Kinalabit ni Paloma ang gitara. "Pagod na kasi ako na laging iniiwan. Di ko alam kung sino ang tatay ko dahil umalis siya malamang buntis si Nanay sa akin. Kahit nanay ko hindi ako natagalan. Iniwan din ako at di na binalikan. Kayo na lang ang nag-stay sa akin ni Tita. Buti nga di pa ninyo ako itinatapon."
"Alam ko naman na may kulang pa sa buhay mo. Kahit na nandito kami ni Mama at lagi mong sinusunod ang lahat ng gusto niya, di ka pa rin masaya."
"Siguro may hinahanap lang ako na koneksyon. "Gusto ko lang ng taong makakaintindi sa akin." Alam niyang mahal siya ng tiyahin pero parang may lubid na nakatali sa leeg niya na sumasakal sa kanya tuwing may mga utos at restrictions iyon. At si Jeyrick ay hindi isang tali na sumasakal sa kanya. "Gusto ko ng tao na pinakikisamahan ko dahil gusto ko siya at di pinili ni Tita dahil siya ang makakatulong sa atin para di bumagsak. Kay Jeyrick di ko iisipin kung mayaman ba siya o mahirap basta magkasundo kami. Naging mas mabuti akong tao dahil na-inspire ako at hindi dahil may magandang koneksyon siya. Kay Jeyrick sapat na ang pagsisikap niya para ma-inspire din ako."
Nagpapadyak ang pinsan. "Ah! Kinikilig ako. Gusto ko rin ma-inspire. Na magkaroon ng kaibigan na mag-aangat sa akin at hindi ako hihilahin pababa. 'Yung mga pinili ni Mama na kaibigan ko backstabber naman. Palibhasa mas fab ako sa kanila kaya sinisiraan ako sa iba."
Masaya siya dahil nauunawaan siya ng tiyahin. Pero pareho naman silang nasasakal na ni Bernardo minsan pero ano naman ang magagawa nila? Para sa tiyahin niya ay ito lang ang tama. Wala silang karapatan na magprotesta. Mga bata pa nga sila pero mahirap dayain ang nararamdaman.
Pinisil niya ang balikat ng pinsan. "Makakahanap ka rin ng taong maa-appreciate ka kung sino ka talaga." Isang tao na gugustuhin nitong ipaglaban kahit na kanino gaya kay Jeyrick.
"Ate, paano ka pala makakaalis para pumunta sa birthday ni Jeyrick? Alam niyang wala kang pasok ngayon at hindi ka pwedeng gabihin."
"Magpapaalam ako. Sasabihin ko na may group project ako," sabi niya. "Basta ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko ng sekretong ito."
Tumango ang pinsan niya. "Mapagkakatiwalaan mo ako, Ate. Di naman ako katulad ni Diday na tsismosa. Ikaw lang din naman ang kakampi ko kapag sinasabi sa akin ni Mama na subukan ko daw munang maging tunay na lalaki at ligawan ko ang anak ng amiga niya na may crush sa akin. Gustong-gusto daw kasi ako ng amiga niya. Di ko kaya, ate." At nagkunwari itong naduduwal.
Hinaplos niya ang likod ng pinsan. Isa sa dahilan kung bakit sunod siya nang sunod sa tiyahin dahil ayaw niyang mapagbuntunan nito ang pinsan. Nakakaranas pa rin ng diskriminasyon ang mga miyembro ng LGBT community ngayon. Pero mas mahirap para hingin sa kinse anyos niyang pinsan na itago ang pagkatao para lang sa koneksyon at kayamanan. Hindi na tama.
"Basta galingan natin na mag-aral. Ipakita natin kay Tita na kaya nating magsikap sa buhay. Na di natin kailangang umangat dahil lang kung sino ang kaibigan nating mayaman o maimpluwensiya."
Hinawakan ng pinsan niya ang kamay niya. "Pagbubutihan ko talaga para hindi na kumontra si Mama sa love story ninyo ni Kuya Jeyrick. Iyon man lang mairegalo ko sa birthday niya. At aayusan din kita para maganda ka sa paningin niya."
"Huhulas din iyan kapag tumulong akong magluto at mag-decorate. Saka okay lang naman kay Jeyrick na wala akong make up. Maganda pa rin ako."
"E di ikaw na ang pinagpala, Ate. Ako na ang bahala kay Mama. Sasabihin ko na may group project kayo."
Niyakap niya ang pinsan. Hindi madali ang pinagdadaanan nila para sa murang edad. Kailangan nilang ipaglaban ang kalayaan nila at pagkakakilanlan. At mas mahirap iyon kung ang mismong magulang o tumatayong magulang ang sumasalungat sa kalayaan na iyon. Pero kailangan nilang manindigan. Gusto niyang I-enjoy ang kaligayahan at kalayaan na nararamdaman niya ngayon. Animo'y isang ibon na malaya sa hawla niya.
"SIGURADO ka ba na tutulong ka sa amin, hija?" tanong ni Lolo Pio kay Paloma. Pinsan ito ng lolo ni Jeyrick kung saan ito tumutuloy. "Sabi kasi sa amin ni Jeyrick ay prinsesa ka daw. Di ka daw dapat napapagod o nahihirapan."
Natawa ang dalaga. Nasa kusina sila kasama ang pamilya Cupasan na kamag-anak ni Jeyrick at tumutulong sa pagbabalat ng patatas katulong si Lola Jafe Mary na lola ni Jeyrick. Si Lolo Pio ay pinsan ng tunay na lolo ni Jeyrick sa ama. Sa mga ito rin tumutuloy si Jeyrick habang nasa Baguio at tumatayong guardian ng binata. Pati ang tiyuhin ni Jeyrick na si Jensen ay naroon din at nagluluto ng pinikpikan. Ayaw nga ng mga ito na lolo at lola dahil tatanda daw ang mga ito.
"Naku! Hindi naman po ako prinsesa. Marunong naman po akong magtrabaho sa bahay." Nilingon niya si Rjan. "'Di ba marunong naman akong magluto?"
"Ay, opo, Lolo!" sabi ni Rjan na naghihiwa ng sayote na isasahog sa pinikpikan. "Nanibat pa iyan ng isda sa ilog. At kaya pa niyang magbuhat ng isang kabang bigas mula Chupac hanggang Ogo-Og."
Pinanlakihan niya ng mata ang lalaki. "Sira ka talaga. Baka mamaya maniwala sila sa iyo."
"Si Jeyrick naman kasi ang overprotective sa iyo. Pero ikaw game na game sa kahit ano." Humaba ang nguso ni Rjan. "Hindi ka tulad 'nung kaibigan mo. Akala ko naman magbabago na pagkagaling sa Kadaclan pero bumalik na ang pagkasuplada pag-uwi ng Baguio. Akala mo hindi ako kilala. Inirapan pa ako kahapon. Ako na nga itong ngumiti sa kanya."
"Masama lang loob no'n kasi sa inyo ako ni Jeyrick sumasama at hindi na sa kanila," sabi niya sa kaibigan.
Nag-uusap pa rin sila ni Jimarah pero iniiwasan na nilang pag-usapan ang pagiging malapit niya kay Jeyrick at RJan. Ilang beses din siya nitong niyaya na sumama sa grupo pero tumanggi sila. Wala namang nagbago sa mga ito. Mas mahalaga ang pasyal at gimmick kaysa mag-aral. Pasimple rin na nagkokopyahan ang mga ito sa exam. Nami-miss naman niya ang mga kaibigan pero hangga't di nagbabago ang mga ito, mas mabuting dumistansiya siya.
"Baka naman crush mo 'yung kaibigan ni Paloma kaya ka nagmamaktol diyan," nangingiting sabi ni Mary Jafe kay Rjan.
"Manang naman! May taste naman ako kahit paano. Hindi siya ang type ko. Gusto ko 'yung mabait at simple lang na babae. Di 'yung uubusin sa kung anu-anong mga luho. Mamumulubi ang asawa niya," angal ni RJan. "Di pa mandin kami pinalaki na maluho sa buhay. Di mo nga kilala ang mga tao sa amin kung mahirap o mayaman kasi pare-pareho lang pumorma. Simple lang kaming mga tao kaya simple lang din ang gusto kong babae."
"Naku! May hinahanap ka na sa isang babae pero ipasa mo daw muna ang semestreng ito sabi ng nanay mo," kantiyaw ni Lolo Pio na naghihiwa ng karne. "Noong nakaraang sem daw puro ka tres."
"Tataas na po ang grade ko. Nagpapatulong na po ako kay Jeyrick." Tumango si Rjan sa kanya. "Di na ako nagpapagawa ng project at assignment, ha? Nagsasariling sikap na ako ngayon."
"Oo na," sabi ni Paloma.
"Ang sipag ng isang iyon. Gigising nang alas tres para magbuha sa palengke, papasok sa eskwelahan ng alas siyete, pagkatapos ng klase mag-aaral ng konti at magbabantay ulit sa palengke. May super powers po si Jeyrick," sabi ni Rjan.
"Kahit nga sabihan kong magpahinga ipipilit pa rin na kailangan niyang mag-aral o kaya magbantay sa palengke," wika naman ni Lolo Pio. "Pero ganoon siguro kapag may pangarap. Sakripisyo lang. Kaya bawal muna kayong magnobyo. Kailangang makatapos ni Jeyrick ng pag-aaral dahil siya ang inaasahan ng mga magulang niya."
"Tama po kayo," sang-ayon ni Paloma. "Pangarap po muna bago ang love life. Nangako po kaming magkakaibigan na magtutulungan kami na matupad ang pangarap namin. Babatukan ko sina Jeyrick at Rjan kapag nag-girlfriend."
"Ako wala pang balak magka-girlfriend. Ewan ko lang si Jeyrick," ngingisi-ngising sabi ni RJan.
Natigil sa paghihiwa ng brocolli si Paloma at nawala ang ngiti. "Sinong babae iyon?"
Tumaas ang kilay ng lalaki. "Di mo ba talaga alam? Ikaw pa ang hindi nakakaalam kung sino ang babaeng gusto ni Jeyrick?"