Chapter 35 - Chapter 33

MABILIS ang pagtapik ni Paloma sa paa niya habang nasa waiting room. Natetensiyon siya habang nasa waiting area at hinihintay na ipatawag ng mga judges sa singing competition na Ikaw ang Star. Mula sa pumasa sa first round of audition ay haharap sila sa celebrity judges. Mula sa isang daang pumasa ay pipili ng dose na ipapadala sa Maynila para makalaban ang iba pang kalahok mula sa iba't ibang rehiyon ng Pilipinas. Malapit na niyang matupad ang mga pangarap niya. Pero naroon pa rin ang takot sa puso niya na baka hindi siya mapasok sa kompetisyon. Maraming magagaling. At nag-aalala siya na baka gaya ng ibang nasalihan niyang contest ay hindi siya nakakabilang sa pinakamagagaling.

Mariin siyang pumikit habang naririnig sa isipan niya ang boses ng Tiya Bevz niya. Kapag hindi ka pa nakapasok dito, ano nalang ang mangyayari sa atin? Mawawala na tayo ng bahay. Mawawala pa ang bar. Paano na kayo mag-aaral ni Bernardo sa magagandang eskwelahan ninyo ngayon? Mawawala ang lahat ng magagandang bagay na mayroon kayo ngayon. Magiging mahirap na tayo.

Malaking responsibilidad ang nakaatang sa balikat niya. Na parang siya na lang ang pwedeng sumagip sa pamilya niya. Ang tiyahin na lang at ang pinsang si Bernardo ang pamilya niya. Iniwan siya sa mga ito ng nanay niya noong sampung taong gulang na siya at di na siya binalikan. Di rin niya kilala kung sino ang kanyang ama.

Habang hiwalay naman ang tiyahin niya sa asawa nitong direktor. Binuhay sila ng tiyahin sa pagiging singer nito sa mga hotel at bar. Nagtayo din ito ng sariling bar subalit nang nakaraang taon lang ay nalugi iyon dahil nagkaproblema sa IRS ang business partner nitong nasa Amerika.

Hirap na itong humanap ng mapapasukan dahil marami nang mas maganda at mas batang performer dito. Ang tanging pag-asa na lang ng tiyahin ay maging sikat siyang mang-aawit at magkaroon ng exposure sa telebisyon. Mas maraming oportunidad ang magbubukas sa kanya lalo na kapag nakarating siya sa Maynila

Pakiramdam niya kapag di siya nakapasok sa susunod na round ay tuluyan nang masisira ang pamilya niya at pangarap.

Napapitlag siya nang may humawak sa balikat niya. "O! Tensiyonado ka na naman."

"Jeyrick!" aniya at awtomatikong ngumiti.

"Bumili lang ako ng pagkain natin tapos anu-ano na naman ang iniisip mo," nakakunot ang noo na sabi ng lalaki.

"Kinakabahan kasi ako. Paano kung hindi ako makapasa?" Paano kung magkalayo na tayong dalawa? Paano kung hindi na tayo magkita?

Inabutan siya ng binata ng carrot cake. "O! Kumain ka muna. Paborito mo iyan."

Nagsalubong ang kilay niya. "Carrot cake? Alam mo na bawal sa lalamunan ko ang..."

"Kailangan mo ng reward. Magaling ka sa audition kanina. Di ba maganda naman ang comment ng judges?" tanong nito sa kanya.

"Oo. Pero may mga sabit din naman ako. Nakaalalay ka lang sa akin kaya maganda ang performance natin."

Kinuha nito ang carrot cake sa kanya at inilapit sa bibig niya. "Kagat."

Bumukha ang bibig niya dahil gusto pa niyang ipaliwanag dito ang alalahanin niya pero sa huli ay kumagat siya ng carrot cake gaya ng utos nito. Saka niya na-realize na gutom pala siya. Kinuha niya ang carrot cake mula sa binata at siya na mismo ang sumubo. Di na siya kumibo habang kumakain at inabutan siya nito ng tubig. Habang siya ay kinakabahan ay prenteng-prente lang si Jeyrick na parang di ito kasali sa kompetisyon.

"Hindi ka ba kinakabahan sa resulta?" tanong niya dito.

Umiling ito. "Hindi. Kumanta na ako. Bahala na ang mga judges sa akin. Nagawa ko na ang parte ko at dapat ganoon din ang gawin mo."