Chapter 26 - Chapter 24

"Subukan mo ulit. Kailangan mo lang mag-practice hanggang masanay ka," sabi ni Jeyrick at ngumiti. "Humanap tayo ulit ng isda."

"Naku! Ngayon pa kayo magtuturuan na mangisda. Pare-pareho pa tayong magugutom. Hahanap na lang ako ng ibang pwedeng iluto," sabi ni Rjan at naglakad papalayo sa kanila habang may bitbit na maliit na lambat. "Nakakaabala pa ako sa inyo."

"Hala! Galit yata si Rjan," sabi ni Paloma. "Di na ako magpapaturo muna."

"Pinaghirapan mong makaakyat. Nandito ka na. Subukan pa natin," sabi nito at ginalugad nila ang ilog.

Nakailang beses nilang sibukan ni Jeyrick na makatama ng isda pero palaging sablay si Paloma. "Walang pag-asa iyan," sabi ni Rjan nang bumalik at nakita niya na may dala itong malaking dahon ng gabi na nakabalumbon. "Sana pala tinuruan na lang natin na manghuli ng palaka si Paloma. Baka may napala pa tayo."

Bumagsak ang balikat ni Paloma. "Baka kahit palaka di ko mahuli. Palpak ako. Bumaba na lang tayo, Jeyrick. Mukhang isang libong practice pa bago ako makahuli." Nangangawit na rin ang braso niya. Di pala ganon kadali na manghuli ng isda. Di gaya ng bibili ka sa palengke at iluluto o kaya ay may lutong ulam na agad at kakainin na lang niya.

"Isa na lang. Tapos bababa na tayo," sabi ni Jeyrick. "Subukan mo ulit."

Huminga siya ng malalim at inasinta ang nakita niyang isda sa gitna ng ilog. Tinandaan niya lahat ng bilin ni Jeyrick. "Asintahin ang baba ng ulo, tantiyahin ang distansiya," mahinang usal niya.

Pigil niya ang hininga nang kalabitin ang gatilyo. Kumawala ang sibat at umilalim sa tubig. Hinila ni Jeyrick ang lubid. Pag-angat ay isang isdang pumapalag ang nakatusok sa sibat.

"Yes! Nakahuli ako!" tili niya habang nagtatatalon. Niyakap si Jeyrick sa sobrang tuwa. "Nakahuli na ako!"

"Paloma, dahan-dahan lang...!" Di na nito natapos ang sasabihin at natumba ito sa tubig. Nanlaki ang mata ng dalaga dahil madadaganan niya ito.

Naitukod niya ang kamay sa magkabilang gilid ng katawan ni Jeyrick para di niya ito tuluyang madaganan. Lumubog ang ulo ni Jeyrick. Natakot siya na baka malunod ito. Inangat nito ang ulo sa tubig at suminghap.

"Sorry. Okay ka lang?" tanong ni Paloma sa binata.

Tumawa lang ang binata at inangat ang kamay na may hawak na speargun. "Ayos lang ako. 'Yung isda mo buti di nakawala."

Natulala ang dalaga sa guwapong mukha nito. Kapag tumatawa ito ay nagliliwanag ang mundo niya. Nawawala ang alalahanin niya. At parang kahit ano ay kaya niyang gawin. Kahit gaano kahirap ang isang bagay para dito, kahit na masaktan pa rin ito, lagi itong nakangiti.

Tinitigan din siya ni Jeyrick at nawala ang ngiti sa labi nito. Wala itong sinabi na kahit ano. Parang masaya rin ito na nakatitig lang sa kanya. And she was satisfied with that. Na nasa kanya lang ang atensiyon nito na parang siya lang ang nakikita nito at tanging babae sa mundo.

"Hoy! Magtititigan na lang ba kayong dalawa diyan? Mawawala na 'yung isdang huli ninyo, ano ba?" angil ni Rjan at kinuha ang sibat ng speargun mula kay Jeyrick. "Parang nagde-date lang kayo. May ibang taong nagugutom dito. Kahit mga chaperone sa date may karapatan din naman kumain at mabuhay."

"Ang dami mong sinasabi," sabi ni Jeyrick.

Nagkukumahog na tumayo si Paloma at umahon ng ilog. Nakakahiya! Bakit ba masyado namang halata na gustong-gusto niyang titigan na lang si Jeyrick? Baka iniisip nito na may malisya ang pagtitig niya dito. Huwag na lang sanang ipagkalat ni Rjan ang nakita nito. Nakakahiya talaga.

"O! Tingnan mo ang nilalakaran mo," sabi ni Jeyrick at pinigilan ang braso niya.

Nahigit ni Paloma ang hininga na ng makitang nasa gilid na pala siya ng falls. Muntik na siyang malaglag. "Paano pala tayo bababa?"

"Tingnan mo ako," sabi ni Jeyrick at bumaba sa batuhan gamit ang lubid. Pero nakakailang metro pa lang ito nang tumigil ito sa isang bahagi at tumalon pababa.

"Whoa! Gagayahin ko iyon? Tatalon din ako?" tanong ng dalaga.

"Oo. Ganoon talaga pababa sa falls," sabi Rjan.

Lumunok ang dalaga at nakita si Jimarah na kumuha ng video sa pampang ng ilog. Bumaba siya gamit ang lubid at pinagmasdan ang malamig at malalim na tubig na babagsakan niya. "Kaya ko ba ito?" usal niya.

"Tumalon ka na, Paloma. Nandito ako," sabi ni Jeyrick na nasa baba ng waterfalls. "Kaya mo iyan."

Bumilang siya ng tatlo at pigil ang hininga nang tumalon sa tubig. Hindi niya kailangang matakot dahil alam niyang nasa baba si Jeyrick at naghihintay sa kanya. Di siya nito pababayaan.

"HINDI talaga ako makapaniwala na huling araw ko na dito," malungkot na usal ni Paloma habang nakaupo sa labas ng bahay ni Professor Fe at katabi si Jeyrick. Nakaupo sila sa harap ng bonfire para di sila lamigin.

Alas siyete na ng gabi noon at katatapos lang nilang mag-agahan. Matapos maglinis ng pinagkainan nila ay nagpaalam na si Jimarah na maagang matutulog. Napagod ito sa maghapon nilang pagsu-swimmng sa Amfitayok Falls. Pagod din si Paloma pero ayaw niyang sayangin ang huling gabi niya sa Kadaclan. Ine-enjoy niya na wala siyang naririnig maliban sa huni ng kuliglig at ang tipa ng gitara ni Jeyrick. Sinasamantala din niya na makasama ang binata dahil magiging busy na sila sa pag-aaral pagbalik nila ng Baguio.

"Nawili ka sa bakasyon," sabi ni Jeyrick at kinalabit ang kuwerdas ng gitara. "Si Jimarah naman gustong-gusto nang umuwi. Makakatulog na daw siya sa malambot na kutson, makakapagbabad sa bathtub at makakapag-mall. Kasi kung tumagal pa daw siya ng isang araw dito, mababaliw na siya."

Kinuha niya ang gitara dito at tumipa. Pakanta niyang sinabi dito kung ano ang gusto niyang sabihin. "Kahit walang mall, kahit walang Jollibee araw-araw, ilang oras mang maglakad sa pilapil, masaya pa rin ako sa Kadaclan."

Pumalakpak si Jeyrick. "Ayos pala. Isang stanza na ng kanta iyon. Marunong ka palang mag-compose ng kanta."

"Ha? Wala iyon. Trip-trip lang iyon." Her fingers strummed the guitar and then hummed. Sinabayan niya ang ihip ng hangin at ang paggalaw ng mga ulap sa ulunan nila. "Salamat sa mga bagong kaibigan. Salamat sa mga alaala. Salamat dahil ikaw ang kasama."

"Wala namang kakaiba sa ginawa ko. Normal lang iyon na ginagawa ng mga tao dito sa amin," sabi ni Jeyrick at nagkibit-balikat.

"At sa palagay ko hindi ako makaka-survive dito kung wala ka. Matiyaga kang mag-share ng nalalaman mo. Pati nga pamilya mo nai-share mo sa akin."

Masarap na itrato na parang pamilya ng mga Sigmaton. Sobra-sobra ang pag-aasikaso ng mga ito sa kanila lalo na nang mag-picnic sila sa falls. Nagtanong pa ang nanay ni Jeyrick kung ano daw ang gusto niyang baunin pauwi dahil ipagluluto daw siya nito.

"Mabait ka daw kasi sabi ni Nanay at inalagaan mo si Anjel. Maliit na bagay lang iyon," sabi ng binata. "Tapos ibinigay pa ninyo 'yung ibang damit ninyo kay Charlene at Aiza. At 'yung mga de lata at noodles iniwa mo pa."

"Uuwi na kami bukas. Pang-emergency lang naman ang mga iyon na di rin namin halos nakain kasi masarap naman ang lutong pagkain dito. Marami naman kaming damit sa bahay ni Jimarah. Lalo na si Jimarah. Kita mo naman kung ilang maleta ang dadalhin dapat niya. Mabuti na lang kasya sa mga kapatid mo ang damit namin at bagay sa kanila. Sa dinami-dami ng mga natutunan ko dito sa inyo, maliit na bagay lang ang maibibigay naming kapalit. Marunong na akong manghuli ng isda, umakyat sa waterfalls, magbayo ng palay at pati gumawa ng walis tambo. Kakalabanin ko na ang negosyo ninyo," pabiro niyang sabi sa lalaki.

Natawa si Jeyrick. "Aba! Kung diyan ka ba yayaman."

Kapag walang trabaho sa bukid ay tulong-tulong ang mga kapatid ni Jeyrick at magulang nito sa paggawa ng walis tambo na iluluwas sa Bontoc o kaya ay sa Banue at Baguio. Iuuwi ni Jeyrick ang mga nagawa nilang walis tambo para may maipanggastos ito sa pag-aaral sa mga darating na linggo.

"Hindi yata magugustuhan iyan ng tita ko. She wants me to be a popular singer. O kaya artista. Gusto niya ganoon kay Sarah Geronimo o Lea Salonga," usal niya at napatitig sa apoy.

"Kaya mo iyon. Narinig kitang kumanta at maganda ang boses mo. Basta magsikap ka pa at pwede mo ring maabot ang naabot nila."

Napailing na lang si Paloma at natawa sa kompiyansa ni Jeyrick sa kanya. "Jeyrick, ilang beses na akong um-attend ng audition at sumali sa mga contest. Hindi naman ako nakakapasa sa audition. Di rin ako nananalo ng title sa contest. Maswerte nang magkaroon ako ng place sa contest."

Bakas ang pagkagulat sa mukha ni Jeyrick. "Sigurado ka? Sa galing mo na iyon, di ka pa nananalo?"