Pumiksi si Jimarah. "Bakit naman tayo aalis? Tayo nga ang nauna dito sa restroom. Hindi ko uurungan ang babaeng ito. Bitter lang daw ako at hindi niya kilala." Nakapamaywang nitong hinarap ang babae. "Magpapakilala ako. I'm Jimarah Sancha. ko lang naman ang kasama niyang nanood ng sine noong isang linggo. He told me that I'm pretty and adorable. And I am fun to be with."
Nakakaunawa lang na tumango si Jeinfer sa halip na magalit o magselos. "Ah! Ikaw pala iyong cheerleader na nakakagaanan niya ng loob. Naikwento ka niya sa akin. You remind him of his little sister."
"Little sister?" bulalas ng kaibigan.
"Oo. Nasa abroad kasi ang kapatid niya na kaedad mo. Nagkahiwalay din sila nang maghiwalay ang parents nila. You fill that void."
Nakatulala lang si Jimarah habang parang maiiyak. Parang gumuho ang mundo nito. Masakit nga naman na malaman na walang kwenta ang lahat ng ilusyon nito.
Isang malakas na halakhak ang pinakawalan ni Meghan. "Wag ka kasing assuming. Pinakitaan ka lang ng kabaitan, akala mo kayo na ang may forever. Walang ganoon, ineng."
Nabuhay na naman ang dugong giyerera ni Jimarah. "Hindi ako assuming. Akin si Jericho. Sigurado ako na ginayuma mo lang siya kaya niligawan ka niya. Bumalik ka na lang kung saang tribo ka nanggaling. Hindi kayo bagay. Humanap ka na lang ng katribo mo na kasing baduy mo at magtanim ka ng patatas. Doon ka bagay."
"Jen, iniinsulto ka. Papatulan ko iyan," sabi ni Meghan at akmang susugurin si Jimarah.
"Pasensiya na. Aalis na kami. Please. Nasasaktan lang ang kaibigan ko. Ayoko ng gulo." Hinila ni Paloma ang braso ni Jimarah. "Jimarah, please."
"Hindi ako aalis hangga't di ko nakukuha si Jericho sa babaeng iyan. Hindi ako naniniwala na kapatid lang ang tingin niya sa akin," giit ni Jimarah.
"Naiintindihan ko na nasasaktan ka. Lilipas din iyan. Makakahanap ka ng iba," sabi ni Jeinfer at hinawakan ang balikat nito.
Tinabig ni Jimarah ang kamay ng babae. "Ayoko ng iba. I want Jericho. Hindi siya mapupunta sa iyo. Hindi ako papayag." At hinablot nito ang buhok ni Jeinfer.
Napasigaw sa sakit si Jeinfer. Mas matangkad ito kaya napaluhod ito sa pagkakasabunot ng kaibigan dito. "Ahhh!"
"Uy! Jimarah, bitawan mo siya." Pilit na kinalas ni Paloma ang kamay na mariing nakakuyom sa buhok ni Jeinfer. Pero habang ihinihiwalay niya ang daliri sa buhok ay lalo lang hinihigpitan ni Jimarah ang pagkakasabunot.
"Huwag ninyong saktan ang kaibigan ko!"
Nagulat na lang si Paloma nang hablutin ni Meghan ang buhok niya. Akala nito ay pinagtutulungan nila ni Jimarah si Jeinfer. Napilitan si Paloma na tapakan ang paa ng babae na nakasuot ng sneakers para makawala dito. Itinulak niya ito sa pader pero sumugod na naman ito sa kanya.
"Please. Hindi ako kaaway," sabi niya at kinuha ang mop para pamprotekta kung susugod na naman ito sa kanya.
"Ah! At gusto mo talaga akong saktan," sabi ni Meghan na nanlilisik ang mata.
Naliliyo na si Paloma sa mga nangyayari. Masyado nang magulo. Nakita niya na ihinilahod na sa sahig ni Jimarah si Jeinfer at kailangan din niyang protektahan ang sarili mula kay Meghan. Di niya alam kung paano mapapakalma ang kaibigan at matutulungan si Jeinfer kung pati sila ni Meghan ay nasali na sa gulo.
Akmang susugurin na naman siya ni Meghan nang pumito ang security guard. "Itigil ninyo ang gulo na ito!"
Nahigit ni Paloma ang hininga. Nangilid ang luha sa mga mata niya at inangat ang mga mata sa dean nila. Makukulong siya? Matindi ang gulong napasukan niya.
"But they are minors. You can't put them in jail," argumento ni Mr. Sancha. "Magagawa ba ninyo iyon sa mga batang ito?"
"They will be suspended from school for now," kalmadong sabi ng dean nila. "Unless the good governor wants to pursue a case."
"Go ahead. Suspindihin ninyo ako. Now I have a reason not to attend this boring school. I don't care. Ipakulong ninyo ako, if you dare," puno ng kompiyansang sabi ni Jimarah. Malakas ang loob nito dahil alam nitong hindi ito pababayaan ng ama.
Napailing na lang si Jeinfer. "Hindi ka pa rin natututo ng leksyon. Sa halip na magpakumbaba ka, wala kang pagsisisi sa ginawa mo. Nakakaawa ka."
Napahikbi si Paloma. "Anong kailangan kong gawin para makabawi? Di ko po sinasadyang makasakit. Tanggap ko po ang suspension ko pero ayoko pong makulong o magkaroon ng juvenile record. Marami pa po akong pangarap."
"Don't be scared of these Igorots. Ano ba naman ang alam nila? Sa malayong bundok lang naman sila nakatira. I am sure they still wear bahags and walk barefoot even on ordinary day. Do not let them intimidate you."
"Hindi ako ikaw," angil niya sa kaibigan. Hindi siya katulad nito na may mayamang magulang na handang mag-ubos ng kayamanan dito. Ang tanging mayroon siya ay isang tiyahin na pinipilit ayusin ang buhay niya. Paano kung hindi na siya saluhin pa ng tiyahin niya sa pagkakataong ito? Paano kung pabayaan na lang siya nito na makulong o mapunta sa juvenile delinquent facility? Wala na siyang pamilya. Mawawala na rin pati ang pangarap niya. "Bakit ba di ka na lang humingi ng tawad?"
"Kahit isandaang sorry ay hindi sapat. Hindi lang niya basta sinaktan ang apo ko," sabi ng matandang gobernador. "Ininsulto pa ninyo ang lahi namin. Dito ka na sa Cordillera nakatira pero minamaliit mo ang mga Igorot. Who do you think you are, young woman?"
"Lolo, sa palagay niya mas mataas siya sa atin," anang si Jeinfer. "Mukhang masaya pa po siya na ma-suspend. We are not teaching her any lesson. Ayoko ng simpleng suspension lang para sa kanila. At sigurado ako na hindi rin makakatulong sa kanila kung magdedemanda po tayo, Lolo."
"Ano ang gusto mong mangyari?" tanong ng butihing dean.
"Gusto ko pong matuto silang rumespeto sa kapwa sila kahit ano pang lahi o estado sa buhay. Gusto ko na mag-immerse sila sa isang tribal community para maunawaan ninyo ang mga tribo at ang mga taong minamaliit ninyo. That's how they will serve their suspension," sabi ni Jeinfer at ngumisi sa direksyon ni Jimarah. "Simpleng buhay sa isang lugar na walang signal ng cellphone, walang mall, walang sinehan at mas maganda kung walang kuryente. They will live a simple life for a week."
Tumayo si Jimarah. "What? Are you trying to drive me crazy? Bakit hindi na lang ninyo ako I-expel sa eskuwelahang ito? Hindi ako mabubuhay sa isang lugar na walang mall o walang signal ng kuryente."
"Sit down and be quiet for once, Jimarah Marie. Grabeng kahihiyan na ang idinala mo sa amin. At kapag hindi ka pa umayos, paiiwan ka na lang namin sa bundok," banta dito ng ama niya.
"You can't do that to your only child, Papa," di makapaniwalang usal ni Jimarah.
"Pupunta ka sa tribong iyon sa ayaw mo't sa gusto. Hindi ka na namin madisiplina ng mama mo. Baka sakaling sa tribong iyon matuto ka."
"Gusto ko pong sumama sa tribo, kung saan man iyan," anang si Paloma sa matatag na boses. "Gusto kong makapag-aral ulit, makabalik sa normal ang lahat."
"See? Mas may sense pa ang kaibigan mo kaysa sa iyo, Miss Sancha," nang-uuyam na sabi ni Jeinfer.
"Traitor," pakli ni Jimarah sa kanya.
"Pumapayag ako bilang magulang ni Jimarah. She obviously can't decide for herself first. Saang tribo ninyo planong dalhin ang mga bata?" tanong ni Mr. Sancha.
"Sa Kadaclan."