MEDYO nakabawi na si Sunny sa gutom ang makakain pero antok pa rin siya. At alam niyang naghihintay pa sa kanya ang messages na dapat niyang sagutin na ang lahat ay tungkol kay Carrot Man. Nag-ring ang cellphone niya nang nakatapos na siyang maghugas ng pinagkainan. "Hello, Ate Sunny."
"O, Chacha! Napatawag ka," aniya at pinunasan ang plato.
"Naku! Sikat na sikat na ang mahal kong si Carrot Man. Nakita ba ninyo, Ate?"
"Uhmmm...oo. Nakita ko nga sa notification ko."
"Mega-share talaga ako sa friends ko sa Facebook at sa mga Facebook groups na sinalihan ko. Huh! Gusto kong ipagmalaki sa lahat. Guwapo ang mahal ko."
Kaya naman pala abalang-abala ito kadudutdot sa cellphone nang nagdaang araw dahil busy ito sa Facebook. Madalang tumulong sa kanila sa pag-aayos ng mga gamit sa condo. Paglalabas sila para ipasyal ang nanay niya ay di ito sumasama dahil wala daw bantay sa condo pero pagdating nila ay nakatambak pa rin ang trabaho.
"Nakakainis! Sana pala di na lang ako nag-share. Marami na akong karibal sa kay Carrot Man," reklamo nito. "Kaya naisip ko na kailangan ko siyang mahanap para malaman niya na ako ang tunay na nagmamahal sa kanya."
"A-Ano?" bulalas ni Sunny at biglang nagising mula sa paglutang ng utak niya. "Pupuntahan mo si Carrot Man?"
"Oo. Pupuntahan ko kung saang bundok man siya nandoon. Ang totoo po niyan, nag-eempake na ako. Handa na akong sugurin siya.
Nataranta siya. "No! You can't do that!"
Siya ang unang nakakita kay Carrot Man. Di lang niya nakuha ang pangalan nito sa exhibit pero siya ang unang nakakita dito. Bago pa man ito nagbuhat ng carrots sa bukirin ng Bauko, pinagkrus na sila ng tadhana sa Baguio. Bago pa ito naging si Carrot Man ay ito na ang Shining Star niya.
"Ay bakit naman po di ko siya pwedeng puntahan? Tutol po ba kayo sa pagmamahalan namin ni Carrot Man?" malungkot na tanong ni Chacha.
Nahimasmasan siya. "H-Hindi naman. Ang ibig kong sabihin, kalilipat lang ninyo ni Mama diyan sa Manila. Nandito naman ako sa Baguio. Wala siyang makakasama diyan," mahinahon niyang paliwanag.
"Meron po, Ma'am. Kasundo naman niya ang bagong maid ng kapatid ninyo. Mas masaya nga sila kapag magkasama. Di ako ka-join sa nga kwentuhan nila. Ayaw ng local teleserye at puro mamahalin ang mga alam na brand. Mukha lang nila akong alalay kapag nagsa-shopping. Parang mag-nanay sila. Di ko nga maintindihan kung paanong nagkaroon ng sosyal na maid ang kapatid ninyo."
Bumuntong-hininga si Sunny. Ayaw niyang saktan si Chacha dahil malapit ito sa puso niya pero talo-talo sa pag-ibig. Paano ba niya ito mapipigilan?
"Nagpaalam ka na ba kay Mama?" malumanay niyang tanong. Ayaw niyang ipahalata dito na aligaga siya, affected o threatened.
"Of course naman, Ate Sunny. Basta tapusin ko daw po muna ang mga labahin at ang general cleaning sa condo. Kahit condo pa ng kapitbahay ipalinis niya sa akin okay lang. Inspirado ako. Binigyan pa nga po ako ng pamasahe papuntang Mountain Province."
"Himala!" nausal niya.
Gustong umatungal ng iyak ni Sunny. Parang di nakikiayon ang tadhana sa kanya. Pati ang sarili niyang nanay na ubod nang kuripot ay nagbigay pa ng allowance para sa love life nito. Nasaan ang katarungan?
"Himala po talaga. Ibig sabihin tadhana na talaga ito, Ma'am. Kami ni Carrot Man ang para sa isa't isa!" kinikilig na tili ni Chacha.
"G-Gusto mo bang samahan kita?" tanong niya at pilit na ngumiti.
"Hindi na, Ate. Alam ko naman na magsisimula ka na sa trabaho mo diyan sa Baguio. Hindi na kita guguluhin. Kaya ko na ang sarili ko. Alam ko naman kung saan hahanapin si Carrot Man."
"O-O, sige. Tawagan mo lang ako kapag may kailangan ka," malumanay pa rin niyang sabi.
"Wag kang mag-alala. Abay ka sa kasal namin ni Carrot Man, Ate. Bye!"
Impit na tumili si Sunny nang matapos ang pag-uusap nila ni Chacha. Kakompitensiya pa niya ito ngayon ang babae. Nakabusangot siya nang bumalik sa sala. Nakaupo pa rin sa harap ng computer si Mea at aliw na aliw sa pagbabasa ng comments. "O! Ang saya-saya mo lang kanina tapos ngayon mukhang pwede nang sabitan ng keychain ang nguso mo."
"Si Chacha kasi gustong puntahan si Carrot Man. Gusto daw niyang ipakilala ang sarili niya bilang destiny niya. Tapos binigyan pa siya ng allowance ni Mama."
"Anong problema mo doon?"
"Magiging magkaribal pa kaming dalawa."
"Ayaw mo siyang kalabanin?" tanong ng kaibigan. "All is fair in love and war. Sabi mo si Carrot Man ang shining star mo. O! Ano pang itinutunganga mo diyan?Di ba dapat naghahanda ka na para puntahan si Carrot Man ngayon?"
Bumagsak ang balikat niya. "E paano ka? Magsisimula na ang trabaho ko sa company ninyo..."
"Ano ka ba? Wala pa naman tayong malaking event. Saka chance mo na itong hanapin ang kaligayahan mo. Kayo ni Carrot Man ang dapat na para sa isa't isa. Ikaw naman ang nauna sa kanya. Ikaw din ang nagpasikat. Ikaw ang kumuha ng pictures niya kaya dapat lang na ikaw ang kilalanin niya. Magkaka-love life ka na sa wakas."
"Nakakahiya sa iyo. Pinagkatiwalaan mo ako at binigyan mo ng trabaho tapos bigla kitang iiwan sa ere."
Pinitik ng kaibigan ang noo niya. "Lagi ka na lang ganyan. Mas inaalala mo ang ibang tao kaysa sa sarili mo. Buong buhay mo, lagi mo na lang di pinu-pursue ang gusto mo. Kung i-pursue mo man, lagi ka namang idina-down ng mga tao sa paligid mo. Pagkakataon mo nang gawin ang gusto mo, maging malaya at masaya. Kasama na ang love life diyan."
"Okay lang talaga?" paniniyak niya.
"Oo naman. Kapag pinalampas mo pa ang pagkakataong ito, baka mapunta na si Chacha sa Carrot Man mo. Sige ka."
Niyakap niya ang kaibigan. "Salamat sa suporta mo ha? Naku! Sobrang saya ko talaga." Pakiramdam ni Sunny ay nakalaya siya mula sa tanikala. Totoo na ito. Pwede na niyang gawin ang kahit anong gustuhin niya. Malaya na siya. Wala nang magdedesisyon para sa sarili niya kundi siya lang.
"Basta nandito lang ako kung kailangan mo. Kaya mo iyan." Inabutan siya nito ng baso ng juice at itinaas ang baso nito ng juice. "For love!"
Ipiningki niya ang baso niya dito. "For love!"