Tiningala ito ni Sunny. "Talaga?"
"It makes me happy." Huminga ito ng malalim. "Naalala ko ang masasayang panahon na lumipas na at hindi na maaring balikan. I miss my mother."
"Nasaan na siya?"
"Wala na siya. Namatay siya bago ako maka-graduate ng elementary. She told me that I should be strong. Dapat daw hindi ko iyakan ang pag-alis niya. Kaya naging matatag ako. Hindi ako umiyak. Pero parang unti-unti ko na rin nakakalimutan ang tungkol sa kanya. Pero nang makita ko ang picture na ito, naalala ko ulit siya. Kung gaano kami kasaya kahit nang may sakit na siya."
"I am sorry," mahinang usal niya.
"Don't be. Masaya ako dahil sa picture na ito. Parang nabuhay ulit si Nanay. Thank you for making me smile. Thank you for making me remember the good times," sabi nito at pinisil ang kamay niya. "At gusto ko na ngumiti ka na rin."
"Ha?" Parang ganoon lang kasimple ang lahat. Hindi naman ganoon kadali na maging masaya. Di gaya ng lalaki, may masaya itong alaala kasama ang ina. Habang siya ay maalala ang gabing ito kung saan binalewala na naman siya ng ina.
Idinikit nito ang star sa gilid ng kuwadro. "Here. May star ka na."
Kumurap-kurap si Sunny habang nakatitig sa bituin. A star. Sa wakas ay nay bituin na ang picture. Mula sa taong di niya kilala.
"B-Bakit?" nakakunot ang noong taong ni Sunny sa lalaki. Kung naaawa ka sa akin dahil umiyak ako..."
"Hey! You deserve it."
"Madami namang ibang mas magandang picture dito."
"Napasaya mo ako. At huwag mong mamaliitin ang star na inilagay ko. Makinang ang bituin na iyan dahil napasaya mo ako. That star is my mother. Kaya sana huwag mong balewalain. You are good. Ipagpatuloy mo lang ang pagkuha ng pictures. Di man ngayon, marami pang pagkakataon na makikilala ka rin ng mga tao."
Natigagal si Sunny at muling tiningnan ang bituin. A lone star. Pero sa madilim na gabi ay iniwalan nito ang nadidiliman niyang puso. Di niya kilala ang lalaki pero pinuri siya nito at binigyan siya ng pag-asa na ituloy ang pangarap niya. Ito mismo ang kailangan niya ngayon - isang tao na naniniwala sa kakayahan niya.
"Salamat. Anong pangalan mo?" tanong ni Sunny at nilingon ang lalaki. Wala na ito sa tabi niya.
Nang luminga siya ay na nakita na lang niya na papalabas na ang lalaki sa pinto. "S-Sandali lang. Uy! Sandali!"
Hinabol niya ito pero bigla siyang hinarangan ng kaibigang si Mea. "Uy, friend! Saan ka pupunta?"
"May hinahabol lang ako. 'Yung lalaki na kausap ko kanina."
"Guwapo?"
Tumango si Sunny. "O-Oo."
Nanunukso itong ngumiti. "Di mo nakuha siguro ang number 'no? Tara habulin natin. Di dapat pinapalampas ang ganyang pagkakataon. Dalaga na ang friend ko." At hinatak pa siya nito mismo papunta sa entrance. "O! Nasaan na? Wala namang tao dito. Parang wala namang ugong ng sasakyan."
"Nakita ko papunta siya doon..." aniya at itinuro ang daanan na palabas ng hotel. Puro fog lang ang nakikita nila. Walang bakas ng tao.
"Wala naman ah!"
Nanlumo si Sunny. He was gone. Di man lang niya nakuha ang pangalan nito. Ni hindi man lang niya ito napasalamatan dahil napasaya din siya nito.
"Tch! Baka naman multo iyon. Ano ba iyan? Makakakita ka lang ng guwapo, multo pa. Doon ka pa ata mai-in love," sabi ni Mea.
"Baliw! Di ako naniniwala sa ganoon," aniya at siniko ito. "Hindi siya multo. He is flesh and blood. Ikinuha pa nga ako ng tissue at tubig. At ibinoto niya ng entry mo."
"E nasaan nga? Alangan namang nag-teleport siya. Kinikilabutan tuloy ako." Kiniskis nito ang sariling braso. "Dadalhin kita sa kakilala ni Mama na albularyo bukas ha? Baka mamaya mamatanda ka pa dito o may ma-in love sa iyong engkanto."
"Ang gulo mo! Bumalik ka na nga sa boyfriend mo," pagtataboy niya dito at napaisip. Imahinas yon lang ba niya ang lalaki? Multo nga ba ito?
Nang bumalik siya sa picture niya ay nakita niya na nakadikit pa rin sa kuwadro ang star na bigay ng lalaki. "Ma'am, aalisin na po namin iyan dahil bibilangin na ang boto," anang isa sa mga staff ng competition.
"Sandali," aniya nang ilalagay na ng staff ang bituing papel sa basurahan. "Pwede bang sa akin na lang ito?"
"S-Sige," anito at lumipat na sa ibang larawan para magbilang ng boto.
Inilapat niya sa puso ang bituing papel. Remembrance niya sa lalaking nagbigay sa kanya ng star. He was her shining star. At alam niya na hindi ito multo.
Sana magkita pa kami. At kapag nagkita kami ulit ay hindi ko na siya pakakawalan pa.