Chapter 43 - Chapter 5

"I CAN'T believe that woman. She asked me to leave my house. My own house for twenty-five years. Gusto niyang kunin sa akin ang lahat. Wala na siyang ititira."

Halos dumugo ang tainga ni Sunny habang naglilitanya ang inang si Mary Margaret tungkol sa pagpapalayas dito sa resthouse. Nakasakay sila sa Hilux at sa likuran ng pick up truck ay nakasakay ang mga huling gamit na kinuha nila mula sa vacation house sa Sadanga na ilang beses na nilang hinakot.

"Korek kayo diyan, Ma'am. Grabe talaga siya," sang-ayon ni Chacha, ang personal assistant ng ina niyang si Maria Margaret na nakaupo sa tabi nito.

Pinili naman ni Sunny na umupo sa tabi ng driver kaysa makatabi ang ina. Mas gusto niyang ma-appreciate ang view at kumuha ng magagandang pictures kaysa ma-stress sa mga sentimyento ng ina. Di niya alam kung kailan pa siya makakabalik ng Cordillera lalo na't wala na silang vacation house doon.

"Pinaparusahan ako ng matandang bruha na iyon dahil mas maganda ako sa kanya noong party. At na-in love sa akin lalo si Gonzalvo."

"Truth iyan, Madam! Walang-wala siya sa ganda ninyo. Kasi kayo hindi halatang thunderbolts na," sabi ni Chacha.

"Anong sabi mo?" may katarayang tanong ni Mary Margaret sa assistant at sa rearview mirror ay nakita niya ang pagtalim ng mata ng babae.

"Ma'am, ang ibig kong sabihin walang sinabi si Pia Wurzbach sa alindog ninyo. Pak na pak ang ganda ninyo. Sabi sa inyo mai-insecure talaga ang babaeng iyon sa Francis Libiran ninyo na gown. Kaya ginagantihan niya kayo. Di nga siguro maalis ni Sir Gonzalvo ang tingin sa inyo," bawi agad ni Chacha. Ayaw sa lahat ng ina niya ay mababanggit sa isang sentence ang pagiging "matanda" at ang pangalan nito.

Dating beauty queen ang ina na ni Sunny na si Mary Margaret. Naging runner-up ito sa Binibining Pilipinas nang mag-guest sa isang festival sa Baguio kung saan naka-base ang pamilya ng ama. Love at first sight daw iyon. Ikinuha ang nanay niya ng bahay sa Sadanga at doon ito dinadalaw ng ama. Tumigil na ito sa pag-aaral. At kung kailan buntis na ang ina ay saka nito nalaman na may asawa na ang ama niya. Di nito iniwan dahil mahal daw nito ang ama at nangakong iiwan ang legal na asawa.

Lumipas na ang dalawampu't limang taon pero nanatiling pangako ang lahat. Nakatago pa rin ang nanay niya sa loob ng mahabang panahon. Tumanda na silang lahat na magkapatid pero di man lang nila maipakilala ang ama sa ibang tao. Akala nila noong una ay nagtatrabaho lang sa abroad ang ama kaya madalang umuwi sa bahay nila sa Angono. Nakikita lang nila ito tuwing bakasyon nila sa resthouse sa Mountain Province kapag summer vacation.

Nang nagkaisip silang magkapatid ay saka lang nila nalaman ang katotohanan. Katwiran ng nanay niya, maswerte pa rin sila dahil dinadalaw pa rin sila ng ama. Na kinikilala silang anak, kahit pa nga patago. Mula noon ay wala na siyang gaanong inasahan mula sa ama. Di na siya umasa sa kahit anong atensyon mula dito. Nanay na lang nila ang umaasa dito. At dahil ayaw nilang malungkot ito dahil di pa rin ito pinipili ng ama nila, sinisikap na lang nilang mag-excel sa kung saan nito gusto para lang makuha nila ang atensyon ng ama.

Tahimik lang ang buhay nila dahil di naman sila pinakikialaman ng legal na pamilya ng ama niya. Nang tatakbo pa rin ang ama niya bilang gobernador at di pa rin ito ang ipapakilala bilang asawa sa publiko ay bigla na lang nagbago ang isip ng nanay niya. Pakiramdam kasi nito ay di epektibo ang pagpapa-martir nito sa ama. She was deliberately provoking her father's legal wife. At nitong nagdaang party lang ay lumapit ito sa ama at nagpa-picture pa kahit na katabi ang asawa.

Umingay tuloy ang balita tungkol sa pagkakaroon ng ibang babae ng ama at makaaapekto sa kandidatura nito . Mas mayaman pala ang pamilya ng asawa ng ama. Ito ang nagmamay-ari ng mga negosyo at mga ari-arian. May karapatan ito sa resthouse na pag-aari ng kompanya at tinutuluyan nila. Dahil sa ginawa ng ina sa party ay napuno na si Jocelyn Angeles na ipakita sa ina kung sino talaga ang mas makapangyarihan. And it was not her father.

Sa kasamaang-palad ay mukhang di pa rin natututo ng leksyon ang ina. Di nito kayang tanggapin ang resulta ng mga maling desisyon nito sa buhay. Para itong teenager na iniisip na inggit lang ang ibang babae dito kaya ito pinahihirapan. Forty-four na ang nanay nya pero pakiramdam yata nito ay wala itong mga anak. Puro sarili nito at ang ama niya ay iniintindi nito.

"Makikita ng Jocelyn na iyan. Di pa kami tapos. Alamin mo kung saan ang susunod na event nila sa bodyguard ni Gonzalvo," sabi ni Mary Margaret kay Chacha.

"Titingnan ko kung ano ang magagawa ko, Ma'am. Baka kasi mawalan pa ng trabaho iyon..."

"Patay na patay sa iyo ang bodyguard niya, hindi ba? Gawan mo ng paraan," panggagalaiti ng ina.

"Mom, huwag ninyong ubusin ang pasensiya ng asawa ni Papa. Wala namang mangyayari kung guguluhin ninyo ang party nila. Baka gusto ninyo na mas lalo kayong di kausapin ni Papa," babala niya dito.

"Sabi niya mahal niya ako. Poprotektahan niya ako sa babaeng iyon. Di lang siguro niya masagot ang mga tawag ko dahil busy siya. Oras na malaman niya ang pang-aapi sa atin ng babaeng iyon..."

"Mom, pabayaan na po natin si Papa at ang pamilya niya. Mamuhay na lang tayo ng tahimik. Mabuti na lang nakapangalan kay Kuya Silva ang condo niya sa Manila. Paano na lang kung hindi? Baka wala na tayong matuluyan ngayon. At kapag gumawa pa kayo ng gulo, baka pati allowance ninyo ipaputol na ng asawa ni Papa."

"Wala siyang karapatan na gawin iyon sa atin," tanong ni Mary Margaret at minulagatan siya sa salamin.

"Siya po ang legal na asawa. Sila ang may kontrol sa lahat. Mas nagugulo po ang buhay natin kung ipipilit ninyo ang gusto ninyo. Bakit hindi na muna kayo magbakasyon sa Amerika? Lumayo tayo dito muna..."

"Gaya ng gusto ng Jocelyn na iyon Iiwan natin ang papa mo?"

"Hanggang matapos lang naman ang eleksyon," anang si Sunny sa nagsusumamong boses. "Para po sa ikatatahimik ng lahat."

"Oo nga, Ma'am. Tapos isama ninyo ako sa Amerika. Maraming Amerikano doon. Tiyak na magugustuhan nila ang exotic beauty ko," sabi ni Chacha at hinaplos ang pisngi. "Baka nandoon ang forever ko."

"Hindi ako aalis ng Pilipinas," giit ng ina. "Hindi ko isusuko si Gonzalvo. Kapag umalis ako, parang nagpatalo na rin ako sa babaeng iyon. Akin si Gonzalvo."

"Kayo lang ang inaalala ko, Mama. Nai-stress na kayo dito sa Pilipinas," malumanay na paliwanag ng dalaga. "Hindi naman po mawawala si Papa sa inyo." He was never yours in the first place.

Mahal niya ang nanay niya pero alam niya kung saan lulugar. Bilang isang anak, sapat na siya sa kung ano ang kayang ibigay sa kanya ng ama. Di na siya umaasa sa mga pangako nito. At kung matatanggap lang ng nanay niya kung saan ang totoong lugar nito sa buhay ni Gonzalvo Angeles, mas magiging tahimik ang buhay nito. Mas magiging mabuti kung hindi ito aasa sa pangakong di matutupad.

"Tumahimik ka na lang kung kakampihan mo lang ang Jocelyn na iyon, Sunny. Parang hindi kita anak. Kung naging honor student ka sana, tayo sana ang pinili ni Gonzalvo. Di ko kakailanganing magpakita sa party na iyon para harapin si Jocelyn. Kasalanan mo kung bakit ginugulo tayo ng babaeng iyon," paninisi ni Mary Margaret sa kanya. "Bakit ba hindi ka na lang naging kasing talino ng Kuya Brenan mo? Puro kasi camera ang hawak mo. Di ka naman kikita diyan. Di ka nga nanalo sa photo competition kahit na People's Choice lang."

Ipinaling na lang ni Sunny ang tingin sa mahamog na tanawin sa labas at saka pumikit. Magkukunwari na lang siyang tulog para di makita ng nanay niya na nasasaktan siya. Lagi naman siyang di nakakaabot sa expectations nito.

Kinapa niya ang wallet at inilabas doon ang bituing papel na bigay sa kanya ng misteryosong lalaki. Hindi siya People's Choice pero may isang taong naniniwala sa kakayahan niya. Pero hindi na gaanong masakit ngayon ang panlalait sa kanya ng ina.

Magkikita pa kaya sila ng misteryosong lalaking iyon?