Magaan pa ang mga hakbang ni Paloma noong una. Pero kalaunan ay nagsimula na siyang hingalin. Wala pa rin siyang nakikitang bahayan. Habang parang balewala lang sa kay Jeyrick at sa mga kapatid nito ang matatarik na hagdan at ang mahabang lakarin. Tiningnan niya ang relo. Wala pa silang kinse minutos na naglalakad.
"I think I am dying," sabi ni Jimarah na halos gumapang na sa hagdan. "Dehydrated na ako. Malayo pa ba tayo?"
"Wala pa tayo sa one-fourth, manang," sabi ni Charlene.
"Ha? Ang haba na ng nilakad natin," angal ng kaibigan. "Is there any other way? Wala bang ibang sasakyan?"
"Kung may helicopter ka," sabi ni Rjan at nagkibit-balikat. "Wala kang dadaanan dito kundi rice terraces at bundok. Puro trail."
"Yung totoo, sinadya ba ninyo akong idaan dito para parusahan sa mga kasalanan ko?" angal ng kaibigan. "Di ito makatarungan. Wala na akong tubig."
"May mapagpapahingahan na sa malapit at pwede din tayong kumuha ng tubig," anang si Jeyrick na di man lang hinihingal.
Tahimik lang si Paloma sa paglalakad. Na-realize niya na kung tatahimik siya at di gaanong magrereklamo ay mas makakatipid siya ng enerhiya. Iba pala ang nagdya-jogging o naglalakad lang basta sa naglalakad sa bundok na may dalang mabibigat na gamit. Dasal at tungkod ang saligan niya. And she had never prayed this hard since yesterday.
May mga nakasalubong pa sila na mga taong may dala pang kahon, kaban ng bigas at iba pang mabibigat na gamit. Kinakawayan at binabati naman nila Jeyrick ang mga ito. Pati siya ay bumabati rin. Nakakapanibago dahil di naman niya ugaling makibati sa mga di kilala. Iyon ang kalakaran sa lungsod. Walang pakialamanan ang mga tao.
Papadilim na nang makarating sila sa bungad boundary ng Ogo-og at Kaleo. "Ogo-Og na tayo," sabi ni Jeyrick. "Konti na lang."
"Gaano kakonti?" tanong ni Paloma. "Yung konti kasi sa iyo, isang oras na lakarin. 'Yung totoo?"
"Ang katwiran namin dito, basta nakakahakbang ka at nakakausad, kahit gaano kalayo makakarating pa rin," sabi ni Professor Fe. "May isang mataas na hagdan pa tayo na aakyatin papunta sa Ogo-og. Stairway to Heaven ang tawag namin doon."
Napaungol na lang sila ni Paloma. That was not comforting. "Pakiramdam ko mas matindi pa ang aakyatin natin ngayon kumpara sa mga una nating inakyat."
"Pero malayo na ang naabot ninyo. Makakapagpahinga na rin kayo kapag nakarating na kayo sa bahay ni Professor Fe," sabi ni Jeyrick.
Nilingon ni Paloma si Jeyrick. "Araw-araw ganito ang nilalakad ninyo papunta sa Chupac para pumasok sa eskwelahan?" habang nagpapahinga sila sa waiting shed.
"Opo, ate," sagot ni Aiza. "Umulan at umaraw dito kami dumadaan. Doon lang kasi sa Chupac may high school. Si Kuya Jeyrick nga po mula elementary sa Chupac pa nag-aaral at sa Central Barlig pa nag-high school. Wala kasing high school dito sa Kadaclan dati."
"How could you stand living here?" tanong ni Jimarah sa mataas na tono. "May mas maayos naman na lugar na pwedeng tirhan na malapit sa school."
"Ito ang tahanan ng mga ninuno namin," paliwanag ni Charlene. "Dito kami ipinanganak. Dito rin ang mga bukid at kabuhayan namin. Tahimik ang buhay namin dito. Mababait din ang mga tao. Siguro hindi kami gaanong napagtutuunan ng gobyerno pero umaasa kami na dadating ang panahon na magkakaroon din ng college dito para di na kailangang lumayo ng mga bata para makapag-aral. Pero kailangan naming magsakripisyo kasi may mga pangarap kami."
"Ano ang pangarap ninyo?" tanong ni Paloma sa mga kapatid ni Jeyrick.
"Makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng sariling negosyo," sagot ni Charlene. "Gusto kong mabigyan ng trabaho ang mga kababaryo namin dito. Mahirap ang walang kabuhayan ang mga tao dito kapag nasa bukid lang."
"Gusto kong maging doktor. Wala kasing doktor dito sa baryo namin," sagot naman ni Aiza. "Malayo pa ang ospital dito sa amin. Mahirap kapag nagkakasakit ang mga bata tao dito at walang titingin sa kanila."
"Hindi ba ninyo pangarap na magkaroon ng mall dito? O kaya magkaroon ng pabrika at minahan?" nakangising tanong ni Jimarah. Naguguluhang nagkatanginan sina Charlene at Aiza. Na parang wala pang nakakaisip na magkaroon ng mall doon.
"Hindi ba masisira ang kalikasan kapag basta-basta namin hinayaan iyon?" tanong ni . "Gusto mo ng mall sa ibabaw ng rice terraces?"
"Hindi papayag ang mga nakatatanda. Saka di bagay iyon development plan para sa indigenous people," paliwanag ni Jeyrick. Tahimik lang si Professor Fe habang nakikinig sa usapan nila.
"You lead a boring life. And don't you want to be civilized?" nakatirik ang mga matang sabi ni Jimarah.
"Hindi ba maituturing na sibilisasyon na bago pa dumating ang mga Kastila may ganito na sa lugar namin? Ang sibilisasyon ba sa iyo ay ang pagkakaroon ng mall at pabrika? Sibilisasyon ba ang pagkasira ng kalikasan? Nakita mo ba ang mga siyudad kung saan kung saan-saan nagkalat ang mga basura, walang pakialamanan ang mga tao sa nangyayari sa kapwa nila at walang pakialam sa kinabukasan ng iba?" tanong ni Jeyrick. "Hindi ko yata makita iyon sa Kadaclan. Ayoko ng ganoong uri ng sibilisasyon."
"Jeyrick, kayo lang ang inaalala ko dito. Lumakad na ang mundo. Napag-iiwanan kayo," nanghahaba ang nguso na sabi ni Jimarah. "Okay ka na sa ganitong buhay pero paano naman ang ibang mga tao?"
"Hindi lahat ng lugar kailangan ng mall," sabi ni Paloma. "Iba-iba ang mga tao. May iba na mas mahalaga na I-preserve ang kultura nila o ang kapaligiran nila. Sa Maynila parang sari-sari store lang ang mga mall. Pero di ka basta-basta makakakita ng ganitong lugar sa mundo, Jimarah. Sa ibang bansa, naipe-preserve nila ang mga heritege sites nila."
"Sabi mo lang iyan sa ngayon dahil bago sa iyo ang lahat. Masyado mong ninanamnam ang immersion na ito. Ewan ko kung hilingin mo rin na magka-mall dito paglipas ng ilang araw," sabi ni Jimarah at tumayo. "Don't forget that we are so much alike. City thrives in our veins."