"Hindi ko alam kung ano ang plano ni Professor Fe pero ipinagpapauna ko nang walang hotel doon o bathtub. Wala rin hot shower pero pwede naman magpakulo ng tubig. Isa o dalawang istasyon lang din ang nakukuha na signal ng TV. At kung may kailangan kayo na gamit, bilhin na ninyo sa Bontoc pa lang dahil mas mahal na iyon sa Kadaclan o kaya baka wala na kayong mabili," paliwanag ni Jeyrick.
"O... kay," usal niya at tumango. Alam naman niya na walang mall sa pupuntahan nila at magiging payak ang pamumuhay doon. Pinagkiskis niya ang mga palad. "Excited na ako!"
Kumunot ang noo ni Jeyrick. "Excited ka na pumunta sa Kadaclan?"
"Oo naman. Gusto kong makita ang mga rice terraces na sinasabi mo. Saka gusto ko ring makilala ang pamilya mo."
Mataman siyang pinagmasdan ng lalaki. Parang nag-aalangan ito kung ipapakilala sa kanya ang pamilya niya. "Mga simpleng tao lang sila. Mababait din ang pamilya ko lalo na si Nanay. Maayos ka nilang tatanggapin. Pero gusto ko lang sanang huwag maabuso ang kabaitan nila o may marinig akong panlalait sa kanila. Ako na lang ang laitin mo pero huwag ang pamilya ko."
"Jeyrick, alam ko na hindi maganda ang reputasyon ko sa iyo. Iniisip mo siguro na minamaliit kita o ang mga kalahi mo. Hindi ako ganoon. Gusto kitang maging kaibigan noon pa." Tinitigan lang siya ng lalaki pero walang sinabi. "Alam ko hindi ka naniniwala sa sinasabi ko. May panahon pa ako para patunayan sa iyo. Kung may sasabihin akong masama sa pamilya mo o mga katribo mo, ako mismo ang magsasabi kay Professor Fe na bigyan ako ng grade na singko sa class card."
"Hindi naman kailangang umabot sa ganoon. Pero ngayon pa lang nagpapasalamat na ako kung magiging mabuti ka sa pamilya ko at kung irerespeto mo rin ang kaugalian ng tribo ko."
Nakahinga ng maluwag si Paloma. Ibig sabihin ay binibigyan siya ng pagkakataon ni Jeyrick. Hindi man bumabalik sa dati ang samahan nila, mas mabuti na iyon kaysa magaya sila kay Rjan at Jimarah na nagbabangayan pa rin hanggang ngayon.
"Anong kailangan kong malaman tungkol sa tribo ninyo? Ano ang dapat at di ko dapat gawin?" tanong ng dalaga sa lalaki. Ayaw talaga niya na maka-offend ng kahit na sino lalo na't iba't iba ang kaugalian ng mga tao. Baka ang normal sa kanya ay maaring bawal sa mga taga-Kadaclan.
Inilabas ni Jeyrick ang yellow paper mula sa bag at inabot sa kanya. "Pwede mong basahin ito. Inilista ko na ang mga kaugalian sa tribo namin. Pati na rin ang mga paniniwala sa amin."
Namangha si Paloma sa dami ng impormasyong isinulat ni Jeyrick. Detalyado iyon. Sulat-kamay ang lahat. Pinagtiyagaan nitong isulat dahil wala naman itong computer.
"Ang tiyaga mo naman. Isinulat mo lang ito lahat? Thank you, Jey..."
Nang lumingon si Paloma ay mahimbing na ang tulog ni Jeyrick. Kahapon lang ipinataw ang suspension nila ni Jimarah. Kahapon lang din napili ng gobernador o ng dean kung sino ang sasamahan nila. Kahapon lang din napili kung sino ang sasama sa kanila sa Kadaclan.
Tiningnan niya ang daliri ni Jeyrick. Napansin niya na lamog ang gilid ng middle finger nito at may bakat ng ballpen. Napuyat ito sa pagsusulat ng notes para sa kanya pero pinagsikapan nito.
Hinawi niya ang buhok nito na bumagsak sa noo. He looked angelic in his sleep. Hahayaan muna niya itong magpahinga. Makakapaghintay naman ang mga tanong niya.
Nandito ito para tulungan siya. Gusto nitong ma-appreciate niya hindi lang ang kultura ng mga Igorot ng Kadaclan kundi pati ibang kultura. Hindi niya bibiguin si Jeyrick. She would finish this project with flying colors.
"PWEDE bang magpalit tayo ng partner? Please. Malapit ko nang masakal ang Rjan na iyon. I might land in jail for real this time. I can't stand his ugly face. Please let's exchange partners," pagmamakaawa ni Jimarah habang namamasyal sila sa Bontoc Museum. Alas dos pa daw ang alis ng jeep papunta ng Kadaclan kaya may oras pa sila para mamasyal sa museum matapos ang tanghalian. Nasa Bontoc Museum ang iba't ibang antiquities sa Cordillera at maidadagdag niya iyon sa research niya.
"No. Subukan mo siyang pakisamahan muna. Like talk less, focus on what is good. Iwasan mo siyang angilan," payo ni Paloma at inilista sa notepad ang impormasyon tungkol sa tribo sa Lias na katabing tribo ng Kadaclan at matatagpuan din sa bayan ng Barlig. Nalilibang siya sa museum na iyon dahil marami siyang natututunan. Bagamat sa kabuuan ay Igorot ang tawag sa mga naninirahan sa Cordillera, nahahati pa rin pala sa iba't ibang tribo o grupo ang mga ito. May kanya-kanyang kultura, salita at kaugalian ang bawat isa.
"You can tolerate him. I can't," anang kaibigan na hindi naman nagbabasa ng impormasyon sa artifacts. Mas iniintindi nito ang away nito kay Rjan kaysa sa project nila. "Sa palagay ko mas makakasundo ko ang kargador friend mo. He looks nice."
"No!" mariin niyang tanggi. Kilala niya si Jimarah. Wala itong pakundangan sa pagsasalita. Wala itong sensitivity pagdating sa nararamdaman ng ibang tao.
Baka mamaya ay may masabi itong makakainsulto kay Jeyrick o sa mga Igorot. Mapapasama na naman pati siya. Kung kailan civil na sila ni Jeyrick sa isa't isa. Sinasagot nito ang mga tanong niya tungkol sa notes na ibinigay nito. Ayaw niyang masira kung anuman ang sinimulan nila.
"Akala ko concern ka sa akin as a friend? Parang di ka kaibigan."
Mariing nagdikit ang mga labi ni Paloma. Ayaw na lang niyang sumbatan ang kaibigan na nasa ganoong sitwasyon dahil nadamay siya sa kabaliwan nito. "Think of it as part of the test. Kaya si Rjan ang ibinigay sa iyo at hindi si Jeyrick para makita rin siguro kung kaya mong I-tolerate ang ibang tao na nasa tribo nila. You have to learn how to engage with other people. Na kahit di mo sila kapareho ng estado sa buhay o kapareho mong paniniwala, matututo kang irespeto sila."
Tumirik ang mata ng kaibigan. "Bakit ba pinaparusahan ako nang ganito? Kailangan ba talagang mamuhay tayo katulad nila? I can't believe that they made me ate at the carindera a while ago. Ni walang aircon."
"Masarap naman ang pagkain."
"I don't care. I am glad I brought some granola bars with me. Hindi ko alam kung anong bacteria pa ang makuha ko sa carinderia na iyon."
"May sanitary permit naman ang kinainan natin. And besides hindi ka mabubuhay nang granola bars lang," paalala niya sa kaibigan.
Umungol ang kaibigan at idinamba ang paa. "I don't know if I will survive. Gusto ko nalang umuwi sa amin. I mean, anong klaseng lugar ba ang pupuntahan natin? Ni walang Jollibee or Mcdonalds. And this is the capital of the province? How much more kapag nakarating tayo sa Kadaclan na di ko mahanap sa mapa?"
"Pero bakit nakabalik sina Rjan at Jeyrick. Pati si Professor Fe doon galing. Naka-survive naman sila. Maraming tao ang simple lang ang buhay pero nakaka-survive sila. You don't have to be sensitive about it."
"Maybe they are balat-kalabaw and I am porcelain-skinned and all that."
"Shhh!" saway niya sa kaibigan. "Magbasa ka na lang dito sa exhibit. Wala ka pang naisusulat kahit na isa."
"Look. We can skip this stupid thing altogether. How about we pay those two guys to do our report..." tukoy nito kina Rjan at Jeyrick na nasa harap ng glass case at tinitingnan ang iba't ibang sandata na gamit ng iba't ibang tribo. "I will pay for your share if you want."