Chapter 27 - Chapter 25

"Hindi naman ganoon kadali ang makapasok sa mundo ng showbiz. Maraming magagaling. May iba nga na ipinanganak na yatang magagaling. Mga gifted na nga yata ang iba sa kanila. Nakakababa ng self-esteem minsan."

Paulit-ulit niyang naririnig sa isipan niya ang mga sermon ng tiyahin niya. She was not good enough. She would never make it big. Parehong talunan ang magulang niya. Sana daw ay galingan pa niya para naman di sayang ang effort ng tiyahin niya sa pagpapalaki sa kanya. Ginagawa naman niya ang lahat para ma-please ito pero lagi siyang palpak.

"Normal lang sa tao ang mabigo. Normal lang na hindi natin makuha ang gusto natin o ang gusto ng ibang tao para sa atin. Hindi naman natin kailangang manalo lagi. Basta magsikap lang tayo sa buhay nang walang inaapakang ibang tao, makukuha mo rin ang pangarap mo sa tamang panahon. Ang mga pagsubok sa atin ang nagpapatatag sa isang tao," sabi ng binata at siniko siya. "Kaya kung sa paagay mo hindi ka pa ganoon kagaling, galingan mo pa lalo. Kasi may mga tao naman na naniniwala sa talento mo gaya ko. Maniwala ka lang sa sarili mo."

Namamangha niyang pinagmasdan ang lalaki. Saka niya naalala na di rin madali ang pinagdaanan nito para makapag-aral. Lumalaban din ito para sa kinabukasan nito.

"Dumadating ba sa punto ng buhay mo na gusto mo na lang sukuan ang mga pangarap mo dahil sa hirap? Naiisip mo bang bumalik na lang dito sa Kadaclan at magtanim na lang kapag nilalait ka ng mga kaklase natin?" tanong niya. Alam niyang sensitibo ang isyu na iyon para sa binata pero gusto pa rin niyang malaman.

"Kapag nalulungkot ako at pakiramdam ko maraming humahadlang sa pangarap ko, tinitingnan ko lang ang mga butuin pagkatapos magdasal at bago matulog sa gabi. Nawawala na ang pagod ko. Lahat ng pangarap ko, iniisip ko na nabuo sa bawat tuldok ng mga bituin. Hangga't nakikita ko ang mga bituin, alam ko na hindi ko pwedeng sukuan ang mga pangarap ko. Mas importante ang pangarap ko kaysa sa sasabihin ng ibang tao. Tama?"

Tumango si Paloma at tumingala sa langit. "Tama ka. Nasa taas ang mga bituin gaya ng mga pangarap mo. Di nila pwedeng sirain."

"Gusto mong subukan na isulat ang mga pangarap mo sa bituin?"

"Paano?" nagtataka niyang tanong.

Itinaas nito ang kamay. "Connect the dots lang. I-spell mo ang mga pangarap mo. Parang ganito lang." At nagsimula itong ikumpas ang daliri nito.

"Ano iyon?" tanong ni Paloma nang di masunda ang sulat ni Jeyrick. Cursive yata.

Ngumisi ito sa kanya. "Sana bumalik ka dito sa Kadaclan."

"Mukhang masaya nga iyan," aniya at ikinumpas ang kamay niya sa hangin. "Gusto kong maging sikat na singer."

"Ano pa?" tanong ng binata.

"Gusto kong maging masaya ang tita ko."

"Ikaw? Ano bang magpapasaya sa iyo?" tanong ng binata. "Bukod sa kung ano ang nagpapasaya sa tita ko."

Lumungkot ang mga mata niya. "Ang totoo, hindi ko alam. Simple lang naman kasi akong tao. Gusto ko lang makatapos ng pag-aaral. Di ko matupad ang pangarap ni Tita na maging singer ako, matulungan ko man lang siya sa pagpapatakbo ng bar. Maging maayos ang buhay namin."

"Sabagay ganoon lang naman talaga kasimple ang pangarap natin. Maging maayos ang mga mahal natin sa buhay."

Si Jeyrick ang nagpapasaya sa kanya ngayon. Na masaya siya sa simpleng buhay sa Kadaclan. Magaan ang loob niya kapag kasama ito dahil parang punung-puno ito ng mga pangarap. At gusto rin niyang maramdaman iyon. Gusto ulit niyang punuin ng pangarap at saya ang puso niya.

Pinagmasdan niya ang mga bituin. Maaliwalas ang gabing iyon dahil kadalasan ay maulap ang Kadaclan at di sumisilip ang mga bituin.

"Ang ganda ng bituin. Parang kumakanta sila," usal ni Paloma.

"Paanong kumakanta?"

Tumipa siya ng gitara at pumikit. She hummed the melody. Sinabayan siya ng ihip ng hangin. Nang dumilat siya ay nilapatan niya ng lyrics.

You and me underneath the stars

Sharing dreams, having fun

Opening our hearts

Do you think the stars will listen?

Do you think our wishes will be granted?

"MA'AM, heto na po ang report ko." Humihingal na inabot ni Paloma ang folder ng report niya sa Kadaclan kay Professor Fe. "Pasensiya na po kasi nasira ang printer namin. Kailangan ko pa pong magpa-print sa computer shop Sana po nakahabol pa."

Gulat na inabot iyon ng propesora at binuklat ang folder. "Wow! Makapal-kapal ito. Sabi nga ni Jeyrick okay na ito noong isang araw pa pero ayaw mong ipasa."

Sa wakas ay naipasa na niya ang report tungkol sa Kadaclan na resulta ng pagpupuyat at pagod niya. Isang linggo din siyang walang tulog. Katakot-takot din na revision ang ginawa niya para lang matiyak na tama at sapat ang impormasyong nailagay niya. She didn't want to submit a half-hearted report.

"Gusto ko pong makatiyak na papasa ako. Na kapag nabasa ng ibang tao, maramdaman nila ang naramdaman ko." Gusto niyang mas kilalaning mabuti ng mga ito ang mga Igorot. Na mabubuting tao ang mga ito at may kultura na maipagmamalaki sa buong mundo.

She really had that pride for the proud race. A sense of belonging. Something that she never really had.

"I am sure this will be a great read." Tinapik ng guro ang ulo niya. "You worked hard, Paloma. Kaya magpahinga ka muna ngayon. Malapit na ring matapos ang semester ninyo. Relax."

Nagpasalamat siya guro. "Yes! Naipasa ko rin! I am free!" sigaw ni Paloma nang lumabas ng faculty. Nawala na ang lahat ng stress na nararamdaman niya nang nagdaang mga araw. Gumaan na ang bigat sa balikat niya.

Sinalubong siya ni Jeyrick paglabas ng faculty. May dala pa itong payong at pinayungan siya dahil malakas ang ulan. "Ano? Okay na?"

Tumango siya. "Oo. Naipasa ko na ang report. Kaya dapat siguro mag-celebrate tayo. I-treat ko kayo sa Goodtime."

Goodtime ang paboritong kainan ng mga tao sa Baguio. At kapag niyayaya niya si Jeyrick na kumain, mas gusto nito sa Goodtime kahit na palaging puno ng tao. Parang lutong bahay daw kasi.

"Goodtime ba ang narinig ko?" tanong ni Rjan na sumunod kay Jeyrick. Pinagkiskis ng lalaki ang mga kamay. "Tara na! Gutom na gutom na ako."

"Naku! Gagastos ka pa," sabi ni Jeyrick. "Ipunin mo na lang ang pera mo. Doon na lang sa kainan ni Manang Turing. Parang Goodtime na rin iyon."

Siniko ni Rjan si Jeyrick at saka tumango kay Paloma. "Huwag mong pansinin itong si Jeyrick. Nahihiya na naman ito sa iyo. Ayaw magpalibre."

Pumalatak ang binata. "Hindi ako nagpapalibre sa babae."

"Di na uso iyan. Magkakaibigan naman tayo dito," sabi niya kay Jeyrick.

"Iyon nga ang masakit. Kaibigan mo lang. Kaibigan mo lang," madiing sabi ni Rjan habang dinuduro ang dibdib ni Jeyrick.

"Anong ibig sabihin no'n?" naguguluhang tanong ni Paloma.

Tinampal ni Jeyrick ang kamay ng kaibigan. "Puro kalokohan ka. Nakakahiya naman kay Paloma kung dalawa pa tayong ililibre niya."

"Ipon ko ito. Ilang araw akong nagbaon ng lunch at miryenda, di ba?" tanong niya sa dalawa. Nakakuha siya ng tipid tips mula sa dalawa na nagbabaon na lang ng lutong pagkain para di na bumili pa sa cafeteria o kumain sa fastfood. "Saka di naman tayo magde-date para mahiya ka na ilibre kita."

"Baka gusto niya ng date," bulong ni Rjan sa kanya.

Hinatak ito ni Jeyrick palayo. "Hoy! Sinisiraan mo ako kay Paloma."

Natawa na lang ang dalaga lalo na't nakita niyang namumula si Jeyrick at di makatingin sa kanya. Ayaw niyang mag-entertain ng higit sa pagkakaibigan ngayon. She didn't want to lose Jeyrick. At nakikita niya na kung may espesyal man na nararamdaman ang binata sa kanya, alam din nito na mas mahalaga ang pag-aaral nito. Mas mahalaga ang pangarap at pamilya nila.

Nasalubong nila si Jimarah nang palabas na sila ng gate. "Paloma, mabuti naabutan pa kita. Kanina ka pa namin hinahanap."

"Ipinasa ko kay Professor Fe ang report ko," paliwanag niya. "Alam mo naman na deadline natin ngayon." Hindi na problema

"Then you are free. May bagong hot spring resort ang ninong ni Gordon. We can try it out while it is still not open to public." Nagningning ang mga mata ng babae. "Time have fun. Kumpleto ang barkada. We miss you."