Chapter 36 - Chapter 34

"Paano nga kung hindi ako napasok?" Malakas ang pakiramdam niya na mapapasok si Jeyrick. Gusto ito ng mga hurado. Kahit ang mga staff at iba pang kalahok na kasama nila sa waiting room ay puro papuri dito.

"Makakapasok ka. Magtiwala ka lang sa Diyos. Kapag para sa iyo, para sa iyo. At kapag hindi, may dadating pang mas maganda..."

Umiling si Paloma. "Wala nang ibang pagkakataon, Jeyrick. Ito na ang huling pagkakataon para sa akin." Mawawala na sa kanya ang pamilya niya, ang pangarap niya pati ang binata kapag di siya nakapasok. Di niya alam kung saan siya pupulutin.

Naging seryoso ang binata at tinitigan siya sa mga mata. "Paloma, may ipinangako na ba ako sa iyo noon na hindi ko tinupad?"

"W-Wala."

"Hindi ba sinabi ko sa iyo na walang imposible basta kasama mo ako. Dahil gagawin ko ang lahat para sa iyo."

"Pero paano nga iyon?" giit niya.

"Basta. Kahit anong mangyari, matutupad ang mga pangarap mo. Oo nga pala. May ikukwento ako sa iyo tungkol sa kay Rjan. Nabasted kasi siya."

Sa huli ay nagawa siyang patawanin ng binata at alisin ang alalahanin niya. Si Jeyrick ang nagdadala ng saya sa buhay niya. Habang napaka-seryoso ng buhay niya, nagagawa nitong parang simple lang ang lahat. Lumaki siya na iniisip na mahalaga ang pera at katanyagan dahil di ka maaapi. Kay Jeyrick ay natutunann niya na maari kang masaya kahit na simple lang ang buhay. Kung pwede lang sanang kalimutan na lang ang lahat ng problema niya.

Maya maya pa ay isa-isa nang nagkaubusan ang mga kalahok. May lumalabas ng luhaan sa mini theater ng hotel at mayroon din namang masaya. "Smile. Be confident. Gusto nila ng star at hindi isang di pa man kumakanta mukha nang talunan," bilin ng Tiya Bevz niya habang nire-retouch ang make up niya at nakaismid na nilingon si Jeyrick na tahimik lang na nakaupo sa isang tabi habang nakayuko. "Basta tiyakin mo na hindi ka lalabas ng kuwarto na iyan nang wala kang star. Maliwanag?"

Tumango si Paloma. Kaya niya ito. Naniniwala siya na makakapasa siya dahil iyon ang sinabi ni Jeyrick sa kanya. Magkasama sila sa labang ito. Di siya nito iiwan.

Magkahawak-kamay silang umakyat ng binata entablado. Sila na pala ang huling haharap sa mga hurado. Tatlo sa kilalang singer sa bansa ang hurado sa You're A Star.

"Pareho kayong magaling," sabi ni Leliosa, ang dating Broadway singer. "Paloma, I like the fact that you sang an original song during the first audition. You have a wonderful voice. Hindi nga lang kasing ganda ng sumunod na kinanta mo. I mean, the Celine Dion song is not for you. Pero gusto kitang I-consider dahil kaya mong mag-compose ng kanta. Mas mahahasa ka pa kung idadala ka sa next round."

"You are like a siren when you sing, Paloma" anang rock icon na si Randall. "While Jeyrick has that cool, soothing voice that could take you to places. Pwede na nga siyang maging recording artist ngayon."

"Pero kahit na pareho kayong magaling, isa lang ang pipiliin namin sa inyo. Isa lang ang maaring pumasa sa susunod na round at maidadala namin sa Manila," sabi ng record label producer na si TJ Javellana.

Umiling si Paloma at nilingon si Jeyrick. "Di pwede..."

"Ayos lang kahit di ako mapasok," nakangiting sabi ni Jeyrick at pinisil ang kamay niya. "Ikaw na iyan. Kahit na hindi ako mapili, basta mapasok ka lang."

Nagpatuloy si TJ Javellana. "You are moving on to the next round of You Are A Star... Jeyrick!"