NAKAYUKO si Paloma habang humihingal. Nanginginig na ang binti niya at di makagalaw sa kinatatayuan. Nasa gitna sila ng "Stairway to Heaven" ng Ogo-og. Nanginginig na ang tuhod niya. Nauna na ang mga kapatid ni Jeyrick at si Professor Fe. Ihahanda na daw ng teacher nila ang tutuluyan nila at iniwan sila ni Jimarah kasama sina Jeyrick at Rjan para alalayan sila.
"Hakbang pa," sabi ni Jeyrick sa kanya.
Tumingala siya sa taas ng hagdan. "Di ko na kaya. Nanginginig ang tuhod ko." Hinang-hina na ang dalaga at gusto na lang gumulong pababa. Inuubos talaga ng matarik at mataas na hagdan ang lakas niya.
"Madilim na. Mas mahihirapan kang makakita kapag nagtagal pa tayo dito," sabi ni Jeyrick na bakas ang pag-aalala sa anyo.
"Ayoko na," narinig niyang hikbi ni Jimarah sa baba ng hagdan. "Alam ko malaki ang kasalanan ko pero wag naman ganito."
"Uy! Aakyat ka lang ng hagdan. Di ka pinapatay dito," sabi ni Rjan.
"Wala kang pakialam. Kundi mo ako bubuhatin paakyat, huwag mo akong pakialaman," angil nito kay Rjan.
"Masyado ka namang sinuswerte kung bubuhatin kita."
"Kapag hindi ka gumalaw, hindi rin gagalaw si Jimarah. Palakasin mo ang loob niya. Malapit na tayong makarating sa bahayan." Inilahad ni Jeyrick ang kamay. "Hihilahin na lang kita. Kaya mo iyan."
Hinawakan niya ang kamay ng lalaki at hinayaan ito na hilahin siya pataas. Itinukod niya ang tungkod at humakbang pataas. Mahigpit ang hawak niya sa kamay ni Jeyrick. Animo'y may enerhiya na dumaloy sa kamay nito papunta sa kanya. Unti-unti na siyang nakakausad.
"Huwag mo akong iwan dito, Paloma," pakiusap ni Jimarah.
"Ganyan ba kahihina ang mga city girl? Wala ka pala. Alam mo lang magpaganda at ipagmalaki 'yung sibilisasyong pinanggalingan mo," sabi ni Rjan.
"Pati kaibigan mo naiinis na sa iyo. Sa kaartehan mo mawawalan ka na ng kaibigan."
"Hindi ako weak. Saka di ako maganda lang," sabi ni Jimarah at tumayo. "Hindi ako mahina. Uunahan ko pa si Paloma kung gusto mo. You'll see. Paloma, hintayin mo ako. Di mo naman talaga ako iiwan, di ba? You love me."
Ngumiti si Paloma at humakbang ulit. "Sa palagay ko nakapagpahinga na siya. Salamat sa pagpapasensiya sa akin. Sa amin ng kaibigan ko."
"Bisita kayo dito at di ka talaga sanay. Naiintindihan ko naman," sabi ni Jeyrick at hindi binitiwan ang kamay niya. "Nangako ako na aalagaan kita habang nandito."
"Basta huwag mo akong bibitawan," anang si Paloma. Lumalakas ang loob niya basta kasama niya si Jeyrick.
Humakbang lang siya nang humakbang. Nang lingunin niya si Jimarah ay hinayaan na rin nitong akayin ni Rjan. Kailangan lang talagang maging brutal sa kaibigan niya minsan para tumapang-tapang.
Kahit nang makarating sila ni Jeyrick at tuktok ng hagdan at tinalunton ang mga bahayan ay di binitawan ni Jeyrick ang kamay niya. Sinusundan sila ng tingin ng mga kapitbahay nito pero kumaway lang ang binata. Saka lang siya binitawan ng binata nang makarating na sa bahay ni Professor Fe. Nakaangat sa silong ang bahay na gawa sa kahoy at may silong. Sa taas sila tumuloy at sumalampak sa kahoy na sahig.
"Mabuti nakarating na kayo," sabi ni Professor Fe. "Hihintayin na lang nating maluto ang sinaing para makakain kayo."
"Mama," sabi ni Jeyrick at nagmano sa babae na kasama ni Professor Fe.
"N-nanay mo?" tanong niya at natigagal sa babaeng maigsi ang wavy na buhok. Bata pa ito. Sa tingin niya ay nasa thirties lang. Nagmano siya sa babae. "Magandang gabi po. Ako po ang kaklase ni Jeyrick."
"Ikaw siguro si Paloma," sabi niya at bumaling kay Jimarah. "Ang gaganda pala ng mga kaklase ng anak ko. Lalo na itong si Paloma. Nabanggit ni Jeyrick sa akin nang sumulat siya na mabait ka daw. Tita Ronalee na lang ang itawag ninyo sa akin."
Napangiwi na lang si Paloma. Di siguro nabanggit ni Jeyrick na naputol ang pagkakaibigan nila ni Jeyrick dahil sa panlalait ni Jimarah.
"Tita, ako po ba maganda lang? Di niya sinabi kung mabait ako?" tanong ni Jimarah.
"Ay, apo! Kung naging mabait ka, baka may snow na sa Pilipinas," sabi ni Rjan.
"Tse! Kontrabida ka kahit na kailan," angil nito.
"Nagdala na ako ng ulam ninyo. Pagpasensiyahan na lang ninyo ang nakayanan namin," sabi ng nanay ni Jeyrick. "Ani namin sa bukid iyan."
"Salamat po," sabi ni Paloma. "Sasaluhan po ba ninyo kaming kumain?"
"Uuwi na rin ako pero si Jeyrick dito kakain," sabi ng babae at iniwan sila.
"Ano ang ulam na dala ng mama mo, Jeyrick?" tanong ni Jimarah.
"Bulanglang na alugbati at saluyot," sagot naman ng lalaki.
Napanganga si Jimarah. "What's alugbati? Damo?"
"Baging," sagot naman ni Rjan dahilan para malukot ang mukha ng babae.
"Mahilig ako sa gulay. Kahit anong gulay kakainin ko. Saka gutom na talaga ako," sabi ni Paloma na umani ng ngiti kay Jeyrick. "Kung ayaw mo na kumain ng gulay, ako na lang ang kakain ng parte mo."
"Mabuti hindi ka maselan," sabi ni Jeyrick.
"Kung ano ang kinakain ninyo, kakainin ko rin," sabi ni Paloma.
"Hindi ka magugutom dito kung ganoon," anang lalaki.
"Nag-aalala nga ako kung ano ang ipapakain ko sa inyo," sabi ni Professor Fe.
"Naku! Masarap siguro na magluto kapag nag-picnic tayo sa falls, ma'am," sabi ni Jeyrick.
"Talaga? May falls malapit dito?" tanong niya sa lalaki. "Gusto ko doon. Masarap sigurong maligo doon."
"Oo naman. Malinis ang tubig doon," sabi ni Jeyrick.
"May tamang oras para sa pagpunta sa falls," sabi ni Professor Fe. "Kailangan muna ninyong gawin ang mga assignment niyo. Maghugas na kayo ng kamay at kakain na tayo."
"This place is so primitive," bulong ni Jimarah sa kanya nang naglalatag sila ng banig sa kuwarto nila. Walang kama ang kuwartong ibinigay sa kanila. Paloma didn't mind. Nagpapasalamat na lang siya na sa wakas ay makakapagpahinga na sila. "They don't have roads. Naglalakad lang sila sa bundok. I can't imagine myself living here. How could they stand it?"
"Siguro dahil noong unang panahon ganyan naman nabubuhay ang mga tao. Saka saan mo naman gagawan ng kalsada? Ibu-buldoze mo ang rice terraces? This is their heritege. Saka nakita mo ba na nakangiti ang mga tao, lahat handang makipagtulungan at masayahin sila. Parang di mo nararamdaman na napapagod ka. Si Jeyrick nga lagi pang nakangiti. I mean, that is amazing."
"So you like him? You like Jeyrick."
"Yes," sagot agad ni Paloma nang biglang matigilan. "He is admirable. Lahat ng mga tao dito. Nagsisikap sila sa buhay at di ko maramdaman na nagrereklamo sila sa mga bagay na wala sa kanila. Pinagsisikapan nila kung ano ang meron sila. Minsan may mga bagay na meron tayo pero di natin pinapahalagahan. Tapos makikita natin na 'yung simpleng bagay na iyon wala sa iba pero mas masaya sila. Nakuha mo ba?"
"Ewan ko. Ang alam ko lang nilait ako ni Rjan dahil sa pagiging city girl ko. Ang yabang lang niya dahil teritoryo niya ito."
Di pinansin ni Paloma ang pagra-rant ng kaibigan. Abala kasi siya sa pagtingin sa pictures ni Jeyrick at ng mga kapatid nito sa cellphone niya. Di alintana ng mga ito ang haba at layo ng lakarin habang may ngiti sa labi. Naalala din niya ang malambing nitong ina na inalala pa sila. Naalala niya ang pangarap ng mga ito. Kung paanong nagsisikap ang mga ito sa buhay.
Inspirasyon ang mga ito para sa kanya. Anumang pagsubok ang harapin niya sa buhay, kailangan niyang ngumiti at patuloy na lumaban.