Humanap ng bakanteng pwesto si Paloma habang nakatingin sa screen kung saan mapapanood nila ang mga auditionees na aakyat ng stage. Malaka ang kaba ni Paloma para kay Jeyrick. Parang mas kinakabahan pa nga siya para dito kaysa sa sarili niya. Ang alam niya ay di sanay si Jeyrick na humarap sa mga tao.
Pero pinilit niyang mag-audition para makasama ako.
"Your name?" tanong ng judge na si Leliosa na isang Pinay na sikat sa Broadway.
"Jeyrick Sigmaton, eighteen years old po mula sa Mountain Province."
Sa hudyat ng judge na simulan ni Jeyrick ang pagpe-perform ay tinipa nito ang gitara. "San layad ko ken sik-a. Isnan biag ko wada kay man-is-isa."
"Anong kanta iyan? Igorot song? Di siya mapapasok diyan." Pinagtawanan lang ito ng tiyahin niya. Kahit ang mga judges ay nagkunutan ang noo dahil hindi pamilyar sa mga ito ang Igorot love song.
Subalit iba naman ang reaksyon ng mga audience. May nagpalakpakan at naghiwayan pa. Kahit ang mga nasa waiting area ay mukhang naaaliw din sa piyesang pinili ni Jeyrick. Paloma was mesmerized. Kahit di niya naiintindihan ang kanta ni Jeyrick, parang kinakausap siya nito sa puso. His voice was soothing to the ears, touching her soul. Iyon ang musika na mula sa puso. Parang kinakausap ka kahit anong lengguwahe pa iyon.
Sa huli ay binigyan ng standing ovation ng judges pati na rin ng audience. Maging si Paloma ay tumayo at naluluha nang palakpakan ang binata. His song was beautiful. He was beautiful. At least alam na niyang ang laylaydek sik a ay hindi goodnight. It was a song for her.
"What? Standing ovation? I can't believe it. Wala bang taste ang mga judges na iyan?" angil ng tiyahin.
"Tita, please. Nakakahiya sa mga tao. Di ba pwedeng maging masaya na lang tayo para kay Jeyrick?"
"Dapat mas galingan mo sa kanya," bilin ng tiyahin niya.
"Paloma Escalante," tawag sa kanya ng PA at inabot ang gitara ni Jeyrick. "Ipinabibigay nung isang contestant."
"Aanhin mo iyan?" tanong ng tiyahin. "Hindi mo kailangan iyan."
"Kung magtatanong po ng iba pang talent ang judges, magandang maipakita ko sa kanila kung ano po ang kaya kong gawin. Kung saan po ako komportable."
"Siya na po ang susunod na sasalang," sabi ng production assistant.
Mahigpit ang hawak ni Paloma sa gitara nang maglakad sa entablado. Bahagya siyang nanlamig nang makita ang maraming tao at ang sikat na judges. Crush pa mandin niya ang rock star na naging record label producer na si TJ Javellana.
Focus, Paloma.
"Hi! I'm Paloma Escalante, seventeen years old," pagpapakilala niya.
"What will you sing for us?" tanong ni TJ.
"An original piece. Hindi ko po magagamit ang original na audition piece ko dahil..." Tinapik niya ang lalamunan.
"Ikaw ang nag-compose?" tanong ng isa pang judge na si Randall.
Tumango siya. "Para po ito sa kaibigan ko. Hindi ko ito nakanta noong birthday niya." Pumikit si Paloma at in-strum ang gitara.
You and me underneath the stars
Sharing dreams, having fun
Her voice was throaty. Bahagya siyang nag-panic dahil baka sumabit ang nota niya pero sinabi ni Jeyrick na mahalaga na may puso ang kanta. Na kumanta siya mula sa puso niya. The rest will follow.
Si Jeyrick. Kumakanta siya para kay Jeyrick. Nabuo at natapos niya ang kantang iyon at nakakanta niya sa harap ng maraming tao dahil dito.
Nang dumilat siya ay nakita niya na nagwe-wave ang mga tao at sinasabayan ang pagkanta niya. They were enjoying it. Kahit ang mga hurado ay puno ng interes habang pinapanood siya.
Mapasok man siya sa contest na iyon o hindi, alam niya na hindi iyon ang katapusan ng mga pangarap niya.
"Don't leave me, be my star," pagtatapos ni Paloma sa kanta at nagpalakpakan ang lahat. Tumayo rin ang mga judges. It was her song. They appreciated it. Hindi niya kailangang bumirit katulad ni Mariah Carey. Unang beses na nangyari ito sa buhay niya. Di pa man, parang nanalo sya ng isang milyon.
"You are one step forward to being a star," deklara ni TJ Javellana.
Naluluha na nagpasalamat at yumukod si Paloma. Paglabas ng stage para sa mga contestant na napasok ay nakaabang na si Jeyrick sa kanya. Niyakap agad niya ito. "Pasok ako! Jeyrick, pasok ako. Pasok tayong dalawa."
"Tsamba lang iyong akin. Ikaw talaga ang star. Kinanta mo ba talaga ang kanta na iyon para sa akin?"
Tumango siya. "Kakantahin ko sana noon birthday mo. Di nga lang natuloy."
"Thank you. Wala pang nag-compose ng kanta para sa akin."
"Pareho tayong pasok sa next round. Ibig sabihin mas madalas tayong magkikita. Naisip mo ba na magkakasama tayo sa Maynila kapag nakapasa pa tayo sa susunod pang round? Mas malayo ang mararating natin."
Napakamot sa ulo si Jeyrick. "Hindi ko maipapangako."
Ginagap niya ang kamay nito. "Subukan mo. Magkakasama na tayo sa Manila. Matutulungan mo na ang pamilya mo. Malay mo pumayag na si Tita Bevz na magkita tayong dalawa lalo na kapag sikat ka na. Ayaw mo ba no'n?"
"Susubukan ko."
Tinawag na si Paloma ng tiyahin. "Paloma, let's go!"
"See you sa next round ng competition?" tanong ni Paloma kay Jeyrick at inabot dito ang gitara.
Nakangiting tumango si Jeyrick. "Yes. See you."
Kumapit siya sa braso ng tiyahin. "Tita, practice po tayo." She was more inspired than ever.