Biglang tumigil ang sasakyan. Nilingon niya ang driver na si Mang Estong nang marinig niya ang pag-ubo ng makina nang subukan nitong buhayin. "Anong nangyari? Bakit tumigil tayo dito?" angil ni Mary Margaret.
"Ma'am, itse-check ko lang po," sabi ng driver at bumaba ng kotse.
"Bilisan mo, Estong. Wala akong tiwala sa lugar na ito. Mukhang liblib at walang gaanong dumadaan. Baka mamaya may holdaper pa diyan," talak ng ina.
"Mom, highway po ito. Maraming dumadaan dito. Wala naman sigurong masamang mangyayari sa atin," aniya sa ina at bumuntong-hininga. Binuksan niya ang pinto ng sasakyan. "Maglalakad-lakad lang ako, Ma."
"Saan ka pa pupunta? Sunny, may pag-uusapan pa tayo," anang si Mary Margaret pero di na ito pinakinggan ng dalaga.
Kailangan niya ang ilang sandali para lumanghap ng sariwang hangin at ilang sandaling pahinga para di niya marinig ang litanya ng ina. Ang totoo ay di rin niya alam kung ano ang buhay na naghihintay sa kanya pagbalik ng Maynila. Gusto niyang kumuha ng trabaho o kaya ay magtayo ng photo studio. Inipon niya ang allowance na bigay ng ama at inilagak sa stock market noong mag-eighteen siya. Subalit natitiyak niya na di iyon sasang-ayunan ng ina. Mas gusto nitong pumasok siya sa kompanya na hawak ng ama. Ni hindi nito naisip na ang asawa ng ama niya ang presidente ng kompanya. Bilang respeto sa tunay na asawa ng ama, ayaw makabangga ito. Dahil sa loob ng mahabang panahon, wala itong ginawang masama sa kanilang mag-iina. She was graceful and classy. Ang gusto lang niya ngayon ay tahimik na buhay sa kanilang mag-iina. Malayo sa gulo at sa tunay na pamilya ng tatay niya.
Graduate na siya ngayon. She had the whole world ahead of her. Gusto niyang intindihin naman ang sarili niya at gawin ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya. Nagsisimula pa lang ang buhay niya pero pakiramdam niya ay nauubos na ang soul niya. Sana talaga pumayag si Mama na magbakasyon muna sa Amerika.
"Ma'am! Ma'am!" anang si Chacha at biglang hinatak ang braso niya.
"Chacha, ano ba? Muntik ko nang mabitawan ang camera ko," angal niya.
"E kasi..." Lumunok ito. "Doon kasi..."
"May ahas habang nag-CR ka sa damuhan?" tanong niya at tinaasan ng kilay ang nakabukas nitong zipper ng pantalon. "Isara mo nga iyan."
"H-Hindi ahas, Ma'am. Nakita ko na ang forever ko. Kuhanan ninyo ng picture."
"Forever agad-agad?" tanong niya. Ibang klase. Nag-CR lang pero nagka-forever na.
"Basta tulungan na lang ninyo ako, Ma'am. Ang guwapo kasi talaga nung lalaki na nag-aani sa bukid ng carrots sa baba," sabi nito at nagpapadyak.
"Pero si Mama..."
"Tinatalakan pa no'n si Mang Estong. E gusto ba ninyo na makinig pa sa pag-award-award niya o doon tayo sa forever?"
"Sa forever na lang," sagot niya. Diskumpiyado man pero sumama siya dito nang hilahin siya nito sa daan pababa ng bukid. Wala naman sigurong masama kung mapagbibigyan niya si Chacha dahil ito man ay nataranta sa mga drama ng nanay niya.
Tatlong taon na ring nagtatrabaho sa nanay niya si Chacha. Bantay sa resthouse ang nanay nito at nang maka-graduate ng high school ay nagmakaawa na isama ito sa Maynila dahil pangarap daw nito ang makatapak sa lungsod. Mabait naman si Chacha ay laging nakaalalay sa nanay niya. Pakonswelo na niya ito.
"Nasaan ba ang forever mo?" tanong niya sa babae.
"Iyon! 'Yung naka-gray na hoodie," anito at itinuro ang lalaki na may buhat na isang kaing na carrot. "Kuhanan mo na."
Medyo madilim at may anino ang mukha ng lalaki dahil may kalayuan pero ginamit niya ang zoom ng camera. Guwapo ito at mukhang pamilyar sa kanya. Lumapit siya habang patuloy ang pagkuha ng larawan. Mukha naman silang mga turista na namamasyal lang at walang kamalay-malay ang mga trabahador doon na isa sa mga ito ang puntirya ng camera niya.
Bakit pamilyar ka sa akin? Parang nakita na kita.
Ibinaba ng lalaki ang kaing ng carrot sa mismong sasakyan. Nahigit ni Sunny ang hininga nang sa wakas ay nakita ang mukha ng lalaking naka-gray hoodie - ang misteryosong lalaki sa art exhibit. My shining star.
Sunud-sunod ang pagkuha ni Sunny ng larawan. Sa wakas ay nagkita ulit sila. Titiyakin niya na hindi ito makakawala sa kanya.
Akmang lalapitan niya ito para makausap at magpakilala nang tawagin sila ni Manong Estong. "Ma'am, aalis na daw tayo sabi ni Madam Margaret," sabi niya.
"Manong, sandali lang po. 'Yung forever ko," angal ni Chacha. "Kukunin ko lang ang pangalan, address, phone number at suking tindahan."
Napakamot ang matandang lalaki. "E pare-pareho tayong malilintikan kay Madam. Ikaw ang magpaliwanag sa kanya."
"Halika na nga," susukot-sukot na sabi ni Chacha at naglakad palayo. "Sayang talaga ang forever ko."
Magpo-protesta pa sana si Sunny pero wala siyang nagawa nang marinig ang sigaw ng nanay niya mula sa taas ng kalsada. Mariin siyang pumikit. Ayaw niyang sa ganitong pagkakataon sila muling magkahanap ng misteryosong lalaki. Hindi si Chacha ang forever nito kundi siya. Magkikita pa ulit sila ng lalaki. Naniniwala siya sa tadhana sila ng lalaking iyon ang para sa isa't isa.