"ANO bang sinabi niya sayo? Bakit parang takot na takot ka?" nang magkasarilinan sila ni Dave sa kusina habang nagtitimpla siya ng kape. Kasama pala nito ang mananahing gagawa ng isusuot niyang gown sa kasal kaya napasugod ng ganoong oras ang binata sa kanila.
"W-Wala, hayaan mo na iyon. Masama lang talaga ang pakiramdam ko kanina. Maghapon kasing busy" pagdadahilan niya saka iniabot kay Dave ang isang tasa.
Nang tingalain siya nang binata ay nakakaunawa itong ngumiti. "Pinagod ba kita ng husto?" anito sa karaniwan ng mabait nitong tinig.
Sa isang iglap ay mabilis na naglaho ang takot na nararamdaman niya kanina. "Hindi naman" aniya. "I love you so much, Dave. Kahit anong mangyari lagi mong iisipin iyon ha? Kasi kung ako ang tatanungin mo mas gugustuhin ko pang mamatay kung hindi rin lang ikaw ang makakasama ko. Thank you for falling in love with my scars, I am not perfect pero kapag tinitingnan mo ako pakiramdam ko perpekto ako" aniya habang ramdam ang matinding pananakit ng kanyang lalamunan dahil sa pagpipigil niya ng sariling emosyon.
Noon siya kinabig ni Dave saka mahigpit na niyakap. "Hey, ano ba iyang mamamatay na sinasabi mo? Hindi mangyayari iyon dahil ikakasal pa tayo, marami pa tayong gagawin. And I love you too. At isa pa, may tiwala ako sayo" anitong hinalikan pa ang kanyang ulo pagkatapos.
Tumawa siya. "Tara na, baka naiinip na iyong magsusukat."
Tumango ang binata. "Kastila ka ba?" anitong nakangiti.
Amused na nagsalubong ang mga kilay niya. "Bakit?"
"Kasi sinakop mo ang puso ko" anitong ngiting-ngiti siyang kinindatan pagkatapos.
Nag-echo ang malakas na tawa ni Audace dahil sa sinabing iyon ng binata. Tawang umabot pa sa labas ng kanilang bahay at dinig na dinig ni Alfred na nang mga sandaling iyon ay nagpupuyos ang dibdib dahil sa matinding galit at panibugho.