Nagkibit-balikat si Paloma. "Okay lang. Kahit anong tugtog okay lang sa akin. Sa bar ng tita ko jazz music ang tugtugan saka acoustic."
"Yung iba kasi nalulumaan sa mga country music at nababaduyan."
"Music is music. Walang baduy-baduy. Iba-iba ng appreciation iyan," sabi niya at ipinagpatuloy ang pagbabagyo ng palay.
Di pamilyar sa kanya ang mga tugtog pero nakaka-relax ang tunog ng gitara at ang malalim na boses ng mga singer. Ganoon siguro ang country music - chill lang pero puno ng emosyon at may kwento.
"Ayun! Favorite ko!" sabi ni Jeyrick at sinabayan ang kanta. "I love the feel of your name on my lips and I like the sound of your sweet gentle kiss."
Tumigil siya sa pagbabayo ng palay dahil gusto niyang mapakinggang mabuti ang binata. Alam din niya ang kanta pero di niya sinabayan sa pagkanta si Jeyrick. Pinakinggan lang niya ang boses nito.
"Maganda pala ang boses mo," komento niya.
"Kapag lang nagbabayo ng palay," natatawang sagot ni Jeyrick at nagpatuloy sa pagkanta. "I love the way you love me."
"Strong and wild, slow and easy, hard and soft so completely," kanta rin ni Paloma at napatingin sa kanya si Jeyrick. Ngumiti ito at nagpatuloy sila sa pagkanta. "I love the way you love me."
Nalaman niya na pareho silang mahilig kumanta ni Jeyrick. Nakakawala ng pagod ang ngiti at pagkanta ng binata. He enjoyed singing immensely. Sinabayan naman niya ito kapag alam niyaang kanta. Isang bagay na madalang niyang ma-enjoy kahit na lagi naman siyang kumakanta. Siguro dahil walang maninita sa kanya ngayon kung flat o sharp siya sa pagkanta. Nothing technical. She just wanted to feel and enjoy.
Matapos ipunin ang mga palay na nahiwalay sa sanga ay inipon nila iyon at binayo para ihiwalay ang ipa sa bigas. Pero di pala ganoon kasimple ang trabaho dahil sa dami ng butil ng palay ay di naman agad hihiwalay ang ipa sa bigas.
Maya maya ay nakaramdam siya ng pagod sa pagbabayo. Tumigil siya sa pagbabayo at minasahe ang braso. Inabutan siya ni Jeyrick ng baso ng tubig at biscuit. "Magpahinga ka muna. Magmiryenda muna tayo."
Uminom siya ng tubig. "Magpapahinga na tayo?" Dismayado niyang tiningnan ang nabayong palay. Parang wala halos nagbago. Iilan pa lang ang nakikita niyang bigas. "Parang wala pa ako halos nagagawa. Wala pa yatang isang gatang ang bigas. "Tapos magtatahip pa at magluluto pa tayo. Anong oras na?" Tiningnan niya ang wristwatch. Nanlulumo siyang umupo sa kahoy na bangkito. Alas sais sila nagsimula sa pagbabayo "Alas nuwebe pa lang pero manhid na ang braso ko."
Pinunasan nito ng tuwalyita ang mukha niya. "Magpahinga ka kasi. Masyado mong sineseryoso ang pagbabayo ng palay."
"Anong isasaing natin kung hindi pa tayo tapos dito?" tanong ni Paloma at huminga ng malalim. "Nakakahiya kay Professor Fe."
"Hindi ka makina na panggiik ng palay. Kahit iyon nagpapahinga. Maiintindihan nila kung hindi agad tayo makakaluto. Napansin ko masyado kang seryoso sa lahat ng ginagawa mo. Parang may gusto kang laging patunayan."
"Hindi naman simple ang pagpunta namin dito at ang report na pinagagawa sa amin. Doon nakasalalay kung mag-stay kami sa university o hindi," paliwanag niya sa lalaki. "Dapat lang naman na ibigay ang one hundred percent sa kahit anong ginagawa ko. Kapag naalis ako sa school, baka hindi na ako makapag-aral. Hindi ko alam kung anong eskwelahan sa Baguio ang tatanggap ng estudyant na na-kick out dahil sa pagiging bayolente at racist."
Mataman siya nitong pinagmasdan. "Talaga bang sinaktan ninyo 'yung apo ni Governor?"
"Umawat lang ako pero nadamay ako sa gulo. Nagwawala kasi 'yung kaibigan ni Jeinfer at di sinasadya na natabig ko. Ayun! Dinepensahan ko lang din ang sarili ko nang sugurin ako pero ako ang naging masama. Hindi ako palaaway na tao."
Hindi lang niya alam kung maniniwala si Jeyrick pero iyon ang totoo. Ayaw niyang isipin nito na bayolente siyang tao.
"Hindi ka ba ipinagtanggol ni Jimarah?" nag-aalalang tanong ng binata. "Dapat sinabi niya ang totoo. Hindi ka dapat nahihirapan ng ganito."
"Naniniwala ka sa akin?" gulat na tanong ni Paloma.
"Minsan kung sino pa ang umaawat, iyon pa ang napapasama. Nakita ko na hindi ka maangal at pinagsisikapan mo na magawa ang lahat ng pinagagawa sa iyo. Iniisip ko noong una na nagsisisi ka na sa kasalanan mo. Pero kapag nakikita ko kayo ni Jimarah, hindi ka mareklamo. Di mo rin nilalait ang mga tao dito dahil lang iba kami sa iyo at marunong ka ring rumespeto sa kultura at paniniwala dito. Hindi mo minamaliit ang mga tao dito. Parang iba ka sa sinabi sa amin na kailangang turuan ng leksyon."
"Siguro dahil kaibigan ko siya hindi ko siya maiwan. Ayaw din ni Jimarah na maiwan mag-isa. Siguro may mga tao lang na ipinanganak na pakiramdam nila superyor sila sa iba pero magbabago rin kung bibigyan sila ng pagkakataon. Parang ako. May punto rin naman sa buhay ko na baka nakasakit pala ako ng ibang tao dahil maliit ang tingin ko sa kanila. Tulad ng narinig mo na pag-uusap namin ni Jimarah dati," paalala niya dito.
Umiling si Jeyrick at binuksan ang cookies na miryenda nila. "Hindi ikaw iyon. Si Jimarah iyon. Nasaktan lang ako noong una pero kung hindi ko maririnig mula mismo sa bibig mo, hindi ako maniniwala mula ngayon. Ikaw 'yung Paloma na nagpalakas ng loob ko habang dina-down ako ng iba nating kaklase. Kaya wala ka dapat dito at nahihirapan," anito at malungkot siyang pinagmasdan.
Naramdaman ni Paloma ang init sa puso niya. Parang nakikilala ni Jeyrick kung sino talaga siya. At hindi ito natatakot na baguhin ang maling paniniwala sa kanya. Parang isang malaking batong nakadagan sa dibdib niya ang nawala.
Magaan siyang tumawa. "Hindi. Masaya ako na nandito ako."
Nagsalubong ang kilay nito. "Masaya ka na nahihirapan? Masokista ka yata."
"Masaya ako na nakarating ako dito sa lugar ninyo. Nakilala kong mabuti ang mga tao dito at natutunan ko kung paano kayo mamuhay. Nakilala kitang mabuti. Nakilala mo rin akong mabuti. Napatunayan ko na kaya ko palang gawin ang maraming bagay na di ko na-realize na magagawa ko pala gaya nang paglalakad ng dalawang oras sa bundok, pag-akyat sa matatarik na hagdan at maipagmamalaki ko na kaya kong nagbayo ng palay." Itinuklop niya ang braso at kunwari ay ipinakita ang muscles kunyari. "Malakas pala ako."
Natawa si Jeyrick. "Ikaw lang ang nakilala ko na nahihirapan pero masaya pa rin."
"Kasi iyon ang natutunan ko sa inyo. Kahit mahirap ang buhay di kayo mareklamo. Nagagawa mo pang ngumiti at ilabas ang dimples mo."
"May dimples ka rin naman," sabi nito at dinuro ang biloy niya sa kabilang pisngi. "At gusto kong ngumingiti ka. Mas maganda ka kapag nakangiti. Pakiramdam ko may ginagwa akong tama."
"Kantahan mo ulit ako para ngumiti ako," sabi ni Paloma.
"Nice. At mukhang enjoy na enjoy kayong dalawa at nagagawa pa ninyong magpa-cute sa isa't isa habang ako nagpapakahirap sa bukid," reklamo ni Jimarah.