Lahat ay kaya nating gawin para sa pagmamahal, ngunit kadalasan ay nakakalimutan nating sabihin ang salitang "mahal kita".
Naunang nagising si Qiao Anhao nang tumunog ang alarm ng telepono ni Lu Jinnian. Sa pagdantay niya sa kanyang tagiliran, napagtanto niyang nakatulog siya sa braso ni Lu Jinnian. Pagkatapos ng dalawang segundo, saka lang nagsimulang bumalik sa kanya ang mga nangyari sa nakaraang gabi. Sa gulat ay napatalon siya pababa ng kama at tumakbo papuntang banyo dahil sa takot. Dahil dito ay nagising ng tuluyan si Lu Jinnian.
Sa pagmulat nang kanyang mata, si Qiao Anhao agad ang kanyang nakita na tumatakbo papuntang banyo. Kahit na nasulyapan niya lang ito, malinaw niyang nakita na wala itong suot, at ang mga kissmark sa kanyang maputing balat. Kaunti sa mga pangyayari ang bumalik sa kanyang isipan. Inakyat siya ni Qiao Anhao, hinalik-halikan, at sa huli ay dahan-dahang hinubaran ng damit.
Napakunot ang noo ni Lu Jinnian habang masuring tinitignan ang kwarto. Nakita niya ang magulong kama, ang nagkalat na damit sa sahig, at ang pulang marka sa sapin ng kama.
Maraming alak na nainom si Lu Jinnian kinagabihan, na siyang dahilan sa sakit ng ulo niya. Ngunit hindi ito naging hadlang sa kanyang pag-iisip. Sa loob lang ng halos isang segundo, naintindihan niya kung ano ang nangyari sa kanilang dalawa.
Hindi iyon panaginip lang! Totoo ang lahat!
Nandilim ang paningin ni Lu Jinnian, napahawak siya ng mahigpit sa kanyang kumot. Matapos ang ilang segundo, hinagis niya ang kumot at naglakad papuntang banyo, kita ang galit sa kanyang mukha.
Sinara ni Qiao Anhao ang pintuan ng banyo habang humihinga ng malalim. Nakainom din siya kagabi. Dahil sa kalasingan, inakyat niya si Lu Jinnian. Dahil sa pag-aakala niya na panaginip lang iyon, lakas-loob niyang hinalikan si Lu Jinnian, at inakit ito. Hindi kailanman tumagos sa kanyang isipan na hindi isang panaginip ang mga nangyayari.
Dalawang buwan na silang kasal pero hindi dahil sa mahal nila ang isa't-isa, wala ring nakakaalam sa relasyon nilang dalawa. Matagumpay nilang naiwasan ang isa't-isa sa loob ng unang dalawang linggo matapos silang ikasal. Sa sandaling lumabas sila ng bahay, agad nilang itinuturing na hindi sila magkakilala. Ngunit ngayon, nasira niya ang kasunduan nilang dalawa.
Ano ang magiging reaksyon niya?
Iniisip niya palang ito pero kinikilabutan na siya sa takot.
Nanginginig niyang inabot ang showerhead. Sinusubukan niyang pakalmahin ang kanyang sarili gamit ang malamig na tubig, nang biglang bumukas ang pinto. Galit na pumasok si Lu Jinnian at pahablot nitong hinatak ang kanyang braso. Gamit ang isa pa niyang kamay ay hinawakan niya ang leeg ni Qiao Anhao, sabay tulak sa kanya sa pader.
Sa kanyang galit ay hindi binigyang pansin ni Lu Jinnian ang lakas ng pagtulak niya. Nakaramdam ng matinding pananakit sa kanyang likuran si Qiao Anhao ngunit bago pa man niya mabawi ang kanyang sarili, ay nanggagalaiting nagsalita si Lu Jinnian, "Qiao Anhao, hindi ko inakala na kaya mo akong pagsamantalahan, paano mo nagawa sakin to?!"