Chapter 41 - Chapter 3

NATIGILAN si Sunny at nilingon ang nagtanong. Tatarayan sana niya ang lalaki at sasabihing wala itong pakialam kung umiyak man siya pero natigilan siya nang makita niya ang pag-aalala sa mga mata nito. His sincerity was genuine. Hindi katulad ng mga usyosero o impakto sa paligid na masaya kapag may miserableng taong nakikita. She had never seen such kind and beautiful eyes before. As if he was speaking to her soul.

Maliit lang ang mukha ng lalaki. Lalo pang lumiit iyon dahil sa mahaba nitong buhok na umabot sa balikat. Matangos ang ilong nito.

"Miss," untag ulit nito sa kanya at lumabas ang dimples ng lalaki.

Dimples! Nang mga oras na iyon ay parang nalaglag sa Philippine Deep ang puso ni Sunny. Natriple ang kaguwapuhan ng lalaki dahil sa malalim na dimples nito. Nakakita na rin naman siya ng guwapo dati pero ngayon lang siya natulala ng ganito.

"Ano ulit ang sinasabi mo?" nausal na lang ng dalaga. Hindi na kasi niya maalala kung ano ang tinatanong ng lalaki sa kanya.

"Sabi ko bakit ka umiiyak?" tanong ulit ng lalaki.

"Ano... Kasi..." Bakit nga ulit siya umiiyak? Strike two na siya sa pagiging makakalimutin mula nang kausapin siya ng lalaking ito.

Subalit personal na ang itinatanong nito. Ayaw naman niyang mag-open up tungkol sa pamilya niya lalo na sa isyu ng nanay niya. Mas sanay siya na ilihim sa ibang tao ang sekreto niya. Para sa mga kaibigan niya ay normal ang buhay nilang pamilya.

"Excuse me," sabi ng lalaki nang di agad nakasagot si Sunny at biglang umalis.

Natigagal si Sunny habang nakatingin sa likod ng lalaki. Anong nangyari? May ginawa ba akong mali? O baka naman ayaw niyang kausap ang babaeng maraming drama sa buhay.

Bakit kung kailan ako nagdadrama saka may ganoon kaguwapong lalaki na makakatabi ng guwapong lalaki? Wala siguro akong poise. Napasinghot siya. Sabi ni Mommy pangit pa mandin ako kapag umiiyak kaya nga di niya ako pinag-artista.

Lalo siyang napahagulgol ng iyak. Wala na ba siyang kaligayahan sa araw na ito? Wala bang pwedeng magpasaya sa kanya?

Nagulat na lang siya nang biglang may sumulpot na tissue sa harap niya. "Here," sabi ng lalaki at inaabot ang picture sa kanya.

"Bumalik ka," nausal niya. Hindi siya makapaniwala na binalikan siya ng lalaki. Mas sanay kasi siya na iniiwan na lang ng ibang tao kapag kailangan niya.

"Kumuha ako ng tissue," sabi nito.

"Para saan?" tanong niya.

"Wala akong dalang panyo para ipahiram sa iyo. Kaya tissue na lang. Baka kasi akala ng ibang tao pinaiyak kita," anang lalaki at iginalaw nang bahagya ang kamay na may hawak na tissue. "Kunin mo na. At uminom ka ng tubig."

Kinuha niya ang tissue at pinahid ang luha. Tinungga din niya ang kopita na may lamang tubig. And she never felt better. "Thank you."

"Bakit ka ulit umiiyak?" tanong ng lalaki. "Niloko ka ba ng boyfriend mo? Ipinagpalit ka sa iba?"

"H-Hindi. Wala akong boyfriend. Ano..." Itinuro niya ang picture. "Nakakaiyak kasi ang picture."

Ikiniling ng lalaki ang ulo at muling pinagmasdan ang larawan. "This is a happy picture. Anong nakakaiyak?" tanong ng lalaki at ibinulsa ang kamay sa pantalon nito.

"N-Nakaka-touch kasi," aniya at sinapo ang didbib. "Mahirap lang ang pamilya nila pero masaya sila. She is a single mother. Pero handa siyang gawin ang lahat para sa mga anak niya. Kahit wala silang kayamanan, masaya sila sa simpleng buhay. Nagmamahalan. Wala siyang mataas na expectations sa mga anak niya. Basta makatapos lang ng pag-aaral handa niyang itaguyod."

"You are the photographer?" manghang tanong ng lalaki.

Biglang lumikot ang mga mata niya. Sasabihin ba niya dito ang totoo? Baka kasi laitin lang siya nito kapag nalaman na siya ang photographer. "H-Hindi..." kaila niya habang nakatitig sa kisame.

"You are the photographer. Huwag kang mahiya. This is a beautiful and touching picture," sabi nito at muling pumihit paharap sa picture.

Maganda? Touching? Binobola ba niya ako?

"Hindi siguro. Wala nga ako kahit isang star. Walang may gusto sa gawa ko," anang si Sunny sa pilit na pinatatatag na boses. Di naman siya nagpapaawa dito.

"Ako. Gusto ko ang entry mo."