"NAKAHANDA na ba ang lahat?"
Narinig kong tanong ni Heneral Falco sa mga kasamahan naming mga kawal na kasalukuyang nag-aayos ng kanilang mga kabayo.
Nandito rin ako sa labas ng kalesa't naghihintay sa kanila. Bago kami pupunta ng bayan ay pinadaan muna ng Reyna ang isang araw bago kami maglalakbay.
Nang humiling kasi ako sa kaniya na maghanda para papuntang bayan ay nagpasya ang Reyna na ipagliban muna ng isang araw dahil hindi pa tuluyang maayos ang aking pakiramdam.
Suot ko rin ang aking school uniform ngayon dahil hindi ako komportable sa mga damit na ibinigay ng Reyna, hindi sa nag-iinarte ako pero kasi nakakaagaw pansin ang mga inaalok niyang damit.
"Sumakay ka na sa kalesa."
Kaagad na sinabi ni Heneral Falco sa akin.
Ginawi ko naman ang aking tingin sa mga kawal, nakita kong lahat sila'y nakahanda na at sakay na ng kanilang mga kabayo. Bago pa man ako tuluyang makapasok ay biglang dumating si Reyna Dahlia.
"Aellia, mag-ingat kayo sa inyong paglalakbay. Humihingi ulit ako ng paumanhin dahil hindi ako makakasama sa inyo ngayon."
Nagpasya ang mga ministro ng palasyo na huwag munang isama ang Reyna dahil kailangan muna nitong tapusin ang tungkulin sa palasyo na agad namang sinang-ayunan ni Heneral Falco. Wala rin namang problema sa akin dahil kahit papaano ay sa bayan lang ang punta namin na nakapalibot lamang sa Timog Emperyo Ubekka.
"Huwag mo munang ipilit ang iyong sarili, Dahlia. Tama ang mga ministro na maiwan ka muna sa palasyo. Saka ka na sumama kung maglalakbay na tayo palabas ng Emperyo Ubekka. Isa pa, mas kailangan ang iyong presensiya ngayon sa loob ng palasyo."
Agad na sabi ni Heneral Falco sa pagitan namin ni Reyna Dahlia.
"Naiintindihan ko, Falco."
Nakita kong malungkot ang mga mata ni Reyna Dahlia at sa tingin ko'y nakokonsensiya ito dahil hindi makasama sa amin.
"Reyna Dahlia, ayaw ko sanang isipan mong nakokonsensiya ka na wala ka ngayon sa paglalakbay namin."
Tanging nasabi ko na lang sa Reyna para mawala ang kaniyang lungkot sa mga mata. Gusto ko lang mapanatag siya.
"Maraming salamat sa pang-unawa, Aellia. Pinapangako kong sa susunod na paglalakbay ay kasama na ako bilang ako'y isa sa labin-dalawang manidirigma ng zodiac."
Tumango at yinakap ko ang Reyna kapagkuwan.
"Mag-iingat kayo, Aellia."
Huling sabi ni Reyna Dahlia saka ako pumasok ng kalesa.
Nagtataka ako dahil ako lang ang nasa loob. Akala ko'y sasamahan ako ni Heneral Falco pero nakita kong sumakay siya ng kaniyang kabayo at ngayon ay nangunguna sa amin.
Hindi ko alam pero sa tingin ko'y mainit ang ulo ng Heneral ngayon. Kahapon kasi nakita ko siyang nagkasalubong ang kilay nang magkita kami sa loob ng palasyo at mas lalo akong nagulat dahil hindi niya ako pinansin, hindi naman sa nag-aaktong espesyal ako pero akala ko'y wala nang problema sa pagitan naming dalawa kasi noong nagkasakit ako ay kinakausap naman niya ako.
Hindi ko na lang ulit inisip iyon at nagpasyang tumingin-tingin na lang sa labas ng bintana.
NARAMDAMAN kong may tumatapik-tapik sa aking balikat kaya ibinuka ko kaagad ang aking mga mata. Doon ko lang napagtanto na nakatulog ako sa aming paglalakbay.
"Pasensiya na at nakatulog ako!"
Humingi ako ng pasensiya kay Heneral Falco at yumuko lalo na't siya ang gumising sa akin.
Hindi siya umimik at tumalikod kaagad. Bago ako bumaba ng kalesa ay sinuri ko muna ang aking mukha gamit ang maliit na salamin na ibinigay ni Reyna Dahlia sa akin.
Muntik na akong atakihin nang nakita kong may panis na laway ako sa aking mukha at sobrang gulo ng aking buhok. Kaya pala tumalikod kaagad si Heneral Falco dahil baka natatawa siya sa itsura ko ngayon.
Pwede bang lamunin na lang ako ng lupa ngayon sa sitwasyon ko?!
Pagkatapos kong ayusin ang aking sarili ay agad akong lumabas ng kalesa. At sa ikalawang pagkakataon ay nasilayan ko na naman ang bayan kung saan ako nakapunta dati. Ganoon pa rin ang itsura, marami pa ring mga nakatayong mga establisyemento at nagkakatuwaan ang mga tao.
Nagdesisyun din si Heneral Falco na paghiwalayin ang mga kawal. Binigyan din sila ng larawan para madaling mahanap ang lalaking hahanapin namin.
Naalala ko tuloy kahapon kung paano ko ilarawan ang hahanapin naming lalaki, palagi akong tinutukso ng Reyna na baka ay gusto ko daw ang lalaking iyon dahil namumula daw ako sa tuwing inilalarawan ko ang itsura at pigyura ng lalaki. Hindi ko naman ipinagkakaila sa aking sarili na "love at first sight" ako sa kaniya dahil bukod sa gwapo ang kaniyang mukha ay tinulungan niya rin akong makapagbayad sa tatakasan ko sanang pagkainan. Maginoo nga kumbaga.
Nalaman ko rin na may taglay na kakayahan ang mga mandirigma ng zodiac. Kaya pala nababasa ng Reyna ang aking isipan ay dahil ang kakayahan niyang taglay ay telepatiya pero ginagamit niya lamang ito minsan kung gugustuhin niya, at kaya rin siguro'y napapanaginipan niya ang Bathala dahil sa kakayahan niya. Humingi rin naman siya ng paumanhin sa akin na ipinagwalang-bahala ko na lang.
Sa pagkakaalam ko rin ang kakayahan ni Heneral Falco ay ang lakas nito sa pakikidigmaan. Ayon kay Reyna Dahlia ay wala pa daw nakakatalo dito kahit sa mga kompetisyon sa pakikipaglaban. Siya rin ang may pinakataas na ranggo bilang isang Heneral sa apat na Emperyo. Nalaman kong siya rin ang pumatay sa lahat ng halimaw na umatake sa akin noon. Hindi ko rin maipagkakaila na malakas siyang tunay.
"Kumain muna tayo. Sa tingin ko'y gutom ka na."
Nakakahiya! Tumunog iyong tiyan ko!
Ilang beses mo ba ipapahiya ang sarili mo ngayon, Aellia?!
BAGO kami kakainn ay iniwan muna ni Heneral Falco ang kaniyang kabayo sa isa niyang kakilala dito sa bayan. Sagabal kasi ang kabayo lalo na't maliit lang ang pagitan ng espasyo sa mga nakatayong establisyemento dito sa bayan.
"Anong gusto mong kainin?"
Tanong niya sa akin habang naglalakad na kami. Hindi ako makasagot.
"Kung hindi ka sasagot, ako na ang pipili."
Ano iyon? Ang sungit naman niyang sumagot. Eh nag-iisip pa naman muna ako!
Hinayaan ko na lang siyang magdesisyun kung iyon ang gusto niya. Tumitingin-tingin na lang ako sa paligid dahil baka ay may makita akong kanais-nais.
Bakit maraming tao ang nakapalibot doon?
Dahil nagtataka ako ay hinablot ko ang damit ni Heneral Falco. Tumingin naman ito ng matalim sa akin.
Bakit ko ba ginawa iyon? Mukhang mainit pa rin talaga ang kaniyang ulo.
"Ano, Heneral Falco. Nagtataka kasi ako-"
"Sabihin mo nang diretso ang iyong gusto sabihin."
Nagtitimpi na talaga ako. Konti na lang talaga at malapit na akong magalit pero hindi ko magawa iyon, wala akong binatbat kumpara sa kaniya. Bagkus ay ngumiti na lang ako at nagpatuloy sa aking gustong sabihin.
"Marami kasing tao ang nakapalibot doon, gusto ko sanang tingnan kahit sandali dahil sa tingin ko'y laro ang pinapalibutan ng mga tao."
Hindi na naman siya umimik pero nag-umpisa na siyang maglakad papunta doon.
Yes!
Tuwang-tuwa naman ako.
"Wala pa ni isang tao ang nanalo sa larong iyon, sa tingin ko'y mayaman na ang may-ari noon at marami ng nakolektang pera."
"Oo nga, suwerte kung sakaling may manalo na. Ang ganda at kakaiba pa naman ng premyo! Ngayon lang ako nakakita ng ganoong klaseng bagay!"
Mas lalo akong na-engganyo matapos kong marinig ang dalawang binatilyo na nag-uusap. Mapuntahan na nga!
KAHIT masikip ay pinilit ko ang aking sarili na makapasok dahil madaming tao ang nakapaligid.
Nagtaka ako dahil biglang lumawak ang daanan. Ang mga tao ay nagbigay daan sa gitna at doon ay nakita kong binigyan ng matalim na tingin ni Heneral Falco ang mga tao.
"Ang Heneral ng Emperyo Ubekka ay nandito."
Narinig kong bulong-bulungan.
Pero kahit papaano ay natuwa ako dahil sa mga ganitong sitwasyon may mabibinipisyo ako. Sa tingin ko'y malawak ang pagkakangiti ko ngayon.
Nang makapunta at nakita na nang tuluyan kung ano ang laro ay may nakita akong isang lalaki na sa tingin ko'y kasing edad ko lang.
Siya yata ang taong may ari ng larong ito na tinutukoy kanina ng mga binatilyo.
"Bago tayo magbalik sa ating laro ay binabati ko muna ang mga taong bagong dating para tunghayan at susugal sa larong ito!"
Wow! Ang galing naman niyang mag-host. Iyong dating niya ay parang professional host sa isang perya.
Gusto ko tuloy matawa.
"Mga ginoo at binibini, ilagay na ninyo ang inyong mga pusta dito sa kahong bitbit ko ngayon at upang tayo ay makapag-umpisa na."
Paano na? Wala akong dalang pera.
Nakita kong may iniabot na pera si Heneral Falco sa akin. Hindi ko alam kung tatanggapin ko ba o hindi pero siyempre tinanggap ko.
"Babayaran kita sa susunod, Heneral Falco."
Sabi ko na lang at nag thumbs-up sa kaniya. Hindi na naman siya umimik bagkus tumingin na lang ito sa laro.
"Dahil wala nang tataya ay magsisimula na tayo!"
Biglang nagsigawan at nagkatuwaan ang mga tao sa paligid. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari pero titingnan ko na lang.
"Dahil may mga bago tayong manlalaro, uulitin ko ang mekanika ng laro. Kailangan niyo lang maitumba ang kunehong ito na gawa sa isang plastik lamang at gagamit lang kayo ng isang pana."
Nilagay ng host ang kunehong gawa sa plastik sa isang lamesa na nakapagitna. Pagkatapos ay nagpatuloy ito sa pagsasalita.
"Madali lang hindi ba? At hindi lang iyon, madali lang maitumba ang kunehong ito dahil gawa lang ito sa plastik!"
Oo nga, napakasimple lang pala ng game mechanics pero bakit wala pang nananalo sa larong ito?
"Nakalimutan ko ulit, mga ginoo at binibini! Dahil nga mayroon tayong mga bagong manlalaro ay ipapakita kong muli ang ating espesyal na premyo!"
Ano kaya ang premyo at bakit nagkakagulo ang mga tao?
Ipinakita niya sa ere ang premyo.
"Aray!"
Daing ko.
Biglang may kumagat kasi sa aking kaliwang paa kaya yumuko ako saglit.
Mga langgam lang pala.
"Ngayon pa kayo nakakakita ng bagay na ito hindi ba? Tingnan ninyo ang aking gagawin."
Pagkatapos kong alisin ang mga langgam ay bumalik ako sa gawi ng host. Ngayon ay nakatalikod na ito sa amin at hindi ko na nasilayan ang premyo. Ngayon naman ay kasalukuyan itong nagpipinta.
Pagkatapos naman niyang magpinta ay pinakita niya sa amin ang kaniyang guhit na kunehong hayop. Maganda naman ang kaniyang pagkakapinta, mukhang wala namang espesyal sa ginamit niyang paminta.
Iyon ba ang premyo?
Tanong ng aking isipan habang nakakunot ang noo.
"Mas maganda ang tinta kumpara sa ating ginagamit hindi ba, mga ginoo at binibini? At hindi pa magtatapos diyan dahil ang premyong hawak ko ngayon ay may espesyal na bahagi!"
Teka lang!
Tiningnan ko nang mabuti ang kaniyang hawak na premyo.
"Pagpipindutin ko ang gilid nito ay nakakapagtala ito ng sarili mong boses! Katulad nito."
"Maligayang bati sa inyo mga kaibigan!"
Inulit ng bagay na iyon ang kaniyang sinabi at ang lahat ng tao ay naghiyawan.
Isang lang ang masasabi ko!
Customized ballpen ko ang hawak niyang premyo!