Chereads / The Zodiac Warriors (Tagalog) / Chapter 13 - Chapter 13

Chapter 13 - Chapter 13

HINDING-HINDI ako nagkakamali! Ang hawak niyang premyo sa larong ito ay ang ang customized ballpen ko na isa sa mga bagay na nadala ko sa mundong ito. Nasa school uniform ko nakalagay ang ballpen na iyon kasama ang eraser at dalawang lollipop na naibigay ko na sa bata doon sa palasyo.

Ang ipinagtataka ko ay bakit nasa kaniya ang ballpen?

Siguro sa tingin ko rin ay nahulog ko ito noong napadpad ako sa bayan.

Pero ang mas malala pa ay naging espesyal ito na bagay sa mundong ito at naging premyo pa! Gusto ko tuloy matawa dahil hindi ako makapaniwala na ang mga tao dito ay nagkakaguluhan dahil lang sa isang customized ballpen pero hindi naman rin ako nagtataka sapagkat hindi pa likas sa modernong kagamitan ang mga tao dito.

"Ginoo, hindi mo natumba ang kuneho kaya hindi mo makukuha ang premyo."

Bumalik ako sa aking ulira't nang napagtanto kong nagsisimula na pala ang laro. Nakita ko rin na bigong umalis ang lalaki na siyang tumira sa kuneho.

At ngayon naman ay may humamon ulit at kinuha nito ang palaso at pana bago pumunta sa gitna.

Pagkatapos niyang tumira ay hindi natumba ang kuneho na talagang ipinagtataka ko. Nakita talaga ng mga mata ko kung paano dumiretso ang pana sa katawan ng kuneho pero hindi talaga ito natumba. Bakit?

"Heneral Falco, ano sa tingin mo at hindi matumba-tumba ang kuneho?"

Tanong ko sa Heneral na seryosong nakatingin lang sa kuneho. Ano kaya ang nasa isipan niya?

Naghintay naman ako sa kaniyang sagot pero bigo akong makarinig galing sa kaniya. Balik na naman siya sa kaniyang masungit na mukha.

"Binibini, ikaw na ang susunod na titira sa ating kuneho. Maaari mo bang kunin na ang palaso at panang hawak ko?"

Turan ng host sa akin.

Huminga naman ako ng malalim at kinuha ang palaso't pana pero bago pa man ako pumagitna ay nagsalita muna ako.

"Sa tingin ko'y nandadaya ka."

Bigla namang tumahimik ang madla at bigla akong nailang. Tama ba na sinabi ko iyon? Mukhang napahiya tuloy ang host.

"Ganoon ba sa iyong tingin, binibini?"

Kinagat ko naman ang aking labi dahil nakonsensiya akong bigla, kasi naman sumang-ayon din ang mga tao sa paligid.

Ano ba ang gagawin ko?

"Pasensiya ka na at wala akong balak na ipahiya ka. Gusto ko lang kasing malaman kung bakit hindi natutumba ang kuneho eh gawa sa plastik lang naman ito."

"Walang problema, binibini pero alam mo naman siguro na parte sa ganitong laro ang taktika, ang papel ko lang naman dito ay magbigay ng tuwa sa mga tao at para may ikabuhay ako sa sarili ko at mas lalong labas na ako kung ang madla ay gustong tumaya, hindi naman ako namimilit upang sila'y sumali at mas lalo na sa iyo."

Bulong niya sa akin.

Wala akong masabi pagkatapos niyang sabihin iyon. Mukhang napahiya ako sa aking sarili dahil alam kong may laman ang kaniyang salita.

"Mga kaibigan, konting katahimikan muna."

Sigaw niya sa madla.

"Maaari ko bang kunin muna ang palaso at pana, binibini?"

Tumango na lang ako at ibinigay sa kaniya.

Pumagitna naman ito at inihanda ang sarili bago tirahin ang kuneho. Ininat nito ang palaso saka binitawan pana, at sa bilang ng tatlong segundo ay natumba ang kuneho. Ang mga tao naman ay napasinghap.

Paanong nangyari iyon?

"Gusto mo pa bang ulitin ko, binibini?"

Tumanggi naman ako at kinuha sa kaniya ang palaso at pana. Alam kong nakangisi siya ngayon. Siguro dahil napatunayan niyang hindi siya nandadaya.

Pero ang tanong ko ngayon ay marunong ba akong gumamit ng palaso at pana?

Nakalimutan kong mahina ako sa ganitong laro. Naalala ko noong naglalaro kami ni Kianna sa isang arcade shop, marami akong nagamit na pana pero ni hindi ako maka bulls-eye!

Kaya mo ito, Aellia!

Isa, dalawa, tatlo!

"Ano ba iyan, ang lakas mag reklamo pero hindi naman natamaan ang kuneho."

Narinig kong bulong-bulungan ng mga tao.

Nakita ko namang nakangisi ulit ang host. Bigla akong hindi makagalaw sa dahil sa kahihiyan.

"Eh ano naman ngayon?!"

Sigaw ko at narinig kong natawa si Heneral Falco pero bago pa man ako tumingin sa kaniya ay bumalik na naman ito sa pagiging masungit na mukha.

"Paano ba iyan, binibini mukhang natalo ka. Gusto mo pa bang umulit?"

Tanong ng host sa akin. Kitang-kita talaga ng mga mata ko kung paano ito nakangisi sa akin. Binalik ko na lang sa kaniya ang palaso at pana.

Eh di siya na magaling!

Pagkatapos akong pagtawanan ng mga tao ay bigla na lang akong tumakbo ng mabilis at lumabas papalayo sa kanila.

Hingal na hingal akong huminto saka pinahid ang mga luha na dumadaloy sa mga mukha ko.

"Kunin mo ito."

Nakita kong may inabot sa akin si Heneral Falco na puting panyo. Kinuha ko naman kaagad ito, wala rin namang silbi kong tanggihan ko ito eh nakita na niya akong umiiyak.

"Kasalanan ko bang hindi ako marunong gumamit ng palaso at pana?!"

Bulyaw ko sa kaniya kahit alam kong hindi kami magkaibigan talaga.

"Hindi mo masisisi ang mga tao kung ganoong talento ang ipapakita mo."

Hindi ko alam kung nang-iinsulto ba siya sa salitang "talento."

"Anong sabi mo?!"

Bago ko pa man iyon masabi ay nag-umpisa na itong lumakad ng mabilis.

"Kainis!"

NAGPASYA kami ni Heneral Falco na doon kumain kung saan ako kumain dati dito sa bayan. Baka kasi makakuha kami ng impormasyon sa hinahanap naming tao.

"Heneral Falco! Kumusta?"

Tanong kaagad ng ginang nang makita niya si Heneral sa pagpasok namin.

Teka lang? Siya iyong ginang na muntik na akong hulihin dahil hindi ako nakapagbayad. Hindi ko alam kung titingin ba ako sa kaniya dahil sa kahihiyan.

Naghanap na lang muna ako ng lamesa dahil nakikita kong nag-uusap pa sila.

Maya-maya rin ay umalis ang ginang at tinawag ko si Heneral. Tumingin kaagad ito sa akin saka lumapit at umupo.

"Bakit tinatakpan mo ang iyong mukha?"

Tanong niya sa akin.

"Kasi....."

Naku! Bumalik ang ginang at lumapit sa aming lamesa.

"Heneral? Kasama po pala si Verity?"

Ako ba ang tinutukoy niya? At sino si Verity?

"Wala na bang problema sa bibilhin naming pagkain?"

Pag-iibang tanong ni Heneral sa ginang saka nagmadali itong umalis para siguro asikasuhin ang inorder na pagkain ni Heneral.

Bigla namang tumahimik ang aming paligid. At nangangati na akong magtanong kung sino iyong taong tinutukoy ng ginang pero mukhang walang balak si Heneral na sabihin kung sino ang taong iyon.

"Ano... Heneral... Kaya ako nagtatakip ng mukha dahil ang ginang na iyon ay muntik na akong ipahuli sa mga awtoridad dahil nagtangka akong hindi magbayad noon dito."

Pag-iiba ko na lang ng usapan. Mukhang nakuha yata ng Heneral kung paano nangyari sa akin noon ang pangyayaring iyon kaya naman naghintay ako na humingi siya nang pasensiya kung paano ako nakaranas ng hirap sa bayan noon.

Naghintay ako ng ilang minuto pero wala itong sinabi.

"Hindi ka ba hihingi ng paumanhin, Heneral? Alam mo naman siguro kung paano mo ako trinato dati kaya napadpad ako sa bayan!"

"Bakit mo sinisigawan ang Heneral?--- Teka lang! Ikaw iyong babae na hindi nagbayad dati hindi ba? At bakit mo kasama ang Heneral?"

Hindi ko namalayan na dumating na pala ang mga pagkain na dala ng ginang. At paano niya nalaman na ako iyong babae na hindi nakapagbayad?!

Ang tanga po, Aellia! Natanggal lang naman ang panyong itinakip mo sa iyong mukha dahil bigla ka na lang nagsisisigaw sa Heneral.

Ang sabi ng isipan ko.

"Kasama ko siya kaya walang problema."

Turan ng Heneral sa ginang at tumahimik ito. Kinabahan ako doon ah!

"Magkaibigan ba kayo Heneral?"

Tanong nito.

"Hindi na importante iyon. Nandito kami dahil may kailangan kaming itanong sa iyo."

BIGO kaming makita ang hinahanap namin. Hindi rin alam ng ginang kung sino ang lalaking iyon at hindi na niya nakita pang muli ang pagmumukha nito sa kanilang pagkainan.

Ilang oras din kaming naghahanap sa lalaking iyon. Marami kaming pinagtatanungan pero ni isa sa kanila ay walang nakakakilala.

"Malapit nang sumapit ang gabi, maghanap na muna tayo ng pagtutulugan. Alam kong pagod at gutom ka na rin."

Suhestiyon niya sa gitna ng aming paglalakad.

Pumasok kami sa isang bahay-panuluyan at bumati sa amin ang isang ginang.

"Magandang gabi sa inyo."

"Maganding gabi rin po."

Bati ko rin.

"Dalawang kwarto ang kukunin namin."

Kaagad na sabi ng Heneral. Nakita ko namang nagtataka ang istura ng ginang pero hindi ko alam kung bakit.

"Hindi ba't magkasintahan kayo?"

Pagkatapos sabihin ng ginang ang mga salitang iyon ay alam kong nagsisimula nang mamula ang mukha ko. Hindi ko alam ano ang sasabihin ko kung kaya't tiningnan ko na lang ang Heneral at mas lalo akong nagulat dahil nakita ng mga mata ko kung paano namumula rin ang tenga niya. Nahihiya rin ba siya?!

"Ahh base sa mga reaksiyon niyo sa tingin ko'y hindi kayo magkasintahan. Pasensiya na sa nasabi ko pero isa na lang din ang natirang kwarto sa bahay-panuluyan namin."

"Di bale na lang, maghahanap na lang kami sa iba."

Dali-daling lumabas ang Heneral kaya sinundan ko kaagad siya.

May nakita kaagad kaming mga bahay-panaluyan pero sa lahat ng natanungan namin ay wala ng bakante. Alam ko rin na pagod na ang Heneral. Mag-iisang oras na rin siguro ang nakalipas sa kakahanap namin.

Wala kaming magawa kaya bumalik kami sa pinuntahan namin kanina.

"Oy bumalik kayo. Wala ba kayong makitang bakante?"

Tanong kaagad ng ginang sa amin.

"Isang kwarto na lang ba talaga ang bakante?"

Ani ni Heneral Falco.

"Ikinalulungkot ko, ginoo pero isa na lang talaga. Ganito na lang, kunin na ninyo ang bakanteng kwarto at sagot ko na ang hapunan ninyo."

"Heneral Falco, kunin na natin. Minsan lang ang ganitong oppurtunidad."

Tama ba ang sinabi ko? Mukhang iba yata ang pagkakaintindi niya.

"Teka lang, ang ibig kong sabihin makakalibre na tayo ng hapunan kaya kunin na lang natin at saka isa pa, pagod na rin ako at mas lalo ka na."

Sabi ko na lang para matapos na ang lahat.

ANG sarap ng hapunan namin. Mabuti na lang talaga at kinuha namin ang kwartong ito, para na rin kaming naka-discounted.

"Mauna ka nang maligo, Heneral. Aayusin ko lang ang kama--- Ang ibig kong sabihin dito ka sa kama matutulog at ako dito sa lapag."

"Hindi, mauna ka nang maligo at dito ka sa kama matutulog. Ako na ang sa lapag."

"Ikaw ang bahala. Walang bawian!"

Sabi ko.

Lumapit naman ito sa akin at magkatapat ang aming mga mukha ngayon na labis kong ikinagulat.

"Bakit? Kung babawiin ko ba ay pwede tayong magtabi sa kama?"

Nagsilakihan ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. Kung kanina lang ay parang napaka-inosente niya at namumula pa ang kaniyang mga tenga pero ngayon parang nag-iba siya.

Baka nakakalimutan mo dati, Aellia? Kung paano ka rin niya inimbita sa kaniyang silid dati?

Sagot ng isip ko. Oo nga pala, naalala ko iyon. Nakangisi pa nga siya noon at mas lalong ngayon.

"Binibiro lang kita, maligo ka na. Lalabas na muna ako para manigarilyo."

Hinawakan niya muna ang ulo ko bago ito lumabas.

Nang makalabas na siya ay saka lang akong huminga ng malalim. Hinawakan ko naman ang dibdib ko.

Isa lang ang masasabi ko, ang lakas ng tibok ng puso ko.

Latest chapters

Related Books

Popular novel hashtag