Chapter 24 - Chapter 22

Nakatayo si Jimarah habang nakapamaywang. Di maipinta ang mukha nito at basang-basa ito mula ulo hanggang paa.

Bigla silang naghiwalay ni Jeyrick na parang nahuli na may ginagawang kababalaghan kahit na wala naman. "Anong nangyari sa iyo?" nag-aalalang tanong ni Paloma at nilapitan ang kaibigan. "Bakit basa ka at may putik pa ang damit mo? Pati buhok mo may lumot pa."

"Those kids! Humanda sila sa akin," naniningkit ang matang sabi ni Jimarah at piniga ang basang buhok.

"Pati ba naman bata aawayin mo? Di naman niya sinasadya. Heto nga binigyan pa ako ng suso para may tanghalian tayo," masayang sabi ni Rjan na may hawak na basket at kasunod ni Jimarah. Narinig niya ang huni ng palaka sa loob. "Masarap tiyak ito."

"Kami ba ni Jeyrick ang magluluto niyan?" nakangiwing tanong ni Paloma. Alam niyang kinakain ang suso pero di siya marunong. Ni di niya alam na kinakain iyon.

"Ah! Marunong akong magluto ng sinigtiman. May tapuy sa amin," sabi ni Jeyrick. "Para masubukan naman nila ang luto natin."

"Hindi ako kakain. Mas gusto kong magutom kaysa kumain ng suso na iyan." Nang-aakusa nitong sinibat ng tingin si Rjan. "Kasalanan mo kapag namatay ako sa gutom. Kasalanan mo!"

"Paanong kasalanan ko?" tanong ni Rjan.

Naging tensiyonado tuloy ang paligid at nawala ang masayang atmosphere kaninang kasama niya si Jeyrick. Pero di naman niya masisi si Jimarah dahil mukhang nakakaawa ito. Gusto nito na laging perpekto ang itsura kapag humaharap sa iba. Ayaw nitong may magsasabi na di perpekto ang itsura nito.

"Kailangan mo ba ng tulong?" tanong ni Paloma sa kaibigan at sumunod hanggang baba ng hagdan. "Ako na ang kukuha ng damit mo. Maligo ka na."

"Kaya ko nang mag-isa. Hindi ako mahina," sa halip ay sabi ng kaibigan. "Nakakahiya naman kung makagulo pa ako sa sweet moment ninyo ni Jeyrick."

"Mainit ang ulo. Pati ikaw nadamay pa," sabi ni Jeyrick nang bumalik si Paloma sa pagbabayo ng palay. "Masyado kang mabait sa kaibigan mo."

"Sanay na ako," sabi ng dalaga at nagkibit-balikat.

Binalingan ni Jeyrick si Rjan na pasipol-sipol pa habang nililinisan ang mga kuhol na nakuha nito. "Ano ba kasi ang ginawa mo?"

"Wala. Natabig siya ng mga bata habang nangunguha ng lumot na pataba sa gilid ng pilapil. Ayaw niyang lumusong. Nasubsob tuloy siya. Tinulungan ko nga pero nagalit pa rin," kwento ni Rjan at pinipigilang tumawa.

"Pinagtawanan mo siguro," sabi ni Jeyrick. "Malakas ka kasing mang-asar."

"Kahit naman anong gawin ko lagi siyang galit. Kumusta naman kayo? Marami na ba kayong natahip na bigas? Gutom na kasi ako. Gusto ko nang makaluto," sabi ni Rjan at mukhang napagod nga sa pagtatrabaho sa bukid.

Umungol si Paloma nang makita na wala pa halos nahihiwalay na ipa sa bigas. At inaasahan na agad ng mga galing sa bukid na makakapagluto sila para dito. Hindi nga madali ang buhay ng mga taga-Ogo-Og. Di gaya sa pinagmulan niya na bibili ng bigas at magsasaing na lang sa rice cooker.

Pero nang ngumiti sa kanya si Jeyrick na nagbabayo pa rin habang kumakanta ay nabawasan ang pagod niya. Kahit na gaano kahirap, dadaanin niya sa kanta at sa pagngiti. Kakayanin niya ito.

"I AM IN LOVE!" sigaw ni Paloma habang nakadipa ang kamay at pinagmamasdan ang Amfitayok Falls. Labinlimang minutong nilakad ng grupo nila ang mga palayan mula sa mga bahayan ng Ogo-og.

Nakatago iyon sa pagitan ng mga malalaking bato at ang rainforest. Nasa dalawampung talampakan lang ang waterfalls. Di iyon mataas kaysa sa karaniwang waterfalls pero misteryoso ang dating niyon sa kanya. At parang nag-aanyaya ang berdeng tubig sa kanya.

Nawala ang ngiti sa labi ni Paloma nang makita ang mga bago na kailangan niyang daanan para makalapit sa falls. "Paano pala ako tatawid?"

Inilahad ni Jeyrick ang kamay sa kanya. "Aalalayan kita."

Tinanggap niya iyon at itinuro sa kanya ni Jeyrick kung paano magpapalipat-lipat sa mga bato. May mga bahagi ang ilog na malalim at di pwedeng lusungin o kaya naman ay halos vertical ang bato at wala siyang magagawa kundi ang yumakap sa gilid o kaya ay talunin mula sa tuktok. Kailangan niya ang guidance ni Jeyrick dahil mas alam nito kung paano siya makaka-survive doon.

"Welcome to Amfitayok Falls!" sabi ni Professor Fe.

"Akala ko madali na lang kapag nakita ko na ang falls," sabi ni Paloma nang sa wakas ay narating ang area kung saan pwedeng mag-picnic at magluto. Nauna na doon sila Professor Fe at ang mga magulang at kapatid ni Jeyrick. Nagpaparingas na ng apoy ang mga ito para paglutuan.

"Maraming waterfalls dito sa Barlig. Sa Lias kung saan nakatira ang mga lolo ko, one hundred ang waterfalls doon," kwento ni Jeyrick.

"One hundred waterfalls?" nanlalaki ang matang bulalas ni Paloma.

"Pero ang Amfitayok ang paborito kong lugar dito," sabi ng lalaki at hinatak ang kamay niya. "Kaya dapat maligo na tayo dahil miss ko na ito."

Tumili si Paloma nang kaladkarin siya ni Jeyrick sa tubig at halos nagyeyelo ang lamig niyon. "Ayoko na Jeyrick!" sigaw niya at tinangkang umahon. "Mamamatay ako sa lamig!"

"Paano ka mamamatay? Paa pa lang ang nababasa sa iyo," natatawang sabi ng lalaki at hinila siya sa mas malalim na parte. "Kailangan mong maging matapang kung hindi, di mo mae-experience ang maraming bagay."

"M-Matapang ako huwag lang sa ganito k-kalamig," sabi niya at niyakap ang sarili nang bitawan siya ni Jeyrick. Hanggang baywang na ang tubig noon.

Nag-floating si Jeyrick papalapit sa falls. "Masasanay ka rin. Masarap ang tubig. Subukan mong lumangoy."

Umiling si Paloma. "H-Hindi ko yata kakayaning lumangoy."

Lumangoy si Jeyrick sa kabilang gilid lagoon na binabagsakan ng falls at itinulak ang balsa sa kanya. "Kumapit kayo dito ni Jimarah. Inayos ni Papa ang balsa para magamit ninyo ngayon."

Pinaghandaan talaga ng pamilya ni Jeyrick ang pagpunta nila sa falls. Bukod kasi sa balsa ay nagluluto pa ng pagkain ang mga ito. "Naligo agad ako. Di ba kailangan ng tulong ng nanay mo at ni Professor Fe?"

"Maliligo din sila mamaya. Mag-enjoy ka lang. Bukas babalik na tayo sa Baguio kaya dapat I-enjoy ninyo ang huling araw ninyo dito," sabi ni Professor Fe at inabutan siya ng inihaw na atay ng baboy.

"Ha? Uuwi na po kami bukas?" malungkot na usal ni Paloma.

"Yes! We will finally go home. I survived!" masayang sabi ni Jimarah at niyakap siya. "It seems like forever. Akala ko forever na tayo dito."

"Pero nag-e-enjoy pa ako dito," usal niya at ikinawag ang paa habang nakakapit sa balsa. She liked the serenity of the place. Gusto niya ang magagandang ngiti ng mga tao doon at ang kasimplehan ng buhay.

"Pwede ka namang bumalik dito sa Kadaclan sa susunod. 'Yung mas mahaba ang panahon mo para mamasyal," sabi ni Jeyrick.

"Sana nga makabalik ako," nausal na lang niya at naalala ang masungit na tiyahin. Tiyak na di papayag ang tiyahin niya na pabalikin siya sa Kadaclan para magbakasyon. Baka nga di ito sumang-ayon kapag nalaman kung paano na sila naging kalapit ni Jeyrick sa isa't isa.

"May isda ba dito?" tanong ni Paloma at pilit inaninaw ang tubig sa baba. "Parang masarap ang inihaw na isda."

"Wala ditong isda sa baba. Malakas ang bagsak ng tubig dito at aanurin lang sila," paliwanag ni RJan.

"Ay, sayang!" usal ni Paloma. "Gusto ko naman makaranas na makatakim ng bagong huling isda o kaya manghuli nang sarili ko."

"Dito ka lang muna," sabi ni Jeyrick at lumangoy palapit sa falls.

"Saan ka pupunta?" tanong niya at nataranta nang makitang umaakyat ito sa batuhan sa gilid ng falls.

"Sa taas. Kukuha ako ng isda," sigaw ng lalaki. "Rjan, isunod mo ang basket na lalagyan ng isda. Kunin mo kay Papa."

"Sasama ako. Gusto ko rin makita kung ano ang meron sa taas." At tangkang tatangayin ang balsa palapit sa falls pero pinigilan siya ni Jimarah.

"Dito na lang tayo. Huwag mo akong iiwan. The falls looks dangerous. Nakita mo ba kung gaano katalim ang bato at sa ugat ka lang ng puno kakapit?"

"Dito ka na lang sa baba. Hayaan mo na kami ni Jeyrick. Prinsesa ka no'n," sabi ni Rjan at lumangoy palayo. "Magalusan ka pa, kasalanan ko pa."

"Prinsesa niya ako?" tanong ni Paloma. "Ano iyon?"

"Basta maghintay lang kayo ni Jimarah dito sa baba." At lumangoy na papunta sa falls si Rjan.