Chapter 22 - PART 22

"TARA na!" kinabukasan kasalukuyan siyang nag-aabang ng traysikel sa waiting shed nang hintuan siya ng isang owner typed jeep na nakilala niyang si Alfred ang driver. Umiling siya bilang pagtanggi. "halika na! O gusto mong ako pa ang magpasok sayo dito sa loob ng sasakyan?" pabiro ang pagkakasabi pero iba ang naging dating sa kanya ng sinabing iyon ni Alfred kaya sa takot ay napilitan siyang sumakay. "anong oras ang labas mo mamaya?" ang tanong nito sa kanya nang patakbuhin nito ang sasakyan.

"Ihahatid ako ni Dave mamaya pauwi" ang sa halip ay naisagot niya sa isang mababang tinig.

Tumawa ng malakas ang binata. Kinilabutan siya doon, pakiwari kasi niya ay nakarinig siya ng tawa ng demonyo sa paraang ginawa ni Alfred. "Free period, ang sabi sa akin ng mga napagtanungan ko irregular student ka raw?" anitong malisyoso pang sinuyod siya ng tingin. "lalo kang gumanda, masasabi kong nahiyang ka nga sa lalaking iyon" anitong ngumisi pa pagkatapos.

"Walang nangyayari sa amin ni Dave!" galit niyang sagot saka masama ang tinging ipinukol sa binata.

"Talaga? Ibig sabihin ba niyon ay ayaw mong mabura sa alaala mo ang ilang beses na nangyari sa atin? O talagang inilalaan mo lang sa akin ang katawan mo?" mabilis siyang nairita sa kalaswaan ng bibig ng kasama.

"Bastos! Saka anong ilang beses? Minsan lang may nangyari sa'tin at pinilit mo pa ako! Hindi ba nilagyan mo ng pampatulog iyong inumin ko? Magpasalamat ka hindi kita idinemanda lalo na't minor ako noon!" galit niyang sabi.

"Hindi mo ako idinemanda dahil nasarapan ka! At saka bakit ka nga pala hindi nagsumbong sa pulis noon?" nakakaloko pang sagot sa kanya ng binata.

"Alam mong may sakit ang nanay ko noon at ayoko ng dagdagan ang problema nila. Napakawalanghiya mo para ipamukha sa akin ang lahat ng ito!" humihingal niyang turan saka ibinaling sa labas ng sasakyan ang paningin.

Narating nila ang SJU nang hindi na muling nag-usap pa. Lihim niyang ipinagpasalamat iyon sa pagaakalang titigil na si Alfred sa pamimilit nito sa kanya. Pero napapikit siya nang marinig ang boses nito bago pa man siya nakababa ng sasakyan. "Magkita tayo mamaya, manood tayo ng sine" sa tono ng pananalita ni Alfred ay parang wala siyang kakayahan na tumanggi.

"Nasisiraan ka na ba?"

"Oo, at kasalanan mo kung bakit ako nagkakaganito. Oras lang ang hinihingi ko Audace, ngayon kung magmamatigas ka, baka gusto mong tuluyan ng matapos ang masasayang araw mo kasama ang lalaking iyon?" totoo ang pagbabantang nasa tinig ni Alfred.

Napasinghap siya saka nag-isip. "S-Sige, mamayang alas tres" napipilitan niyang sagot.

Ngumisi si Alfred. Noon naman siya nagmamadaling bumaba na ng sasakyan para lang mapatda nang mamataan si Dave na nasa mismong gate ng SJU at noon ay kausap ang guard na naka-duty doon.

"Si Alfred ba iyon?" nang makalapit siya kay Dave na napuna niyang sinusundan ng tingin ang papalayong sasakyan.

"O-Oo, nahirapan kasi akong sumakay kanina, papunta kasi siya dito kaya sinabay na niya ako" kalahati naman ng sinabi niya ay totoo. Hindi naman kasi niya talagang alam kung ano ang pakay ni Alfred sa bayan o talagang sinadya lang nitong abangan siya para maihatid.

Tumango ang binata saka seryoso ang mukha siya hinarap. "Bakit parang pinagpapawisan at namumutla ka?" nang mapagmasdan siya nito.

Noon siya naalarma. "Ah! Nagugutom kasi ako, hindi pa ako nag-aagahan" doon ay nagsinungaling na siya.

Nakakaunawang ngumiti sa sinabi niyang iyon ang binata. "Ganoon ba? Halika, kumain muna tayo. In thirty minutes pa naman ang klase ko" anitong hinawakan ang kamay niya pagkatapos.

Tumango siya. Habang sa isip niya ay ang alalahanin kung paano pakikiusapan si Alfred na tigilan na siya nito? O mabuti pa kaya ay aminin na niya kay Dave ang totoo? Kaya lang paano kung magalit ito? Lalo at mula kagabi ilang beses na siya nitong tinanong kung ano ang problema pero panay ang pagsisinungaling niya. At ang lihim niya? Matanggap kaya siya ni Dave kapag nalaman nitong may nangyari na noon sa kanila ni Alfred? Kaya ba niyang gawin iyon? Lalo at hanggang ngayon ay sariwa pa sa isip niya ang lahat ng sinabi ni Theresa sa kanya?