Chereads / The Zodiac Warriors (Tagalog) / Chapter 10 - Chapter 10

Chapter 10 - Chapter 10

"PWEDE ba akong magtanong ulit mahal na Reyna?"

Tanong ko matapos kaming magyakapan.

"Ano iyon?"

Balik tanong naman niya.

"Paano mo nalaman na ako ang magiging Propeta at paano ka nakakasigurado?"

Huminga muna ito ng malalim bago sumagot.

"Isang araw ay nagpanaginip sa akin ang Bathala, hindi ko nakikita ang kaniyang anyo bagkus sa boses lang kami nagkausap. Ayon sa kaniya, may isang babae ang mapapadpad sa aming mundo na nanggagaling sa ibang daigdig, ito daw ang magiging Propeta at ang magiging susi sa lahat ng hinaharap na problema. Nagtanong kaagad ako sa Bathala kung papaano namin mapapatunayan kung siya nga ba ang Propeta, ang sagot naman niya ay iilaw ang mga simbolong nakatatak sa mga kamay ng mga mandirigma sa tuwing nakita na nito ang Propeta. Pero ang Bathala lamang ang tanging makakasagot kung bakit ikaw ang napiling Propeta."

Kung hindi ako nagkakamali, ang tinutukoy niyang Bathala sa kaniyang panaginip ay siya rin siguro ang nakausap ko sa aking panaginip.

"Nag-usap rin kami sa aking panaginip, sinabi rin niya na ako ang makakapagligtas sa mundong ito, at nangako siyang magkikita rin kami sa tamang panahon."

"Sino ang tinutukoy mo, Aellia?"

Balik tanong ng Reyna sa akin.

"Sa tingin ko'y ang Bathala ang nakausap ko sa aking panaginip. Hindi rin siya nagpakita sa akin."

Hinawakan ng Reyna ang aking pisngi bago siya nagsalitang muli.

"Mabuti naman kung ganoon ay nakausap mo na pala ang Bathala. Oras na rin siguro pala magdiwang tayo sa pagtanggap mo sa posisyon bilang isang Propeta."

Nagulat ako sa sinabi ng Reyna kaya napaatras ako ng kaunti.

"Ha?! Magdiwang?! Kailangan pa ba iyon mahal na Reyna? Wag na po!"

PAGKATAPOS naming mag-usap ng Reyna ay nagpabalita siya Emperyo Ubekka na may ipagdidiwang mamayang gabi sa palasyo, at imbitado lahat ang kung sino ang gustong dumalo. Kaya naman ako ngayon kinakabahan, hindi ko aakalain na aabot sa ganitong sitwasyon ang mangyayari. Okay na para sa akin na tanggapin ang posisyon bilang isang Propeta, pero heto ngayon at may malaking salo-salo ang magaganap. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari mamaya.

Biglang may kumatok naman sa pintuan kaya dali-dali akong tumayo mula sa kama at binuksan ito. Bumungad naman sa akin ang isang tagapagsilbi at may kasama rin siyang lima pang tagapagsilbi sa kaniyang likuran.

"Ipagpaumanhin niyo po ang aming disturbo, Binibining Aellia. Narito po kami para tulungan kang mag-ayos para sa pagdiriwang mamaya."

Pumasok naman silang lahat at may mga dalang gamit. Nakita ko naman ang punong tagapagsilbi na inutusan ang dalawa niyang kasamahan at kinuha ako.

"Saan tayo pupunta?"

Kabado kong tanong.

"Utos lang po ito, Binibining Aellia."

Nakangiti nilang pahayag sa akin.

PINALIGUAN at inayusan ako ng mga tagapagsilbi. Wala talaga akong ginawa, tanging ang mga tagapagsilbi lang ang gumalaw at naghirap sa kabuohan ko ngayon.

Tinapat kong muli ang aking sarili, hindi talaga ako makapaniwala na ako itong nakatayo at nakaharap sa malaking salamin.

"Grabe! Mukhang naging tao yata ako ngayon."

Tapos ang ganda pa ng sinuot kong kulay puting damit at mukhang mamahalin talaga ang tela. May suot din akong hugis rosas (pendant) na kwintas, regalo daw ito ng mahal na Reyna sa akin. At sa tingin ko'y maiibenta ito!

"Handa ka na ba, Aellia?"

Nagulat ako dahil nakaharap sa akin ang Reyna ngayon. Tiningnan ko naman siya mula ulo hanggang paa, kulang pa yata ang salitang perpekto sa anyo niya ngayon. Ang layo din ng lebel niya sa akin.

"Aellia? May problema ba? Pasensiya na rin pala dahil pumasok ako nang hindi kumakatok."

"Walang problema, mahal na Reyna. Hindi mo na kailangan pang kumatok. Nakakahiya naman po lalo na't kayo ang Reyna dito. At saka isa pa po, nalula lang kasi ako sa kagandahan niyo."

Natutuwa kong pahayag sa Reyna.

"Maraming salamat, Aellia. Pero kung meron man ang mas nakakamangha ngayon. Ikaw yun."

Hinawakan ng Reyna ang magkabila kong balikat at bumulong.

"Sa tingin ko'y may matutuwa ngayon."

Nagtaka naman ako kung sino kaya nagtanong ako. Hindi naman sumagot ang Reyna saka ngumisi na lang ito.

KINAKABAHAN akong nakatayo sa gitna ng maraming tao. Ngayon ay kasama kong nakatayo ang Reyna sa tabi ko na may hawak na kopita.

"Ikinagagalak kong ipakilala sa inyo si Aellia, ang ating Propeta."

Nagsipalakpakan naman ang mga tao at sabay-sabay na yumuko.

"Mahal na Reyna, sobra na po yata ito."

Bulong ko sa Reyna.

"Wag kang mahiya at kabahan, Aellia. Nararapat lang na bigyan ka ng ganitong engrandeng salo-salo."

Maya-maya'y pinakilala ako ng Reyna sa iba't-ibang bisita. Nalaman kong inimbita niya ang taga-ibang Emperyo. Hindi dumating ang tatlong Hari pero kahit ganoon pa man ay pumunta ang mga Punong Ministro ng tatlong Emperyo bilang kinatawan ng mga Hari.

"Nagagalak kaming makilala ka, aming Propeta."

Sabay sabi ng tatlong Punong Ministro sa akin.

"Hindi namin lubos maisip, Reyna Dahlia na dito mapapadpad sa Emperyo Ubekka ang itinadhanang Propeta. Sigurado ako na kung sakaling buhay pa ang iyong Ama ay matutuwa itong malaman na may napagtagumpayan ka na bilang isang bagong Reyna ng Emperyo Ubekka."

Nakangiting tumango lang ang Reyna. Pero alam kong ang ngiting iyon ay may halong lungkot. Sa natatandaan ko'y bago lang namatay ang yumaong Hari ng Emperyong ito, hindi ko rin alam kung bakit.

"Pero sa pagkakaalam ko'y isang lalake dapat ang mamuno bilang isang pinuno ng Emperyo, pero wala tayong magagawa kung isa lamang ang anak ng yumaong Hari ng Emperyo Ubekka, ang mas nakakalungkot ay isang babae pa. Pero kahit gahit ganoon pa man, ay wala na tayong magagawa."

Teka lang, hindi ko gusto ang bibig ng Punong Ministrong ito ah! Kung makapagsalita siya akala mo'y wala sa kaniyang harapan ang tinutukoy niya!

Tiningnan ko naman si Reyna Dahlia, alam kong napipilitan lamang siyang ngumiti.

"Mawalang galang lang po, Punong Ministro ng Emperyo Ochbran, pero sa tingin ko po ay wala sa kasarian ang pagiging pinuno. At hindi po ibig sabihin na kahit babae ang naging pinuno ay wala na itong kakayahan para pamunuan ang palasyo lalo na ang mga taong nasasakupan nito. Naniniwala akong hindi alintana ang kasarian para sabihin mo ang mga salitang iyon."

Napasinghap naman ang dalawang Punong Ministro. Maya-maya'y tumawa ang mga ito. Mukhang nakuha naman nila ang gusto kong ipahiwatig at saka sumang-ayon sa akin.

"Tama nga naman ang ating Propeta. Hindi alintana ang kasarian para mamuno."

Sang-ayon ng Punong Ministro ng Emperyo Aquilino.

"Sa tingin ko'y maswerte tayo dahil matalino at may lakas ng loob ang ating Propeta."

Sabi din ng Punong Ministro ng Emperyo Eagan. Pero yung sabihin niyang matalino ako ay hindi ko mapigilang matuwa sa aking isipan.

Bagsak ka nga sa Math subject, Aellia!

"Pagpasensiyahan mo na ang aking nasabi, Reyna Dahlia. Mukhang marami yata akong nainom sa gabing ito."

Mabuti na lang at humingi siya ng paumanhin kung hindi ay mas lalo akong maiirita. Kahit hindi pa naman kami ganoong magkakilala ay alam kong mabait na tao si Reyna Dahlia kaya hindi ko gustong nakakarinig siya ng mga ganoong salita.

Nagpaalam naman ang tatlong Punong Ministro sa akin at maging ang Reyna dahil may pribadong pagpupulong daw muna sila saglit.

Pagkatapos nilang umalis ay may pumupunta at kumakausap naman sa akin. Sa dami ng ibinigay nilang regalo ay hindi ko ito kayang mabitbit at mabuti na lang at may umagapay kaagad sa akin na mga tagapagsilbi ng palasyo.

Nagpasalamat naman kaagad ako.

NAPAGDESISYUNAN ko namang lumabas ng palasyo. Gusto ko kasing mapag-isa.

Kumusta na kaya sila Mama at Papa? Na m-miss ko na rin si Aellon kahit hindi kami magkasundo ng kapatid kong iyon. Pati na rin ang bestfriend ko na si Kianna. Hinahanap na kaya nila ako? Sigurado akong nag-aalala na sila akin.

Kung hindi ko lang siguro binuksan ang pintuang iyon ay baka hindi ako mapapadpad dito. Pero wala na akong magagawa dahil huli na ang lahat.

Ramdam kong dumadaloy na ang mga luha na galing sa aking mga mata kaya naman nagsimula na akong humikbi.

"Kung iiyak ka, wag dito sa pwesto ko. Dinidisturbo mo ang paninigarilyo ko."

Agad naman akong huminto sa pag-iyak nang napagtanto kong may ibang tao pala dito.

Nakakahiya!

Ang lakas pa naman ng hikbi ko.

"Kung hindi ka pa tapos sa pag-iyak, ako na ang aalis."

Alam kong lalake siya dahil na rin sa kaniyang boses. Pero hindi ko makita ang kaniyang mukha dahil medyo madilim dito sa pwestong inaapakan namin.

Naramdaman ko na lang na tinapunan niya ako ng tela na sa tingin ko'y isang panyo. Bago pa man ako makapagpasalamat ay umalis na ito.