KINAKABAHAN akong nakatayo sa labas ng silid ng mahal na Reyna. Pero sa tingin ko'y tama rin ang gagawin ko. Mahirap man ang ang napili kong desisyon ay wala na akong mapagpipilian. Kung hindi dahil sa mga panaginip ko ay hindi ko gagawin ito pero dahil nandito na rin ako, wala ng atrasan pa.
Pagkatapos kong kumatok ng tatlong beses sa pintuan ay bumukas kaagad ito at bumungad sa akin ang Reyna na nakaayos na ng kaniyang sarili. Suot din nito ang kaniyang korona na talaga namang nakakadagdag postura rin sa kaniyang kabuohan.
"Magandang umaga, mahal na Reyna."
Agad kong bati sabay yuko sa kaniyang harapan.
"Magandang umaga rin sa iyo, Aellia. Halika at pumasok sa aking silid."
Inanyayahan naman akong pumasok ng Reyna at tuluyang nakapasok sa silid.
Kung mas engrande ang silid ko ay tiyak na mas engrande itong sa Reyna. Sa sobrang sabik ko sa aking mga nakikita ay para akong bata na umiikot-ikot sa silid para tingnan ang mga kagamitan ng Reyna.
Huminto lang ako sa aking ginagawa nang marinig kong tumatawa ang Reyna. At dahil sa gulat ko ay agad akong yumuko at humingi ng paumanhin.
"Walang problema, Aellia. Kung gusto mo bibigyan kita ng oras para ikutin ang buong silid na ito."
Natatawang pahayag ng niya.
Ilang beses mo ba ipapahiya ang sarili mo, Aellia!
"Pero maiba tayo, Aellia. Bakit hinahanap mo ako? May gusto ka bang gawin o bilhin ngayong araw na ito? Pwede kong ipasama si Falco sa bayan para gabayan ka niya."
Ha?! Ang heneral na iyon?! Wag na lang!
"Hindi, mahal na Reyna. Nandito ako para…"
Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang bigla akong kinabahan. Parang gusto kong umatras, pero ano pa ang punto ko para magpunta dito?
"Aellia?"
Bumuntong hininga muna ako bago ako humarap sa Reyna ulit.
"Handa na ako, mahal na Reyna."
Pagkatapos kong binitawan ang mga salitang iyon ay bigla akong yinakap ng mahigpit ng Reyna at nagsimula itong humikbi.
"Ito na yata ang pinakamagandang balita na narinig ko, Aellia!"
HINDI ako makapaniwla na nasabi ko na nang tuluyan kahit na kinakabahan at pinagpapawisan. Ang init ng yakap ng mahal na Reyna at nararamdaman ko ang galak sa kaniyang pagmumukha.
"Umupo muna tayo, Aellia at pag-usapan natin ang iyong pagtanggap bilang isang Propeta."
Sumunod ako sa mahal na Reyna at pumasok kami sa isang pang kwarto kung saan mayroon siyang sariling silid-aklatan. Napamanangha na naman akong muli sa aking mga nakikita, nagkukumpulang mga libro.
"Iba pala talaga pag-isinilang ka bilang isang maharlika."
Napahawak ako sa aking bibig nang mapagtanto kong naibigkas ko ang mga salitang iyon. Akala ko'y nasa isip ko lamang.
Napakamot na lang ako sa aking ulo at humingi ulit ng paumanhin.
Wala namang sinabi ang ang mahal na Reyna bagkus ngumiti lang ito, pero napansin kong muli ang lungkot sa kaniyang mga mata.
Ngayon ay magkatapat na kaming umupo.
"Kung nag-aalala ka sa sinabi mo kanina, Aellia ay wag mong alalahanin iyon. Sanay na rin naman akong makirinig ng ganiyang mga salita."
Ang bibig mo talaga, Aellia!
Hinawakan niya ang kamay ko kapagkuwa'y pinisil ito. Nasilayan ko ulit ang simbolo sa kaniyang kamay.
"Mahal na Reyna, ipagpaumanhin niyo po ang narinig ko kagabi sa inyong pagpupulong pero ano nga ba talaga ang nangyayari sa mundong ito? At ano ang koneksiyon ng Propeta sa mga problemang hinaharap ngayon?"
"Noong unang panahon, ang mundong ito ay mapayapang namumuhay. Mula sa hilaga ay nakatayo ang Emeperyong Eagan, sa silangan ay Emperyong Ochbran, sa kanluran naman nakatayo ang Emeperyong Aquilino at dito sa inaapakan mo ang timog kung saan nakatayo ang Emperyong Ubekka. Ayon sa aking Ama, may isang alagad ang Bathala na nagngangalang Brennan, kinupkop niya ito at inalagaan simula nang bata pa ito. Napakabait at masunurin daw nito kaya naman minahal siya ng Bathala na parang isang tunay na anak. Nang lumaki na si Brennan at nasa tamang edad ay binigyan ito ng kapangyarihan upang gabayan ang mga tao at iligtas sa mga halimaw na umaaligid sa mundo. Naging matagumpay si Brennan at tuluyang nawala ang mga halimaw, nang dahil dito ay minahal siya ng mga tao dahil sa kaniyang katapangan. Pero dumating ang isang araw, nag-iba ang ugali ni Brennan at naging sakim at masama ito. Tinangka niyang nakawin ang diyamanteng kwintas ng Bathala dahil nagtataglay ito ng kapangyarihan kung saan magagawa mo ang lahat. Subalit bigo siyang makuha ito mula sa Bathala dahil naunahan siya nito sa kaniyang masamang balak. Pinatawag ng Bathala ang labin-dalawang espirito ng zodiac kung saan sila ang tinaguriang mandirigma at tinalo nito si Brennan. Ngayon ay nakakulong si Brennan sa isang lugar kung saan walang tao, hayop o kahit halaman ang nakatira."
"At nasaan ngayon ang diyamanteng kwintas?"
"Napagdesisyunan ng Bathala na itago ito sa dambana kung saan ito ay ligtas at nakatago ng mabuti. May mga Monghe ring inatasan na magbantay sa dambana. Taon-taon ay pinupuntahan ito ng apat na pinuno ng Emperyo Ubekka, Aquilino, Ochbran at Eagan upang bisitahin dahil sila lamang ang inantasan ng Bathala na mangalaga dito at ito ay ritual na nakasanayan na ng apat na pinuno ng mga Emperyo. Ang diyamanteng kwintas kasi ang nagsisilbing daan upang ang apat na Emperyo ay patuloy ang kapayapaan mula sa isa't-isa. Pero sa kasamaang palad, dalawang buwan na ang nakakalipas ay binisita ito ng apat na pinuno ng mga Emperyo at kasama ang aking Ama na isang hari pa ng panahong iyon; nagulat ang lahat nang biglang nawala ito."
"Paanong nawala? Hindi po ba't may mga Monghe rin nakatira roon sa dambana? Nakakapagtaka lang dahil sa isang iglap ay nawala ito."
Tanong ko. Biglang tumayo rin ang mahal na Reyna.
"Yun din ang aming pinagtataka, pero ang hula namin ay kagagawan ito ni Brennan, dahil siya lamang ang nagnanais na kumuha nito. Ang mas malala pa ay nabuhay muli ang mga halimaw at kasalukuyang nanggugulo sa mundong ito. Kaya'y sa tingin naming sa pagkakataong ito, napagtagumpayan ni Brennan na makuha ang diyamanteng kwintas at binuhay ang mga halimaw."
Sagot ng mahal na Reyna.
"Kung sakaling si Brennan ang nagnakaw ng diyamanteng kwintas ay sa tingin ko'y walang pr-problemahin sapagka't natalo na siya ng labin-dalawang mandirigma dati!"
Pagkatapos kong sabihin iyon at lumakad ang mahal na Reyna papunta sa malaking bintana at malayo ang tingin.
"Iyon ang isa sa mga problema. Ang labin-dalawang espirito ng zodiac ay pinakawalan ng Bathala simula nang matalo nito si Brennan. At hindi namin alam kung nasaan ang ibang espirito dahil wala rin kaming kakayahang mahanap ito. Tanging ang Propeta lamang ang makakapaghanap sa ibang mandirigma. Kaya, Aellia ang tanong ko sa iyo, handa ka ba talagang tanggapin ang posisyon?"
Natatakot ako sa aking desisyon pero sa tuwing naaalala ko ang panaginip na iyon kung saan ang dalawang bata ay sinakmal ng mga halimaw ay hindi ko mapigilang mag-alala.
"Handa na ako, mahal na Reyna. Tatanggapin ko ang pagiging Propeta."
Desidido na ako. Wala nang atrasan pa.
"Kung iyan ang iyong desisyon, Aellia ay mas nakakabuti rin sa iyo. Alam kong hindi ka nanggagaling sa mundong ito at kung sakaling mapagtagumpayan mo ang misyong ito ay muli kang makakabalik sa sa iyong daigdig. Kailangan mo lang makumpletong mahanap ang iba pang mandirigma at tapusin ang kasamaan ni Brennan. Pagkatapos ay gagawa tayo ng ritual kung saan tatawagin natin ang Bathala at humiling sa kaniya na uuwi ka sa iyong daigdig."
Huminto saglit ang Reyna saka tumingin sa akin ng diretso.
Kaya ko ba ito? Mapagtagumpayan ko kaya?
"Naniniwala ako sa iyo, Aellia. Handa kaming maglingkod sa iyo, aming Propeta."
Ngumiti ang Reyna saka ako yinakap muli.