Hindi alam ni Sunny kung paanong ngingiti sa reaksyon ng lalaki nang makita siya. Hindi iyon ang inaasahan niyang pagsalubong mula dito. Parang ayaw siya nitong makita. Siyempre maiinis siya. Maybe he thought he was not presentable enough. Iniisip siguro niya na kapag nagkita ulit kami, kailangan ay nakapaghanda ito at maayos sa paningin niya. Oh, Hero! Kahit na gumulong ka pa sa putik, tatanggapin ko pa rin ang presensiya mo with open arms.
"Naalala mo ba ako? I am Sunny Angeles. Nag-meet tayo sa photo exhibit sa Baguio. Ibinoto mo pa nga ang entry ko," paalala niya dito.
Kumunot ang noo nito. "Yes, I remember."
"Pumasok muna tayo sa loob ng buhay para makapag-miryenda," yaya ni Madam Caro at umabrisyete sa kanya. "Pihadong napagod ka sa biyahe."
"May dala po akong carrot cupcake," aniya at inangat ang paper bag.
"Paborito iyan ng apo ko. Hindi ba, Hero?" malambing na tanong ng lola ng binata.
Isang matalim na tango lang ang sagot ng binata at binuhat ang bag niya papasok ng bahay. "Hindi ko alam na may bisita kaya ipapaayos ko muna ang kuwarto mo kay Manang Luisa," sabi ng binata.
"Ako na ang maghahanda ng miryenda," prisinta ni Madam Caroline.
"Lola, ako na po. Magpahinga muna kayo," sabi ni Hero at kinintalan ng halik ang noo ng matanda.
"Maupo ka muna. Ipapakita ko sa iyo ang mga picture ng apo. Siya ang pinaka-cute kong apo," sabi ni Madam Caroline kahit di pa man nabubuksan ang album.
Hanggang tainga ang ngiti ni Sunny habang pinagmamasdan ang mga pictures ni Hero. Lagi itong nakangiti noong bata pa ito hanggang maging teenager. Pero nang pumasok na ito sa college ay napansin niya na masyado na itong seryoso.
Ibinaba ni Hero ang tray na may lamang pastries at juice kasama na ang carrot cupcake na ibinigay niya dito. Umupo ang lalaki sa tapat niya.
"Bakit ka nga pala napadalaw dito sa Sagada at paano kayo nagkakilala ni Lola?" tanong ni Hero habang kumakain sila.
Bumuka ang bibig ng dalaga pero di niya alam kung ano ang dapat sabihin sa binata. Because we are destined to be together. You are my shining star. Ikaw ang Carrot Man ko. At kailangang mabakuran na kita bago pa ako maunahan ng iba.
Walang kaalam-alam ang binata na isa na itong internet sensation at nagkakagulo na ang mga tao dito. At kailangan na niyang magmarka dito bago pa man magsidatingan ang ibang fans nito na gustong makuha ang atensiyon nito.
"Nagkita kami sa Bauko. She came looking for you. Ipinakita niya sa akin ang picture na kuha niya noong nagbubuhat ka ng carrots."
"Picture? What picture?" nakakunot ang tanong ni Hero. "Hindi ko matandaan na nagbuhat ako ng carrots."
"Ito naman. Nagpapanggap ka pa. Ilabas mo ang picture niya, Sunny," utos ni Madam Caroline. Inilabas niya ang picture at kinuha naman ng matandang babae sa kanya Excited nitong inabot ang picture kay Hero. "Heto. Ang guwapo mo dito, apo."
"Hindi po ako iyan," giit ni Hero.
"Ikaw iyan, apo. Di ba may ganyan kang gray na jacket?"
"Lola, iba po ang shade ng jacket ko na gray," tutol ng lalaki.
Hinawi-hawi ni Lola Caroline ang buhok nito papunta sa noo at saka iyon ginulo. "O! Ikaw na ikaw itong nasa picture." At saka
"Di po ako nagpunta sa Bauko noong isang Linggo. Huwag na po ninyong ipilit," kontra ni Hero. "Hindi talaga ako iyan."
Pinisil ni Lola Caroline ang lalaki sa magkabilang pisngi. "Apo, alam ko naman na mahilig ka sa good deeds. Ayaw mo lang na ipagsasabi. Di ba nang nakaraang buwan ikaw ang tumulong isang batang nahiwalay sa magulang niya nang namamasyal sila sa Lake Danum? At ikaw din ang lihim na nagbigay ng pampagamot ni Apo Oslak pati pambili ng gamot. Ito pa kayang simpleng pagbubuhat ng carrot hindi mo gagawin?"
"Lola, believe me. Hindi po ako iyan."
"Nakakahiya naman kay Sunny kung magkakaila ka. Galing pa ata siya ng Maynila at nandito para lang makita ka," malungkot na sabi ni Madam Caroline.
Nakakunot ang noong binalingan siya ni Hero. "Kaya mo lang ba ako hinahanap para sa picture na ito, Miss?"
Nautal na si Sunny at parang maiiyak. Hindi ganito ang inaasahan niyang paghaharap nila ni Hero. Ayaw niyang magalit ito sa kanya. Parang hindi ito ang magandang pagkakataon para ipahayag ang nararamdaman niya - na gusto niya ito. Pero anong sasabihin niya? Kapag nagkamali siya ng sagot, tiyak na paaalisin siya nito.
"Kailangan mo daw ng photographer para sa research mo," paliwanag ni Madam Caroline. "Kaya nandito ka para mag-apply."
Mukhang lalong naguluhan si Hero habang nakatingin sa kanya. "Hindi ko natatandaan na pinag-usapan natin iyon sa exhibit."
"Baka naman nakalimutan mo lang. Marami kasi tayong napag-usapan ng gabing iyon," sabi ni Sunny at bahagyang tumawa.
"Hijo, kailangan ko munang bumalik sa wine store. Ikaw na muna ang bahala kay Sunny." Hinalikan siya ni Madam Caroline sa pisngi. "Goodluck sa interview mo, hija. Huwag mong kalilimutan ang dinner natin mamayang gabi."
"Salamat po sa tulong," napipilitan niyang sabi kahit ang mas gusto niya ay huwag siyang iwan nito sa mga oras na iyon. Ayaw niyang maiwang mag-isa kasama si Hero. Hindi niya alam kung paanong ipapaliwanag ang sarili sa mga tanong nito.