NAPAKAGANDA ng ngiti ng mahal na Reyna. Nakakalula sa mga mata ang kaniyang kulay pula na buhok na tumatama sa hawak niyang gintong kopita.
Napansin ko ring siya lamang ang may kulay pula na buhok simula nang mapadpad ako dito. Masking sa bayan ay wala akong nakitang kakulay nito.
"Nagtataka ka siguro kung bakit iba ang kulay ng buhok ko?"
Nahihiya akong tumango kapagkuwa'y tumawa ito nang mahinhin.
"Nabibilang kasi sa isang maharlika ang may ganitong kulay ng buhok."
Hindi ko alam kung ako lang ba ang nakapansin sa malungkot na boses ng reyna pagkatapos niyang sagutin ang tanong ko.
"Oh siya at magsimula ka ng kumain."
Pag-iibang paksa ng Reyna. Kaya naman nagsimula na akong kumain.
"Mahal na Reyna, bilang ako'y isang pangkaraniwang tao lamang ay sa tingin ko'y labag sa patakaran ang sumabay sa iyo sa hapagkainan."
Bago sumagot ang Reyna ay uminom muna ito ulit ng alak.
"Aellia, ikaw ang aming propeta kaya nararapat lang na pagsilbihan ka namin."
Mukhang nahalata naman ng Reyna na tumahimik ako sa sagot niya kaya iniba na lang niya ang paksa.
"Masarap ba ang pagkain, Aellia?"
Tumango na lang ako pero ang hindi alam ng Reyna ay sobrang galak ko dahil sa mga pagkain. Lahat ng putahe ay katakam-takam at ang langhap ng mga ito ay mukhang masasarap.
Nagtataka rin ako kung bakit kaming dalawa lamang nasa lapag ng pagkainan. Gusto ko sanang itanong kung nasaan ang pamilya ng Reyna o kahit mga kapatid niya. Hinahanap din ng mga mata ko ang presensiya ng Heneral.
Hoy, Aellia! Maghunos-dili ka nga!
Saway ko sa aking sarili. Bakit ko ba hinahanap ang Heneral na iyon?!
"Hinahanap mo ba si Falco?"
Teka lang! Nababasa ba ng Reyna ang mga tanong ko sa aking isipan? Sa tuwing may itatanong ako ay bigla siyang sumasagot kahit hindi pa ito lumalabas sa bibig ko.
"H-hindi po mahal na Reyna."
Nahihiya kong sagot. Nakita ko namang napangiti ang mahal na Reyna.
"Si Falco kasi ang klase ng tao na ayaw makaranas ng ganitong pamumuhay kaya hindi siya sumasabay sa akin sa tuwing iniimbita ko siya."
Naalala ko tuloy yung matandang lalake na nagpakilalang amain ni Falco.
"Alam kong galit ka pa kay Falco pero ako na ang humihingi ng dispensa sa ginawa niya sa iyo, Aellia. Mabait naman siya, sadyang madahas lang talaga siya kung sa tingin niya ay mapanganib ang isang tao. Pero alam mo bang si Falco ay matalik kong kaibigan, sumakatuwid ay magkababata kami."
Bakit parang gumaan ang loob ko nang narinig kong magkaibigan lang sila?
Pangalawa na iyan, Aellia!
"Sa katunayan pa nga ay si Falco ang nagligtas sa iyo noong inatake ka ng halimaw. Habang karga niya papauwi sa palasyo ay hindi siya mapakali nang nahimatay ka at walang malay. Sobrang nag-aalala siya sa iyong kalagayan. Kahit ang pagpalit ng damit at pag-gamot sa iyo ay siya ang gumawa. Wala rin siyang tulog sa kababantay sa iyo."
Isa lang ang nararamdaman ko ngayon;
Napakalakas ng pintig ng puso ko at alam ko ring namumula't umiinit ang buong mukha ko. Hindi ako makapaniwala sa aking mga naririnig. Hindi ko alam kung maniniwala ba ako pero sa tingin ko ay hindi marunong magsinungaling ang Reyna.
Napapangiti lang ang Reyna sa reaksiyon ko.
Para siguro akong tanga ngayon.
Lumipas ang ilang minuto ay may lumapit sa Reyna na isang tagapagsilbi ng palasyo, bumulong ito at dali-daling tumayo ang Reyna na agad kong ipinagtataka.
"Aellia, ipagpaumanhin mo ang aking pagliban. May kailangan lang akong ayusin, magpatuloy ka lamang kumain."
Iyon lang ang habilin ng Reyna at dali-daling lumabas.
Ano kaya ang nangyayari?
Pagkatapos kong maghapunan ay may tagapagsilbi kaagad ang lumapit sa akin.
"Sasamahan ko na po kayo sa inyong magiging silid."
Sumunod lang ako sa tagapagsilbi at nagtaka ako kung kung bakit sa itaas kami umaakyat, sa ganda at laki ng paligid ay sa tingin ko ang mga kwarto dito ay para sa mga bisita ng palasyo.
"Mawalang galang lang po, pero bakit dito tayo sa itaas dumadaan? Eh hindi ba nasa baba yung magiging silid ko? O baka doon sa selda ko dati?"
Nagtatakang tumingin sa akin ang tagapagsilbi.
"Isa ka pong kaibigan ng mahal na Reyna at importanteng bisita kaya nararapat lang po na maganda at presentable ang iyong magiging kwarto. Sa katunayan ay habilin din ito ng mahal na Reyna."
Ha?! Importanteng bisita ba talaga ako dito? Sigurado na ba talaga ang Reyna na ako ang hinahanap nilang propeta?
"Nandito na po tayo sa inyong magiging silid."
Pumasok kami sa kwarto at biglang naglalakihan ang mga mata ko sa sobrang laki ng espasyo at kumikinang na mga bagay sa paligid.
"Sigurado ka bang ito ang magiging kwarto ko? Eh sa tingin ko ay bahay na to!"
Natatawa naman tagapagsilbi sa akin.
"Tawagin niyo na lang po kami kung sakaling kailangan niyo ng tagapagsilbi."
Lumabas din kaagad ito at nagpasalamat ako.
Lumundag kaagad ako sa kama at umikot-ikot na parang bata.
Ang ganda ng kwartong ito, talagang napaka-espesyal. Yung mga gamit ay sa tingin ko'y maibebenta sa malaking halaga lalo na itong chandelier na nakasabit.
Lumipas ang ilang minuto ay bumangon ako para makapagligo nang sa ganoon ay makapagpahinga ako sa mga nangyari ngayong araw na ito.
Pumasok ako sa isang pintuan at tama ang hinala ko na ito ay ang kubeta.
"Ang laki ng bath tub!"
Sa tingin ko'y gawa ito sa mamahaling kahoy, at may mga rosas pa ang tubig. Napaka-sosyal naman! Agad kong inigayak ang aking sarili sa paliguan.
Nakaka-relax!
DAHIL hindi ako makatulog ay napagdesisyunan kong bumaba para makalanghap ng preskong hangin sa labas ng palasyo. Parang gusto kong magmuni-muni.
Pagbaba ko galing sa ikalawang palapag ay may nadaanan akong silid kung saan may mga boses akong narinig na nagtatalo. Sumilip naman kaagad ako nang nakita kong nakabukas ang malaking pintuan. Doon ay nakita ko ang Reyna at ang Heneral na nakaupo sa mataas na lamesa, may kasama rin silang ibang tao, mukhang mga ministro ng palasyo.
Ano ang pinagtatalunan nila?
"Mahal na Reyna, wala na tayong oras. Unti-unti nang dumadami ang mga halimaw para manggulo. Nagpabalita rin ang Emperyo Ochbran na sinasakop na ang kanilang lugar."
"Sang-ayon ako sa kaniya, mahal na Reyna. Masking ang Emperyo Eagan ay naghahanap na rin ng paraan kung paano puksain ang mga halimaw."
Nakita ng mga mata ko ang problemadong mukha ng mahal na Reyna. Ang Heneral naman ay tahimik na nakikinig sa diskusyon.
"Mahal na Reyna, sa tingin ko'y oras na para hanapin ang propeta nang sa ganoon ay makumpleto na ang labin-dalawang mandirigma."
Nagulat ako nang inilabas ni Heneral Falco ang kaniyang espada saka itinutok ito sa ministro.
"Isa kang hangal!"
Lumapit ang Reyna at pinigilan ang Heneral na ngayon ay sasabog na yata ang ulo sa init.
Ano ang gagawin ko ngayon? Ang isang propeta nga ba ang susi sa lahat ng problemang nangyayari dito ngayon?
MATAPOS kong mag-ayos sa aking sarili ay kaagad akong bumaba. Buo na ang desisyon ko. Naghanap kaagad ako ng tagapagsilbi sa paligid.
"Magandang umaga, po."
Bati ko ng may nakita kaagad ako.
"Ano po ang maipaglilingkod ko?"
Kaswal na tanong ng tagapagsilbi sa akin.
"Gusto ko po sanang makausap ang mahal na Reyna."
Sa tingin ko'y nagdadalawang isip ang tagapagsilbi sa akin. Mukhang sa tingin ko'y hindi basta-bastang nakakausap ang mahal na Reyna.
"Ipagpaumanhin niyo po, pero sa ngayon ay nagpapahinga pa ang mahal na Rey-"
Nahinto sa pagsasalita ang tagapagsilbi nang biglang dumating si Heneral Falco. Pinaalis nito ang tagapagsilbi at saka humarap sa akin. Hindi ko alam kung babati ba ako sa kaniya pero sa huli yumuko na lang ako at aalis na sana ngunit pinigilan nito ang aking braso.
"Pwede mong makausap ang mahal na Reyna. Sumama ka sa akin, ituturo ko ang kaniyang silid."
Sabi niya habang hindi nakatingin sa akin at binitawan kaagad ang braso ko. Sumusunod lang ako sa kaniya hanggang sa huminto kami sa isang silid na sa tingin ko'y silid ng mahal na Reyna.
"Saan ka pupunta?"
Tanong ko sa Heneral nang biglang umalis ito.
"Pupunta na ako sa aking silid. Gusto mong sumama?"
Sagot niya sabay ngisi.
Nanigas ako nang lumabas sa kaniyang mga bibig ang mga salitang iyon. Hindi ako makagalaw at ramdam kong umiinit ang pisngi ko.
Pero tumalikod na kaagad ito bago pa man ako makapagsalita.
Ang kapal niya!