"WALA pa ring jeep," sabi ni Jeyrick habang yakap ang sarili. Nasa terminal sila ng jeep. Namili sila sa palengke. Di lang sangkap sa strawberry cream ang dala nila ni Jeyrick. Nang malaman ng mga nasa kakilala ni Jeyrick sa palengke na birhday ng binata ay kanya-kanyang bigay ng mga gulay, prutas at maging fruit preserves sa lalaki. Doon di niya nalaman kung gaano kahirap ang trabaho ni Jeyrick sa pagbubuhat sa palengke at kung gaano ito kasipag.
Paglabas nila ay medyo masakit na ang binti niya sa paglalakad. Malamig na ang panahon dahil katatatapos lang ng ulan.
"Ayaw mo pa kasing mag-taxi," angal ni Paloma. Tinapik niya ang braso nito nang ikiskis nito mga kamay sa braso. "Ano? Nilalamig ka na?"
Umiling ito at bahagyang lumayo sa kanya. "Hindi. Tigasin ako."
"Tigasin pala. Kulay blue na 'yang labi mo. Mukha ka nang frozen delight."
"Ayos lang ako." Hinipan nito ang palad at pinagkiskis. "Mainit na kape lang ang katapat nito kapag nakauwi na mamaya."
Manipis lang ang long sleeve na polo ni Jeyrick at di iyon sapat para panlaban sa lamig. Saka niya naalala na dalawang jacket lang ang nakikita niya na suot ni Jeyrick kapag pumapasok. Pinagsasalitan lang nito ng suot at paglalaba. Ipinamigay pa nito ang isa.
Hinatak niya ang braso nito. "Halika!"
"Saan tayo pupunta?" tanong nito.
"Basta sumunod ka na lang." Tumawid sila papunta sa Abanao Square, isang mall na di kalayuan sa Session Road. Alam niya na maraming damit doon. Hinila niya ang binata papasok sa isang clothing shop. "Pumili ka ng jacket mo."
"Hindi ako papayag na ilibre mo. Saka mukhang mahal dito. Okay na ako sa ukay-ukay."
"Mura lang dito. Sale pa. Saka birthday mo ngayon. Bakit naman kita bibigyan ng ukay-ukay?"
Bumuntong-hinga ang lalaki. "Ayoko talagang tatanggap ng kahit ano galing sa iyo lalo na't gagastos ka."
"Isyu talaga ang pride mo? Mas mahalaga pa iyan kahit na manigas ka sa lamig?" Dinampot niya ang gray na hoodie jacket. Nasa fifty percent off iyon. "Ate, pakikuha ako ng kasya sa kasama ko. Birthday kasi niya."
"Isukat na ninyo, Sir," nakangiting sabi ng sales staff dito. "Libre sukat naman po iyan."
"Sukat lang. Pag di mo gusto, e di hindi na lang. Hindi kita pipilitin," sabi niya at nagkibit-balikat.
"Sukat lang," sabi nito at pumasok sa fitting room. Pagpasok na pagpasok ni Jeyrick ay binalingan niya ang sales staff. "Miss, babayaran ko na 'yung jacket. Kasi pag hinintay ko pang tumango siya, tatanggihan pa niya. Mahabang argumento."
"Ang sweet mo naman sa boyfriend mo, Miss."
"Magkaibigan lang kami pero birthday niya ngayon. Tapos ipinamigay niya ang jacket sa matandang nagtitinda sa overpass na nabasa ng ulan. Minsan lang naman ito. Lagi na lang kasi siyang gumagawa ng magagandang bagay sa ibang tao," sabi niya at ngumiti nang makitang lumabas si Jeyrick mula sa fitting room. Nakayuko ito na parang nahihiyang humarap sa kanya habang suot ang jacket.
"Sir, ang pogi naman ninyo. Bagay na bagay sa inyo ang jacket.
"Sakto lang pala sa iyo," sabi niya at isinuot ang hood sa ulo nito. "Bagay sa iyo ang gray." And he looked mysterious with the gray hood. "Tara na. Okay na iyan."
"Ading, babalikan na lang namin," sabi nito sa sales staff na nag-assist sa kanila at akmang tatanggalin ang suot na jacket.
"Hindi na po, Sir. Bayad na po iyan," sabi ng sales staff.
Madilim ang mukhang bumalik si Jeyrick. He looked menacing with the hood on. "Paloma..."
"Regalo ko iyan sa birthday mo. Bigay ko na sa iyo. Bahala ka kung ano ang gusto mong gawin diyan. Ipamigay mo ulit sa makita mong nangangaligkig sa tabi ng daan. I don't really mind. Pero huwag mong ibabalik sa akin. Magagalit talaga ako sa iyo."
Ipinamulsa nito ang kamay sa jacket. "Hindi ko ito ipapamigay. Pero ang ipinambili mo dito..."
Naglakad siya palabas ng tindahan at sumunod ang lalaki. "Marami akong ipon mula nang magbaon ako ng lunch sa school at di na ako lumalabas kasama sila Gordon. At sale naman iyan. Kaya huwag ka na sanang ma-guilty. Isipin mo na lang na ang guwapo-guwapo mo kapag nakita ka ng crush mo."
Natigilan sa paglalakad ang lalaki. "Crush ko?"
"Oo. Crush mo." Siniko niya ito. "Ikaw ha? Naglilihim ka pa sa akin. Ni hindi mo sinabi sa akin na may crush ka pala. Akala ko close tayo. Nakakatampo ka."
Tinitigan siya ng binata. Hindi na ito nakangiti. "Gusto mo talagang malaman kung sino ang gusto ko?"
Napamaang siya. Aba! Seryoso nga ito. "May crush ka nga?"
"Gusto mo ngang malaman kung sino?" giit nito.
Hindi agad nakasagot si Paloma. Handa ba siyang malaman kung sino ang babaeng iyon? Ano kaya ang magiging reaksyon niya kung hindi siya? Would she nag Jeyrick? Sesermunan at paaalalahanan ba niya ito tungkol sa pangako nito na pag-aaralin muna ang mga kapatid bago ang love life?
Pero hindi pa siya handang malaman. Hindi pa siya handa sa magiging reaksyon niya dito. Maisip lang niya na may ibang espesyal na babae sa buhay nito, mas espesyal pa sa kanya, parang pinipiga ang puso niya. Possessive na kung possessive siya kay Jeyrick pero hindi pa siya handang I-share ito sa iba.
"P-Plano mo ba siyang ligawan?" sa halip ay tanong niya. Akmang bubuka pa lang ang bibig nito nang ambaan na niya ng suntok. "Subukan mo lang at malalagot ka sa akin. Isa pa 'yang babaeng iyan..."
"Nagseselos ka?" tanong ng lalaki at biglang tumawa.
Sinibat niya ito ng tingin. "Hindi ako nagseselos. Huwag kang makatawa-awa at itago mo 'yang dimples mo." Mahirap mainis kapag nakikita niya ang malalim na dimples nito. "Ipinapaalala ko lang sa iyo na magtatapos ka pa ng pag-aaral at pag-aaralin mo pa ang mga kapatid mo. Makakapaghintay 'yang crush-crush na iyan at ligaw-ligaw."
"Daig mo pa ang nanay ko kung magsermon, Paloma," angal nito pero nakangiti.
"Kumokontra ka?" nakataas ang kilay niyang tanong.
"Kaya mo bang maghintay sa isang lalaki na maraming responsibilidad? Paano kung natupad mo na lahat ng mga pangarap mo at naiwan mo na siya?" malungkot na tanong nito. "Magugustuhan mo pa rin ba siya?"
"Kung ikaw o katulad mo na mabait at responsable, makakapaghintay naman ako. Hindi ako nagmamadali dahil bata pa ako... tayo," maagap niyang sabi.
"Sabi mo iyan hihintayin mo ako," sabi nito at pabiro siyang siniko.
"Tse! Hindi naman ako ng crush mo. So, bakit kita hihintayin?" nanulas sa dila niya.
"Sino naman ang may sabi sa iyo na hindi ikaw ang crush ko?"
Natigillan si Paloma at nanlalaki ang mga matang natigagal kay Jeyrick. Pag-amin na ba iyon na crush niya ito? Habang bakas din ang pagkagulat sa mukha ng binata, animo'y repleksiyon ng anyo niya.
Jeyrick, say something. Ako ba ang babaeng gusto mo? Pero paano naman kapag siya ang babaeng iyon? Kung sinabi ba niyang maghihintay siya, ang ibig sabihin ay gusto rin niya ito? Paano ang pagkakaibigan nila? Maaapektuhan ba iyon kung higit sa magkaibigan ang magiging turingan nila?
Nabulabog sila sa sunud-sunod na busina ng sasakyan. Namutla si Paloma nang makita ang pamilyar na itim na SUV lalo na nang bumaba mula doon ang Tita Bevz niya. "Paloma, anong ginagawa mo dito?" tanong nito at lumapit sa kanila ni Jeyrick. "Akala ko ba gagawa ka ng project?"
"Tita, namili lang po kami ng iluluto para sa miryenda. Pabalik na po kami ngayon ni Jeyrick sa bahay nila. Naalala po ninyo siya, Tita?" tanong niya at alanganing ngumiti. Pero nanginginig na ang kamay niyang may hawak ng plastic bag ng strawberry at iba pang prutas.
Sa dinami-dami naman ng makakakita sa kanya ay ang tiyahin pa niya. Kahit si Jeyrick ay naramdaman niyang tensiyonado sa tabi niya. Bahagyang yumukod ang binata. "Magandang hapon po."
"May project pala kayo, bakit di na lang ninyo sa bahay ginawa?" tanong ng Tita Bevz niya sa malambing na boses. Pero nakikita niya ang kamandag sa mga mata nito. Hindi nito gusto na magkasama sila ni Jeyrick.
"Birthday po kasi ni Jeyrick ngayon kaya doon na po kami sa kanila gagawa ng project," paliwanag niya.
"Great! At natututo pang magsinungaling pamangkin ko dahil sa iyo," matalim na bintang nito kay Jeyrick.
"Po? Wala naman pong.."
"Wala talaga kayong project. Kausap ko si Gordon kanina lang," anang tiyahin niya at hinaklit ang braso niya.
"Tita, bakit po kay Gordon kayo nagtatanong? Mahilig po sa cramming ang isang iyon. Ni wala nga pong planong magpasa ang isang iyon.."
Napaigik siya nang bumaon ang kuko ng tiyahin sa balat niya. "Shut up!"
"Ma'am, nasasaktan po yata si Paloma," anang si Jeyrick at akmang dadaluhan siya.
Dinuro ito ng tiyahin. "You! Huwag kang makialam dito. Masyado ka nang maraming gulong idinala sa pamilya ko. Layuan mo na ang pamangkin ko at huwag mo na siyang guluhin. Alamin mo kung saan ka lulugar."
Nabitawan niya ang dalang plastic bag. Naiiyak na pinagmasdan ni Paloma si Jeyrick habang kinakaladkad siya ng tiyahin pasakay sa kotse. Malungkot lang na nakatunghay si Jeyrick sa kanya.