mukha ng hindi niya mapigilan ang mapangiti at kiligin. Wait, what?