"Ang daya! Di talaga ako isinama," angal ni Paloma habang pinapanood sina Jeyrick at Rjan na umakyat sa gilid ng falls. "Di ko pa nararanasan na mag-rock climbing. Gusto kong makita kung ano ang nasa taas ng waterfalls."
"Bakit kailangan mong pahirapan ang sarili mo? We are fine here," sabi ni Jimarah at nagpalutang-lutang sa tubig.
Lumapit sa kanila si Tatay Melvin. "Gusto mo bang sundan si Jeyrick?"
"Opo. Pwede po ba? Hindi po ba nakakatakot na umakyat sa falls?" tanong ng dalaga at kinagat ang pang-ibabang labi.
"Hindi iyan. Aalalayan ka namin ni Charles," sabi nito at sinenyasan ang nakababatang kapatid ni Jeyrick na lumapit. "Aalalayan natin ang Ate Paloma mo."
"Marunong ka bang lumangoy, Ate Paloma?" tanong ni Charles.
Tumango siya. "Oo. Kaya ko iyan." Hindi na gaanong malamig ang tubig kapag gumagalaw-galaw. Mas sanay siyang lumangoy sa falls at sa dagat. Kaya bagong karanasan sa kanya na makalangoy palapit sa waterfalls.
Pinigilan ni Jimarah ang kamay niya nang akmang bibitaw na siya sa balsa. "Aakyat ka sa falls? Nababaliw ka na. You can't survive that. Baka malaglag ka, mabagok ang ulo, whatever."
"Minsan lang ito. Kung gusto mo sumama ka pa. This will be fun," sabi niya sa kaibigan at kumawala dito. Lumangoy siya papunta sa falls.
"Paloma, isusumbong kita sa tita mo."
Natawa lang ang dalaga sa banta ng kaibigan. Nilingon niya ito nang makahawak sa bato sa gilid ng falls. "As if that can stop me. Magsumbong ka. Wala namang signal dito. Kailangan mo pang pumunta sa Chupac para magka-signal. Goodluck! Pagkasumbong mo, nakabalik na ako."
"Matapang ka pala," sabi ni Mang Melvin nang alalayan siyang sumampa sa batuhan sa gilid ng falls.
"Mula po nang mapadpad ako dito, natuto po akong maging matapang katulad ninyo. Hindi po pwedeng mabuhay nang matagal sa ganitong lugar kung papatay-patay," sabi niya. "Gusto ko pong sumubok bago sumuko."
"Maganda iyan. Marami kang mararating at magagawa kapag matapang ka. Dito sa amin kung saan-saan kami nakakarating para makahanap ng pagkain at makapaghanap-buhay. Gaya kung paanong naghahanap ng pagkain ang mga ninuno namin."
Namangha si Paloma nang makita na walang kahirap-hirap si Charles nang umakyat ng cliff. Kumapit ito sa lubid at gumapang paakyat hanggang makarating sa taas. Hindi niya masundan ang mga hakbang na ginawa nito.
"Dito ka humawak sa lubid," sabi ni Mang Melvin.
May takot na nararamdaman si Paloma noong una pero lumakas ang loob niya dahil sa kompiyansa at pag-aalalay ni Mang Melvin. Iba pala kapag may tatay na nakaalalay. Wala siyang naging father image mula pagkabata. Hindi na nagpakita pa sa nanay niya ang tatay niya matapos itong mabuntis. Habang mag-isa namang ipinagpatuloy ng tiyahin niya ang pagpapalaki sa kanya dahil hiwalay ito sa asawa.
Di alintana ng dalaga na kumakaskas siya sa matatalim na bato o ilang beses siyang nadulas. Nakatuon lang ang atensiyon siya sa tuktok ng talon. Gusto niyang makita kung ano ang mayroon doon.
Malapit na siyang makasampa pero kapos ang kamay ni Charles para hilahin siya pataas. "Kuya, tulong!" sigaw ng binatilyo.
"Charles, anong ginagawa mo?" narinig niyang tanong ni Jeyrick.
"Tulungan na lang ninyo akong alalayan si Ate Paloma paakyat dito."
Matiim ang mukha ni Jeyrick nang makita siyang nakasabit sa lubid. "Hi!"
"Paloma, di ka dapat umakyat dito. Sabi ko naman sa iyo na delikado. Naghintay ka na lang sana sa baba," angal ni Jeyrick.
"Pwede ba hilahin mo na lang ako? Mamaya mo na ako sermunan," ungot niya sa binata at inilahad ang kamay sa binata. Nakita niya ang pag-aalinlangan sa mukha nito. Huwag naman sana siya nitong tanggihan. Malayo na ang narating niya. Isang hakbang na lang sa taas. Sinapo nito ang kamay niya at hinila siya paakyat. Tinulungan din siya nina Charles at Rjan. Masaya niyang tinanaw ang talon mula sa taas at ang ilog na binabagsakan nito. "Yes! I am on top." Kumaway siya kay Jimarah na kumukuha ng video niya sa cellphone nito. "Hello sa inyo!"
"Anak, ikaw na ang bahala kay Paloma. Magluluto pa ako ng pinikpikan," sabi ni Mang Melvin. "Charles, sumama ka na sa akin sa baba."
"Salamat po, Tatay Melvin, Charles," sabi ni Paloma at kumaway sa mag-ama bago lumangoy ang mga ito pabalik sa pampang.
"Naks! Welcome to the family na," tukso ni RJan. Pinanlakihan ito ng mata ni Paloma.
"Sabi ko sa iyo delikado dito. Hindi ka talaga nakikinig," angil ni Jeyrick at hinawakan ang braso niya. "Tingnan ko nga baka may sugat ka."
"Wala," tanggi niya at inililis ang manggas ng long sleeve shirt niya. "Naka-long sleeve at joggings pants ako. Paano ako masusugatan? Saka si Tatay Melvin ang nagtanong sa akin kung gusto ko daw umakyat dito. Gusto kong manghuli ng isda."
"Sabi ko sa iyo ako na ang huhuli. Di ka talaga nakikikinig," anang si Jeyrick at humalukipkip.
"Para ma-experience ko naman. Minsan lang ako mapadpad dito sa inyo. Hindi ko pa nasusubukan na manghuli ng isda. Please?" pakiusap ni Paloma at pinagdikit ang mga palad.
"Pagbigyan mo na. Nandito na sa taas. Hayaan mo siyang manghuli tutal siya naman ang may gusto ng isda," sabi ni Rjan at inabot kay Jeyrick ang spear gun.
Sa taas ay parang ordinaryong ilog lang na tahimik ang agos at iba't ibang klase ng puno ang nasa paligid. Hindi daw nauubusan ng tubig sa Kadaclan kahit na tag-araw ay dahil sa mga rainforest na nakapaligid dito.
"May nahuli na ba kayong isda?" tanong ni Paloma.
"Magsisimula pa lang kami nang umakyat ka. Saka akala mo ba ganoon lang kasimple na manghuli ng isda," sabi ni Jeyrick.
"Panonoorin ko muna kayo tapos turuan mo ako," sabi niya at ngumiti sa binata. "Please."
"Lumabas na ang dimples ni Paloma. Papayag na iyan," tukso ni Ran.
Lumambot ang mukha ni Jeyrick. "Manonood ka muna."
Lumusong sila ni Jeyrick sa ilog. "Una, humanap ka siyempre ng isda na magiging target mo. Tiyakin mo na sakto lang ang lapit mo sa isda para matamaan mo ang isda pero huwag masyadong malapit dahil baka mabulabog mo ang isda," bilin nito sa kanya.
"Ayun!" sigaw ni Paloma nang makita ang isang grupo ng isda na lumalangoy sa gilid ng ilog kung saan di tatangayin basta ng agos.
"Shhhh!" saway ni RJan sa kanya. "Huwag kang maingay. Di tayo makakahuli ng isda mo."
Maingat na lumapit si Jeyrick sa target pero nanatili sila ni Rjan sa kinatatayuan para hindi lumabusaw ang tubig. "Isasalalay mo sa balikat mo ang speargun."
Isinandig ni Jeyrick sa balikat ang speargun. Pinindot ni Jeyrick ang gatilyo ng speargun. Kumawala ang sibat na nasa dulo ng speargun at humaginit sa tubig. Nang hatakin ni Jeyrick ay kasama na ang nagpapapalag na isda.
"Ang galing! Nakahuli ka na!" anang si Paloma at pumalakpak. Nilapitan niya si Jeyrick. "Sino ang nagturo sa iyo?"
"Si Papa. Una nilang ni Mama sa aming magkakapatid kung paano bubuhayin ang sarili namin mula sa pagtatanim, pag-aalaga ng hayop at pangingisda. Bukod daw sa edukasyon, iyon ang maipapamana nila sa amin," paliwanag ni Jeyrick.
"Sana may tatay din ako na nagtuturo sa akin," usal ng dalaga.
"Di bale. Tuturuan kita ng lahat ng itinuro sa akin ni Papa. Kapag patatamaan mo ang isda, asintahin mo ang baba ng bungo para hindi basta makawala," sabi naman ng binata at itinuro kung saang parte ng isda niya aasintahin. "Ikaw na ang maglagay ng isda sa buslo."
Pumapalag pa ang isda nang ilagay niya sa nilalang sidlan na gawa sa ratan. "Naku! Masarap sigurong iihaw iyan."
Inabot ni Jeyrick ang speargun sa kanya. "Ikaw naman. Para sa susunod na mapadpad ka sa gubat, kaya mong mabuhay."
Nanlamig si Paloma nang nasa kamay na ang kawayang speargun. Hindi pa niya naranasang manghuli ng isda kahit gamit ng fishing pole.
Tumuro si Rjan sa tubig. "May isda banda doon."
"Tantiyahin mo ang layo ng isda," sabi ni Jeyrick at hinawakan ang balikat niya para maipihit siya sa direksyon ng isda. "Asintahin mo ang baba ng bungo."
Anong baba ng bungo? Paano ko maaasinta iyon kung gumagalaw ang isda?
"Malapit na. Malapit na," sabi ni Rjan. "Huwag masyadong malapit dahil baka tamaan ang paa mo."
Kinabahan si Paloma nang makitang palapit ang isda sa kanya. Basta na lang niyang kinalabit ang gatilyo at bumagsak sa tubig ang sibat. Sa pagkadismaya niya ay bumagsak iyon sa harap ng mga isda. Nabulabog ang mga isda at naglanguyan ang mga iyon palayo.
"Haist! Napaaga ako ng kalabit ng gatilyo," malungkot na usal niya. "Umalis tuloy 'yung mga isda." Epic fail.