"You are not helping, Jeyrick. Pag tinamaan tayo ng kidlat, tayo mismo ang magiging pataba sa halaman." Itinakip niya ang tainga sa kidlat habang naiiyak. "Ayoko ng kidlat. Ayoko ng kidlat. Ayoko pang mamatay," paulit-ulit niyang usal na parang isang mantra. Walang makakasagip sa kanila."
Isang malamyos na boses ng lalaki ang tumagos sa kamalayan niya. "Laydi-laydek ay il-ilan. San layad mo ay kankanam." Nang lumingon siya ay si Jeyrick pala ang kumakanta. "Sak-en san silaw mo. Sek-a san talaw ko kayman."
Nawala ang takot niya. Parang nasa gitna sila ng isang yungib na silang dalawa lang ang magkasama. His voice calmed her, gave her protection. Animo'y itinataboy nito ang malakas na ulan at ang marahas na kulog.
Pumikit siya at pinakinggan lang ang boses nito. "That is a nice song. Maganda rin pala ang boses mo."
"Kanta ni Nanay sa akin kapag inaantok ako o natatakot kaming magkakapatid. O kahit pag malungkot kami."
"Anong ibig sabihin?" tanong niya at ikinatang ang baba sa braso.
"Gusto kong makita ang pag-ibig na sinasabi mo. Ako ang liwanag mo at ikaw ang aking bituin. Iyon daw ang ipinanghaharana ni Papa sa kanya."
Huminga ng malalim ang dalaga. "That is nice. Parang ipinaghehele ako. Matagal nang panahon na walang kumakanta sa akin ng ganyan."
"Hindi ka na daw kinakantahan ng nanay mo kasi malaki ka na."
Nawala ang saya niya at lumungkot ang mga mata nang maalala ang ina. "Iniwan niya ako. Hindi na niya ako kinakantahan dahil iniwan niya ako."
Suminghap ang lalaki. "I-Iniwan?"
Marahan siyang tumango. "Sabi niya magtatrabaho lang siya abroad pero hindi na siya bumalik. Ayaw na siguro niya sa akin. Baka may bago na siyang pamilya. Di na niya ako naalala."
She was sharing her deepest, darkest secret. Hindi niya ipinapaalam sa iba ang tungkol sa pagkawala ng nanay niya. Na wala na itong pakialam sa kanya. Bilin sa kanya ng tiyahin niya na sabihin lang niyang OFW sa Dubai ang nanay niya.
"May dahilan siguro siya kaya di na siya bumalik," sabi ni Jeyrick.
"Ano? Nagka-amnesia siya? Ganoon na lang ba kadali na kalimutan ng nanay ang anak niya? Maswerte ka dahil di ka iniwan ng nanay mo. Hanggang ngayon pwede mo siyang makasama. Kakantahan ka kapag natatakot ka. Sasabihin na okay lang ang lahat kasi nandoon siya para sa iyo."
At ganoon din ang panahon na iniwan siya ng nanay niya - malakas ang ulan at kumikidlat. Masakit ang maiwang mag-isa. Masakit ang hindi na balikan.
"I am sorry," mahinang usal ni Jeyrick. "Sino na ang guardian mo?"
"Si Tita Bevz at ang pinsang kong si Bernardo ang natitirang pamilya ko. But it is different."
Ayaw ng tiyahin niya ng mahina. Ayaw nito na makita siyang umiiyak o natatakot maliban dito. Kapag natatakot siya sa kidlat at malakas na ulan, tahimik na lang siyang iiyak sa kuwarto niya habang nakatalukbong ng kumot.
Ginagap ni Jeyrick ang kamay niya. "Natatakot ka pa ba? Pwede naman kitang kantahan. Tiyagain mo lang ang boses ko."
"Anong titiyagain? Ang ganda kaya ng boses mo."
Natawa ang binata. "Nabingi ka yata dahil sa kidlat."
"Thank you kasi nandito ka para sa akin. Hindi ko naramdaman na mag-isa ako."
"Kapag nararamdaman mo na mag-isa ka o natatakot ka, sabihin mo lang sa akin. Ako ang partner mo habang nasa Kadaclan ka."
"Ibig sabihin hindi ka na galit sa akin?" tanong niya.
Lumamlam ang mata nito. "Hindi naman ako nagalit sa iyo kahit na kailan."
Muling kumanta si Jeyrick. Bagong kanta na iyon. But it had that same soothing tone. O baka dahil lang sa boses ng binata iyon. Natuto na siyang matakot mag-isa mula noon. Nobody would comfort her. Nobody would sing her a song to make her feel better. Until now.
Pumalakpak siya pagkatapos. Wala na siyang pakialam kahit malakas pa ang ulan sa labas, nagsasalimbayan ang kulog at zero visibility. Jeyrick made her feel safe and protected. Sapat na ang awit nito para mawala ang takot niya.
"Ituro mo sa akin iyan at gusto ko ring matuto ng ibang Igorot songs."
Wala silang pakialam ni Jeyrick sa malakas na buhos ng ulan o sa dagundong ng kulog at matalim na kidlat. They were in their own world.
Nakalimutan na ni Paloma na takot siya sa kidlat.
GABI na nang makarating sila sa Kadaclan. Di na nakita ni Paloma ang rice terraces. Madilim na ang paligid at naging mabagal ang huling bahagi ng paglalakbay nila.
Nanginginig na siya sa lamig. Basang-basa ang damit niya sa kabila ng tabing nilang tarpaulin ni Jeyrick pero hindi niya iniinda. Masaya kasi siya na kasama ito. Naramdaman na lang niya ang sakit ng katawan nang makababa na sila ng jeep. Nanginginig na rin sila sa gutom.
"Nasa Pilipinas pa ba tayo?" naliliyong tanong ni Jimarah.
"Di ka naman lumipad ng eroplano. Naka-jeep ka lang naman," kontra ni Rjan.
"I am not sure. Puro ulap ang nakita ko kanina. Baka lumilipad na tayo kanina," sabi ng kaibigan.
"Mga bata, kanina pa tayo hinihintay doon. Bilisan na natin ang pag-akyat. Para rin makakain at makapagpahinga na kayo," sabi ni Professor Fe.
"Pagpasensiyahan mo na itong lugar namin. Simple lang kasi dito pero may maayos namang tulugan sa Kadaclan Homestay. Marami kang pang matututunan doon dahil si Sir Jonnie ang local historian namin at may-ari ng homestay," paliwanag ni Jeyrick na hawak ang malaking flashlight.
Madilim ang dinadaanan nila kaya kailangan nilang mag-ingat. May dinaanan silang mga bahayan habang paakyat. Tahimik lang siyang sumunod kay Jeyrick. Kahit sina Rjan at Jimarah ay natigil sa pagbabangayan, animo'y may truce ang mga ito o baka pagod at gutom na rin.
Matapos ang may sampung minuto at halos walang katapusang hagdan ay nakarating din sila sa Kadaclan Homestay. Sinalubong sila ni Sir Jonnie at ng anak nitong si Junior na may-ari ng homestay. Nakapaikot ang mga kuwarto sa open lobby na nagsisilbi ring dining area. May maliit na TV sa ibabaw ng kainan. Nakahilera din ang mga historical books at research tungkol sa mga tribo ng Cordillera sa isang gilid.
"This is interesting. Di ko nakikita sa bookstore at library natin ang ibang mga libro dito," sabi ni Paloma nang haplusin ng daliri ang spine ng mga libro. "Pwede po bang humiram ng libro tungkol sa Kadaclan?"
"Mamaya na iyan. Kumain muna kayo dito," sabi ni Sir Jonnie.
"Aba! Espesyal ang bisita natin. Etag pa ang ihinanda ninyo," sabi ni Jeyrick.
"Ito ang traditional na pagkain ng mga Igorot. Inasinang baboy tapos pinausukan. Pwede itong sahugan ng gulay. Walang ibang pampalasa dahil malasa na mismo ang karne. Sigurado na magugustuhan ninyo iyan," sabi ni Manong Junior.
"Naku! Bawal ito sa nagda-diet," sabi ni Rjan.
"Hindi ako nagda-diet," excited na sabi ni Paloma. Pagkakataon na niyang matikman ang ganoong putahe dahil wala ang Tita Bevz niya para kontrahin siya.
Si Jeyrick pa mismo ang naglagay ng ulam sa plato niya. "Kain ng kain."
"Lagay ka nang lagay sa plato ko tapos ikaw itong wala pang pagkain," puna niya.
"Siyempre. Ikaw itong kakapiranggot lang kumain. Matutuwa ako kapag nakita kong naubos ang laman ng plato mo," paliwanag ng lalaki. Parang baby sitter niya ito pero okay sa kanya. Masaya siya na inaalala siya nito.
"Diet si Jimarah. Sa akin na lang ang parte niya sa etag," kantiyaw ni Rjan.
)