Chapter 45 - Chapter 7

Walang balak si Sunny na idilat ang mata niya kahit na malakas ang katok sa pinto. Umungol lang siya. Kung anuman ang ingay na iyon, siguro naman ay mawawala rin at maitutuloy na niya ang masarap niyang tulog.

Pagod na pagod siya. Isang linggo siyang tumulong sa paglilipat ng ina niyang si Mary Margaret sa condo ng kapatid niya. Hindi madali para sa nanay niya ang transition dahil sanay ito sa bahay at resthouse nila na may malawak na hardin at magandang view. Ngayon ay nagrereklamo pa ito na matipid ang three-bedroom apartment ng kuya niya.

Nagawa lang niyang iwan ang ina nang matiyak na may mga kaibigan ito na kasama nito sa mga social activities gaya ng zumba at pagsu-swimming. Bukod kay Chacha ay naroon din ang househelp ng kapatid niya na kasa-kasama ng ina.

Bumiyahe siya sa Baguio at inayos ang mga gamit sa apartment na tinutuluyan niya kasama ang kaibigang si Mea. Di iyon kalayuan sa photo and events studio na pag-aari ng pamilya nito. Isa na rin siya sa mga staff doon at magagamit niya ang pagiging photographer.

A new city. Her first job. Start of a new life.

Pero bago ang lahat ng simula, kailangan muna niyang makabawi ng tulog. At ang plano lang niya ay matulog nang matulog maghapon.

"Sunny, gumising ka diyan! Please wake up!" sigaw ng kaibigan niyang si Mea at patuloy pa rin sa pagkatok.

Umungol si Sunny pero di bumangon. "Bakit? May emergency ba? Sunog? Lindol? Landslide?" may kalakasan niyang tanong. Kung may anumang sakuna, magta-tumbling na lang siya palabas ng bintana pero dadalhin niya ang unan at kumot niya para makapagpatuloy sa pagtulog.

"Oh! Not that disastrous."

"Then let me sleep. Maawa ka na," aniya at isinubsob muli ang mukha sa unan.

"No. Wake up. This is an emergency just the same. Buksan mo na agad," anitong may pagkataranta na sa boses. "Hindi naman kita aabalahin kung hindi ito importante."

Bumilang ng lima si Sunny habang nakatitig sa kisame at hinintay na mawala ang hilo niya bago siya bumangon at binuksan ang pinto. "Bakit ka natataranta? Buntis ka ba?"

"Silly. I am serious here. Have you checked your Facebook account lately?"

"Uhmmm... Wala akong oras. Ultimo tulog nga wala akong oras. Ngayon pa lang ako nakakabawi." Hindi rin naman siya mahilig sa social media. Ang huling beses na nag-post siya ay nang i-upload niya ang mga huling pictures niya sa Cordillera.

"Open it. Check your account. Dali."

"Bakit? Na-hack ba ako?"

Problema na ngayon ang hacking lalo na kung gagamitin sa kabulastugan ang isang account. Wala man siyang gaanong kaibigan sa social media pero may reputasyon din naman siya na kailangang pangalagaan. Ayaw niyang dagdagan na naman siya ng kapintasan at sisihin na naman siya ng nanay niya.

"Basta!" At kinaladkad siya nito sa harap ng computer nito at pilit na pinaupo. Ganoon ba ka-urgent ang sitwasyon na hindi man lang siya nito hinayaan na magsuklay o magmumog man lang.

Halos nakapikit pa siya nang mag-log in dahil sa antok. Nagulat na lang si Sunny nang makitang ang karaniwang zero niyang notification dahil wala naman siyang kaibigan halos sa Facebook at wala siyang hilig mag-upload ay sumasabog na.

"A-Anong nangyayari?" naguguluhan niyang tanong at tiningala ang kaibigang si Mea.

"Buksan mo ito! Dali!" At itinuro ang notification na nagsasabing may nag-comment sa picture niya at nagtatatalon pa.

Nang buksan niya ay picture iyon ni Shining Star habang nagbubuhat ng carrots at napapalibutan ng fog. Saka niya nabasa ang comment ng mga tao na di naman niya kilala sa picture niya. Ni hindi nga related sa kanya.

Gosh! Ang guwapo ni Carrot Man?

Sino siya?

Saan siya matatagpuan?

Hahanapin ko siya at iuuwi sa bahay.

Akin lang si Carrot Man!

Nakikiusap ako, Miss Photographer. Sabihin mo kung saan siya nakikita.

Napanganga si Sunny dahil umabot na sa dalawang daan ang comment sa kanya. Nanggilalas siya nang makita ang likes sa picture.

"Twenty thousand likes para lang sa picture niya na nagbubuhat ng carrots?" nakatigagal niyang usal. Kumurap siya ng ilang beses. Di kaya nagkakamali lang ang Facebook? Marami siyang magaganda at mas artistic na picture pero maswerte nang makakuha siya ng beinte na likes.

"Wow! Twenty thousand likes," usal niya.

"At two hundred shares," aniya at kumurap-kurap.

"Wow!"

"Yes, your Carrot Man is now viral! He is a sensation."

"Carrot Man?" usal niya.

"Yes. Iyan ang tawag sa hot na kargador ng carrots. Now everyone wants a piece of him. Grabe! This is great. Sikat na sikat na siya. Basahin mo ang mga comments sa kanya. Gusto na siyang kuning artista."

Kinusot niya ang mga mata. "Totoo ba ito?"

"Oo naman. Kahit sampalin pa kita ngayon. Ang swerte-swerte mo naman sa lalaking iyan. Sikat ka na rin ngayon."

Hindi pa rin nagsi-sink in sa kanya ang nangyayari. Siya ang taong di mahilig sa kasikatan. Siguro dahil na rin laging tinatago sila ng ama dahil second family lang sila. Pero dahil kay Carrot Man ay nasa kanya na ang atensyon ng mga tao.

"Parang weird lang na dinudumog ang account ko," usal ni Sunny at pinanood na lang ang sunud-sunod na pagpasok ng comments at notification sa kanya.

"Akala ko talaga noong una multo lang siya o figment ng imagination mo. Ngayon sikat na sikat na siya. Oo. Pero wala pa ring nagsasabi ngayon kung sino siya. Sagutin mo na kung sino si Carrot Man," may bahid na iritasyong sabi nito at itinulak pa ang balikat niya.

"I... Hindi ko alam kung sino siya. Dalawang beses lang kami nagkita. Noong una, hindi ko naitanong ang pangalan niya. Nawala na lang siya na parang bula sa exhibit, hindi ba? Tapos nitong huli ko naman siya nalapitan at nakausap. Hindi nga niya alam na kinuhanan ko siya ng picture."

Magaan nitong sinabunutan ang buhok niya. "Nakakainis ka naman! Ang hina mo talaga sa boys kahit na kailan."

"Aray naman!" angal niya at tinabig ang kaibigan.

Sarili naman nito ang sinabunutan nito. "Nandoon na. Chance mo na. Pinakawalan mo pa! Hindi ko alam ang gagawin sa iyo, Sunny."

"Sorry naman. Lalapitan ko na sana siya para magpakilala pero tinawag na kami ni Mama. Nataranta na ako at bumalik sa kotse. Sa palagay mo ba matutuwa iyon kapag nalaman niyang kinausap ko ang isang kargador lang ng carrots? No. She would raise the roof. Pakiramdam niya nakakababa ng pagkatao kapag nakipag-usap ako sa mga taong simple lang ang buhay."

"Nakilala mo naman sa photo exhibit."

"Para namang may pagkakaiba iyon kay Mama. Gusto niya tipong doktor, abogado, business tycoon o kaya prinsipe ang love interest ko."

"Well, malayo nga naman sa kargador ng carrots na gusto niya para sa iyo. Pero di na siya ordinaryong kargador ng carrots. He is now an internet sensation." Humalukipkip ang babae. "Anong gagawin mo ngayon? Marami nang nagtatanong sa iyo kung sino siya a gusto siyang mahanap. Naku! Marami ka nang karibal. Lalo na kapag sumikat iyan. Lubog ka na, girl."

"I... I don't know. Pero ako pa rin ang kumuha ng picture niya, di ba? Sa palagay mo ba magkikita kami?"

"Hihintayin mo siyang lumapit sa iyo? Fine. Conservative ang peg. Tingnan mo baka may message siya."

Bago pa siya makagalaw ay ito na ang nakialam ng message sa kanya. Pero puro lang inquiries tungkol kay Carrot Man ang mga tanong sa kanya at kung paano daw ito makikilala, makakausap o makaka-date.

Makalipas ang may kalahating oras na pagbabasa ng message at pagse-search ay kumalam na ang sikmura ni Sunny. "Kakain muna ako. Para namang walang Facebook 'yang si Carrot Man."

"Kapag ba may TV station o diyaryo na gusto kang ma-interview, ibibigay ko ang number mo?" tanong nito at nilingon siya. "Sasabihin ko na rin sa mga nagtatanong sa iyo tungkol kay Carrot Man na boyfriend mo na siya?"

Umikot lang ang mga mata niya at nagsandok ng kanin at Vigan longganisa. Gusto lang naman niyang i-post ang magagandang shots niya pero di niya inaasahan na makikilala at maa-appreciate ng marami ang Shining Star niya. Paano na ito?