Chapter 33 - Chapter 31

"HUWAG mo akong ipapahiya, Paloma. Baka pati kliyente sa bar natin di na magbalikan. Baka mas mapabilis ang pagbagsak natin," mariing bulong ni Tita Bevz sa dalaga habang nasa waiting area sila para sa audition ng You're A Star.

"Opo, Tita," mahinang sagot ng dalaga.

Madaling-araw pa lang ay nakapila na si Paloma. Mas gusto pa sana niyang matulog para ipahinga ang lalamunan niyang gasgas na pero gusto ng tiyahin niya na naroon na sila bago pa magbukas ang SM Baguio. Pero mas marami nang nauna sa kanila sa pila. Marami ang naghahangad na maging sikat na singer.

"Ingatan mo ang sharp at flats mo. Tiyakin mo na makakapag-whistle ka katulad ng kay Mariah."

Through the Rain ang napiling audition piece ng tiyahin niya. Pinilit siya nito sa piyesang di niya kaya pero panlaban daw sa kompetisyon. Mas bagay sa kanya ang soul o kaya ay bossa nova pero mas nananalo daw ang bumibirit sabi ng tiyahin. Kaya naman ilang araw silang practice nang practice. Dama na ni Paloma na napupwersa ang lalamunan niya pero sinabi ng tiyahin na bilang isang professional ay wala siyang karapatan na umangal. Pangangatawanan daw nila ang piyesa.

Nagpaalam siya sa tiyahin para kumuha ng tubig sa water dispenser. Uminom siya at tumikhim nang ilang beses. Kung ganito ang lalamunan niya at pareho pa rin ang piyesa niya, tiyak na hindi siya makakapasok. At madidismaya na naman sa akin si Tita Bevz. Kailangan na niyang maghanap ng ibang trabaho kung tuluyan nang ipapasara ang bar. Saan kami lilipat ng bahay?

"Maganda itong gelatin sa lalamunan mo para mabawasan ang sakit."

"Jeyrick?" usal niya at lumingon. "Hey!" Pumiyok pa siya sa sobrang excitement na makita ito. Madalang kasi ang ganitong pagkakataon na nagkakausap sila nang harapan. Parang napakatagal nilang di nagkita kahit na araw-araw silang nagtatanawa sa klase. "Anong ginagawa mo dito?"

"Sabi sa akin na sumali ka kaya nag-audition din ako. Ito lang ang chance na makalapit ako sa iyo," sabi ng binata. Kumuha ito ng orange flavored gelatin. "Alam ko na paborito mo ang flavor na ito."

Tinanggap niya iyon. "Bakit alam mo na masakit ang lalamunan ko? Di ko naman sinasabi sa iyo."

"Iba na kasi ang boses mo noong nakaraang araw na magkausap tayo. Sabi ko naman sa iyo alalayan mo ang boses mo."

Hinawakan niya ang lalamunan. "Si Tita kasi ipinipilit sa akin 'yung piyesa na gusto niya. Kinakabahan ako, Jeyrick. Di ako sigurado sa piyesa ko. Hindi naman talaga bagay sa akin ang Through the Rain ni Mariah Carey."

"Huwag mong pilitin kung di mo kaya."

"Iyon lang ang kanta na meron ako."

"May gitara ako." Tinapik nito ang gitaran nakasabit sa balikat. "Yung original na kanta mo."

"Mapapasok ba ako doon?" tanong niya. Di pa nga naririnig ni Jeyrick ang buong kanta kaya paano ito nakakatiyak na mai-impress niya ang judges.

"Di mo kailangang bumirit doon. Di mapapagod ang vocal chords mo. Just sing from the heart. Sa kahit anong pagkanta, kahit gaano ka ka-teknikal, walang mangyayari kung hindi galing sa puso."

Parang nagliwanag ang paligid ni Paloma. Animo'y nawala ang bigat ng dibdib niya. Her song. Isang kanta na hindi nangangailangang pilitin kapag kinanta niya. Kailangan lang niyang gamitin ang natural na boses niya at manggaling sa puso niya ang kanta. It was enough. At sa unang pagkakataon ay nawala ang kaba niya sa isang audition. As if she found her niche.

Pinisil niya ang pisngi ni Jeyrick. "Ang galing mo talaga."

"O! Huwag nang magsalita. Ipahinga mo na ang boses mo. Okay?"

Tumango siya. "I'm glad you are here." All she needed to do was block out her aunt's nagging voice. Ang mga instruction niya ang nakaka-distract sa kanya madalas. Gusto lang niyang mag-focus sa kanta niya... at kay Jeyrick.

"Bakit nandito ka? Sabi ko sa iyo layuan mo ang pamangkin ko," matalim na sabi ni Tita Bevz nang lapitan sila.

"Nandito po ako para mag-audition," sagot naman ni Jerick.

"As nuisance contestant siguro. As if may talent ka. Gagawin mo lang kahiya-hiya ang sarili mo, hijo."

"Lahat po kami sumusubok dito, Tita," katwiran naman ni Paloma. Kahit siya mismo ay di nakakatiyak kung makakapasok.

"May problema po ba dito?" tanong ng production assistant.

Umiling si Tita Bevz. "Wala. Nagkukwentuhan lang kami."

Itinuro nito si Jeyrick. "Jeyrick Sigmaton. Malapit ka nang sumalang."