"BAKIT parang ang tahimik mo yata Audace? Nag-away ba kayo ni Dave?" kinagabihan nang magkaharap silang kumakain ng hapunan ni Lerma.
"Naku hindi po 'Ta, m-medyo masakit lang po ang ulo ko" pagdadahilan niya saka pilit na ngumiti.
"Kilala kita anak, ano? Umamin ka nga sa akin?" giit nito.
Noon siya nagpakawala ng buntong hininga. "'Ta kung kayo po ang tatanungin ko, kung halimbawang hindi ninyo ako kaanu-ano, sa tingin ninyo bagay kaya ako kay Dave?" insecure niyang tanong.
Nakakaunawa siya nitong nginitian. "Sa itsura, oo naman!" walang gatol nitong sagot. "panigurado magkakaroon ako ng magaganda at gwapong apo sa inyong dalawa."
"'Ta naman, hindi po iyon ang ibig kong sabihin" natatawa niyang sabi.
"Alam ko, pinapangiti lang kita" anitong pinakatitigan siya sandali saka muling nagsalita. "bakit kailangan ba may basehan kapag nagmamahal ang isang tao?" isang kibit-balikat lang ang itinugon niya saka ipinagpatuloy ang pagkain. Noon muling nagsalita si Lerma. "Normal lang ang nararamdaman mo iyan anak, pero sana huwag mong hayaang madaig ng insecurity na iyan ang pagmamahal mo kay Dave. Dahil sa nakikita ko, mahal na mahal ka niya. At sa tingin ko kahit ano pa ang nakaraan mo, kaya niyang tanggapin kasi parte iyon ng pagiging ikaw. At iyon ang totoong pagmamahal" magkapanabay pa silang napalingon sa pinto nang makarinig ng magkakasunod na katok.
"Ako na po" aniyang tumayo na para lang mabigla nang mapagsino ang panggabi nilang bisita. "A-Alfred?" nanlalaki ang mga mata niyang sambit.
"Hi" ang nakangiting sagot naman sa kanya ng bagong dating.
"KUMUSTA ka na? Ang sabi ng Mama full-scholar ka raw sa SJU, ang talino mo talaga" nang magkaharap sila sa sala ng binata.
Tipid niya itong nginitian. Minabuti niyang pakiharapan ito dahil iyon ang nakikita niyang tama. At bukod pa roon ay masaya na siya sa piling ni Dave kahit pa kinukutuban siya ng hindi maganda sa muling pagbabalik ni Alfred. "O-Oo, sa awa ng Diyos. Ikaw kelan ka pa dumating? Saka mabuti nauwi ka?" tanong-sagot niya.
"Alam mo naman ang dahilan di ba? Nangako ako sayong babalikan kita? Ang plano ko nga sana isama kana sa America para doon kana mag-aral at tumira kasama ko. Tutal ako naman ang…" hindi na niya pinatapos ang ibig pang sabihin ni Alfred sa pag-aalalang baka marinig ito ni Lerma.
"P-Please, walang alam ang Tita, at isa pa hindi ako pwedeng sumama sayo sa America. Masaya na ako dito" mahina ngunit walang gatol niyang sambit nang hindi tinitingnan ang kaharap.
Nagulat pa siya nang galit na ibinaba ni Alfred ang tasa ng kape nito. "So totoo nga? Na may boyfriend ka na? Dahil ba Estriber siya? Mayaman, maimpluwensya? O baka naman mas magaling siya sa akin ha? Ako ang nakauna sayo, hindi ba importante sayo iyon?" anitong binigyang diin ang huling tinuran sa isang mababa ngunit nagbabantang tinig.
Mabilis na nanuyo ang lalamunan ni Audace, dahil doon kaya magkakasunod siyang napalunok. Pagkatapos ay ang awtomatikong pagdamba ng matinding kaba sa kanyang dibdib. "Please naman Alfred, alam mong hindi ako ganoon" nakikiusap niyang sabi.
Noon inabot ng binata ang kamay niya pero mabilis din niya iyong binawi. "Kaya nga kita binalikan, kasi alam kong marangal kang babae. Sumama ka sakin, doon tayo sa America tumira" giit nito.
"Hindi ko pwedeng iwan ang Tita dito" minabuti niyang idahilan iyon na siya rin namang totoo sa pag-aakalang ititigil na ni Alfred ang pangungulit nito ngunit nabigo siya.
"Palagi ka nalang ganyan, noon ang nanay mo. Ngayon ang Tita mo, isipin mo naman ang sarili mo. Tayo!" galit nitong sabi sa mababa paring tinig.
"Alfred, matagal na tayong tapos" paalala niya.
"Para sayo, pero hindi sa akin! Ako ang nauna sayo kaya wala ng pwedeng ibang makinabang sayo maliban sa'kin!" anitong namumula ang mukha sa galit. Nagpapasalamat nalang siya at hindi ito nagtataas ng boses.
Tinangka niyang magsalita pero napigil iyon nang marinig niya ang pamilyar na ugong ng sasakyan sa labas ng kanilang bahay. Noon siya nanlamig at ang pakiramdam na parang ibig niyang himatayin ay hindi niya mapasisinungalingan.
"May bisita ka pala?" ang nakangiting bungad ni Dave sa may pintuan kaya siya napatayo at maging si Alfred.
Malalaki ang mga hakbang niyang dinaluhan ang nobyo saka mahigpit na yumakap rito. Takot na takot siya. Sana lang pwedeng baguhin ng yakap ni Dave ang sitwasyon. Sana walang Alfred na nakauna sa kanya at sana ay walang lihim na pwedeng sumira sa pagmamahalan nila ngayon ng binata.
"K-Kumusta ka pare? Ikaw ba ang boyfriend ni Audace?" napapikit siyang nanatiling nakayakap lang kay Dave. Ayaw niyang umalis doon at sa totoo lang feeling niya isa siyang bata na tinatakot ng isang monster. At si Alfred ang halimaw na iyon.
Tumango si Dave saka siya takang niyuko ng tingin. "Are you okay? Nanginginig ka at bakit ang lamig ng palad mo?" magkakasunod na tanong nito sa kanya.
"Ah, kanina pa kasi sinasabi sa akin ni Audace na masama raw ang pakiramdam niya. By the way mauna na ako, good evening nalang. Babalik nalang ako dito sa ibang araw Audace, kapag okay na ang pakiramdam mo" makahulugan ang binitiwang salita ni Alfred kaya lalong niragasa ng takot ang kanyang dibdib. "by the way, Dave right?" anitong inilahad ang kamay sa nobyo niya. "ako nga pala si Alfred" nakita niyang nagkamay ang dalawa bago lumabas si Alfred at naglakad palayo.