Chapter 23 - PART 23

PASADO alas tres nang marating niya ang nag-iisang mall sa bayan ng Mercedes. Malayo palang ay namataan na niya si Alfred na nakangiting nakamasid sa kanya. Mabilis siyang umiwas nang umakma itong aakbayan siya kaya hindi na ito nagpumilit pa.

Gaya ng gusto nitong mangyari ay nanood sila ng sine. At sa tindi ng takot na nararamdaman niya nang mga oras na iyon, hindi lang isang beses siyang umusal ng dasal na sana ay huwag siyang mapahamak sa kamay ng lalaking kasama.

"Ang palabas ang intindihin mo, huwag ako" ang tinuran ni Alfred nang marahil mapuna nitong hindi siya nanonood.

Hindi siya umimik saka itinuon ang pansin sa malaking screen. Maganda ang palabas at makalipas ang ilang sandali ay nalibang narin siya. Nagulat nalang siya nang maramdaman ang braso ni Alfred na umakbay sa kanya."Alfred ang kamay mo" aniya sa isang mariing tinig.

Umangat ang mga kilay ng binata saka nito inalis ang pagkaka-akbay sa kanya. "Para inaakbayan lang akala mo nire-rape na" saka nito sinundan ng nakakalokong tawa ang sinabi.

Napikon man ay hindi nalang siya nagsalita. Lumipas ang ilang minuto at muli nanamang nakuha ng pelikula ang atensyon niya. Nabigla siya nang hawakan ni Alfred ang kanyang mukha saka siya mariing siniil ng halik. Nagpumiglas siya saka magkakasunod ang ginawang pagsampal sa kasama. At nang marahil maramdaman na nito ang sakit ng ginagawa niya ay saka siya pinakawalan.

Wala siyang inaksayang sandali. Tumayo siya saka nagmamadaling naglakad palayo. Sa lobby ay inabutan siya ni Alfred, pero dahil nga galit ay malakas niya itong hinampas ng hawak niyang bag. Tinamaan ito sa mukha at noon siya nagkaroon ng pagkakataong tumakas kaya siya nagtatakbo palabas ng sinehan.

Panay ang lingon niya sa takot na baka abutan siya ng binata. Dahil doon ay hindi na niya napuna ang kasalubong niyang nakayuko habang nagtetext at may hawak na paperbag ng isang sikat na jewelry store.

"D-Dave!" gimbal niyang sambit nang makilala ang nakabanggaan.

"Audace? Anong ginagawa mo dito?" takang tanong ni Dave na mabilis ring natigilan nang makita ang noon ay papalapit na si Alfred. "magkasama kayo?"

Nagbuka siya ng bibig para magpaliwanag pero naunahan siya ni Alfred. "Oo, nanood kami ng sine" walang gatol nitong sabi.

Pinanlamigan siya ng buong katawan. "Dave huwag kang maniwala sa kanya" aniyang mabilis na nabasag ang tinig.

Nakakaloko ang tawang pinakawalan ni Alfred. "Bakit hindi mo kasi sabihin sa kanya ang totoo?"

Salubong ang kilay na pinaglipat-lipat ni Dave ang tingin sa kanya at kay Alfred. "Totoo? Anong totoo?"

"H-Huwag mo siyang pansinin D-Dave, nanggugulo lang siya" aniyang hinila ang braso ng nobyo sa kagustuhang matapos na ang usapang iyon pero hindi nangyari ang gusto niya.

"Anong kailangan kong malaman? At isa pa bakit nandito ka sa mall at kasama niya?" ang magkasunod na tanong ng binata. Wala sa tono ng pananalita ni Dave na galit ito. Dahilan kaya lalo siyang namuhi sa sarili niya. Paano naman kasi ang kulang ang salitang mabait para mai-describe niya ang pagkataong mayroon si Dave pagdating sa kanya.

"Mag-usap tayo please? Pero huwag sa harap niya" noon na tuluyang umagos ang mga luha niya.

Noon nagsalitang muli si Alfred. "Bakit? Natatakot kang aminin sa kanya na may nangyari na sa atin noon? At kaya gusto mong kayong dalawa lang ang mag-usap ay para makapagsinungaling ka parin sa kanya?" nang mga sandaling iyon ay ipinagpasalamat niyang nasa tagong bahagi ng mall ang kinaroroonan nila kaya hindi sila nakaagaw ng atensyon ng mga tao. "sa tingin mo, bakit ka nandito ngayon? Kasi ginusto mo! Hindi ba? Hindi naman mangyayari ang lahat ng ito kung hindi mo ginusto! Malamang kahit yayain ulit kita sigurado__" hindi na naituloy ni Alfred ang iba pang gustong sabihin dahil mabilis na umigkas ang kamao ni Dave sa pisngi nito kaya malakas itong tumalsik at bumagsak sa sahig. Pagkatapos noon ay walang anumang salitang hinawakan ng mahigpit ni Dave ang kamay niya saka siya hinila palayo sa lugar na iyon.

HALOS mabingi siya sa sobrang katahimikan nang pareho na silang nasa loob ng kotse ng binata. Kanina pa niya gustong umiyak pero nagpipigil siya. Ilang sandali pagkatapos ay iniabot sa kanya ng binata ang paperbag na nakita niyang dala nito kanina pa. Marahil iyon ang sinadya ni Dave sa mall kaya ito naroroon. Binuksan niya ang maliit na kahong nasa loob ng paperbag para lang mapaluha nang makita ang laman niyon.

"Regalo ko iyan sayo nahuli lang ng kaunti, happy first week" anitong nangingilid ang luha siyang nilingon. "mahal mo pa ba siya?" puno ng hinanakit nitong tanong.

Noon niya niyuko ang pares ng magandang hikaw na nasa loob ng kahon saka impit na napahagulhol. "I-Ikaw ang mahal ko, maniwala ka" giit niya kahit nang mga sandaling iyon ay gustong niyang sumigaw ng sumigaw dahil sa tindi ng sama ng loob niya kay Alfred.

"T-Talaga?" noon na tuluyang umagos ang mga luha ni Dave.

Hindi na niya nakontrol ang kanyang pag-iyak. Tumango siya ng magkakasunod. "T-Tinakot niya ako, kaya napilitan akong sumama sa kanya. Iyon lang talaga ang dahilan wala ng iba" paliwanag niya na sana ay paniwalaan ng binata.

"Tinakot?" ang naguguluhang tanong sa kanya ng binata.

Tumango siya."L-Listen" aniya sa pagitan ng patuloy na pagluha. "iyong nangyari sa amin noon, ang totoo hindi ko talaga iyon ginusto. Ang kasalanan ko, naniwala ako sa kanya kasi boyfriend ko siya. Isang araw bago siya umalis pa-America. Kumain kami sa labas pero hindi ko alam na nilagyan niya ng pampatulog ang inumin ko. Matagal na kasi niya akong pinipilit na gawin ang bagay na iyon pero ayoko. Kaso nung nagising ako kinabukasan wala na akong nagawa" nang maalala ang nangyari ay lalo siyang napaluha dahil sa tindi ng galit na nararamdaman para kay Alfred.

Nanatili lang si Dave na nakatitig na nakikinig sa kanya kaya nagpatuloy siya. "Hindi ko sinabi iyon kay nanay o kahit kay Tita kasi ayokong dagdagan ang problema nila at bigyan sila ng kahihiyan. May sakit na kasi noon si nanay."

Nakita niyang napapikit ang binata sa sinabi niya. "Bakit hindi mo sinabi sa akin ang totoo? Di sana hindi na humantong sa ganito ang lahat?" noon nagpahid ng luha nito si Dave.

"S-Sinabi niya sa akin na sasabihin niya sayo ang sikreto ko, natakot ako. Ayokong mawala ka, sasabihin ko naman talaga sayo ito pero hindi ko pa kaya. Naduwag ako" noon niya isinubsob ang mukha niya sa sariling mga palad saka doon umiyak ng umiyak. Ilang sandali siyang nanatili sa ganoong ayos. Pagkatapos ay naramdamam nalang niya ang pagkabig sa kanya ni Dave saka siya masuyong niyakap. "I'm sorry Dave, hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako" ang humahagulhol niyang iyak.

Pakiramdam niya nagsama-sama na roon ang lahat ng hinanakit, pagkabahala at takot na hindi niya nailabas kaya ganoon nalang kasidhi ang naging pag-iyak niya. "Tama na please" ang pakiusap ng binata habang pandalas ito sa ginagawang paghaplos sa likuran niya. "I love you so much, iyon lang ang importante, wala ng iba" dugtong pa ni Dave.

"Maiintindihan ko kung iiwan mo ako dahil doon. Dave hindi ako kagaya ng sinasabi ng Lola mo. Hindi ako deserving magsuot ng white dress. I'm sorry sinubukan ko naman talagang i-save ang sarili ko" aniya sa pagitan ng pagluha habang nakasubsob sa dibdib ng binata.

Noon siya inilayo ng binata mula rito saka sinapo ng mga kamay nito ang kanyang mukha at sinimulang tuyuin ang kanyang mga luha. "Ano bang sinasabi mo? Iniisip mo bang magbabago ang pagmamahal ko sayo dahil doon?" anito habang hinahaplos ang luhaan niyang mukha. "hindi mo pa nga siguro alam kung gaano kita kamahal. You underestimated my feelings for you, nagawa ko ngang baguhin ang sarili ko dahil sayo. Sa tingin mo magagawa ko iyon kung hindi talaga kita mahal?" Nang hindi siya magsalita ay nagpatuloy ito. "I love you so much that I couldn't picture myself growing old without you. At kung posibleng mabuhay ako ng maraming ulit para mahalin, protektahan at alagaan ka, gagawin ko."

Umiiyak niyang mahigpit na niyakap ang binata dahil doon. Naniniwala siya kay Dave. Kahit ano naman kasi ang sabihin nito ay paniniwalaan niya dahil bukod sa nararamdaman niya sa puso niyang pwede niyang panghawakan ang mga pangako ng binata, mahal niya ito. At iyon ay labis-labis ng dahilan para maglaho ng tuluyan ang lahat ng insecurity na nararamdaman niya.