Chapter 50 - Chapter 12

DI magawang galawin ni Sunny ang Arabic coffee nang bumalik sa sala matapos ihatid si Madam Caroline sa sasakyan. Matiim na nakatitig sa kanya si Hero na parang sinisino ang pagkatao niya. Ngayong wala na si Madam Caroline para protektahan siya, di na nito palalampasin ang lahat. Marami siyang kailangang ipaliwanag.

Parang gustong magtatakbo ng dalaga sa labas. Habulin na lang kaya niya si Madam Caroline at bumalik na lang sa Baguio para di na niya harapin ang lalaki. Babalik na lang siya sa normal niyang buhay.

'Don't be stupid, Sunny. Nandito ka para ipaglaban ang pag-ibig at tadhana mo. Ngayon ka pa ba uurong kung kailan kaharap mo na siya? Be strong. Kaya mo iyan. Para sa pag-ibig!' pagpapalakas ng loob niya sa sarili.

"Tungkol ulit saang tribe ang sinusulat mong libro?" tanong niya kay Hero para basagin ang katahimikan.

"Akala ko ba nandito ka para mag-apply na photographer ng libro ko. Hindi ba dapat alam mo man lang kung ano ang subject?"

Hinatak niya ang dulo ng nakatirintas niyang buhok at pilit na ngumiti. "Sorry. Marami kasi akong iniisip dahil kalilipat ko lang ng bahay at..."

Ihinampas nito ang palad sa mesa dahilan para mapapitlag si Sunny. "Let's stop beating around the bush, Miss. "Wala akong natatandaan na inalok kita na maging photographer o naghahanap ako."

"Hindi mo ba nabanggit? Kasi..."

"Ayoko sa lahat ay sinungaling," anito sa pagitan ng naggigiyagis na ngipin. "Ano ang ginagawa mo dito?"

Bumuga siya ng hangin. Ayaw niyang ilabas ang huling alas niya pero wala siyang choice. Kung gusto ni Hero ng katotohanan, ibibigay niya dito ang totoo. "I like you."

"What" bulalas ng lalaki.

"Sa palagay ko ay may koneksyon tayong dalawa. Noong unang nagkita tayo sa exhibit, nakawala ka agad at di ko nalaman ang pangalan. At noong isang linggo, nakita kita sa Bauko. It must mean something. Hindi mo ba naiisip na pinaglalapit talaga tayo ng tadhana? We keep on finding each other. Nandito na ako. Nasa harap mo na. Sa palagay ko may kahulugan iyon."

"Damn it! I have a stalker."

Nanlaki ang mata ng babae. "Oy! Hindi mo ako stalker. Heto nga harap-harapan akong nakikipag-usap sa iyo dahil malinis ang atensyon ko sa iyo."

"Hinanap mo ang lalaking di mo kilala dahil akala mo tadhana mo siya? Malinis ang intensiyon mo? You are deranged, miss. Walang matinong lalaking seseryoso sa iyo kung ganyan ka. Bumalik ka na sa pinanggalingan mo. Ipapahamak mo lang ang sarili mo, Miss. Sinasayang mo lang ang oras mo sa akin." Tumayo na ito. "Ipapahatid na kita sa bayan."

Tumayo rin siya at pinigilan ang braso nito. "Hero, please. Don't be like this. Wala bang ibang ibig sabihin sa iyo na sa akin mo ibinigay ang star mo sa dinadami-dami ng entry sa exhibit, sa akin mo ibinigay ang star?"

"It is no big deal. Di dahil nagustuhan ko ang picture mo, magugustuhan na rin kita. Those are too different things. You are too gullible to think otherwise."

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. "Paano naman ang pagkikita natin sa Bauko..."

"Hindi nga ako ang lalaking iyon. Kung ang lalaking iyan ang hinahanap mo, you have no business staying here. Siya ang destiny mo at hindi ako."

Umiling ang dalaga. "Hindi mo na kailangang magkaila. Alam ko na mabuti kang lalaki. H-Hindi ko naman gusto na maging boyfriend-girlfriend muna tayo. Pwede naman nating kilalanin ang isa't isa. Hindi naman ako nagmamadali."

"Miss, wala akong oras para makipagkilalang mabuti kung kani-kanino," mariing sabi ng lalaki. "Marami akong importanteng trabaho na dapag pagtuunan ng pansin kaysa sa kilalanin ang isang stalker."

Stalker. Napakasakit pakinggan na isang stalker na walang matinong magawa sa buhay ang turing nito sa kanya. Heto siya at inaalay dito ang puso niya. Tadhana with matching forever ang turing niya dito pero itinataboy siya nito na parang wala siya sa matinong katinuan at ayaw nitong maging parte ng buhay niya.

Masakit. Akala ko iba siya kay Mama o kay Papa na binabalewala ako. Akala ko dahil siya ang humilom ng sugat ko na dulot ng mga magulang ko, tatanggapin na niya ako sa buhay niya. Bakit ganito? Bakit niya ako pinaasa?

Lumabas ang kawaksi na nag-asikaso ng kuwartong tutuluyan ni Sunny. "Hero, nakahanda na ang kuwarto ng bisita mo. Dadalhin na ba ang gamit niya doon?

Umiling ang binata. "Hindi na po, Manang. Babalik na po siya sa bayan. Di na po siya dito tutuloy. This place is not up to her standards."

"Hero, hindi totoo iyan. Hindi ako snob." Kahit saan naman ay handa siyang magtiis makasama lang ito. Bakit ito nagsisinungaling? Bakit siya nito sinisiraan?

"Manang, pakitawag si Manong Berting. Pakisabi po ihatid ang bisita natin sa Rock Farm and Inn. Ako na ang bahala sa accommodation ni Miss Angeles," anang si Hero sa suwabeng boses. Paano nito nagagawang magsinungaling nang nakangiti at di kumukurap habang winawsak nito ang puso niya?

"Ang sama mo," nausal niya sa sobrang sama ng loob nang makaalis ang kawaksi para sundin ang utos nito. "Kailangan mo ba talaga akong siraan para lang itaboy?"

Tiningnan lang siya ni Hero sa malamig na mga mata. Wala itong pakialam sa nararamdaman niya. "Hindi ba dapat kang matuwa dahil nalaman mo habang maaga pa lang na masama ako?"

Naluluha na si Sunny. Pasama nang pasama ang nangyayari. Ayaw niyang ganito talaga kasama si Hero. Sa puso niya, alam niya na mabuti pa rin ito gaya nang una nitong ipinakita sa kanya. Pwede naman siyang bumitaw ngayon na pero gusto pa niyang panghawakan ang paniniwala niya na ito ang tadhana niya.

"Sir Hero, handa na ang sasakyan," sabi ng matandang driver at binuhat ang bag niya. "Ito na ba ang isasakay?"

Nataranta si Sunny. "Pero, Hero, ang portfolio ko hindi mo man lang ba titingnan? Hindi mo man lang ba ako bibigyan ng pagkakataon na makasama ka?"

"Sa palagay mo ba sa ginawa mo ngayon, gusto kong makasama ka?"

Nakuyom niya ang palad. "Binibigyan pa kita ng pagkakataon para patunayan sa sarili mo na di ka masama."

Napailing si Hero. "Miss, magpasalamat ka na lang na makakatakas ka sa masamang taong katulad ko nang di ka pa napapahamak. Have a good life."

"MEA, ayoko na dito. Ayoko nang magmahal. Gusto ko nang bumalik diyan sa Baguio. Wala naman palang silbi ang paghahanap kay Hero. Ayaw niya sa akin."

Nakatulala sa kisame si Sunny habang naglalabas ng sama ng loob sa kaibigan. Hindi siya nag-check in sa mamahaling hotel na pinagdalhan sa kanya ay tumuloy na lang siya sa isang simpleng inn sa di kalayuan. Anong palagay ni Hero? Gagaan ang loob niya dahil lang inilibre siya nito sa mamahaling hotel? Ito ang kailangan niya. Kailangan nitong paghilumin ang sugatan niyang puso.

"Gaga ka! Ang lagay malayo na ang narating mo at ngayon ka pa susuko? Nandiyan na nga siya. Nakaharap mo na ulit siya. Konting tiiis na lang."

"Masakit. Bes, ilang beses niya ako nilait-lait at tinawag na stalker. Stalker! Tapos itinaboy niya ako."

"Uy! Makataboy naman. Kita mong ipinahatid ka niya sa driver niya at pinag-check in pa sa mamahaling hotel. Kung ibang lalaki iyan, baka pinaglakad ka na pabalik nang bayan o kaya idiniretso ka na sa presinto."

"Should I be thankful for that? Nagsasayang lang daw ako ng panahon sa kanya. Hindi ito ang inaasahan ko," aniya kasabay ng pagpatak ng luha. "Akala ko matutuwa siya kapag nakita ako. Ni hindi nga niya ikinonsidera man lang ang pictures ko para sa pag-a-apply na photographer para sa libro na ginagawa niya. Sabi niya di daw niya gugustuhing makatrabaho ang tulad ko. Di ba unfair iyon?"

"May point naman siya."

"Sandali. Bakit naman siya ang kinakampihan mo?"

"Kasi parang stalker ka naman. Sa iyo man mangyari iyon na may lalaking basta na lang nagpakita sa iyo at sasabihin na may something special sa inyo, mapapraning ka rin. Dapat nga magpasalamat ka pa sa ginawa niya."

Napamaang si Sunny. "Sandali. Dapat kong ipagpasalamat na binasted niya ako?"

"Oo naman. Ibig sabihin di siya mapagsamantalang lalaki. Kung iba iyan, inutu-uto ka lang at ipapasuko sa iyo ang Bataan sabay goodbye na. Jackpot ka diyan, bes. He is such a gentleman."

"Jackpot nga ako pero di pa man nagsisimula nai-disqualify na ako."

"Huwag kang susuko. Babatukan kita. Pag gusto mo ba ang isang bagay, dapat bang iniiwan at sinusukuan? Ipakita mo sa lalaking iyan na magsisisi siya kapag hindi ka niya binigyan ng chance. Di siya magiging masaya ever dahil ikaw ang kanyang forever."

"Friendship lang natin ang may forever."

"Forget it. Wala na rin tayong friendship kapag sumuko ka. Marami ka nang napagdaanan sa buhay. Alam mo na kapag mahal mo ang isang bagay, di dapat binibitawan. Fight for your happiness, if you think this man is worth it."

Related Books

Popular novel hashtag