Chapter 31 - Chapter 29

Lumikot ang mga mata ni Paloma. Sino ang babaeng gusto ni Jeyrick? Nakilala na ba niya noong nasa Kadaclan siya? Parang wala naman siyang napansin na kakaiba doon dahil parang kapatid ang turing ni Jeyrick sa mga kaibigan nito lalo na sa Ogo-og. O baka naman may schoolmate na gusto nito at di lang niya napapansin. Naku! Kuntodo bilin at banta pa sa kanya si Charlene na magtatapos ng pag-aaral ang kapatid nito. Tapos ay manliligaw ito ng kung sino.

Humigpit ang pagkakahawak niya sa kutsilyo. Paano kung may ibang babae itong kasama? She was Jeyrick's princess. Sila ang laging magkasama. They share their dreams and thoughts. May oras pa ba ito na tumingin sa ibang babae?

Okay. That was a bit cocky. Parang sinabi naman niya na siya lang ang pwede nitong makasama. Baka nahihiya lang itong i-approach ang babae. Pero bakit hindi sinasabi ni Jeyrick sa kanya kung sino? Di ba siya mapagkakatiwalaan?

Mag-uusap kami nang masinsinan ng lalaking iyon. Bakit siya naglilihim sa akin? At kailangan kong ipaalala sa kanya na di pa siya pwedeng manligaw. Kapag sa akin may warning tapos siya itong malaya sa ibang babae. Unfair.

"Nakupo! May itsinitsismis sa iyo si Rjan, Jeyrick," narinig niyang sabi ni Jensen mula sa sala.

Nataranta sila ni Rjan at nagkatinginan. "Nandiyan si Jeyrick?" usal niya.

Paano na ang sorpresang ihinanda nila? Makakapagtago pa ba sila samantalang kitang-kita naman pati ang niluluto sa labas? Wala na silang oras para magtago.

"Ano iyan? Ano iyan?" tanong ni Jeyrick habang papalapit ang yabag.

"Sinasabi ko lang kay Paloma 'yung tungkol sa crush mo," nakangising sabi ni Rjan at kumindat sa kanya.

Tumawa si Jeyrick. "Wala naman dito si Paloma."

"Happy Birthday, Jeyrick!" bati niya dito.

Biglang nahawi ang kurtina sa pinto ng kusina. "Paloma, anong ginagawa mo dito? At bakit hinahayaan ka nilang magtrabaho?" tanong ni Jeyrick pagbungad ng kusina.

"Tumutulong maghanda sa birthday mo," sagot naman ng dalaga. "Bakit nandito ka agad? Hindi ba sabi mo magbabantay ka pa sa tindahan?"

"Naiwan ko ang cellphone ko. Tatanungin sana kita kung gusto mong pumunta sa bahay at ipagpapaalam kita sa tita mo," sabi ni Jeyrick.

"Hindi na kailangan. Nandito na ako," anang dalaga.

"Alam ba ng tita mo kung nasaan ka?" nag-aalalang tanong ng binata. "Alam ba niyang nandito ka?"

"Oo naman." Pero ang sabi niya ay may project siyang gagawin. Nakaka-guilty man ay kailangan niyang maglihim sa tiyahin. Kung magpapaalam si Jeyrick dito, tiyak na hindi siya papayagan at baka katakot-takot na panlalait pa ang abutin ng kaibigan. Huwag na lang.

"Iwan mo na iyan. Bisita ka dito. Di ka nila dapat pinagtatrabaho," utos ni Jeyrick.

"Ako ba hindi bisita?" tanong ni Rjan.

"Hiwain mo 'yung brocolli," anang si Jeyrick at itinuro ang hinihiwa niya. Hinawakan ni Jeyrick ang malayang kamay niya at hinila palayo sa mesa.

"Oy! Di naman pwedeng di ako tumulong. Nakakahiya naman sa mga tao dito. Ano iyon? Kakain na lang ako?" tanong niya kay Jeyrick. Hindi naman siya papayag na mag-ala prinsesa habang kumikilos ang lahat.

"Kami na dito," sabi ni Lolo Pio. "Sabi ko naman sa iyo prinsesa ka ni Jeyrick."

Ngumuso ang dalaga at matalim na tiningnan si Jeyrick. Prinsesa daw siya nito pero may iba naman itong babae na gusto. At inililihim pa sa kanya kung sino. Habang siya ay di ine-entertain ang espesyal na nararamdaman niya dito dahil ayaw niyang may masabi ang pamilya nito at makahadlang sa mga pangarap nito.

"Mabuti pa bumili na lang kayo ng gagamitin sa strawberry cream. Nagmamadali ako kanina kaya nawala sa isip ko," sabi Manang Mary Jafe at inabot ang listahan ng bibilhin at pera kay Jeyrick.

Di halos kinikibo ni Paloma si Jeyrick habang naglalakad sila sa Session Road para tumawid sa overpass papunta sa palengke. Maraming tanong sa isip niya pero di naman niya matanong ang binata.

"Galit ka sa akin?" tanong ni Jeyrick at iwinagway ang palad sa harap ng mukha niya. "Wag ka nang sumimangot. Yang nguso mo baka biglang sabitan ng sako bag ng mga namamalengke. Sige ka."

Pumalatak siya. "Ikaw kasi! Pinagmukha mo akong tamad sa mga tao sa inyo. Paghihiwa na nga lang maitutulong ko."

"Ayokong nahihirapan ka."

"Paano naman ako matututo sa buhay kung ayaw mong magkakalyo ang kamay ko?" tanong niya. "Hindi ako prinsesa, Jeyrick. At di naman laging may ibang tao na gagawa para sa akin. Saka birthday mo. Sa ganoong paraan man lang mapasaya ko ang birthday mo."

"Gusto mo talagang mapasaya ako ngayong birthday ko?" Tumango si Paloma. "Ngumiti ka at huwag ka nang magalit sa akin."

"Pero..."

"Sa ibang araw na lang tayo magtalo, ha? Birthday ko ngayon. Sandali lang," sabi ng binata at dinaluhan ang isang matandang lalaki na nakaupo sa gilid ng overpass at nagbebenta ng alkansiyang kawayan. Napansin niya na nangangaligkig ito sa lamig habang yakap at basa ang makapal na jacket na suot nito. "Apo, bakit po nabasa kayo?"

"Umulan kanina at wala akong pantalukbong. Wala akong pamalit na damit. Di ako pwedeng umuwi nang wala pang nabebenta," paliwanag ng matandang lalaki.

Hinubad ni Jeyrick ang suot na gray jacket nito saka inabot sa kanya. "Hawakan mo muna ito." Binalingan nito ang matandang lalaki. "Apo, papalitan ko po ang damit ninyo para hindi kayo magkasakit."

Ngangatog na tumango ang matandang lalaki. Hinubad ni Jeyrick ang basang damit nito at dali-dali namang isinuot ni Paloma ang jacket sa matandang lalaki. Naibsan ang pangangatog nito.

"Salamat, baloy," sabi nito kay Jeyrick at niyakap ang binata. "Di ka ba lalamigin niyan? Wala ka nang pangginaw."

"Kaya ko po iyan," sabi ni Jeyrick at in-stretch pa ang mga kamay paitaas. "Doon po sa amin sa Kadaclan hamak mas malamig pa kaysa dito sa Baguio. Naiinitan pa nga po ako."

"Bibili po ako ng alkansiya," sabi ni Paloma at naglabas ng singkwenta pesos.

"Ikaw ang unang bumili sa akin," anang matandang lalaki.

"Maswerte po akong buena mano," sabi ni Paloma.

Di nagtagal ay nagpaalam na sila sa matandang lalaki. Napansin nila ang ilang Koreano na naglapitan dito at nagtatanong tungkol sa tinda nitong alkansiya.

Tinapik niya ang balikat ni Jeyrick. "That's great. Napansin mo agad si lolo kahit na dinaan-daanan lang siya ng iba."

"Lagi ko siyang binabati kapag nadadaan ako galing sa palengke. Nakakwentuhan ko rin minsan. Mag-isa na lang siya na nagtataguyod sa apo niya. Iniwan sa kanya ang mga anak niya at di na binalikan."

Naggiyagis ang ngipin ng dalaga. "Ganoon siguro talaga. May mga iresponsableng magulang. Pasalamat na lang ang mga apo niya na may mabait silang lolo. Sa lahat ng may birthday, ikaw ang namimigay ng regalo." Hinulugan niya ng sampung piso ang alkansiyang kawayan. "O! regalo ko sa iyo."

Kinuha iyon ni Jeyrick. "Salamat. Nakuha ko na ang birthday gift na gusto ko."

"Iyang alkansiya?" tanong niya.

"'Yang ngiti mo. 'Yang dimples mo kapag nakita ko buo na ang araw ko."

Nailang tuloy si Paloma. Dinuro niya ang dimple nito sa kaliwang pisngi. "Bolero! Kunyari ka pang nagagandahan sa pero..."

"Pero ano?" tanong ng binata.

Pero may iba naman itong babaeng gusto. Kung siya ang bumubuo sa araw nito, paano naman ang ibang babae na gusto nito? Ano siya sa buhay ni Jeyrick? Siya na nga ang prinsesa nito. Why treat her like a princess? Ibig bang sabihin ay etsa-pwera na siya kapag dumating ang totoong prinsesa nito? It left a bad taste to her mouth.

"Wala. Mamalengke na lang tayo. Gusto ko 'yung strawberry cream," excited niyang sabi. Ayaw muna niyang tanungin si Jeyrick tungkol sa babaeng ito. Baka mamaya ay mawala na naman ang ngiti sa labi niya.