Chereads / The Zodiac Warriors (Tagalog) / Chapter 11 - Chapter 11

Chapter 11 - Chapter 11

NANDITO ako ngayon sa isang pribadong silid na nakaupo kasama ang Reyna at ang tatlong Punong Ministro. Pagkatapos ko kasing umiyak kanina sa labas ng palasyo ay pinapahanap pala ako ng Reyna. Sinundo ako ng isang kawal at dinala dito sa silid kung saan kasalukuyan silang nagpupulong.

"Humihingi ako ng paumanhin, Aellia kung bakit pinatawag kita sa aming pagpupulong."

Umiling-iling naman ako sa mahal na Reyna.

"Wag po kayong mag-alala, mahal na Reyna. Ayos lang po sa akin. Pero bakit po ba pinapatawag ninyo ako?"

Tumingin naman sa akin ang tatlong Punong Ministro na ipinagtataka ko pero sa tingin ko'y tungkol ito sa pagiging Propeta.

"Pinatawag kita dahil may diskusyon kaming dapat ay kasama ka. Tungkol ito sa pagtanggap mo bilang Propeta ng labin-dalawang mandirigma."

Tama nga ang nasa isip ko. Tumingin naman ulit sa akin ang tatlong Punong Ministro. Maya-maya'y nagsalita ang isa.

"Gusto sana naming sabihin na dumadami na ang mga halimaw sa paligid, nagagawan naman namin ng solusyon para patayin sila pero habang tumatagal ay nagkukumpulan na sila at nanggugulo ng sobra."

Muntik ko ng makalimutan ang mga halimaw. Isa sila sa mga problemang hinaharap ng mundong ito.

"Alam naming wala ang mga Hari ng tatlong Emperyo dito subali't nandito naman kami upang kumatawan sa kanilang gustong iparating na mensahe para sa iyo, Binibining Aellia. Handa ang tatlong Emperyo para tulungan ka sa paghahanap ng iba pang mandirigma nang sa ganoon ay mahanap na ang diyamanteng kwintas."

Tumango-tango rin ang dalawa pang Punong Ministro.

"Kung kailangan mo ng mga armas ay handa ang Emperyo Eagan para ibigay ito sa iyo, Binibining Aellia."

"Kung kailangan mo rin ng karagdagang mga kawal ay handa ang Emperyo Ochbran para tumulong sa iyo, Binibining Aellia."

Hinawakan ko kaagad ang aking sentido kasi parang kumirot yung ulo ko sa sobrang sakit nito. Naramdaman ko namang tumingin sa akin ang Reyna.

"Aellia, kung gusto mo munang magpahinga ay pwede kitang ipahatid sa iyong silid."

Alok ng Reyna sa akin. Alam kong nag-aalala siya dahil sa paghawak ko sa aking sentido pero umiling lang ako at sinabing walang problema.

Nagpatuloy pa rin ako sa aking sinasabi kahit sobrang gusto ng pumutok ng utak ko.

"Alam ko po na isang hamak na dalaga lang ako at wala sa mukha ko ang deskripsyon na kayang lumigtas sa mundong ito pero kahit ganoon pa man ay nagpapasalamat pa rin ako sa inyong alok mga Punong Ministro. At pinapangako ko at sa abot ng aking makakaya ay tutulungan ko ang mundong ito-"

"Aellia?!"

"Binibining Aellia!"

Iyon na lang ang huli kong narinig mula sa Reyna at tatlong Punong Ministro.

BUMANGON ako kahit sobrang sakit pa ng ulo ko. Naghanap ako ng maiinom subalit nang ibinaba ko ang aking paa galing sa kama ay natumba ako. Napadaing naman ako sa sakit.

"Binibining Aellia!"

Tumakbo naman patungo sa akin ang isang tagapagsilbi at inalalayan kaagad ako.

"Wag ka po munang bumangon, hindi pa po mabuti ang iyong lagay."

Hinawakan kaagad ng tagapagsilbi ang aking noo.

"Mainit pa po kayo. Teka lang po at kukuha muna ako ng gamot at tubig."

Sabi ng tagapagsilbi saka lumabas ng silid. Kinapa ko naman ang noo ko at tama nga siya masyadong mainit pa ang kalagayan ko. Ano ba ang sanhi ba't nilalagnat ako?

Maya-maya'y bumukas ang pinto at pumasok si Reyna Dahlia, nagulat din ako dahil kasama niya si Heneral Falco. Naalala ko tuloy kagabi, ni hindi ko nakita ang presensiya niya. Mukhang abala talaga siya sa kaniyang mga tungkulin para dumalo sa isang pagdiriwang.

"Pasensiya na po kayo, Reyna Dahlia kung hindi natapos ang dapat ipagpupulong sana natin kagabi. Ang mga Punong Minsitro po ba ay nariyan pa?"

Tanong ko kaagad. Tumabi din sa akin ang Reyna at kinakapkap ang leeg at noo ko.

"Wag mo ng problemahin iyon, Aellia. Nagulat talaga ako at nahimatay ka kagabi, ni hindi ko namalayan na may lagnat ka pala. Humihingi din ako ng paumanhin dahil itinuloy ko pa ang pagdiriwang kahit may sakit kang dinadala."

"Hindi po, wag po kayong mag-alala, Reyna Dahlia. Hindi ko rin po kasi alam na nilalagnat na pala ako kasi pakiramdam ko naman kahapon ay mabuti ang lagay ko."

Nahihiya kong pahayag.

"Ang mahalaga ay gising ka na pero sa ngayon, kailangan mo munang uminom ng gamot para bumalik ang iyong sigla. Oo nga pala, ang mga Punong Ministro ay nakaalis na rin simula pa kagabi. Maging sila ay nag-aalala rin sa kalagayan mo kaya nag-iwan na lang sila ng mensahe na sana ay bumuti ang iyong lagay at ikinagagalak ka nilang makilala."

Medyo nahihiya talaga ako ngayon sa aking sarili. Tinanaw ko naman si Heneral Falco at nagulat ako dahil nagtama ang mga mata namin pero wala siyang sinabing kahit isang salita.

"Mahal na Reyna, paano niyo nalaman na isa kayo sa labin-dalawang mandirigma ng zodiac?"

Sa tingin ko'y nagulat ang Reyna sa tanong ko kaya naman ay nagtinginan silang dalawa ni Heneral Falco.

"Simula noong bata pa ako ay palagi ng sinasabi ng aking Ama na isa ako sa labin-dalawang mandirigma at dahil na rin iyon sa palatandaang simbolong nakatatak sa aking kanang harapang palad pero sa sitwasyon naman ni Falco, matagal lumabas ang kaniyang simbolo. Kinuha ito ni Ama noong sampung taong gulang pa lang siya dahil nakitaan ito ng potensiyal sa paghawak ng espada at pinapasok sa palasyo para ipagsanay pero hindi alam ni Ama na isa siya sa mga mandirigma kaya laking gulat nito nang lumabas ang kaniyang simbolo noong siya'y labing-tatlong taong gulang na.

"Sumatutal, simula pa ng mga bata kayo ay alam niyo ng isa kayo sa mga mandirigma?"

Tumango ang Reyna at nagpatuloy muli.

"Oo, Aellia pero hindi na namin alam kung saan ang iba pang mandirigma dahil kahit hanapin man namin ang iba ay hindi kami nakakasigurado kung sila ba ay isa sa mga ito dahil katulad ng kaso ni Falco, baka ang iba sa kanila ay hindi pa lumalabas ang simbolo sa kanilang mga kamay. Kagaya rin ng sinabi ko sa iyo noong isang araw, ang Propeta lamang ang tanging makakapaghanap at makakapagtunay kung siya nga ba'y isa sa mga labin-dalawang mandirigma ng zodiac."

Pero talaga bang may kakayahan ako bilang isang Propeta?

Binaliwala ko na lang ang pagiging negatibo sa aking sarili dahil may naalala akong bigla.

"Kung hindi ako nagkakamali, hindi po ba't umilaw ang mga simbolong nakatatak sa mga kamay ninyo noong una ninyo akong nakita?"

Tanong ko ng seryoso sa kanilang dalawa.

"Oo, bakit Aellia?"

Ani ng Reyna.

"Noong napadpad kasi ako sa bayan may tumulong sa akin na isang lalaki. Nakita ng mga mata ko na mayroon ding sumisilaw sa harapan ng kaniyang kanang kamay katulad ng noong una ninyo akong nakita, pero hindi ko lang maaninag ng mabuti kung isang simbolo ba ng zodiac iyon dahil---"

"Dahil?"

Tanong ni Reyna Dahlia nang naputol ang pagsasalita ko.

Hindi ko maituloy ang gusto kong sabihin dahil hindi ko gustong malaman nila na naka-pokus lang ako sa mukha ng lalaking iyon at nalimutan na ang tungkol sa lumiliwanag sa kaniyang kanang kamay.

"Mukhang alam ko na kung bakit, Aellia."

Natatawang pahayag ng Reyna.

Tumayo naman ako sa kama at tumitig sa Reyna.

"Teka lang, mahal na Reyna! Matagal ko nang napapansin ah na parang nababasa mo ang nasa isipan ko, kasi sa tuwing may gusto akong itanong na hindi ko pa nasasabi ay nasasagot mo na."

Lumapit kaagad ang Heneral sa akin kaya naman tinakpan ko kaagad ang mga mata ko dahil baka itutok na naman niya ang espada sa akin.

"Wala akong gagawing masama sa iyo."

Hinay-hinay ko namang ibinuka ang mga mata ko.

"Gusto lang sabihin na kung hindi ako nagkakamali, ang tinutukoy mong lalaki ay baka isa sa mga labing-dalawang mandirigma at sa tingin ko'y hindi pa siya nakakaalis ng bayan."

Seryosong pahayag ni Heneral Falco.

Naiintindihan ko ang gusto niyang iparating sa akin.

"Mahal na Reyna, gusto kong pumunta ng bayan para hanapin ang lalaking iyon."

Nagtinginan si Heneral Falco at Reyna Dahlia.

"Masusunod, aming Propeta."