"Tao po! Tao po!" tawag ni Sunny. Kinse minutos na siyang nakatayo sa nag-iisang kubo sa bukid na iyon sa Monamon Sur sa Bauko, Mountain Province. Maliban sa asong kahol nang kahol ay wala nang taong lumabas mula doon. Kahit sa bukid ay walang katao-tao. Siguro dahil naani na ang mga pananim doon kaya wala nang tao. Hindi na alam ng dalaga kung ano ang gagawin.
Tanghaling tapat na noon at kumakalam na ang sikmura niya sa gutom. Sa halip kasi na bumaba sa stopover kanina ay pinili niyang matulog na lang. Apa na oras ang biyahe ng bus papunta sa Bauko. At di rin biro ang bumaba ng bukid na may kalayuan sa kalsada. Ang masaklap ngayon ay walang t ao. Kundangan ay di naman niya ma-interview ang mga aso. Anong oras kaya babalik ang tao doon?
Nang may nakita siyang lalaki na papunta sa direksyon niya ay agad niyang sinalubong ito. "Manong, nasaan po ang mga tao dito?"
"Ineng, walang tao diyan. Di sila diyan nakatira. Di naman sila laging nakabantay dito sa bukid."
Kinagat niya ang labi at inilabas ang picture ni Carrot Man na ipina-print niya bago umalis kanina. "Baka po kilala ninyo ang taong ito. Nakita ko po siya na nagbubuhat ng carrots dito noong isang linggo."
Umiling ang lalaki. "Naku! Di iyan tagadito. Ang mga trabahador dito na nag-aani at nagtatanim galing pa sa iba't ibang probinsiya at bayan dito sa Cordillera."
"Sigurado po kayo?" tanong niya.
"Oo. Bakit mo ba hinahanap ang lalaking iyan?" usisa ng lalaki.
"Ano po... Basta importante po na makita ko siya. Saan ko po ba pwedeng mahanap ang may-ari ng bukid na ito?"
"Mga Mayos ang may-ari diyan. May tindahan sila sa may stopover ng mga bus sa bayan. Ipagtanong mo na lang doon kung saan ang tindahan nila Manang Clarizza. Mas mabuti na ihatid na kita doon. Mahirap mag-abang ng sasakyan dito."
"Salamat po, Manong."
Gumaan-gaan ang pakiramdam ni Sunny nang sumakay sa owner ng lalaki. Sa loob ng sampung minuto ay ibinaba din siya nito sa stopover kung saan maraming nakahilerang tindahan ng gulay at iba't ibang pasalubong.
"Hanapin mo ang Jen's Store."
"Salamat po ulit," aniya at bumana na ng owner.
Subalit laking dismaya niya nang makitang sarado ang tindahan samantalang tanghali pa lang. Lumipat siya sa kabilang tindahan at doon nagtanong. "Manang, nasaan po ang may-ari nitong tindahan. Magbubukas pa po ba sila ngayong hapon?"
"Naku! Sarado sila ngayon. Nasa Tadian sila dahil may dinalaw na kamag-anak doon. Ano bang kailangan nila?" tanong ng babaeng nasa thirties na.
Inilabas ulit niya ang printed picture ni Carrot Man. "Baka po nakikilala ninyo ang lalaking ito. Kasi tumulong po siya sa pagbubuhat ng carrots doon sa bukid noong isang linggo. Doon po sa bukid ng may-ari nitong tindahan. Siya po kasi ang hinahanap ko. Importante lang po." Dito po nakasalalay ang forever ko.
"Ang guwapo naman ng lalaking iyan," manghang sabi ng pinagtanungan niya.
Naki-usyoso pati ang dalagita na kasama nito. "Pamilyar siya sa akin, Ate. Di ba bumibili siya ng wine dito sa tindahan natin lagi?"
Muling tinitigan ng babae ang larawan. "Oo. Apo ito ni Madam Caroline. May wine store sila sa Sagada at dito sila kumukuha ng supplies. Mas gusto pa ngang sadyain ng matandang iyon ang mga alak dito kaysa i-deliver natin. Madalas siyang ipinagmamaneho ng apo niya. Saktong-sakto kasi may ipi-pick up siya na mga delivery ngayon. Baka kasama niya ang apo niyang guwapo."
"Talaga po?" excited na usal ni Sunny. Kapag nga naman sinuswerte. Di lang niya basta makikita ang kanyang tadhana. Meet the family agad ang peg. Makikilala niya ang lola ni Carrot Man.
"Dito mo na siya hintayin. Mary Rose, ikuha mo ng bangkito si Ma'am."
Habang naghihintay ay kumain muna siya ng carrot cupcake at carrot juice sa tindahan. Kahit paano ay nakakabawi siya ng lakas. Ayaw naman niyang tulala siya kapag nagkaharap sila ni Carrot Man. Malayo na ang narating niya para makita ito. Kaya dapat lang na maganda ang maging impression nito sa kanya. Kaya kahit paano ay nagsuklay din siya at naglagay ng powder sa mukha.
Naisip niya si Chacha na umaasang makikita nito si Carrot Man. Malapit ito sa puso niya pero minsan lang dadating ang pag-ibig sa kanya. Kailangan niyang gumawa ng sarili niyang tadhana. I am sorry, Chacha. Pareho lang naman tayong nagmahal. Ipinaglalaban ko lang ang kaligayahan ko. Gagawin ko ito para sa sarili ko. May mahahanap ka pang iba pero sa akin si Carrot Man.
Nagsisimula na naman siyang antukin at muntik pang malaglag sa upuan nang marinig niya ang boses ng isang matandang babae. "Good afternoon! Nakahanda na ba ang order ko na bugnay wine?" she asked in a cultured voice.
Biglang nagising si Sunny at pinagmasdan ang babae. Nakasuot ito ng bulaklaking dress na may three-fourth sleeves at hanggang baba ng tuhod. May brilantitos pa ang sandalyas na suot nito. She looked classy. At sa tantiya niya ay nasa fifties na ito. Posible bang ito na ang
"Siyempre naman po, Madam Caroline. Guwapo ninyo, Madam. Parang may date kayo ngayon," tukso ni Mary Rose.
"Ito talaga. Isang taon na akong di nakikipag-date. I am happy being single."
"Sakto po ang dating ninyo. May naghihintay po sa inyo kanina pa." Kumaway sa kanya si Mary Rose. "Miss, nandito na si Madam Caroline."
"Hello, my dear," bati ni Caroline sa kanya.
Biglang nailang si Sunny. Malamang ay wala na ang ganda niya sa tagal ng paghihintay niya. Hinaplos na lang niya ang ponytail at hinatak ang handpainted dress shirt. Inilahad niya ang kamay sa matandang babae. "Magandang hapon po. Ako po si Sunny Angeles. May hinahanap po kasi akong tao. Nabanggit po sa akin na baka matulungan po ninyo ako."
"Sino ba iyon?" tanong nito.
Inilabas ulit niya ang folder na may picture ni Carrot Man. "Ito po ang picture niya. Nabanggit po nila sa akin na apo daw po ninyo."
Kinakabahan siya habang tinititigan ng matandang babae ang larawan. Sinapo nito ang didbib. "Oh! My Hero. Apo ko nga siya. P-Paano... Saan mo nakuha ang picture na ito?"
"Ako po ang photographer. Last week nakuhanan ko po siya ng picture dito sa Bauko na nagbubuhat ng carrots."
"Bauko? Aba! Dito pala siya napadpad noong isang linggo nang nawala siya. This is wonderful," anang matandang babae na di maialis ang tingin sa larawan. "Kitang-kita talaga ang tangos ng ilong ng apo ko. Sa akin niya namana iyan."
"Thank you po," magalang niyang sabi at nahihiyang ngumiti. Yes! Ganda points ako kay Lola.
"Bakit naman nagbuhat ng carrots ang apo ninyo? Aba! Di naman kayo siguro nauubusan ng pera, Madam," tanong ni Mary Rose. "Hindi ba 'yan ang apo ninyo na di na kailangang magtrabaho dahil may investment ang mga magulang niya bata pa lang siya? Tapos writer pa siya."
A wistful smile formed on the old woman's lips. "Itong apo ko masyadong matulungin sa iba, kahit sa di niya kilala. Napakabait nitong si Hero ko."
Kaya pala Hero ang pangalan niya. Bagay sa kanya dahil siya sa Hero ko. Sinagip niya ako nang panahong wala akong kakampi at down na down ako. Sabi na nga ba sa puso ko, tama talaga ako.
"Bakit mo pala gustong makita ang apo ko?" tanong ni Madam Caroline.
Dumagundong ang kaba sa dibdib ng dalaga. Paano ba siya sasagot nang di nito di nito iisipin na patay na patay siya sa apo nito at naghahabol? Di naman niya kayang maging katulad ni Chacha na kapag umibig ay ipinagsisigawan sa mundo.
"Nagkakilala na po kami dati sa isang photo exhibit," sa halip ay sabi ni Sunny. "Nagkwentuhan po kami tungkol sa photo entry ko. Ibinoto nga po niya ang entry ko."
Tumango-tango ito. "Kinausap ka siguro niya tungkol sa photographer na kailangan niya sa libro niya?"
Nakakita ng palusot ang dalaga. "Ahhh... Opo. P-Parang ganoon na nga. Kaso di po kami ganoong nagkausap noong... noong kuhanan siya ng picture dahil po nagmamadali kami ng mama ko na lumuwas ng Maynila. Tapos naiwala ko po ang contact number ni H-Hero kaya ito lang po ang pagkakataon na makausap siya."
Kinagat niya ang labi. Sana ay patawarin siya sa kanyang kasinungalingan dahil iyon lang ang pagkakataon para makapasok siya sa buhay ni Hero. Di naman niya pwedeng sabihin na ito ang nagvi-viral na si Carrot Man. Kailangang makilala siya ni Hero bago pa ito tuluyang sumikat o matunton ni Chacha at ng iba pang tao na patay na patay dito.
"Mabait ang apo ko pero istrikto siya sa trabaho. Okay lang ba sa iyo na makatrabaho ang apo ko? Hindi ba magseselos ang boyfriend mo?"
"Wala po akong boyfriend," usal niya.
Lumapad ang ngiti ni Lola. "Career siguro ang importante sa iyo. Huwag kang mag-alala. Ako mismo ang maghahatid sa iyo sa kanya."
Napatalon si Sunny sa tuwa at niyakap ang matandang babae. "Naku! Thank you po, Lola!" Natigilan siya at kumalas dito. "I mean, Madam Caroline."
Ngumiti lang ito at di naman na-offend sa pagtawag niya dito ng apo. "I like you. Walang anuman, apo."